Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 68 - KABANATA 20

Chapter 68 - KABANATA 20

MIYERKULES ng hapon. Minadali niya ang pagbibihis saka lumabas ng silid. Wala naman siyang gagawin kaya tutulungan nalang niya si Aling Curing sa kusina. "Okay lang ho, para hindi kayo mapagod ng husto" katwiran pa niya nang suwayin siya ng matanda.

Pero ang totoo paraan niya iyon para kahit paano ay malibang mula sa alalahaning pinagdaraanan niya tungkol sa kalagayan ni Bianca.

"Kumusta na nga pala iyong kaibigan mo?" simula ng matanda.

Kinuha niya ang carrot saka sinimulang balatan. "Tinawagan ko po ang Tita Ruby, sabi niya hindi parin nagkakamalay si Bianca" malungkot niyang sagot. "ang totoo, hindi ko po alam kung ano ang dapat kong ipagdasal sa Diyos, kahit naman kasi magising siya kailangan niyang maoperahan agad." nag-init ang mga mata niya pero pinigil niya ang mapaiyak.

"Ipagdasal mo kung ano ang makabubuti para sa kanya" sagot ng matanda.

Noon kumawala ang kanyang mga luha. "Mahirap siyang pakawalan Aling Curing, siya lang ang kaibigan na mayroon ako."

"Kung minsan may mga nangyayaring ayaw man natin wala tayong kontrol. Kahit kasi sinasabi ng iba na tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran, may ibang aspeto sa buhay natin na hindi natin kontrolado" pagkasabi niyon ay iniabot nito sa kanya ang baso ng malamig na tubig.

Nang hindi siya umimik ay muling nagsalita ang matanda. "Nagkausap kami ng Tita mo nung Sabado" agad siyang nahinto sa pagbabalat ng carrot.

"T-Talaga ho?"

Ngumiti sa kanya ang matanda. "Mula kasi nung umalis ka doon, noon ko lang siya nakita. Alam mo naman iyong si Annabelle, parang ikaw, bihira kung lumabas ng bahay."

"A-Ano ho'ng napag-usapan ninyo? Saka kumusta ho sila?" sabik niyang tanong.

"Kinumusta ka niya."

Tipid siyang ngumiti. "Mas paniniwalaan parin naman niya ang anak niya kaysa sa akin Aling Curing."

"Alam mo hija ang pamilya ay mananatiling pamilya anuman ang naging problema" makahulugang turan ng matanda.

"Sa tingin ninyo, magkakaayos pa kami?" nasa tinig niya ang pag-aalangan.

"Oo naman, mahal ka ng Tiyahin mo, sigurado ako doon" may katiyakang turan ng matanda.

Hindi siya umimik. Sa galit na nakita niya sa mukha ng tiyahin nang araw na palayasin siya nito? Sana nga magka-ayos pa sila.

KINABUKASAN ng hapon, pareho silang nasa gazebo ni Lemuel nang matanawan nilang palapit si Yvette. Nakangiti itong lumapit sa kanila saka naupo sa tabi ng binata. Paharap sa kanya.

"Busy kayo?" naitanong nito.

Si Lemuel ang sumagot. "Hindi naman Mom, why?"

Nakangiti siyang hinarap ng ginang.

"Yayayain ko sanang mag-shopping itong si Careen. Okay lang ba hija?"

"Opo Tita, wala pong problema" nakangiti niyang sang-ayon.

"Great, at ako Mom? Hindi ba ako pwedeng sumama kahit taga-bitbit lang ng shopping bag?" ang natatawang tanong ni Lemuel.

Umikot ang magagandang mata ni Yvette. "Bonding namin ito ng future daughter-in-law namin ng Daddy mo. Next time kana sumama, hayaan mo hindi ko pababayaan si Careen" anitong nakatawa pa siyang kinindatan.

"Okay" ani Lemuel na nagkamot nalang ng ulo.

Ginawa lang niyang madali ang pagbibihis. Sa buong oras na magkasama sila, wala talaga siyang makitang pwedeng ipintas sa ugali ni Yvette. para itong tunay na ina sa kanya dahil kasama niya ito sa pamimili ng babagay na dress at sapatos para sa kanya.

Malapit ng magsara ang mall nang matapos sila sa pamimili. Tuwang-tuwa siya dahil bukod sa noon lang niya naranasan ang ganoong klase ng pagsa-shopping. Nakita at naramdaman niyang tanggap siya ng ina ni Lemuel anuman ang estado niya sa buhay. Kabababa lang nila ng kotse nang tumunog ang cellphone ni Yvette.

"Anak, pakidala mo naman ang mga ito sa kwarto namin ng Tito mo" si Yvette na iniabot sa kanya ang ilang paperbag. Tumango siya saka tinanggap ang mga iyon. Pababa na siya ng hagdan nang marinig naman ang tinig ni Lemuel. Nakangiti niyang nilapitan ang binata.

"Nag-enjoy ka ba?" anito saka siya nakangiting niyakap at hinalikan sa noo.

Tumango siya. "Oo, ang dami ko ngang bagong dress saka sapatos eh, binili lahat ng Tita at karamihan siya ang pumili" masaya niyang kwento.

Nangingislap ang mga mata siyang pinakatitigan ng nobyo.

"Really? Siguro kung hindi lang kita mahal baka matakot na akong ipagpalit ako ng Mommy sayo."

Pabiro niyang inirapan ang nobyo. "Pero seriously, salamat. At least naranasan ko ang feeling ng may nanay" nakangiti ngunit madamdamin niyang hayag.

Sandali muna siyang pinagmasdan ng nobyo bago kinabig payakap rito. "From that very moment you entered my heart, ang lahat ng sa akin ay sa iyo narin."

Nag-init ang mga mata niya pero pinigil niya ang mapaluha at sa halip ay gumanti ng mahigpit ring yakap kay Lemuel. Ano pa nga ba ang mahihiling niya kung ganitong may isang lalaking nagmamahal sa kanya ng labis at totoo? Siguro ang maging okay ulit sila ng Tiyahing si Annabelle at pinsang si Mia.

"Halika, may ipapakita ako sa'yo" anitong hinila siya papasok ng silid nito.

Pinaupo muna siya ng binata sa gilid ng kama nito pagkatapos ay may kinuhang plastic tube sa loob ng closet nito.

"Oh, heto" anito pang iniabot sa kanya ang tube.

Takang pinaglipat-lipat niya ang tingin kay Lemuel at sa hawak niya. Habang ang dibdib niya ng mga sandaling iyon mabilis na niragasa ng pinaghalong kaba at excitement.

"A-Ano ito?"

Nakangiting tumabi sa kanya si Lemuel.

"Dali na, gusto kong makita ang reaksyon mo" mas excited pa yata sa kanya ang binata kung ang tono ng boses nito ang gagawing basehan kaya naman minabuti niyang pagbigyan na ito.

Makapal na rolyo ng parchment ang laman ng tube. At dahil nahuhulaan na niya kung ano iyon ay mabilis na umagos ang mainit na likido sa kanyang pisngi.

"Blueprint ng bahay ito ah?" sabay lingon sa nobyo.

Nakangiting tinuyo ng kamay ng binata ang kanyang mukha.

"Oo nga, blueprint ng magiging bahay natin sa itaas ng burol."

"B-Bahay n-natin? A-Ako ititira mo sa ganito kagandang bahay?" hindi makapaniwala niyang tanong saka pinakatitigan ang hawak.

Lumapad ang pagkakangiti ni Lemuel dahil sa tanong niyang iyon.

"Hindi naman nakakapagtaka iyon, kasi mahal kita" anito. "pero kung gusto mo ng assurance teka lang" pagkasabi niyon ay dumukot sa bulsa ng suot nitong kupasing maong ang binata.

"A-Anong?"

"Here, alam ko maaga pa pero mas mainam na iyon hindi ba?" nang buksan ng binata sa harapan niya ang isang maliit na kahon tumambad sa kanya ang isang napakagandang singsing na ang dulo ay batong diyamante.

"A-Ano iyan?" umiiyak nanaman niyang tanong.

Ngiting-ngiting kinurot ng binata ang tungki ng kanyang ilong. "Ano pa edi engagement ring!"

Noon siya impit na napahagulhol. "Oo nga, alam ko!" iyak niya habang sa puso niya ay ang tuwang wala na yatang mapagsidlan.

Noon siya inabot ng binata saka niyakap.

"Alam ko wrong timing ako kasi sa kundisyon ni Bianca. Pero kung okay lang, kasi parang ayoko ng maghintay ng matagal. Gusto ko ng ibigay ito sa'yo, kaya sana kung gusto mo, okay lang ba kung ako ang maging mister mo four to five years from now?" nang pakawalan siya ng binata.

Kusang umangat ang dalawang kamay niya saka masuyong humaplos sa pisngi ng binata.

"Oo naman, mahal na mahal kita. Kaya wala akong makitang dahilan para tanggihan ka" nag-iinit ang mga mata niyang sagot pero nagpigil siyang mapaluha.

Sa tinuran niyang iyon ay tila nagmamadaling isinuot ni Lemuel sa daliri niya ang singsing. Pagkatapos, napasinghap siya nang biglang inangkin nito ang kanyang mga labi para sa isang malalim at maalab na halik.

Parang ibig niyang magprotesta nang ihinto ni Lemuel ang paghalik sa kanya. Nangungusap ang mga mata nitong hinagod ng tingin ang kanyang mukha saka pagkatapos ay tumayo. Sumunod siya para sana lumabas na pero mabilis siyang hinapit ng binata saka idinikit sa mismong pinto. Narinig pa niyang tumunog ang lock ng pinto kaya mabilis na nag-init ang magkabila niyang pisngi.

"You're blushing" paanas na sambit ni Lemuel.

Napapikit siya nang malanghap ang mabangong hininga ng binata.

"A-Ano, l-lalabas na ako" aniyang itinukod ang dalawang kamay sa dibdib ng binata.

Sinungaling siya kung hindi niya aamining gusto niya ang lahat ng ginagawa ni Lemuel sa kanya. Ang paraan ng paghalik nito, at ang dantay ng palad nito sa kanyang balat tuwing hinahaplos siya ng binata ang totoong nagpapawala sa kanyang sariling katinuan.

Kaya naman hindi iilang beses na niyang ginustong ibigay ang sarili rito. Sa ganoong paraan manlang ay maipadama niya rito kung gaano niya ito kamahal. Pero alam niyang mali, kaya hangga't maaari nagpipigil siya.