Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 66 - KABANATA 18

Chapter 66 - KABANATA 18

NAMANGHA siya sa narinig pero hindi siya kumibo. Mayamaya ay humakbang siya para sana buksan ang bintana sa silid ng binata pero bago iyon ay natagpuan nalang niya ang sariling kulong ng mga bisig nito.

"Ang sweet mo naman, dinalhan mo pa ako ng breakfast. Kaya lalo akong nai-in love sayo eh" anitong sinimulang halikan ang kanyang mukha.

Napasinghap siya sabay napa-pikit. Hindi rin niya naiwasan ang mapahugot ng malalim na buntong-hininga dahil sa tindi ng sensasyong mabilis niyang naramdaman dahil sa mainit na labi ng binata.

"T-Teka lang E-Em, w-wala ka k-kasing t-shirt" aniyang pinagsikapang pakawalan ang sarili sa mahigpit na yakap ng binata.

Noon lang niya napunang boxer shorts lang ang suot nito kaya lalong sumidhi ang kaba niya nang maramdaman ang init ng balat nito maging ang mapagmasdan at madaiti ng husto sa malapad na dibdib ng binata.

"Hindi ba nakita mo na iyan noon? Nahawakan mo pa nga eh" tukso nito sa kanya habang nanatili itong hindi siya pinakakawalan.

Nangapa siya ng isasagot at nang magbuka siya nang bibig para magsalita ay noon naman siya niyuko ng binata para sa isang maalab na halik. Sa isang iglap, nalunod ang lahat ng patanggi at alinlangan na nararamdaman niya kanina.

At sa halip ay buong pagmamahal pang humaplos ang kanyang palad sa dibdib ng binata habang ang mga kamay ni Lemuel ay kulong ang kanyang mukha. Sa paraang tila ayaw nitong makawala o makatanggi manlang siya sa halik na gusto nitong ipadama sa kanya.

"I love you so much" ang hinihingal na sambit ni Lemuel.

Napalunok siya. "I love you too."

Ang sumunod na nangyari ay ang muling pag-angkin ng binata sa mga labi niya sa mas maalab at mas mapusok na paraan. Sinubukan niyang tumugon subalit nabigo siya kaya ang tanging nagawa niya ay magpaubaya.

Naramdaman niya nang igiya siya ni Lemuel sa paanan ng kama. Wala siyang naramdamang pagtutol. Inihiga siya nito habang hindi naman nagbabago ang paraan ng paghalik nito sa kanya.

Sa isip niya, kung aangkinin siya ng binata ngayon ay walang pagdadalawang isip niyang ipagkakaloob ang sarili niya dito. Hindi sa kung ano pa mang kadahilanan kundi dahil mahal na mahal niya si Lemuel. At kung sakaling mabuhay siya ulit, alam niyang ito parin ang pipiliin niyang mahalin.

Ngunit iba ang nangyari. Nakaramdam siya ng kawalan nang itigil ng binata ang ginagawa. Nagmulat siya ng mata at nakita niyang nakatitig ito sa kanya. Nasa mga mata nito ang tila maliliit na apoy pero natitiyak niyang hindi iyon sanhi ng pagnanasa.

"H-Hindi ko kaya" ang tanging naisatinig nito.

Noong siya bumangon saka inayos ang sarili. Nakaramdam siya ng pagkapahiya dahil pakiramdam niya tinanggihan siya ng binata kaya nagulat siya nang muli itong magsalita.

"Hindi ito katulad ng iniisip mo sweetheart, I'm sorry" anitong naupo sa tabi niya saka siya inakbayan.

Nag-init ang mga mata niya at ilang sandali ay kumawala na sa mga labi niya ang isang mahinang hikbi. Noon siya tuluyang niyakap ng binata.

"I'm sorry kung hindi ako kagaya ng iba. Wala akong karanasan sa ganito, kahit ang simpleng paghalik lang hindi ako marunong."

Narinig niya ang mahinang tawa na pinakawalan ng binata. Salubong ang mga kilay niya itong tiningala. "Pinagtatawanan mo ako?" pagalit niyang isinatinig.

Amuse na umiling si Lemuel.

"Sinabi ko naman sayo di ba? Hindi ito kagaya ng iniisip mo. Ang sa akin lang, you're different. Mahal kita at malaki ang respeto ko sayo. Hindi ko gustong gawin sayo ang isang bagay na nagawa ko na ng maraming ulit sa ibang babae. Gusto kong gawin iyon, sa mismong gabi ng araw kasal natin" paliwanag ng binata.

Nakagat niya ang kanyang lowerlip nang makuha ang ibig sabihin ni Lemuel. Kung gaano siya kasaya dahil sa sinabing iyon ng binata ay hindi niya alam. Basta isa lang ang tiyak siya. Maswerte siya at kay Lemuel niya ipinagkatiwala ang puso niya dahil totoo nga ang sinasabi nito. Na gaano man iyon karupok, kaya itong pag-ingatan ng binata.

SUNDAY at gaya ng nakasanayan na nilang dalawa isang buwan mahigit mula nang tumira siya sa bahay ng mga Policarpio, magkasama silang nagsimba ng binata. At masasabi niyang isa lang ang Sunday na iyon sa pinakamasaya sa buhay niya.

"Saan tayo pupunta?" naitanong niya. Tinatahak na nila noon ang daan papunta sa opisina ng Kura Paroko ng St. Joseph Cathedral.

"It's a surprise" anitong kinindatan siya pagkatapos.

Nagkibit nalang siya ng balikat at hindi umimik. Sa labas ng opisina ng Parish Priest kumatok si Lemuel. Pinatuloy naman sila ng nagbukas ng pinto na sa tingin niya'y naninilbihan rin sa simbahan. Naupo sila at hindi nagtagal at lumabas na si Father Francis, ang kanilang Parish Priest.

"O Lemuel hijo, kumusta ka? Ang Lolo at Lola mo kumusta na?" anito matapos tanggapin ang pagmamano ni Lemuel bilang pagbibigay galang at siya naman pagkatapos ay humalik rin sa kamay nito at ipinakilala ng binata sa Pari.

"Okay naman po sila Father" anang binata na iginiya siya paupo nang sumenyas ang Pari.

Tumango ang Pari. "Anong maipaglilingkod ko sa iyo kung gayon?" anitong tiningnan ng makahulugan ang binata saka inilipat ang tingin sa kanya habang matamis na nakangiti.

"Ahm, Father gusto ko po sanang ikasal ninyo kami nitong girlfriend ko" walang gatol na sagot ni Lemuel na kanyang ikinabigla at maging ng Paring kaharap nila.

Nakita niya ang pagpipigil na mangiti ng Pari sa sinabi ng kanyang nobyo.

"Pero hijo, hindi ko pwedeng gawin iyon. Alam mong wala pa kayo sa wastong gulang o kung hindi man ay itong nobya mo."

Tumango si Lemuel bilang pagsang-ayon.

"Alam ko po iyon Father. Bind our hearts together para kahit anong pagsubok ang dumating kayanin namin. Give us something to hold on to" mabilis na nag-init ang mga mata niya sa narinig. "Pwede po ba iyon Father?"

"Gusto mong basbasan ko kayo bilang magkasintahan, ganoon ba?" paglilinaw ng Pari. Tumango ang binata."Sa isang kundisyon hijo."

"Anything, Father."

"Gusto kong ipangako mong igagalang mo si Careen hanggang sa dumating ang unang gabi ng inyong kasal. Kaya mo bang gawin iyon?"

"Kaya ko po, Father" naniniwala siya sa sinabing iyon ni Lemuel.

Naghawak sila ng kamay. At sa muling pagtatama ng kanilang mga mata hindi niya napigilan ang mapaluha.

"I vow to love you with all my heart. I will help you love life at ipapakita ko kung gaano ito kaganda, sayo at sa magiging anak natin. Expect me to always hold you with pure love and tenderness. I promise to always understand your demands. I will be your voice kung kinakailangan, tatayo ako para sayo kapag hindi mo na kaya. And above all, mabubuhay ako sa init ng pagmamahal mo. Because your heart is my home now." ani Lemuel saka masuyong dinampian ng halik ang likod ng kanyang mga palad.

"Forever you will be my first and only love. Ipinapangako kong ibibigay ko ang buong buhay ko sayo at sa mga magiging anak natin. In your eyes I could see my whole world, at kahit saang parte ng mundo ko ibaling ang paningin ko. Alam kong mga mata mo lang ang palaging makikita ko," umiiyak niyang sagot.

Binasbasan sila ni Fr. Francis katulad ng kahilingan ni Lemuel. Lumabas sila ng silid na iyon ng mahigpit ang hawak sa kamay ng isa't-isa. Alam niyang nang mga sandaling iyon, nakatali na ang mga puso nila sa isa't isa. At katulad ng gustong mangyari ng binata. Binigyan sila ng sandaling iyon ng isang bagay na pwede nilang panghawakan.