FIRST SEMESTRE: First Day of Class:
EKSAKTONG dalawang linggo ang nakalipas at nagbukas na ang klase sa SJU. Ang Lolo niya ay nakabalik na mula sa dalawang linggong seminar nito sa Hong Kong. Habang ang Tita Hilde at Daddy niya ay nagpasabing mag-e-extend pa ng one week sa bakasyon ng mga ito sa Paris.
Dahil doon ay nagkaroon siya ng chance para masolo ng husto si Louise dahil siya ang naging kasa-kasama nito sa paglalakad at pag-aayos nito ng lahat ng kailangan nito sa pag-aaral. Mula sa pagbili nito ng libro hanggang sa pagpapatahi ng uniform na lihim naman niyang ikinatuwa.
Hindi niya maunawaan ang kakaibang damdaming mayroon siya para sa kanyang stepsister. Basta ang alam lang niya gusto niyang maging maayos ang lahat para dito. At willing siyang paghirapan ang lahat para sa dalaga.
Naging maayos naman ang pagbili niya sa kotseng ini-refer sa kanya ni Mang Lito. Nabanggit narin naman niya iyon sa Daddy at Lolo niya at wala namang naging problema sa panig ng mga ito. Sa ngayon ay ang paghahanap ng mahusay na magko-customized ng kotse ang hinahanap niya.
Dahil iyon ang unang araw ni Louise sa SJU ay gusto niyang tiyaking magiging maayos ang lahat sa dalaga. Kung kailangang bakuran kita gagawin ko, maging safe ka lang. Naisip niya nang nasa byahe na sila ng dalaga papasok ng eskwela.
"Mamayang uwian sabay tayo ah? Magkita nalang tayo sa library, kapag ganitong may pasok kasi palaging kasama ni Lolo si Mang Lito."
"Okay lang ako, pwede akong mag-commute pauwi" si Louise na nginitian siya.
"Tsk, gusto ko lang makatiyak na okay ka" giit niya saka sandaling sinulyapan ang dalagang nahuli niyang umikot ang mga mata. "natutuwa ako sa mannerism mong iyan alam mo ba? Too cute!" pagsasabi niya ng totoo saka muling sinulyapan si Louise para lang makita ang pamumula ng mukha nito. Lalong lumuwang ang pagkakangiti niya dahil doon.
NAPAKAGAT labi si Louise sa narinig. Kahit ano yata ang sabihin ng binata apektado siya. Sa parking lot pinagbuksan siya nito ng pintuan ng kotse. Kabababa lang niya nang lapitan si Raphael nang isang magandang babaeng humalik pa sa mga labi nito.
Hindi niya maitatangging may kurot sa dibdib niya ang nakita. Parang gusto niyang umalis nalang pero mabuti at nakapagpigil siya. Alam niyang kung sakali ay siya rin ang mapapahiya.
"Nagpalit ka ba ng number? Bakit hindi kita matawagan?" anitong naglalambing pang ikinawit ang isang kamay sa leeg ni Raphael.
Girlfriend ba niya ang babaeng ito? Bakit wala siyang naikwento sakin? Saka, paano niya ako nagawang halikan kung may girlfriend pala siya?
Hindi niya tiyak kung may karapatan ba siyang maghimutok gayong naipaliwanag naman ni Raphael ang lahat ng dahilan kung bakit siya nito hinalikan. O naghahanap lang siya ng dahilan para mainis siya sa binata dahil nagseselos siya?
Mabilis iyong itinanggi ng isip niya. Bitter siguro pwede pa kasi crush nga niya ang binata. Pero ayaw niyang isiping nagseselos siya dahil sa loob ng ilang linggo ay nasanay siyang nasa kanya ang lahat ng atensyon nito.
Noon inilayo ni Raphael ang sarili sa babae saka siya tinabihan. "Yeah, anyway we gotta run. Baka ma-late si Louise sa first subject niya" kitang-kita niyang nagliyab ang galit sa mga mata ng babae.
"Who is she? Your latest?" mataas ang tinig na tanong-sagot ng babae.
Tiningala niya si Raphael. Noon niya nakita ang magkakasunod na pag-iling ng binata.
"I-I'm L-Louise his stepsister" ang mahinahon niyang sabi sa babaeng masama parin ang tingin sa kanya.
"Sige na Jane, wala na akong oras. Kailangan ko pang ihatid si Louise sa classroom niya" ang binatang hinila ang kamay niya saka tuluyang iniwan ang babae.
"Ex mo? Maganda ah!" pinilit niyang magkunwaring hindi siya apektado.
Nakangiti siyang sinulyapan ng binata saka inakbayan. "Selos ba iyon nakaringgan ko sa boses mo?"
"Hoy hindi ah! Kahit kailan talaga assuming ka!" hindi siya makapaniwalang naramdaman iyon ng binata sa tono ng boses niya.
"Madali namang mag-deny eh, anyway yeah ex-girlfriend ko siya, si Jane. Fine Arts ang course niya, third year" pabiro nitong sabi.
"So sinungaling ako?" ganting biro niya.
"I mean, nararamdaman ko ang totoo" anitong nagtaas-baba pa ang mga kilay pagkatapos.
"What?"
Tumawa ng mahina ang binata. "You know, mas kapani-paniwala kasi ang nararamdaman kaysa sinasabi at nakikita" lihim niya iyong sinang-ayunan."sige na mamayang lunch magkita tayo, sabay na tayong kumain. I'll give you a call okay?" nang nasa tapat na sila ng classroom niya.
"Yeah, thanks by the way" inihatid muna niya ng tanaw ang papalayong bulto ni Raphael bago tuluyang pumasok sa loob ng silid. Pilit niyang iwinawala ang kakaibang kaba na nasa dibdib niya bunga ng matalim na titig sa kanya kanina ni Jane.
MAKALIPAS ang isang linggo, dahil malaking eskwelahan rin ang pinagtapusan niya sa Maynila, hindi nahirapan si Louise na mag-adjust sa SJU. Ang problema ay dala-dala parin niya ang kahinaan niya pagdating sa Mathematics.
"Oh, bakit nakasimangot ka?" ang tanong sa kanya ng kaibigan at seatmate niyang si Josh.
Nagbuntong-hininga siya saka ipinakita rito ang dahilan ng pagkalukot ng kanyang mukha. "First test tapos tres?" ang tinutukoy niya ay ang score niya sa long test nila sa College Algebra.
Tumawa ang kaibigan niya. "Ano ka ba hindi naman bagsak iyan ah! Pwede mo namang bawiin iyan sa susunod di ba?"
"Hay, ewan ko ba kung bakit hindi ako nabiyayaan ng galing sa Math, kahit konti lang" himutok niya.
"Magaling ka naman sa ibang subjects, saka isa pa hindi lang naman ikaw ang hirap" hindi niya tiyak kung likas lang talagang mabait ang dalaga pero sa loob ng isang linggo ay mabilis niya itong nakagaanan ng loob.
Kagaya niya ay solong anak rin si Josh. Engineer sa UAE ang ama nito at plain housewife naman ang ina nito kaya masasabi niyang hindi hirap sa buhay ang dalaga.
"Bakit kasi hindi ako naging katulad ni Raphael, kumakain ng numbers" aniyang napangiti sa pagkakaisip sa binata.
Nanunukso ang ngiti at tingin ni Josh nang titigan niya ito. "Oo nga ano? Alam mo magpaturo ka sa kanya!" ang tinig ni Josh ay bahagyang nahaluan ng kilig.
Nag-init ang mukha niya. "Ay! Ayoko nga, nakakahiya!" tanggi niya. Mabuti nalang at silang dalawa nalang sa classroom na iyon kaya walang nakarinig sa usapan nila.
Biglang lumapad ang pagkakangiti ni Josh. "Umamin ka, crush mo ang stepbrother mo ano?"
"Hindi ah!"
Nagkibit-balikat si Josh at halatang hindi naniniwala sa sinabi niya. "Eh bakit ayaw mong magpaturo sa kanya? Kasi naiilang ka?"
"Hindi ko siya crush. Magkapatid kami" giit niya.
"Hindi kayo magkadugo, at isa pa hindi ka legally adopted" totoo naman iyon kaya hindi na siya nakapagsalita. "kung ako ang tatanungin bagay kayo. At sa nakikita ko mukhang attracted din siya sayo. Kita mo hanggang ngayon single siya, kasi balita dito sa SJU sa kanilang apat siya ang pinaka-babaero. Pinagsasabay niya ang mga babae, minsan dalawa minsan tatlo."
Nagsalubong ang mga kilay niya. Ang alam niya babaero si Raphael, pero hindi niya alam na pinagsasabay-sabay nito ang mga babae. "P-Paano mo nalaman?"
"Di ba iyong pinsan ko Lead Guitarist ng SJU Rock Band? Kaya kilalang-kilala niya si Raphael pagdating sa kalokohan nito sa mga babae" si Fritz ang tinutukoy ni Josh.
Tumango siya, noon naman niya narinig ang tunog ng kanyang cellphone. Si Raphael ang nagtext, pinapapunta siya ng binata sa Music Room. "S-Sige tutuloy na ako, nagtext na si Raphael" aniyang ibinalik sa loob ng kanyang bag ang cellphone.
Makahulugan ang ngiting pumunit sa mga labi ni Josh. "Ang sabi ni Kuya Fritz wala daw dine-date ngayon si Raphael. Di kaya dahil sayo?"
Hindi niya napigilan ang matawa. "Tumigil ka nga diyan!".
"Go, baka mainip pa si stepbrother, sabagay never kang iiwan nun. Halata nga ang ginagawang pambabakod sayo eh, kaya isang araw huwag ka ng magtaka kapag binigyan ka niya ng bouquet of roses, pero para sa akin parang mas sweet iyong isang tangkay lang. Parang ang ibig sabihin eh, ikaw lang ang nag-iisang babae sa buhay at puso ko" bulalas ulit ni Josh saka nag-e-emote pang inilagay ang dalawang kamay sa tapat ng dibdib nito.
Naiiling habang nakangiti niyang pinihit ang knob. "Malabo iyon, ayaw ni Raphael ng roses" nang maalala ang sinabi sa kanya ng binata noong bakasyon. "I'll see you tomorrow, ingat" paalam niya bago tuluyang lumabas ng silid.