"OH, akala ko ba magsisimba tayo?" aniya kay Lemuel nang makitang busy ito sa paglilinis ng sarili nitong kotse matapos nilang mag-agahan.
"Saglit lang naman ito" ang binatang patuloy sa ginagawa.
"Bakit kasi hindi mo nalang ipasuyo kay Mang Ramon? Mamaya mabinat ka niyan!" ang tinutukoy niya ay ang family driver.
"Wala siya, day-off. Saka isa pa para lang alam ko. Mas prefer ko na ako ang naglilinis ng sarili kong sasakyan."
Hindi kumbinsido siyang napalabi."Ows? Alam mo itigil mo na iyan kasi baka magkasakit kana naman" nilapitan niya si Lemuel saka kinuha sa binata ang gamit nitong sponge.
"Hindi ano ka ba! Halik mo lang pala ang kailangan ko para tuluyang gumaling!" ang nanunuksong turan Lemuel kaya mabilis na nag-init ang kanyang mukha.
"Napakapilyo mo talaga!" aniyang umakma pang kukurutin ang tagiliran ng binata pero mabilis itong nakaiwas.
"Aha, you want a piece of me huh!" ang tumatawang bulalas nito. "Eto ang sayo" dinampot nito ang hose ng tubig at itinapat sa kanya. Napatili siya saka umakmang tatakbo palayo pero maagap na nahapit ng binata ang kanyang baywang. "And where do you think you're going?"
"Tama na Em! Nababasa ako!" sa kabila ng lahat hindi niya mapigilan ang kiligin ng matindi.
Sa sinabi niyang iyon ay itinaas ni Lemuel ang hose kaya pareho na silang nabasa. "Yehey! Shower together! Yehey!" kung gaano siya kasaya nang mga sandaling iyon, hindi niya masabi. Basta masaya siya, sana lang pwedeng I-freeze ang oras at manatili sila ng binata sa ganoong ayos, ng ganoon kasaya.
PAGKATAPOS magsimba niyaya siya ni Lemuel na mag-malling. Nag-enjoy siya ng husto kasama ang binata. At ang mas nakakatuwa pa ay pirmi itong nakahawak sa kamay niya o di kaya naman ay naka-akbay sa kanya. Kaya totoong girlfriend na girlfriend ang role niya nang araw na iyon. Lalo pa nang lapitan ni Lemuel ang isang rack kung saan nakasabit ang maraming designs ng couple shirts.
"Tara dito" ang binata nang manatili siyang nakatayo sa likuran ito. "cute di ba?" nang makalapit siya.
"Oo, para kanino?" naisipan niyang itanong.
"Para sa'ting dalawa" pagkasabi ay saka nito tinawag ang clerk.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Huh?"
"Kasi magpapa-picture tayo, remembrance, kasi ito ang first date natin" paliwanag nito sa kanya saka pagkatapos ay tinungo ang cashier counter.
First date?
Hindi siya nakapagsalita. Pagkatapos nga niyon ay nasunod ang gusto ng binata.
"Ang ganda ano?" ang binata sa litrato nila. Ngumiti lang siya pero lihim parin niyang sinang-ayunan ang sinabi nito.
"Magkahawig nga po kayo eh, alam po ba ninyo iyong kasabihan na ang magkahawig or magkamukhang lalake at babae sila ang nagkakatuluyan?" mayamaya ay sabad ng babaeng siyang kumuha ng litrato sa kanila.
"Really?"tumango ang babae ng nakangiti. "Nice" ani Lemuel na sinulyapan siya."sayo na ang sukli ate, and promise sa kasal namin, ikaw ang kukunin naming photographer" paniniyak ng binata bago siya hinila palabas ng shop.
"Happy ka ba?" tanong ng binata habang naglalakad sila.
"Oo naman, sobrang saya!" amin niya ng ngiting-ngiti.
Maingat na ginagap ang ng binata ang isa niyang kamay at saka marahang pinisil.
"Pareho pala tayo ng nararamdaman. Sa tingin mo pwede kayang mangyari iyon? Yung laging pareho tayo ng nararamdaman?"
Napangiti siya, sa tono ng pananalita ni Lemuel mukha may iba pa itong nais ipakahulugan sa sinabi. "Oo naman! Pareho nga tayong masaya ngayon di ba?"
"Right, so that means pwede ring importante ka sakin at importante ako sayo?" si Lemuel.
"Pwede!"
"Malungkot ka malungkot ako?"
"Opo."
"Mahal kita, mahal mo ako!"
"Oo!" nang tingalain niya ang binata at magtama ang kanilang mga mata ay mabilis siyang pinamulahan.
Makahulugang ngumiti ang binata.
"Minsan magkwentuhan tayo, marami akong gustong i-open sayo tungkol sa sarili ko. At iyong tungkol dun sa tulang nakita mo sa damitan ko, iyong ginawan mo ng melody? I think I owe you an explanation" anitong pinakawalan ang kamay niyang hawak nito saka siya inakbayan. Lalong bumilis ang tahip ng dibdib niya dahil doon.
"MOM?"
Miyerkules ng hapon, gaya ng dati sabay silang umuwi ni Careen. Actually nauna talaga ang labas niya pero dahil sa kagustuhan niyang makatiyak na safe na makakauwi ang dalaga hinintay nalang niya ito.
"Kumusta anak? I missed you" si Yvette na ibinaba ang hawak na magazine saka siya sinalubong. "you must be Careen?" baling nito pagkatapos sa dalaga na nasa likuran niya.
"Kumusta po kayo Ma'am Yvette, hindi pa nga po pala ako nakakapag-pasalamat ng personal sa inyo" si Careen saka kinamayan ang kanyang ina.
Makahulugan ang ngiting ipinukol sa kanya ni Yvette. "Itong si Lemuel ang pasalamatan mo hija, anyway sige na pumasok kana. I am very much happy to meet you."
Nagtatanong ang mga matang sinulyapan muna siya ni Careen bago pumasok. Tipid lang niya itong nginitian saka na muling hinarap ang ina. "Mommy naman, wala pa siyang alam" aniya.
Tumawa si Yvette. "Wala naman akong sinabing masama hindi ba? Anyway aakyat na muna ako, pakisabi nalang kay Manang na tawagin ako kapag handa na ang hapunan" pagksasabi niyon ay tinalikuran na siya ng ina.
HINDI siya makatulog kaya bitbit ang gitara lumabas siya ng silid saka nagtungo sa gazebo na nasa likurang bahagi ng malaking mansyon malapit sa swimming pool. Naupo siya patalikod sa malaking bahay. Ilang sandali pa, nagbuntong-hininga siya saka sinimulang tugtugin at kantahin ang tulang si Lemuel ang nagsulat at nilapatan naman niya ng musika.
Sa ibang panahon, mapansin mo kaya ako?
Doon kaya, posibleng mahalin mo?
Doon kaya, matupad ang pangarap ko?
Na sa magpakailanman, ika'y makasama ko?
Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Kahit nagpipigil ako, bakit ba hindi ko maiwasan ang masaktan sa isiping posibleng ikaw ang lalaking sinasabi ni Bianca? Pero paano kung hindi? Sana, pero kasi napapansin ko naman talaga ang mga sulyap niya sayo. Iyon ang nasasaktan niyang bulong sa sarili.
Kanina sa canteen gaya ng dati tuwing nakakasabay nila si Bianca sa lunch ay pansin niya ang kakaibang titig nito sa binata. Hindi talaga niya maiwasan ang masaktan kahit wala siyang karapatan kung tutuusin.
"Bakit gising ka pa?" nabigla niyang nilingon ang pamilyar na tinig.
"H-Hindi ako makatulog" aniya nang makabawi sa pagkabigla saka ipinatong ang gitara sa ibabaw ng mesang bato. "eh ikaw bakit gising ka pa?" ganting tanong din niya.
Hindi niya maintindihan kung anong hangin ang bumalot sa paligid.
Dati naman kitang nakakausap pero ngayon, bakit ganito ang nararamdaman ko? In love na ba ako sayo?
"Nakatulog na ako, nagising nalang" sagot nito saka inabot ang gitara.
Pamilyar sa kanya ang piyesa, ang awiting Please Be Careful With My Heart. Mabilis na nagbalik sa isip niya ang eksena sa kwarto ni Lemuel habang tinutugtog ng binata ang parehong kanta sa violin naman nito.
Ang nakakatawang pagkanta niya ng pikit-mata. At nang unang beses na nanulas sa mga labi niya ang palayaw na Em-Em na nagustuhan naman ng binata.