KAHIT sabihing napakaganda nito, at napakahusay sa kama. Wala siyang makapa sa dibdib niya na kahit anong espesyal na damdamin. Bukod pa sa inip na inip narin siya sa relasyon nilang halos dalawang buwan narin. Ang pinakamatagal na pakikipag-steady niya sa isang babae.
"I swear hindi kita titigilan! Tandaan mo iyan!" banta nito sa kanya.
"Magsasayang ka lang ng panahon mo" aniyang pumasok sa loob ng kotse saka iyon pinatakbo palayo.
Habang daan sandali niyang sinulyapan ang suot na relo. Malapit na palang magpananghali, minabuting bilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan. Alam niyang hapon ang dating ng katipan ng Daddy niya kasama ang anak nito.
Hindi pa niya nakitang sobrang saya ang Daddy niya maliban nitong nakalipas na dalawang taon. Hindi naman kasi inilihim sa kanyang ni Ralph ang pakikipagmabutihan nito sa ayon rito ay babaeng una nitong minahal. Napangiti siya. Well at least ang Daddy niya naranasan ang magmahal ng totoo maliban sa babaeng pinakasalan nito ang kanyang yumaong inang si Shirlie.
Ako kaya, kailan ako mai-in love?
Naitanong niya sa sarili saka nailing na natatawang ini-on ang stereo. Bumungad sa kanya ang kantang Love Of A Lifetime ng Firehouse.
Being Raphael Dela Merced III has privileges. Labas na doon ang usapang pera at kapangyarihan, pati narin impluwensya dahil bilang apo ng isa sa apat na founder ng St. Joseph University ay hindi na nakapagtataka iyon.
Pero sa lahat ng benefits, pinakapaborito niya ang naggagandahang babaeng nagkakandarapa at nahuhumaling sa kaniya. Mga babaeng kulang nalang ay magsipaghubad sa harapan niya mapansin lang niya. Iyon ang dahilan kung bakit minsan man sa buhay niya ay hindi niya naranasan ang manligaw.
Si Raphael Dela Merced Sr. o Paeng, ang kanyang lolo ang kasaluyang nakaupong Presidente ng SJU. Ang Daddy niyang si Ralph ay isa namang matagumpay na fastfood franchiser. Isa rin ito sa mga nakaupong board ng SJU. Katulong rin ito ng Lolo niya sa pagpapalakad ng kanilang fish farm kasama narin ang kanilang tubuhan at maisan.
At kamakailan lang pinasok narin ng Daddy niya ang real estate, pag-aari nito ang Mercedes Condominium na may tatlumpu't limang palapag. Ang penthouse nito ang iniregalo sa kanya ni Ralph sa nakalipas niyang twenty-first birthday. Pero dahil siguro sa mansyon siya lumaki at nagkaisip, mas pinipili parin niyang doon mag-stay.
Kumuha nalang siya ng regular na magme-maintain sa penthouse. Maliban kasi nang unang beses niyang silipin iyon kinabukasan matapos ang kanyang birthday, hindi na niya ito muling napuntahan. Hindi sa hindi niya gusto, infact gustong-gusto niya ito. Bawat detalye ng penthouse ay pasok sa kanyang taste. Pero pakiramdam kasi niya may tamang panahon para doon.
Noon tumunog ang kanyang cellphone. Mula sa passengers seat inabot niya iyon saka binasa ang mensaheng galing kay Dr. Cahilig, ang kanyang Psychiatrist. Nag-reply siya saka ibinalik sa upuan ang cellphone at ipinagpatuloy ang pagmamaneho.
Sampung taon siya nang mamatay sa sakit na Liver Cirrhosis o cancer of the liver ang Lola niyang si Pilar. Pero bago iyon, hindi niya inakalang ganoon na kalala ang sakit nito. Basta nasanay lang siyang tuwing sasapit ang huling linggo ng buwan ay umaalis ng bahay ang matanda.
Bukod pa roon ay mukha naman itong okay at tuwing magkikita sila ay palagi itong nakangiti. Very close siya rito, dahil ang tumayong ina sa kanya mula nang magkaisip siya. Wala pa kasi siyang isang taon nang mamatay sa car accident ang ina niyang si Shirlie.
Sa pribadong ospital ng Mercedes na pag-aari ng pamilya ng Lola niya dinadala si Pilar. Kaya nakakapasok siya roon kapag sinusundo nila ito. Isang linggo itong mananatili roon para sa diumano'y treatment na sinasabi ng Daddy at Lolo niya. Na sa kalaunan, habang nagkakaisip siya ay napag-alaman niyang chemotherapy pala.
Pero iba ang Sunday na iyon sa lahat dahil iyon ang pinakamasakit. Ang natatandaan niya nagtatakbo siya at umakmang papasok sa emergency room. Pero natigilan siya nang mula sa awang ng pinto nakita niyang ginagamitan ng defibrillator si Pilar. Isa iyong aparato na ginagamit para ibalik ang heartbeat ng isang pasyente.
Makalipas ang ilang sandali narinig niyang idineklarang patay na ang matanda. Saka na tinakpan ng puting kumot ng isang nurse ang mukha ng nag-iisang babae sa buhay niya. Hindi na niya tanda ang sumunod na nangyari dahil nilamon na ng kadiliman ang kanyang paligid. Nagising siya pagkatapos na nasa isang pribadong silid sa ospital ring iyon. Si Ralph ang nagisingan niya.
Nagdulot iyon ng matinding trauma sa kanya. Isang taon rin siyang hindi nakapagsalita dahil sa nangyari kaya ipinadala siya ni Ralph sa isang psychiatrist. Gumaling naman siya at namuhay muli ng normal kaya inisip nilang lahat na okay na siya. Until one day, kinailangan niyang magpacheck-up. Nasa bukana palang sila ng ospital nakaramdam na siya ng matinding takot.
Nahirapan siyang huminga at bumilis ang tibok ng kanyang puso. Nakaramdam siya ng sakit na hindi pa niya naramdaman kailanman. At nang tingnan siya ng doctor napag-alaman nilang signs pala iyon ng Nosocomephobe o hospital phobia. Dahil sa isip niya ang lahat ng dinadala sa ospital ay namamatay.
Ngayon iniiwasan nalang niyang pumunta sa ospital para hindi umatake ang sakit niya. Alam kasi niyang oras na tangkain niya hindi na siya lalabas ng buhay doon. Mga doctor mismo ng SJMC ang nagtutungo sa bahay nila tuwing kailangan niya ng check-up o di kaya'y nagkakasakit siya.
Lahat naman kasi ng manggagamot sa SJMC ay alam ang kundisyon niya. Pero dahil alam niyang hindi pwedeng ganoon siya habang-buhay, patuloy parin ng pagpapagamot niya na kung tawagin ay mind conditioning. Gagaling siya naniniwala siya doon, dahil katulad ng sinasabi sa kanya ng kanyang doctor, it's all in the mind.
Bukod sa mga kaibigan at kapamilya niya wala ni isa man sa mga babaeng nagdaan sa buhay niya ang nakaalam ng tungkol sa sakit niya. Bakit pa? Alam naman niyang pagtatawanan lang siya ng mga ito, dahil kahit isa sa mga ito alam niya ang totoong dahilan kung bakit siya nilalapitan. Dahil sa pera niya, sa impluwensya ng pamilya niya at sa yaman na nakatakdang manahin niya pagdating ng panahon.
Sa SJU siya ang Lead Vocalist ng SJU Rock Band. Hindi naman against ang Daddy niya ang pagsali niya sa banda, ganoon din ang Lolo niya. Dalawang taon siya nang madiskubre at mahilig siya sa musika. At sa kagustuhang mahasa ng husto ang boses niya isinali siya nang mga ito sa Children's Choir ng St. Joseph Cathedral nang mag-edad siyang pito.
Siyam na taong gulang siya nang hirangin siya Head Chorister ng Children's Choir sa simbahang iyon din mismo. Bago pa iyon ay ang pag-aaral niya ng voice lessons every summer nang nabubuhay pa ang Lola Pilar na siyang kasa-kasama niya gawa ng abala sa trabaho ang Daddy at Lolo niya.
Hindi niya masabi pero malamang isa ang nangyaring iyon sa Lola niya kung bakit ayaw niyang commitment. Ayaw niya ng kahit anong emotional attachment dahil takot siyang masaktan ng husto. Hindi naman kasi dahilan ang pagmamahal para magkaroon ka ng kasiguraduhang hindi na aalis sa tabi mo ang isang tao.
Dahil minsan kung sino pa iyon minamahal mo ng mas higit pa sa sarili mo sila pa ang kinukuha. Sila pa ang umaalis, lalo na kung iyon ang mas makabubuti para sayo o sa kanya. Parang ang Lola niya. Masasabi niyang hanggang ngayon ay hindi parin niya tanggap ang pagkawala nito. Iyon din ang dahilan kung bakit ayaw niya ng roses. Dahil paborito iyon ng Lola niya.