Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 81 - KABANATA 10

Chapter 81 - KABANATA 10

BUMABA siya sa komedor kinabukasan para mag-agahan pero walang nakahaing pagkain. Sinipat niya ang suot na wristwatch, past seven palang. Paglabas niya ng komedor ay parating naman si Manang Doray dala ang isang tray. Magtatanong sana siya pero naunahan na siya nito.

"Nasa garden ang almusal, hinihintay kana doon ni Raphael, hija" pagbibigay alam nito sa kanya ng nakangiti.

Binayo ng kaba ang kanyang dibdib sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. At dahil sandaling nawala sa sarili hindi niya napansing pinagmamasdan siya ng matanda . Nagitla pa siya nang magsalita ito.

"Nakita kong lumaki ang batang iyan hija, nang mamatay kasi ang ina niya kasama ako ng Lola niya sa mga nag-aruga sa kanya. Oo nga, babaero siya, pero ang totoo kahit minsan wala siyang iniakyat na babae dito sa mansyon. Ngayon ko lang din nakita sa mga mata niya ang kakaibang kislap na kahit minsan ay hindi ko pa nakita sa kanya noon" kung ang tono ng boses ni Manang Doray ang gagawing basehan, ramdam niya ang napakalalim na pagmamahal nito para kay Raphael.Siguro nga napakabuting tao ng binata, dahil sa nakikita niya mukhang maging kay Mang Lito ay malapit ito. Bagay na kung minsan ay wala ang ibang ipinanganak at lumaking mayayaman.

"A-Ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Pakiramdaman mo hija, kung ako ang tatanungin hindi naman masama" anito. "sige, marami pa akong gawain, pumaroon kana, baka malipasan pa kayo ng gutom" pagkasabi'y iniwan na siya ng matanda.

Nagkibit siya ng balikat saka tinungo ang garden, doon ay matamis siyang nginitian ni Raphael. Tumayo ito saka siya inalalayan sa kanyang pag-upo. Hindi siya tumanggi nang simulan siyang asikasuhin ng binata, nang mga sandaling iyon ay hindi niya maiwasan ang pakatitigan ito kahit wala namang nagbago sa napakagwapo at dominante nitong mukha. Para kasing naririnig parin niya ang lahat ng sinabi ni Manang Doray.

"O hayan, kumain kana" ang binata matapos lagyan ng kape ang tasa niya.

Tumango siya saka ngumiti. "B-Bakit dito tayo nag-agahan?"

"Bakit hindi mo ba nagustuhan?" nangingislap ang mga mata nitong tanong sa kanya.

Para siyang nahipnotismohan sa ganda ng ngiting iyon ng binata. Maging ang kislap ng mga mata nito, pero dahil wala siyang lakas ng loob para salubungin ang mga iyon ay minabuti niyang titigan nalang ang kanyang plato.

"H-Hindi naman, nagulat lang ako."

Tumawa ng mahina si Raphael. "Ang tagal ko kayang pinag-isipan ito."

Napa-angat siya ng ulo sa narinig. Ang kilig na nanuot sa puso niya ay sinubukan niyang kontrolin pero bigo siya.

"Pinag-isipan mo ito? B-Bakit?"

"Eh kasi ito ang unang breakfast natin na tayong dalawa lang dito sa mansyon. Gusto ko lang maging special" parang nahihiya pang ngumiti sa kanya ang binata.

Nag-init ang mukha niya sa narinig. "Bolero!" aniyang nangingiting inirapan ang kaharap.

"Hindi ko maiwasang isipin, ang sarap sigurong tumira sa ganitong bahay kasama ka. Iyong tayong dalawa lang, sabay tayong mag-a-almusal, tapos papasok ako sa trabaho, then uuwi ako na mukha mo ang makikita ko. Naiisip ko palang tanggal na ang pagod ko" ang boses ng binata kasama ng lahat ng salitang sinabi nito humaplos ng husto sa kanyang puso kaya hindi niya napigilan ang mapangiti kasabay ng muling pagtahip ng kanyang dibdib.

Matagal niyang tinitigan si Raphael. Tinatantiya kung seryoso ba ito sa sinabi. Pero hindi niya kayang basahin ang binata. Magsasalita sana siya pero napigil iyon nang sa likuran ni Raphael ay matanawan niya si Mang Lito. Pasimple niyang inginuso sa binata ang matanda kaya nilingon ito ng kasama.

"Mang Lito, kain po" alok nito sa matanda.

Tumango ang matanda saka siya nginitian. "May sasabihin sana ako sayo, pero mukhang nakakaistorbo ako, mamaya nalang" tukso nito kay Raphael.

"Okay lang Mang Lito, ano ho ba iyon?" si Raphael na itinuro ang isang bakanteng silya sa matanda, umupo ito.

"Baka gusto mong bumili ng classic car?" simula ng matanda.

"Classic car?" si Raphael na mukhang interesado sa narinig dahil ibinaba pa nito ang tasa ng kape na hawak nito.

Tumango ang matanda. "Ang sabi nung kapitbahay ko magma-migrate na raw ang may-ari sa Amerika. Sa pagkakaalam ko isang 1950's model ng Ferrari."

Nang mag-angat siya ng tingin nakita niyang nakatingin sa kanya ang binata. "Sige Mang Lito, pwede kaya nating puntahan mamaya para makita?" hindi parin iniaalis sa kanya ni Raphael ang tingin nito kaya muli siyang nagbaba ng tingin.

"Oo naman, mga anong oras ba?"

Kinuha ni Raphael ang table napkin. Para siyang naparalisa nang idinampi ng binata ang hawak sa gilid ng kanyang labi. "Catsup" anito sa mahinang tinig kaya na-iinit ang mukha siyang yumuko"sa tingin mo Lovely Hair, pwede ka ba after natin dito?"

Nasorpresa siya. "K-Kasama a-ako?"

Tumango-tango ng nakangiti si Raphael. "Siyempre, importante ang opinion mo sa akin, lalo na sa ganitong mga bagay. Hindi ba Mang Lito?" pagkuwang ay hinarap ang matanda.

"Oo naman, paano ihahanda ko na ang sasakyan? Maraming salamat hijo" dugtong ng matanda.

Tumawa doon ang binata. "Ako nga ho ang dapat magpasalamat Mang Lito, at least hindi ko na iisipin ang bridal car namin ng bride ko four to five years from now. Hindi ba Lovely Hair?" baling nito sa kanya sabay kindat.

Muli nanaman niyang naramdaman ang mabilis na pag-iinit ng mukha niya. "H-Ha? Ah, oo naman!" tila wala sa sarili niyang sagot.

"Thanks" nang makaalis ang matanda at makapag-sarilinan silang muli ni Raphael.

"For what?" taka niyang tanong.

Ngiting-ngiting muling humigop ng kape nito ang binata. "For being supportive, ngayon palang alam ko nang magiging mabuting misis ka balang araw!"

Nagugulumihanan man ay hindi niya napigilan ang matawa ng mahina. "Ano bang pinagsasasabi mo? At saka sure ka bibilhin mo talaga iyon?"

"Yup! At gaya nalang sinabi ko kanina, importante lahat sa akin ang idea mo" makahulugan nitong sabi.

Umikot ang mga mata niya. "Talaga lang ha! At bakit naman?"

Ngumisi sa tanong na iyon ang binata. "Masyado pang maaga, baka mabigla ka eh"anito.

"Bakit naman ako mabibigla?"

"Eh hindi ba wala ka pang karanasan! Kailangan sayo dinadahan-dahan! Kaya ganoon ang ginagawa ko sayo!" nangingiting sagot ni Raphael.

Marahas siyang napasinghap. "Hoy ang boses mo! Baka may makarinig sayo kung ano pa ang isipin. At saka ano bang sinasabi mong dinadahan-dahan eh nakailang score kana nga sakin ah!" huli na para bawiin iyon dahil nakita na niyang kumislap ang matinding tuwa sa mga mata ng binata.

Noon natatawang hinawakan ng binata ang isa niyang kamay. "Para sabihin ko sayo, may dahilan ang lahat ng iyon. At hindi ko ginawa para maka-score lang sayo" anitong hinaplos-haplos ang kamay niya pagkuwan.

Unti-unti ang naging pagbilis ng tahip ng kanyang dibdib. Dahil iyon sa matinding kuryenteng nililikha ng mainit na palad ni Raphael na patuloy sa paghaplos sa kanyang kamay. Nang hindi makatiis binawi niya iyon nagtaka siya nang makita ang aliwalas ng mukha ng binata dahil sa ganda ng ngiti nito.

"B-Bakit ganyan ang ngiti mo?" medyo mataray niyang tanong.

Nangalumbaba ang binata. "Bakit mo binawi ang kamay mo? Hulaan ko, nakukuryente ka ano?" amuse nitong tanong.

Lihim siyang nagulat sa sinabing iyon ni Raphael. "H-Hindi ah!" tanggi niya. "kasi naman baka may makakita baka kung ano pa ang isipin!" naisip niyang idahilan.

Hindi kumbinsidong tingin ang ipinukol nito sa kanya. "Huwag mo ng i-deny, kasi iyon din ang nararamdaman ko. Lalo nung…" hindi na nito itinuloy ang gustong sabihin at sa halip ay iminuwestra nalang sa pamamagitan ng pag-nguso.

"Bastos!" kahit ang totoo ay gusto niyang bumungisngis sa kilig. Maldito ka talagang lalake ka! Ang may kaharutan pang sigaw ng isipan niya.

"Hindi bastos iyon" ang binata na lalong lumuwang ang pagkakangiti. Kaya ba niyang basahin ang isip ko? "attraction ang tawag doon." anito.

"Heh! Ewan ko sayo, ang dami mong alam sabihin" aniya saka tumayo na pagkuwan.

"Hihintayin kita sa garahe Lovely Hair" pahabol ng binata.

Hindi niya ito nilingon sa kagustuhang itago ang kinikilig na ngiting kanina pa niya pinipigilan. Kung attraction ang dahilan kaya siya nakukuryente sa simpleng pagdidikit lang ng mga balat nila, ibig sabihin? Oh well inamin naman ni Raphael sa kanya na ganoon rin ang nararamdaman nito. Sa isiping iyon ay napakagat-labi siya.

Attracted siya sa akin? Naisip niya para lang pamulahan ng mukha.