SINULIT nila ang buong araw sa pamamasyal. Sa mall sa bayan ay nakakatuwang ibinili pa siya ni Lemuel ng isang simple pero napakagandang singsing na ang disenyo ay dalawang magkabuklod na puso sa istilong tanikala.
"Para saan?" tanong niya nang isuot ni Lemuel sa ring finger niya ang naturang alahas.
"Tawagin nalang natin itong promise ring."
"Promise ring?"
Tumango si Lemuel saka siya iginiya palabas ng tindahan. "Yup,kaya kahit anong mangyari, tayo parin ang magkakasama hanggang sa huli."
Noon niya nakuha ang ibig sabihin ng piniling disenyo ng binata. "Ang sweet mo alam mo ba? Kaya mahal na mahal kita" aniya.
Ngumiti ang binata saka kinurot ng bahagya ang kanyang baba. "Ang susunod na ibibigay ko sayo, engagement ring. Halika na, manonood pa tayo ng sine."
Sa loob ng sinehan walang katao-tao nang pumasok sila. Sa balcony sila pumuwesto ng binata. At dahil nga silang dalawa lang, hindi pa man nagsisimula ang pelikula ang giniginaw na siya. "Ang lamig, saka bakit walang tao?" aniyang niyakap ang sarili.
Tumawa ng mahina si Lemuel. "Halika, ako ang jacket mo" anitong niyakap siya ng mahigpit pagkuwan.
Effective naman ang ginawa ni Lemuel dahil pinawi niyon ang ginaw na nararamdaman niya. Ilang sandali pa at nagsimula na ang pelikula. Wala paring tao, at silang dalawa lang doon maliban sa ilang sa tingin pa niya ay bantay sa loob ng movie house.
"Bakit kaya wala parin tao? Kahit siguro super pangit ang movie na ito kunwari hindi mangyayaring dalawa lang tayong manonood di ba?" taka niyang tiningala ang nobyo na nginitian naman siya.
"Pina-reserve ko kasi ang buong movie time slot para sa ating dalawa" paliwanag sa kanya ng binata.
Nanlaki ang mga mata niya. "Ano? Paano mo nagawa iyon?"
Nagkamot ng ulo nito si Lemuel. "Binili ko lahat ng ticket!"
"Ha? Bakit?"
"Para makaiwas sa one-seat-apart, kasi syempre gusto ko katabi kita. Kaya ginawa ko ito!" paliwanag sa kanya ni Lemuel.
Umikot ang mga mata niya. "Nagsayang ka ng pera Em-Em, magkano naman ang lahat ng ginastos mo dito? Sana itinabi mo nalang nagpapakahirap ka sa pagtatrabaho para lang gawin ito?" kahit deep inside ay nag-uumapaw sa saya ang puso niya iyon parin ang sinikap niyang sabihin sa binata.
Alangan ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lemuel. "Hindi mo ba nagustuhan?"
Noon siya nakangiting yumakap sa nobyo. "Syempre nagustuhan ko, masayang-masaya nga ako eh. Ang sakin lang hindi mo naman kailangang gumastos ng mahal para mapasaya ako. Iyong makasama ka lang sobrang saya ko na" aniya sa naglalambing na tinig.
Niyuko siya ng binata saka hinalikan. "Hayaan mo na, ikaw naman iyan eh. Kaya kahit magkano pa, worth it. Kasi ang totoo, priceless ka. Saka isa pa gusto ko lang talagang gawin at ibigay sayo ang lahat ng hindi ko nagagawa sa mga babaeng nagdaan sa buhay ko noon. Kasi iba ka sa kanilang lahat, ayoko ng gawin iyong mga nagawa ko na. Para saan pa at naging special ka, ngayon naiintindihan mo na?"
"Opo naiintindihan ko na po. I love you po, so much. Mr. Suave" aniya, napabungisngis naman si Lemuel sa huli niyang tinuran.
"Mr. Suave? Siguro naman ngayon aamin kana?" tudyo ng binata. Natawa siya ng malakas."Shhh… Ang ingay mo, ano bakit Mr. Suave?" si Lemuel ulit.
Minabuti muna niyang linisin ang sariling lalamunan bago nagsalita.
"Dahil iyon sa pabango mo. Ang totoo kasi nung umupo ka sa simbahan, pabango mo palang crush ko na. Nag-wish pa nga ako kay God nun na sana masulyapan kita kahit saglit lang!" tuwang-tuwa niyang salaysay.
Lumapad ang pagkakangiti ni Lemuel dahil doon. "Really, so that means suave sa pang-amoy mo ang scent ng cologne ko, ganoon ba iyon?"
"Yup" aniya.
"Sa akin naman, tukso ang mga labi mo" anito saka malisyosong ngumiti.
Nag-init ang mukha niya. "O may promise ka kay Fr. Francis" paalala niya.
"Alam ko, kiss lang naman" ang binatang kinabig siya palapit dito.
Napasinghap siya. "Kaya mong titiisin iyon? Baka maghanap ka ng iba?"
Tinawanan lang siya ng binata. "Hindi na mangyayari iyon, kasi ikaw lang ang hahanap-hanapin ko" anitong inilapit ng husto ang mukha sa kanya.
"Ows? Hindi nga?" tukso niya saka napahagikhik pagkatapos.
Sandaling hinagod muna ng tingin kanyang mukha. Napalunok siya nang makitang nagtagal ang mga mata nito sa kanyang mga labi.
"Try me" anitong ikinulong na nga ng tuluyan ang iba pang nais niyang sabihin.
My future belongs to you, only for you…
Ang isang bahagi ng isip niya habang pikit-matang nilalasap ang napatamis na halik sa kanya ng kasintahan.
LUNES nang makatanggap siya ng tawag mula sa ama ni Bianca. Isinugod raw sa St. Joseph Medical Center ang dalaga dahil sa pag-atake ng sakit nito. Kaya matapos ang klase nila ni Lemuel ay sa ospital sila nagtuloy. Hindi niya napigilan ang mapaiyak nang mula sa labas ng Intensive Care Unit ay tanaw niya ang kaibigang ayon sa ina ni Bianca na si Ruby ay comatose na raw ng ilang oras at humihinga sa pamamagitan ng ventilator dahil hindi na kaya ng puso nito ang labis na mapagod.
"Bawal kay Bianca ang sobrang na-e-excite, o sobrang nalulungkot. Kagabi nagkaroon kami ng hindi inaasahang pagtatalo. Gusto namin siyang gumaling, kaya naisipan naming dalhin siya sa Amerika this time, sa mga lolo at lola niya kami mag-i-stay. Pero ayaw niya, hanggang sa sinumpong nga siya ng sakit niya, nawalan siya ng malay" ang ginang na napahagulhol na ng iyak pagkuwan. "Ang sabi pa ng doctor na sa oras na magising siya ay kailangan na niya ang mag-undergo ng heart transplant."
"P-Pero, what if hindi siya maoperahan dahil sa kawalan ng heart donor? May iba pa bang paraan?" hindi niya napigilan ang sariling itanong iyon.
"Nasa end-stage na ang sakit ni Bianca, it means her condition has become so severe that all treatments have failed. Ang sabi ng doctor magising man siya, her next attack would be fatal sakaling hindi siya makapag-undergo ng operasyon" sa narinig ay parang nawalan ng lakas ang mga tuhod niya. Mabuti nalang at naroon si Lemuel sa tabi niya kaya hindi siya tuluyang natumba.
Ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan ay tuluyan na ngang kumawala. Pagkatapos ay pinilit niyang inabot ng tanaw ang matalik na kaibigan niyang nasa loob ng silid.
"Gusto kong malaman mong mahal na mahal ka ni Bianca, hindi bilang kaibigan kundi bilang kapatid. Mula nang mamatay si Marc hindi ko pa nakitang naging masigla ang anak ko until nakilala ka niya" nasa tinig ng ginang ang pasasalamat na may bahid na lungkot.
Mahal na mahal ko rin po siya.
Iyon sana ang gusto niyang isatinig pero dahil sa tindi ng hinanakit na nararamdaman niya ay hindi na niya nakuhang magsalita.