TWO YEARS LATER….
IYON ang gabi ng JS Prom sa pinapasukang exclusive school for girls sa Maynila ni Louise. Lumabas siya ng gate para mag-abang ng taxi.
Wala talaga sa plano niya ang um-attend, pero dahil iyon narin naman ang huling taon niya sa high school tinanggap niya ang inialok na ka-date sa kanya ni Noime. Hindi sila very close ni Noime pero masasabi niyang mabait naman ito sa kanya.
Ngunit dumating si Noime sa party na hindi kasama ang date niya. Hahabol nalang daw ito dahil may pinuntahan pang birthday party. At para hindi mapahiya pinakiusapan ni Noime ang date nito na isayaw siya.
Pumayag naman si Edward sa pakiusap ni Noime. Pero nagulat siya nang iwan siya nito sa gitna ng dance floor. Ilang beses kasi niyang aksidenteng natapakan ang paa nito habang nagsasayaw sila at iyon ang ikinainis nito. Dinig niya ang mahihinang tawanan ng ilang nakakita sa nangyari kaya siya nagmamadaling umalis.
Umiiyak siyang naglakad. Hindi alintana ang ilang beses na niyang paggewang dahil sa suot na sapatos. Dalawang pulgada lang ang taas niyon pero dahil hindi sanay kaya hirap siya.
Hindi na sana ako pumunta. Hindi na sana ako nag-effort.
Noon lalo siyang napaluha saka napatili nang maramdamang sumabit ang takong ng sapatos niya sa uka ng sementadong sidewalk. Hinubad niya iyon para i-check. Hindi naman nabali ang takong pero minabuti parin niyang maupo sa sidewalk.
At dahil nga sa pakiramdam na aping-api siya, galit na galit niyang dinampot ang pulang sapatos saka iyon ibinato sa kalsada. Iyon naman ang tamang pagtigil ng isang kotseng kaparehong-kapreho ni Bumblebee. Luhaan niya iyong sinulyapan saka nagyuko ng ulo habang yakap ang mga binti.
Bakit wala pang taxi?
At dahil nga nakayuko, hindi na napuna ni Louise na bumaba ang driver ng kotse at naglakad palapit sa kanya. Nagulat pa siya nang magsalita ito. Mabuti nalang at hindi ganoon kaliwanag kaya kahit paano naitago niya ang pagkabigla.
NANG makalampas ay noon itinigil ni Raphael ang minamanehong kotse. Bumaba siya, yumuko, saka pinulot ang nakita niyang ibinato ng kung sino at kamuntik pang tumama sa sasakyan niya.
"High heeled shoe?" salubong ang mga kilay niyang isinatinig saka natigilan nang mamataan ang isang babaeng nakaupo sa kabilang sidewalk.
Nilapitan niya ito. "Miss are you okay?" nang marinig niya ang mahihina nitong hikbi. "I know you heard me, are you okay? Anong pangalan mo?" nang wala siyang marinig na tugon ay muli niyang tanong.
"Bakit mo ba tinatanong ang pangalan ko? Pakakasalan mo ba ako?" singhal nito sa kanya.
Napangiti siya. Sapat na ang liwanag sa kalyeng iyon para mabista niya ng husto ang napakagandang mukha ng kaharap. Lalo na ang mga mata nito. Parang mga batong esmeralda na bagaman luhaan ay makapigil-hininga ang ganda.
Contrast dito ang buhok nitong, itiman at kulot na lampas-balikat ang haba. Mula sa pagkakatitig niya dito ng matagal ay parang nagkakahugis ang mukha nito sa kanyang gunita. Pero dahil hindi rin niya matiyak ay mabilis nalang niya iyong iwinala sa isipan.
"Porke ba hindi ako magaling magdala ng sapatos na may takong?" anitong bakas sa tinig ang hinanakit.
Nakangiti parin siyang naupo sa tabi ng dalagitang sa tingin niya ay nasa pagitan ng sixteen hanggang seventeen ang edad.
"Hindi mo naman kailangan iyon, kasi talagang maganda ka na" pagsasabi niya ng totoo.
Taka siya nitong pinakatitigan. "Sino ka ba?"
Muling umangat ang sulok ng kanyang labi. Pagkatapos ay inabot ang kaliwang paa ng dalagita na walang suot na sapatos. Gusto niyang tiyaking hindi ito nasaktan, dahil kung sakali kailangan niyang humanap ng taong pwedeng magdala rito sa ospital. Sa huling naisip ay malungkot siyang nagbuntong-hininga.
"Bakit mo tinatanong kung sino ako? Pakakasalan mo ba ako?" pabiro at nakangiti niyang nilinga ang dalagita. "masakit ba?"
Bahagya siyang natigilan nang marinig ang mabini nitong tawa.
"O-Okay lang ako kuya, hindi naman ako nasaktan" anitong binawi ang paa nitong hawak niya.
"Alam mo bang ang lahat ng tungkol sayo ay maganda? Kahit hindi ka mag-ayos, you are perfectly beautiful" pagsasabi niya ng totoo.
Nakita niyang namula ang mukha ng dalagita sa sinabi niyang iyon.
"T-Thank you" halos pabulong nitong turan.
"Ang totoong ganda hindi naka-base sa kung gaano kataas ang heels na kaya mong dalhin. Kasi nakikita ito sa ngiti, sa kislap ng mga mata. Ang mga simpleng gestures na iyon kasi ang reflection ng kalooban ng isang tao" aniyang minabuting ipasuot na ang pulang sapatos sa dalagita.
Sandali muna siya nitong tinitigan saka nakangiting nagkibit-balikat.
"Ay, hayan na pala ang taxi" anitong mabilis na tumayo saka pinara ang paparating na sasakyan.
"Salamat nalang ulit" nang tumigil sa tapat nila ang taxi.
Tumayo narin siya. "You take care okay? And I wish to see you again."
"Sana" anitong nangingislap ang mga mata siyang tinalikuran at naglakad patungo sa naghihintay na sasakyan.
Do you have any idea, kung gaano ka ka-graceful maglakad?
Ngumiti siya saka ginantihan ng kaway ang dalagita. Nanatili siyang nakatayo roon habang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan. Muli siyang sumakay sa kanyang kotse nang mawala sa paningin niya ang tinatanaw. Babalik na siya sa tinutuluyang hotel at bukas na tutulak pauwi ng Mercedes.
Galing siya sa dinner na matagal ng nai-set ng Daddy niyang si Ralph. Masayang-masaya siya para sa ama. At ang makita itong in love sa babaeng kagaya ng napili nito ay ang isa sa pinakamagandang regalo na nataggap niya.
Sa kabilang banda, hindi niya maitatangging okupado na ng magandang dalagitang iyon na hindi manlang niya nakuha ang pangalan ang kanyang isipan.
Cinderella.
Saka nailing habang natatawang binuhay ang makina ng sasakyan.
"SO ganoon nalang iyon? Hindi pwede!" ang malakas na tinig ni Jane na ikinalingon ng ibang kumakain rin sa Italian restaurant na iyon.
Napailing si Raphael. "Pwede ba huwag kang sumigaw? Nakakahiya pinagtitinginan tayo ng mga tao!" mariin at inis niyang saway sa dalaga.
��So what kung titigan ako ng lahat! Mag-e-eskandalo ako kung kelan ko gusto! Naiintindihan mo?" anitong mas higit pang nilakasan ang tinig.
Noon niya inis na dinukot ang pitaka saka naglabas ng bills at inilapag iyon sa gilid ng mesa. Pagkatapos ay tumayo at naglakad palayo.
Narinig niya ang patiling pagtawag ni Jane sa kanya pero hindi niya ito nilingon. Masyadong mainit ang ulo niya dahil sa panghihiyang ginawa sa kanya ng dalaga at bukod pa roon ay ang ginawa nito kaya minabuti niyang putulin na ang lahat sa kanila.
"Ano ba! Raphael!" nasa parking lot na siya ng hawakan ni Jane ang kanyang braso na mabilis niyang binawi.
"What!" galit na galit niya itong hinarap.
Ilang sandaling nakipagsukatan muna ng titig sa kanya ang dalaga. Pagkatapos ay walang sabi-sabi nitong kinabig ang kanyang batok saka siya siniil ng mariing halik. Nabigla man, mabilis rin siyang nakabawi kaya agad niyang inilayo ang sarili rito.
"Stop! I said ayoko na, break na tayo!" aniyang binigyang diin ang sinabi.
"Ayoko!Please, Raphael, huwag mong gawin ito. I love you!" pakiusap nito sabay yakap sa kanya.
Inalis niya ang pagkakapulupot ng mga braso ni Jane sa kanya.
"Mahal? Sinasabi mo rin iyan doon sa lalaking nakita kong kahalikan mo kanina sa loob ng sinehan? Alam mo ang pinakaayaw ko sa lahat eh iyong ginagago ako?"
Pagak siyang tinawanan ni Jane. "Wow look who's talking!"
"Lalake ako Jane, babae ka. There is the difference, kung nagawa mong iputan ako sa ulo ngayon, magagawa mo rin iyan, ng paulit-ulit. Kahit ilang beses pa, sa kahit sinong lalake, sa akin nga nagawa mo eh!" aniya saka sinundan ang sinabi ng magkakasunod na iling.
Wala talaga sa plano niya ang manood ng sine. Pero nanaig parin ang tila maliit na boses na bumubulong sa kanyang gawin iyon. At ipinagpapasalamat niyang ginawa niya.