Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 60 - KABANATA 12

Chapter 60 - KABANATA 12

HAPON nang dalhan niya ng meryenda sa silid nito ang binata. Tatlong katok, at nang walang sumagot ay napilitan siyang pumasok. Humaplos sa puso niya ang kakaibang damdamin ang mabungaran ang binatang mahimbing na natutulog. Inilapag niya ang dalang tray sa sidetable saka tinitigan ang gwapong mukha nito.

Kahit sabihin pang suplado ang aura ng mukha ni Lemuel talaga namang hindi niya ito pagsasawaang titigan kailanman. Wala sa loob siyang napangiti. Alam niyang may-gusto na siya kay Lemuel. At kung hindi niya maaawat ang sarili niya alam niyang love na ang next stage niyon.

Pero kailangan niyang magpigil dahil kahit sabihin pang magiliw ito sa kanya. Hindi pa ring magugustuhan siya nito. Parang sa mga pocketbooks nalang nangyayari ang ganoon, amo na nagkagusto at minahal ang kanya katulong?

Noon niya ipinilig ang kanyang ulo, pagkatapos ay wala sa loob na hinaplos ang noo ni Lemuel para lang matigilan nang makapa iyon.

"Nilalagnat ka! Ang taas ng lagnat mo!" nag-aalala niyang bulalas.

"C-Careen?" nang marahil maramdaman nito ang kanyang presensya.

"S-Sandali lang" pumasok siya sa CR at saka kumuha ng bimpo at planggana na may lamang tubig.

Sinimulan niyang punasan ang binata. Hinubaran niya ito at walang itinira maliban sa suot nitong panloob at boxer short. Kung gaano kabilis ang tahip ng kanyang dibdib at ang init ng mukha, hindi niya masabi. Iyon ang unang pagkakataon na nakahawak siya ng katawan ng isang lalaki at take note, kay Lemuel pa. Kulang nalang kape! Naisip pa niya dahil nakabibighaning pangangatawan ng natutulog paring binata.

Sa closet naghanap siya ng pwedeng ipasuot rito. White cotton shirt at pajama na nang hugutin niya ay natangay roon ang isang piraso ng papel. Pinulot niya iyon para lang mapakunot noo nang mabasa ang nakasulat.

ANIM NA PU'T APAT, Written by: ME

Mabilis na gumana ang isip niya saka napangiti nang mag-sink in ang lahat sa kaniya. Saka niya nilapitan ang binata, ipinatong sa sidetable ang hawak na papel at saka ito sinimulang damitan.

Parang gusto kong isiping destined na mangyari ang lahat, kaya lang Lemuel ayokong masaktan. Natatakot akong masaktan kaya nagpipigil ako.

MINABUTI niyang agahan ang paghahanda ng hapunan dahil sa pagkakasakit ni Lemuel. Mainam na rin kasi iyong agad itong makakain para makainom ito ng gamot at makapagpahinga. Mabilis na nagsalubong ang kilay niya nang mabungaran ang binata na gising na at abala sa panonood ng TV sa loob ng kwarto nito.

"Hay naku! Paano ka naman gagaling niyan kung manonood ka ng TV? Mabibinat ka!" sita niya rito sabay lapag ng dalang tray sa sidetable.

"Nakakainip kasi eh" anitong kusa rin naman pinatay ang TV. "anong hapunan natin?" hindi niya napigilan ang mapangiti sa simpleng tanong na iyon ng binata.

Feeling kasi niya isa itong asawa na nagtatanong kung ano ang inihanda niyang hapunan para rito.

"Naglaga ako ng baka, para pagpawisan ka. Alam mo nung bata ako ganito ang laging ginagawa ni tatay sakin, tapos iinom ako ng gamot. Kinabukasan nun magaling na ako" aniyang inilagay sa harapan ng binata ang tray.

"Mukhang mabait ang tatay mo, sa tingin mo posible kayang makilala ko siya?" nagsalubong ang mga kilay niya nang mapunang tila totoo sa loob ng binata ang sinabi.

"P-Patay na ang tatay ko Em" pagbibigay alam niya.

"Alam ko, I mean gusto kong madalaw ang puntod niya, minsan kasama ka.Sa tingin mo pwede kaya iyon?" nang ilapit niya ang kutsarang may sabaw ng nilaga sa bibig nito ay tinanggap iyon ng binata.

Ayaw man niyang bigyan ng mas malalim na kahulugan ang sinabing iyon ni Lemuel ay hindi niya mapigilan. Humaplos ang sinabing nitong iyon sa kanyang puso kaya hindi niya napigilan ang makaramdam ng matinding kilig.

Nagkibit siya ng balikat saka nagsalita ng nakangiti. "Okay, minsan pupunta tayo doon. Pero bago iyon, magpagaling ka muna" aniyang muling inilapit ang kutsara sa binata na may laman ng kanin.

Pero natigilan siya nang mapunang titig na titig sa kanya ang binata. Ang mga mata nito parang may magnet na hinihigop ang lahat ng lakas na mayroon siya kaya nang hawakan nito ang kamay niyang nabitin sa ere saka ibinaba ay hindi siya nagprotesta. Pagkatapos ay masuyo nitong ginagap ang palad niya saka iyon hinalikan. Napasinghap siya.

Alam niyang umabot sa pandinig ng binata ang singhap niyang iyon. Pero hindi siya tinawanan o tinukso ni Lemuel. Sa halip ay sinapo ng isa nitong kamay ang kanyang pisngi. Nang maramdaman niya ang init niyon, hindi ang init na sanhi ng lagnat nito kundi ng init na malamang bunga ng totoong nararamdaman ng binata ay kusa siyang napapikit.

Dahil nga nakapikit siya, hindi niya nakitang niyuko siya ni Lemuel saka maalab na hinakan. Sa mabilis na sandali ay nawala siya sa sariling katinuan. Habang pinanatili niya sa pagkakapikit ang kanyang mga mata.

Kung paano niya nagawang tugunin ang halik na iyon ng binata sa kabila ng kawalan niya ng karanasan, hindi niya alam.

Alam ko ito na ang pagkakataon ko, hindi ko alam kung bakit hindi na importante sa akin anuman ang isipin mo. Ang importante kahit saglit lang, kahit ngayon lang, kahit simpleng halik mo lang pwede kong isiping pareho tayo ng nararamdaman. Na sana nahuhulog kana rin sa akin. Na mahal mo narin ako. Kasi ako mahal na kita, mahal na mahal na kita.

KINABUKASAN nang umaga nasorpresa siya nang malabasan ang nakahandang almusal sa hapag. Hinayon niya ng tingin ang paligid, noon naman tamang pumasok mula sa dirty kitchen si Lemuel dala ang isang isang platong sa tingin niya'y bagong sangag na kanin ang laman.

"Good morning! Halika na, kain na tayo kasi may pupuntahan pa tayo after this" anitong hinila ang isang silya na para sa kanya.

"Ikaw ang nagluto ng lahat ng ito?" hindi makapaniwala niyang tanong saka naupo. Si Lemuel naman ay awtomatikong nilagyan ng sinangag ang kanyang plato.

"Oo naman, marunong naman akong magluto ano ka ba" natatawa nitong sagot saka sinalinan ng kape ang kanyang tasa.

"Talaga ah! Sige bukod sa prito ano pang kaya mong lutuin?"

Hanggang kailan kaya ako mag-mu-move on sa sorpresang ito Em-Em?

Ang kinikilig na tanong ng isang bahagi ng isip niya.

"Sinigang!"sagot nito saka tumawa.

Natawa narin siya doon. "Salamat dito sa agahan, ang sarap ng sinangag mo, in fairness" pagsasabi pa niya ng totoo.

Pleased siyang nginitian ng binata. "No, thank you kasi inalagaan mo ako. Magaling ka palang nurse, pwede bang magpaalaga nalang ako sayo habang buhay?"

Napakagat-labi siya sa birong iyon ng binata. "Ikaw ah! Iyang mga banat mo napapansin ko na ang mga iyan! Saka sinabi ko naman sayo marupok ako di ba? Mamaya ma in love ako sayo!"

Umangat ang makakapal na kilay ng binata. "Ba't kung sakali ba ayaw mong maging tayo? Ayaw mo bang ako naman ang mag-alaga sayo?"

"Alaga agad? Ligawan mo muna ako, yun ang mas tama!" aniyang tuluyan na ngang sinakyan ang biro nito.

"Bakit kailangan pa ng ligaw-ligaw kung pareho naman tayo ng nararamdaman?"

"Ganun talaga, para mapatunayan ko kung seryoso ka!"

Hindi kumbinsidong nagkibit ng balikat si Lemuel. "Bakit, iyon lang ba ang paraan para makitang seryoso ang isang lalake sa babaeng nagugustuhan niya? Hindi ba mas importante iyong nararamdaman kaysa nakikita at ipinapakita?"

"Ano?"

"Ako kasi iyong tipo ng lalaking hindi marunong manligaw. Pero oras na maging tayo, titiyakin ko sayong kikiligin ka araw-araw!" paniniyak pa ni Lemuel.

Noon siya napatitig ng matagal sa binata. Sa puso niya naroon ang kakaibang tuwa dahil sa sinabi nito. "Kumain kana, magsisimba pa tayo pagkatapos" ang sinabing iyon ng kaharap ang muling nagbalik sa kanya sa kasalukuyan.

"Paano 'pag dumating si Aling Curing? Wala siyang dadatnan?"

"Alam mo ikaw nakakatuwa ka, kahit napakaliit na bagay lang inaalala mo, madali lang naman iyon. Mag-iwan tayo ng note, or para mas okay tatawagan ko siya. Gusto mo lang yatang ipagpaalam kita sa kanya eh!" buska ni Lemuel sa kanya.

Nagbaba siya ng tingin dahil sa huling tinuran ng binata. "Hindi naman, matanda na siya at hangga't maaari hindi siya dapat napapagod ng husto. Baka kasi magkasakit siya."

Nang sulyapan niya si Lemuel ay noon niya napansin na nakamasid ito sa kanya. "I really admire your kindness, mabuti nalang ako ang unang naka-discover sayo."