"HI" nang lapitan siya ni Lemuel kinabukasan ng hapon sa library. Mag-isa lang siya doon kaya naramdaman niya ang pagkalat ng tensyon sa paligid.
Kahapon hindi naman nila nakasama si Bianca sa pagsisimba. Pagkatapos kasi nilang mamili ay dumating na ang sundo nito na pinadalhan pala ng text ng dalaga. Hindi naman siya talagang na out-of-place sa pamamasyal nila.
Masayang kasama si Bianca at bukod pa roon ay wala rin namang nagbago sa company ni Lemuel sa kanya. Bumili pa nga ng headband si Bianca para sa kanilang dalawa. Terno at sign daw iyon ng kanilang friendship kaya tuluyan na ngang naglaho ang hinanakit na nararamdaman niya.
"H-Hello" pinilit niyang patatagin ang tinig pero nabigo siya. "h-hindi pa ako uuwi eh, kung gusto mo okay lang kahit mauna kana, may ginagawa pa kasi ako."
"We need to talk" mahinahon nitong sagot.
Hindi niya maintindihan pero biglang nanghina ang mga tuhod niya sa sinabing iyon ni Lemuel. Nagtaas-baba ang dibdib niya nang mapuna ang kakaibang lagkit ng mga titig sa kanya ng binata. Nagbaba siya ng tingin saka umikot sa kabilang aisle ng dalawang matataas na shelves. "T-Talk about w-what?" sa nanginginig niyang tinig.
"Alam mo naman ang ibig kong sabihin tinatanong mo pa."
Sandali niyang sinulyapan si Lemuel. "Alam? Sorry Em pero talagang may ginagawa ako eh, saka nalang natin pag-usapan iyan" aniyang may pinalidad ang tinig sa kagustuhang tapusin na ang usapang iyon.
Pero hindi niya inasahan ang sumunod na ginawa ng binata. Hinawakan nito ang braso niya saka siya hinila patungo sa sulok ng ng aklatang iyon. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkabigla. Malamig ang dingding nang i-pin siya doon ng binata pero walang sinabi iyon sa tila nakakapasong titig nito sa kanya. Maging ang napakabango nitong hininga na malayang bumabalandra sa kanyang mukha.
"B-Bitiwan mo ako" awtorisado na niyang utos.
Umangat ang sulok ng labi ni Lemuel sa sinabi niyang iyon. "Mag-usap muna tayo" anito sa tinig na nanunukso. Masarap na kilabot ang inihatid sa kanya ng sinabi at ikinilos na iyon ng binata.
"P-Pwede naman tayong mag-usap nang hindi ganito ang ayos, E-Em" pakiusap niyang ang tinutukoy ay ang kamay nitong nakapulupot sa kanyang baywang.
"I don't think so, malakas ang kutob kong hindi kita mapapaamin kapag normal na pag-uusap lang ang ginawa natin, so ganito tayong mag-usap."
Sa tono ng pananalita nito mukhang hindi kayang baguhin ninuman ang gusto nito. At doon siya nainis. "Ganyan ka ba talaga sa mga taong alam mong takot sayo?" napangiwi siya sa huling tinuran.
Nang suyurin ng tingin ni Lemuel ang kanyang mukha ay sunod-sunod ang ginawa niyang paglunok. "Natatakot ka sa akin?" anitong makahulugan pang ngumiti bago muling nagsalita. "bakit?"
Hindi siya sumagot, sa halip ay pinilit na pakawalan ang sarili mula sa mahigpit nitong pagkakahapit sa kanyang baywang. Pero lalong pinalala ng ginawa niyang iyon ang sitwasyon. Tuluyan na nga siyang tila naparalisa nang ilapat ni Lemuel ang katawan nito sa kanya.
"Please pakawalan mo ako."
"Kahit hindi ka magsalita alam kong may problema, umamin ka tungkol ba ito dun sa nakita mo sa may poolside kahapon?" sa tonong ginamit ng binata ay lihim siyang napasinghap. "at tumigil ka na sa kapapalag mo dahil pakakawalan lang kita kapag nakuntento na ako sa sagot mo" si Lemuel na inilalapit nito ng husto ang mukha sa kanya.
"Tumigil ka! Kap—.."niyanig siya ng halik na iyon. Kaya naman nang lubayan ni Lemuel ang kanyang mga labi, tila umurong ang dilang hindi siya nakapagsalita.
Wala sa sariling nagmistula pa siyang robot na napasunod nalang sa binata nang hilahin siya nito palabas ng library.
"NOW tell me, anong problema?" nang nasa loob na sila ng kotse ng binata.
Nag-init ang mga mata niya pero pinigil niya ang mapaiyak. "W-Wala."
"Careen naman, kahit hindi mo aminin alam kong may problema. Nararamdaman ko iyan sa simpleng treatment mo sa akin" nakikiusap na turan ni Lemuel.
Kasabay ng panunulas ng salita sa mga labi niya ay ang tuluyan naring pagkawala ng kanyang mga luha.
"I'm sorry, sinubukan ko namang magpigil eh, pero kasi talagang marupok itong puso ko. Alam mo kasi nagseselos ako."
"Alam ko naman na siya ang first love mo, tapos napapansin ko rin iyong mga sulyap niya sayo. Kaya lang kahit nasasaktan na ako ng sobra hindi ko siya magawang pagsabihan, kasi nga may sakit siya. Grabe ang sakit niya at ayokong bigyan siya ng kahit anong sama ng loob na pwede kong pagsisihan sa huli. Bukod pa doon, nakikita ko namang kayo talaga ang bagay, kasi ako hindi mo magugustuhan ng mas higit pa sa kaibigan" mahaba niyang litanya habang patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha.
Nang makita niyang ngumiti si Lemuel ay naguluhan siya. Pero gayunpaman hindi niya binawi ang sariling kamay nang hawakan iyon ng binata. "Bakit ka nagseselos? Anong dahilan?"hindi niya maipagkakamali ang nakaringgang tuwa na kalakip ng sinabing iyon ni Lemuel.
"H-Huwag mo nang itanong! Basta nasasaktan ako! Para akong hindi makahinga! Parang gusto ko ng mamatay!" aniya sa isang mas malakas na tinig.
Tumawa ng mahina ang binata sa sinabi niyang iyon saka pagkatapos ay kinabig at mahigpit na niyakap. "Nagseselos ka ba kasi mahal mo rin ako ha, sweetheart?" parang kulog na dumagundong sa pandinig niya ang sinabing iyon ni Lemuel. "Do you love me too? Iyon ba ang dahilan mo kaya ka nagseselos?" ulit nito nang manatili siyang walang imik.
Nanlaki ang mga mata niya sa unang tanong na tinuran ng binata. "A-Anong sinabi mo?"
Noon niya nakitang tila nangislap ang mga mata ng binata. Ang mukha nito nagliwanag ang aura at talagang lalong tumingkad ang karisma nito nang sumilay sa mga labi nito ang isang napakagandang ngiti. Sandali muna siyang pinakatitigan ni Lemuel saka hinawakan ang kanyang mukha para hagkan ang kanyang noo.
"I love you so much! Hindi ko na kayang itago, hindi ko narin kayang pigilan ang nararamdaman ko para sayo. Oo siya nga ang first love ko, pero sana naisip mo rin iyong posibleng mga dahilan ko kung bakit kahit minsan hindi ko inamin sa kanya ang nararamdaman ko. O kahit kanino, ikaw nga lang ang nakakaalam noon eh, kasi ikaw ang nag-iisang babaeng bumago ng dating ako. Ang bumasag ng katahimikan ko" pagtatapat sa kanya ng binata.
Nang hindi siya magsalita ay nagpatuloy ang binata. "I don't know about you, but I must admit that I go to sleep every night wanting to kiss you. At paggising ko kinabukasan how I wish na katabi kita, ikaw sana iyong unan na yakap ko, na pwede kong halikan." noon nagpandalas ang pagbalong ng luha sa kanyang mga mata. "Sayo ko napatunayan na ang totoong pagmamahal hindi lang bastang feeling na nararamdaman, because my love for you is a vow. A vow to cherish now and always and forever".
Noon muling namasa ang kanyang mga mata. "M-Mahal mo ako? T-Totoo?"