"N-Nagising?"
Tumango. "Napanaginipan kasi kita kaya nagising ako" sagot nito saka ngumiti.
"Bangungot?" natawa siya habang sa puso niya naroon ang kakaibang tuwa hatid ng sinabi ng binata.
"Hindi ah!" malakas nitong protesta.
"Ows? Eh bakit ka nagising kung hindi bangungot?" hindi kumbinsido pero nasa dibdib niya ang kakaibang kilig kaya nahugasan ang selos na nararamdaman niya kanina.
"Eh kasi sa ganda nung panaginip ko tungkol sayo na miss kitang bigla, kaya kita hinanap" hindi ganoon kaliwanag sa parteng iyon ng mansyon pero nakita parin niyang seryoso pero maganda ang bukas ng mukha ni Lemuel habang sinasabi iyon kaya muli nanamang naging abnormal ang tibok ng kanyang puso.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay mabilis na umiwas ng tingin sa binata. "
O, iwas-tingin kana naman! Paano ba tayo magkakaintindihan kung laging ganyan ang ginagawa mo kapag nag-uusap tayo?" tukso pa nito sa kanya pagkuwan.
"Hindi mo naman ako pinuntahan dito para asarin lang di ba?" pagtataray niya sa kagustuhang ikubli ang matinding tensyon na nararamdaman.
Noon tumawa ang binata. "Seryoso ako, napanaginipan talaga kita. Kita mo oh!" anitong itinuro ang gawin ng malaking bahay, nilingon niya iyon.
"So? Bukas ang pinto ng veranda ng kwarto mo" aniya. Overlooking kasi ang poolside mula sa veranda ng silid ng binata.
"Nakita kita doon kanina nung bumangon ako. Kaya ako bumaba dito kasi bukod sa gusto kitang masolo, gusto rin kitang makausap."
Ang tenderness sa tinig ng binata ay humaplos sa puso niya kaya siya napangiti. "Bola!"
"Totoo, ikaw talaga. Anyway tungkol doon sa poem" pagsisimula ng binata saka ibinalik sa ibabaw ng mesa ang gitara.
Umangat ang mga kilay niya. "Oo alam ko na ikaw ang nagsulat, kaya pala ME kasi kapag binasa ng pabaligtad EM" aliw na aliw niyang sabi.
Tumango ang binata. "And kay Bianca" nang marinig ang pangalang iyon ay mabilis na napalis ang kanyang ngiti.
"A-Anong kay B-Bianca?" sinubukan niyang huwag haluan ng selos ang tinig at kahit paano ay nagtagumpay naman siya.
Nakita niyang nagtaas-baba ang dibdib ni Lemuel bago ito tumayo at naupo sa tabi niya. Nagulat siyang hindi nakapagsalita. Umangat ang isang braso nito saka siya masuyong inakbayan. Ang ulo niya'y inihilig nito sa sarili nitong balikat.
Noon nag-init ang kanyang mga mata. Iba ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon at sigurado siyang iyon ang dahilan kung bakit parang gusto ng kumawala ng kanyang mga luha.
"Ang totoo, para kay Bianca ang tulang iyon. Siya ang first love ko" halos pabulong na turan ni Lemuel.
Kung gaano kasakit?
Hindi niya alam, basta ang sumunod na nangyari ay ang naramdaman niyang pag-agos ng kanyang mga luha. Salamat nalang at sa malayo nakatingin ang binata, hindi nito iyon mapapansin.
"Hindi ko nasabi sa kanya ang lahat noon" simula ni Lemuel saka ikinuwento ang lahat sa kanya. "Minahal ko siya pero hindi siguro ganoon kalalim kaya hindi ako nakaramdam ng takot na baka maunahan ako sa kanya? And the fact na ayaw ko lang mapahiya sa mga kaibigan ko kasi nung mga panahong iyon nasa stage pa kami ng paramihan ng girlfriend?" anitong sinundan ng mahinang tawa ang sinabi.
Hindi siya kumibo. Kahit ano naman ang sabihin ni Lemuel ay talagang nasasaktan siya. Lalo na kapag naiisip niya ang bawat mensahe ng tulang isinulat nito para kay Bianca. At gaya nga ng sinabi niya noon sa binata, malalim ang pinaghugutan. Ibig sabihin malalim rin ang naging damdamin nito para sa dalaga. Doon lalo siyang nalungkot.
"H-Hindi mo naman kailangang magpaliwanag sa akin Em, at saka isa pa baka nga kayo ni Bianca. Kasi tingnan mo, nagkita ulit kayo?" pilit niyang pinasigla ang tinig kahit ang totoo parang gusto niyang magtatakbo palayo sa binata at umiyak ng umiyak.
"For me ang pagkikita naming ito ay sign ng isang bagong simula" anitong kinurot ang kanyang baba pagkatapos saka siya hinalikan ang kanyang buhok, napangiti siya. "After so many years nagawa kong sarilinin ang tungkol sa bagay na iyon. Wala akong ibang pinagsabihan kahit ang mga kaibigan ko, ikaw lang talaga" kung matutuwa o maiinis sa sinabing iyon ay hindi niya alam. Pero mas pinili parin niya ang una.
"There is something about you that amazes me everyday. Hindi ko masabi kung ano iyon pero I'm grateful at sayo ko naramdaman ang something na iyon" hindi siya tuminag sa pagkakahilig sa balikat ng binata. At siguro kung bibigyan lang siya ng chance na i-freeze ang oras, pipiliin niyang mag-stay sa ayos nilang iyon.
Mahal na nga kita Em. Kaya siguro kahit nasasaktan na ako ng sobra kung minsan, hindi ko manlang magawang mag-complain. Kasi mas importante sa akin ang makasama ka, kahit masakit at least kasama kita. Kasi nga mahal kita.
"SWEETHEART" agad na bumilis ang tahip ng dibdib ni Careen.
"Hi!" aniya saka ibinalik ang tingin sa ginagawa.
Tumawa ng mahina ang binata na naupo na sa stool ng island. "Busy as always?"
"Nililista ko lang lahat ng kailangang bilhin ni Aling Curing bukas" sagot niya saka itinuloy ang paglilista sa hawak na notebook.
Tumango-tango ang binata. "Patimpla naman ako ng kape, namimiss ko na ang timpla mo eh" ang malambing na isinatinig ng binata nang hindi siya magsalita.
Napangiti siya.
Alam talaga ng lalaking ito ang kahinaan ko.
"Bolero ka talaga!" kinikilig niyang turan saka kumilos para ipagtimpla ng kape ang binata.
"Hindi kita binobola, nasanay nalang talaga ako na ikaw ang nag-aasikaso sakin kaya hinahanap ko na palagi" seryosong turan ni Lemuel.
Tumango siya saka ngumiti, inilapag niya sa harapan ng binata ang kape saka naupo sa isa pang stool ng island.
"Ano nga palang ginagawa mo sa pabrika every Friday? Tine-train kana ba ng Daddy mo?"
Humigop muna ng kape nito ang binata. "Parang ganoon, pero para sa akin investment talaga ang dahilan ko" anitong binigyang diin ang salitang investment.
"Investment?"
"Oo, investment for my future wife!" makahulugan nitong sabi saka siya kinindatan.
Namula ang mukha niya sa ginawing iyon ng binata.
"Ikaw ka talaga" aniya saka ipinagpatuloy ang ginagawa. Ilang sandali pa at natigilan siya nang maramdamang hinawakan ni Lemuel ang kaliwang kamay niya saka iyon marahang pinisil.
Nagtaas-baba ang kanyang dibdib saka takang tinitigan ang binata. Matagal muna siyang pinagmasdan ni Lemuel bago ito nagsalita.
"Sana kaya kong i-explain kung anuman ang feelings na nababasa ko sa mga mata mo. And the reason why everytime I am with you, pakiramdam ko kumpleto ako." anito sa halos paanas na tinig kaya mabilis na nagtayuan ang maliliit niyang balahibo sa batok.
Nang hindi siya magsalita ay nakangiti siyang inabot ng binata pagkatapos saka dinampian ng isang simpleng halik sa noo, napapikit siya.
"Goodnight, sana mapanaginipan ulit kita" anitong pagkasabi niyon ay tumayo saka na siya iniwan.
SUNDAY ng hapon ay pinili niyang sa pool side maglagi. Day-off ngayon ni Careen kaya expected ng nasa loob ito ng kwarto nito at nag-aaral. Napangiti siya sa pagkakaisip sa dalaga.
Paano nangyayaring namimiss niya ito kahit sa ilalim ng iisang bubong lang sila nakatira? Siguro dahil mahal niya ito? Tama, matagal na niyang hinahanapan ng sagot kung ano ang something special na nararamdaman niya para sa dalaga at ngayon sigurado na siya.
"Lemuel!" ang tinig na humila sa kanya pabalik sa kasalukuyan.
"Bianca!"
"Si Careen nandiyan ba?" ang dalagang tuloy-tuloy na naglakad palapit sa kanya.
At dahil nga sa kanya ito nakatingin ay hindi nito napuna ang batuhang pathway na mas mataas ng kaunti sa nilalakaran nitong Bermuda grass kaya napatid ito at nadapa.
Mabilis ang ginawa niyang paglapit kay Bianca. "Are you okay?" nag-aalala niyang tanong.
PINIGIL ni Careen ang mapahikbi at kahit paano ay nagtagumpay ito. Magkakasunod ang ginawa niyang paghinga kahit ang totoo ramdam niya ang tila kutsilyong humihiwa sa puso niya. Ilang sandali pinilit niyang kalmahin ang sarili.
"O hayan na pala siya" narinig niyang sinabi ni Lemuel nang matanawan siya.
Sa kabila ng sakit na nararamdaman, pinilit niyang ngitian si Bianca.
"A-Anong nangyari sayo?" ang bungad niya sa kaibigang nanatiling nakakapit sa braso ni Lemuel.
Ngumiti si Bianca. "Nadala yata ako sa kagwapuhan nitong si Lemuel kaya nadapa ako!" anitong malagkit na sinulyapan muna si Lemuel na ngumiti lang sa dalaga bago siya binalingan.
"G-Ganoon ba, n-next time m-mag-iingat ka. Kasi paano nalang pala kung wala si Lemuel para sagipin ka?" ayaw niyang maghimig na nagseselos at nagtagumpay siya doon pero deep inside alam niyang gusto na niyang magtatakbo palayo sa mga ito.
Nagkibit lang ng balikat nito si Bianca. "Anyway, may pupuntahan ka ba? Di ba day-off mo ngayon? Gusto mo bang gumala tayo?" masiglang yakag sa kanya ng kaibigan.
"Sige, kaya lang magsisimba kasi kami ni Em mamaya, kaya hindi tayo pwedeng magtagal" paliwanag niya.
"That's great then! Bakit hindi mo kami samahan?" pagkuwan ay baling nito kay Lemuel.
"Walang problema!" mabilis na ayon ng binata.
Ano ba yan!
Bigla ay parang gusto na niyang umayaw. Pero kapag ginawa niya iyon, alam niyang magtataka ang dalawa, kaya sumama nalang siya.