Ngumiti siya. "Oo nga, salamat sa Diyos. Teka, si Bianca kumusta na nga pala siya?"
"Ang sabi ni Tita Ruby isang buwan pa raw ang palilipasin niya ito sa ospital. Alam mo na hindi biro ang operasyong pinagdaanan niya at kailangan parin siyang ma-monitor ng mga doctor."
"Ako kailan ako pwedeng lumabas?"
Ginagap ng binata ang kamay niya saka pinisil. "Siguro mga after two weeks? Just to make sure na okay ka. Anyway okay ang lahat ng lab tests mo pati narin ang CT Scan kaya wala na tayong dapat alalahanin."
"Gusto kong umattend sa burol nung donor ni Bianca" aniya sa nobyo.
Mabait siyang nginitian ng binata. "Nandito kahapon iyong mother niya, dinalaw si Bianca. Ang sabi niya masaya daw siyang kahit wala na ang anak niya mananatiling buhay ang puso nito sa katauhan ni Bianca. Ang kwento pa niya, palagi raw sawi sa pag-ibig ang anak niya. Nang araw na mangyari ang aksidente iyon daw mismo ang araw ng kasal ng anak nito. Pero hindi ito sinipot ng babaeng napili nitong pakasalan. Sa tindi ng sama ng loob ng anak niya, sumakay ito ng kotse at nagmaneho ng mabilis."
Nanlaki ang mga mata ni Careen sa narinig. "A-Aksidente?"
Tumango si Lemuel. "Isang kilometro mula sa pinangyarihan ng aksidente ninyo. Ang sabi ng mga nakakita mayroon din daw isang traysikel na kamuntik na nahagip ang kotseng iyon, mabuti at naiwasan iyon ng driver."
Mataman niyang tinitigan ang binata saka nanlalamig ang mga palad na napalunok. "E-Em, s-sakay ako ng traysikel na iyon, w-what if h-hindi nagawang iwasan ni kuya iyong kotse?" nangilid ang luha niya sa naisip.
Mahigpit siyang niyakap ng nobyo. "Shhh…ang importante buhay ka, at buhay rin si Bianca. At higit sa lahat, magkasama parin tayo.
Ngumiti siya, itinaas ang kamay ni Lemuel na hawak niya at hinalikan. "Kung tutuusin pala second life ko na ito. Masaya lang ako at ikaw parin ang kasama ko" makahulugan niyang sabi.
Noon inilapit ng binata ang mukha nito sa kanya.
"Trust me, sa kabilang buhay tayo parin ang magkakasama" pagkasabi niyon ay saka siya nito hinalikan.
SA huling gabi sa ospital ay totoong nasorpresa si Careen nang dalawin siya ng mag-inang Annabelle at Mia.
"Kumusta ka na?" ang bungad na tanong sa kanya ng tiyahin.
Nag-iinit man ang mga mata ay nagpigil siya. "O-Okay naman po, kayo kumusta ho?"
"Nalaman namin kay Aling Curing ang nangyari sayo, nag-alala kami kaya napasugod kami dito" kitang-kitang niya ang katapatan sa mga mata ng tiyahin at kaya siya tuluyang mapaluha.
"P-Patawarin mo kami hija, umuwi kana sa atin" umiiyak narin si Annabelle na inabot ang kamay niya.
Sinulyapan niya si Mia na alanganing ngumiti dahil sa pagpipigil na maiyak.
"W-Wala naman po kayong dapat na ihingi ng tawad" sa kabila ng lahat totoong malinis at wala kahit kaunting hinanakit siyang nararamdaman para sa tiyahin at pinsan. Siguro dahil naghilom narin ang sugat na idinulot sa kanya ng mga pangyayari.
"Inamin na sa akin ni Mia ang lahat, kung bakit nagawa niya sa iyo ang ganoon" sa tono ng tiyahin ay halatang inihihingi nito ng patawad ang anak.
Ngumiti siya saka nilinga ang pinsan na ngayon ay tahimik ng umiiyak.
"Hindi po ba normal lang sa magkapatid ang nagkakatampuhan? Para sa akin ang nangyaring iyon sa amin ni Mia ay tampuhan lang, dahil kapatid ko siya."
Ang sumunod na nangyari ay hindi na niya namalayan. Natagpuan nalang niya si Mia na umiiyak na nakayakap sa kanya. "I'm sorry Careen."
"Kalimutan na natin iyon. At least okay na ulit tayo, masayang-masaya na ako doon" totoo iyon sa loob niya.
Dahil gaya nga ng sinabi niya kay Lemuel, marupok ang puso niya. Madaling masaktan madali ring ma-in love, at syempre madaling magpatawad. Lalo na kung para sa pamilya.
DAHIL narin sa kagustuhan ni Annabelle ay sa bahay na nito nagtuloy si Careen nang makalabas ng ospital. Kasama siya at maging si Yvette inihatid nila ang nobya niya sa dati nitong tirahan. Habang kumakain sila ng lunch ay noon binuksan ng Mommy niya ang tungkol sa naipangako nitong party para kay Careen.
Bilang paanyaya narin kina Annabelle at Mia. Ang party ay napagkasunduan ng dalawang ginang na ganapin dalawang linggo mula sa araw na iyon. Pagkatapos ng pananghalian ay ipinagpaalam siya ni Lemuel kay Annabelle. Natutuwa siyang makitang magkasundo ang Mommy niya at tiyahin ni Careen. Dinala niya ang dalaga sa burol. Minabuti niyang pasanin ito paakyat sa hindi naman kataasang burol para hindi ito mapagod.
"Ma-mi-miss kita" aniyang hinalikan ang kamay ng nobya.
Matamis na ngumiti ang dalaga. "Ako din, nasanay na kasi akong lagi kang nakakasama kaya siguradong maninibago ako nito" anito. "one of these days, puntahan natin ang puntod ni Tatay?"
Tumango siya saka kinabig si Careen at hinalikan sa noo. "Parang nai-imagine ko na ang magiging mga anak natin. Masaya silang maguunahan sa pagbaba at pag-akyat ng burol na ito. I can't wait for that day."
"Pareho tayo, malayo pa ang tatahakin natin Em, pero alam ko at sigurado akong ang pagmamahal ko sayo kahit ilang beses akong bigyan ng chance na mabuhay, ikaw at ikaw parin talaga" pumuno sa puso niya ang sinabing iyon ng dalaga kaya naman sa katuwaan ay hindi niya naawat ang sariling halikan ito.
"In fairness na miss ko ang halik mo" tukso sa kanya ni Careen nang lubayan niya ang mga labi nito.
Napangiti siya saka wala sa loob na inihiga sa damuhan ang dalaga. "Ako rin na miss ko ang mga labi mo" aniya.
"Teka sandali, totoo ba iyong sinabi mo sa akin noon na hinahalikan mo muna ang isang babae bago mo ibigay ang pangalan mo?"
Amuse niyang hinagod ng tingin ang magandang mukhang ng kasintahan. "Hindi ah! Style ko lang iyon kasi nga gusto kitang halikan!" pagsasabi niya ng totoo.
Tumango-tango si Careen saka kumapit ang kamay sa kanyang batok. "Ganoon ba?"
"Yes, kaya kung okay lang tama na ang kwentuhan okay?" natatawa niyang sabi sa tinig na may halong pagkainip.
Napalabi ang dalaga. "Okay" anito saka siya kinabig para halikan.
Iyon ang unang pagkakataong si Careen ang humalik sa kanya. Siguro iyon rin ang dahilan kung bakit bigla ay parang magic na nakita niya ang isang maliwanag na bukas kasama ito. Dahilang sapat na para tugunin niya ng mas malalim at mas maalab na halik ang babaeng pinakamamahal niya.
****WAKAS****