END of the month. Kagaya nang mga nakalipas na, masayang nagtatakbo si Raphael sa lobby ng St. Joseph Medical Center patungo sa emergency room kung saan naroon ang kanyang Lola Pilar. Dahil pag-aari ng pamilya ng Lola niya ang pribadong pagamutang iyon sa bayan ng Mercedes, pinapayagan siyang makapasok doon.
Tuwing huling linggo ng buwan dinadala ang Lola niya sa ospital na para magpagamot. Ang sabi ng Daddy niyang si Ralph at Lolo niyang si Paeng, simple lang ang sakit ng Lola niya at gagaling rin daw ito. Naniniwala siya doon dahil madalas kapag nakikita niya ang Lola niya para namang okay ito at nakangiting tinatanggap ang mga pasalubong niyang rosas para rito.
Noon niya may kasabikang pinagmasdan ang hawak na bulaklak. Red rose, paborito iyon ng Lola niya. Malapit na siya sa silid nang makitang lumabas doon si Ralph.
"P-Papa" anito sa kanyang Lolo.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Daddy, are you crying? Nasaan ang Lola?"
Tiningnan siya ni Ralph saka hinawakan ang kanyang balikat. "A-Anak, l-listen" anitong lumuhod pa paharap sa kanya.
Nakita niyang namuo ang luha sa gilid ng mga mata ni Ralph. Kahit minsan hindi pa niya nakitang umiyak ang ama. At kahit bata pa siya sa edad na sampu, alam niyang may hindi magandang nangyayari. Noon niya tinabig ang kamay ng ama at patakbong tinungo ang pintuan ng emergency room.
Mula sa awang ng pinto ay nakita niya ang Lola niyang nakahiga sa kama. Nang sumigaw ng clear ang doctor nakita niyang inilapat sa dibdib ng Lola niya ang isang aparato kaya umangat kasama ang katawan ng matanda. Ilang beses na inulit-ulit iyon. Sa pagkakaalam niya, ginagamit iyon para ibalik ang heartbeat ng isang pasyente. Nanlamig siya sa isiping iyon saka humigpit ang hawak sa hamba ng pinto.
"R-Raphael, a-anak" basag ang tinig ng ama niya.
Nilingon niya ito, nakita niyang umiiyak. Ang Lolo niya, ganoon rin, ang kaba niya, nauwi na sa takot.
"Time of death 10:15 AM" ang narinig niyang iyon ay tama lang para mabitiwan ang hawak na bulaklak.
Parang itinulos na kandila siyang nanatiling nakatayo roon. Nakatitig sa mukha ng Lola niya, maputla na sa kalaunan ay tinakpan rin ng puting kumot ng isang nurse. Nagtaas-baba ang dibdib niya saka pinakawalan ang kanina pa pinipigilang luha. Ang alam niya gagaling ang Lola niya, ang sinabi nila sa kanya wala lang ang sakit nito.
Pinaniwalaan niya iyon, pero bakit ganito? Bakit namatay ang Lola niya? Hindi ba ito kayang gamutin ng mga doktor? Ang mga katanungang iyon ang naglalaro sa isipan niya bago nilamon ng kadiliman ang kanyang paligid at tuluyang bumagsak sa sahig.
NINE YEARS LATER...
BAHAGYA pang napakislot si Raphael nang kalabitin siya ng katabing piyanista. Nilingon niya ito saka sandaling inialis ang paningin sa dalagitang sa tingin niya'y nasa pagitan ng trese hanggang katorse ang edad. Nakatayo ito sa may pintuan ng simbahan. Pinagtawanan niya ang sarili, iyon ang unang pagkakataon na natawag ng ganoon kabata ang pansin niya.
Pero hindi maitatangging matangkad ito, at talagang napakaganda. Bagay na bagay rito ang suot nitong golden yellow na pang-abay dahil lalong tumingkad ang angkin nitong kaputian. Pero dahil hindi niya prefer ang ganito kabata, minabuti niyang alisin na sa dalagita ang pansin niya at sa halip ay ituon nalang sa ginawa.
Kaibigan ng Daddy niya ang groom ng kasalang iyon. Noon sandaling hinanap ng paningin niya si Ralph na namataan niyang kausap ang isang magandang babaeng mukhang hindi nalalayo ang edad rito. Ilang sandali pa ay inumpisahan na ang seremonya.
At siya bilang wedding singer na most requested pa ng mga ikinakasal ay sinimulan ng awitin ang pinakapaborito niyang kanta sa song list ng ikinakasal.
Ang Beautiful In White ng Westlife.
Nang mga sandaling iyon pakiramdam niya nasa ibang panahon siya. Sa unahan ng altar siya nakatayo habang nakangiting pinagmamasdan ang magandang paglakad palapit sa kanya ng isang babaeng napakaganda ng ngiti.
Bagay na bagay rito ang suot na white dress na lalong nagpatingkad sa angkin nitong kagandahan. Ang babaeng iyon ay walang iba kundi ang dalagitang umagaw ng atensyon niya kanina at ngayon ay naglalakad sa aisle ng simbahan.
Mabilis niyang iwinala iyon sa isipan saka pagkatapos ay ipinagpatuloy ang pagkanta. Sumikdo ang hindi maipaliwanag na damdamin sa kanya nang nakangiting lumingon ang dalagita at humahangang pinanood ang kanyang pagkanta.
And if a daughter is what our future holds, I hope she has your eyes, finds love like you and I did. When she falls in love we'll let her go, and I'll walk her down the aisle, she'll look so beautiful in white…
"HIHINTAYIN kita sa kotse okay?" ang Mama ni Louise na si Hildegarde.
Tumango siya. "Mabilis lang ako Ma, hindi ko na kasi kaya talaga."
Nasa resort parin sila kung saan ginanap ang reception ng kasal ng mga kaibigan ng Mama niya. Isa siya sa mga tumayong abay dahil ninang niya sa binyag. Si Rose, ang bride na childhood bestfriend ng kanyang ina. Hindi naman siya nahirapang hanapin ang banyo. At dahil nga tila sasabog na ang kanyang pantog, mabilis niyang pinihit ang knob saka iyon itinulak pabukas para lang matigilan sa nabungaran.
Parang nagulat ring mabilis na itinigil ng dalawa ang ginagawa. Nanlaki ang mga mata niya sa nakitang ayos ng mga ito. Ang babae, nakilala niyang isa sa mga abay. Nakaupo ito sa mahabang banggerahan ng CR.
Nakansandal sa malaking salamin habang ganado sa pakikipaghalikan sa lalaking hindi niya nakita ang mukha dahil nga nakatalikod at nakayuko pa. Pero napuna niyang naibaba na nito ang suot na dress ng babae dahil bahagya ng nahantad ang kaliwa at punong dibdib nito.
Nanlalamig niyang hinila pasara ang pinto saka sumandal sa dingding at sunod-sunod na huminga. Parang wala siyang lakas na kumilos at pakiramdam niya ay umatras yata ang ihi niya dahil sa nakita. Sa edad niyang fourteen ay hindi pa siya nagkakaboyfriend kaya wala pa siyang alam sa mga bagay na ginagawa ng mag-nobyo.
Napaigtad siya nang marinig na nagbukas ang pinto. Noon lumabas ang babae na walang anuman siyang sinulyapan saka nagtuloy ng naglakad. Kasunod nito ang lalaking noon lang niya ganap na namukhaan. Walang iba kundi ang wedding singer ng kasalan. Ilang sandali niya itong pinagmasdan at kahit hindi niya aminin parang naramdaman niyang biglang bumilis ang tahip ng kanyang dibdib.
Para ngang naririnig pa niya ang maganda nitong boses habang inaawit ang kantang Beautiful In White. Noon wala sa loob siyang napangiti. Talagang maganda ang boses nito, at iyon ang dahilan kung bakit kanina sa simbahan ay hindi niya napigilan ang sariling nakangiti itong lingunin para panoorin. Bukod pa sa katotohanang napakagwapo nito, lalo na ang maiitim nitong mga mata.
Bahagyang tikhim ng kaharap ang tila humila sa kanya pabalik sa kasalukayan.
"I'm sorry sa nakita mo, nakalimutan ko kasing i-lock ang pinto" mukhang totoo naman ang paghingi nito ng paumanhin dahil naramdaman niya iyon.
"Get a room next time" ang tanging naisagot niya saka na hinawakan ang knob ng pinto pero napigil ang pagpasok niya nang muli itong magsalita.
"I'm sorry, really. Hayaan mo magiging responsible na ako next time" ulit nito.
Tiningala niya ang lalaki saka nagkibit ng balikat at tuluyan na itong tinalikuran. Sa isip niya, lahat ba talaga ng gwapo, babaero? Sayang kasi crush pa naman kita. Aniyang pagkuwan ay kinikilig na napangiti.
"GOOD you're home, we have to talk" iyon ang bumungad sa kanya pagpasok nang kabahayan.
Nakita niya si Ralph na pababa ng hagdan. Seryoso ang mukha, at nahuhulaan na niya ang dahilan ng kaseryosohan nito.
"P-Pag-uusapan?" aniya parin.
Tumango ang Daddy niya saka naupo pagkatapos ay sinenyasan siya kaya naupo narin siya sa katapat nitong sofa.
"Ayaw mo bang gumaling ang sakit mo anak?" malumanay na simula ni Ralph. Kahit kailan naman kasi ay hindi pa niya naranasan ang mapagtaasan nito ng boses, ganoon rin naman ng kanyang Lolo.
Hindi niya alam kung strategy iyon ng ama at lolo niya para makaramdam siya ng guilt kapag pinagsasabihin siya ng mga ito sa ganoong tono pero masasabi niyang effective ang style ng mag-ama.
"I told you before, hindi ako baliw" aniya sa mababang tinig.
"Wala namang nagsasabing baliw ka, kailangan mo lang ng mind conditioning para tuluyan ng mawala ang phobia mo. Iyon lang" si Ralph sa nagpapaunawang tinig.
"Tinawagan ba kayo ni Dra. Cahilig?" ang tinutukoy niya ay ang Psychiatrist na nagsasagawa ng mind conditioning sa kanya.
"Yes, nag-aalala siya sayo. Magdadalawang buwan kana palang hindi nagpupunta sa clinic niya. Paano ka gagaling niyan kung ayaw mong makipagtulungan?"
"Hindi ko kailangan ng doctor Dad, siya na nga mismo ang nagsabi na nasa isip ko lang ang lahat. That means kaya kong tulungan ang sarili kong gumaling ng mag-isa. At isa pa, remember what happened to Lola? Hindi siya kinayang gamutin ng mga doctor hindi ba?" sa huling tinuran ay naramdaman nanaman niya ang pamilyar na hinanakit na laging naroroon kapag naiisip niya ang yumaong matanda.
"Kailangan mo ng tutulong sayo, ng isang specialist" parang walang anuman siyang sinabi nang igiit parin iyon ng ama.
Naiiling siyang tumayo. "Bahala na Dad, pero sa ngayon hayaan muna ninyo ako magdecide para sa sarili ko" nasa puno na siya ng hagdan nang muling magsalita si Ralph. Noon napigil ang kanyang mga hakbang.
"Ang lahat ng taong may ganyang sitwasyon sayo isa lang ang ginagawang dahilan, hindi sila baliw. Yes you're not, pero huwag sanang mangyaring pagsisihan mong hindi mo ginawa ang tama kahit nasa iyo na ang lahat ng pagkakataon."
Lukot ang mukha niyang ipinagpatuloy ang pag-akyat.
Ang lahat ng taong may ganyang sitwasyon sayo isa lang ang ginagawang dahilan, hindi sila baliw.
Parang naririnig pa niya ang tinig ng ama. Pero totoo naman iyon kung tutuusin dahil ang totoo iyon naman talaga ang tanging dahilan na mayroon siya. Kaya nahihirapan siyang kumbinsihin ang lahat, dahil hirap silang intindihin ang kalagayan niya.