Chereads / I'm Totally Lockdown / Chapter 2 - Umpisa:

Chapter 2 - Umpisa:

Hikaru~

Naglalakad ako sa labas ng bahay namin upang bumili ng lulutuin sa bahay. Ako ang nautusan ni mama na pumunta ng palengke. Mainit na ang sikat ng araw dahil alas diyes na ng umaga. Maglalakad pa ako ng ilang minuto bago makasakay ng tricycle. Nasira kasi ang motor ko at nasa pagawaan pa. Si mama talaga hindi naisip na baka umitim ang unica hija niya. Jusme mama, kung hindi lang kita Ina.

"Ano ang binubulong bulong mo diyan Hikaru? May reklamo ka ba." Lakas talaga ng sagap ng wifi ni mama oh.

"Wala po, nagtataka lang ako ma. Bakit ang ganda mo, ano sekreto mo?" Nakangiti si mama habang hawak ang pisngi. Sabay tingin ng masama sa akin. May saltik 'to si mama alam ko 'yung mga ganiyan niyan.

"Ano sekreto ko? Konsumisyon sa inyo ng kapatid mo. Hala sige at mamalengke ka na at ng may maluto tayo sa tanghalian. Marami pa akong lalabhan"

"I love you ma! Ganda mo talaga. Sa'yo ako nagmana" pang uuto ko pa.

"Jusme kang bata ka. Wala akong idadagdag sa pera mo kaya 'wag mo na akong utuin" pagkasabi nun ay tinalikuran na ako ni mama. Hay... Tipikal na mama ko. Kaya love ko 'yan eh. Love asarin. Joke lang siyempre. Twenty seven na ako pero trip ko pa rin inaasar si mama, siguro way ko lang ng paglalambing sa kaniya.

Nagsimula na ulit akong maglakad. Hindi pa ako masyadong nakakalayo sa bahay namin ng may naramdaman akong sumusunod sa akin. Kaya binilisan ko ang paglalakad, hanggang sa maging takbo na ito.

"Miss sandali!" Sigaw niya.

Parang pamilyar sa'kin ang boses na 'yun ah?

Pero hindi parin ako tumigil sa pagtakbo! Lalo ko pang binilisan.

Kaya sumigaw nanaman siya. "Miss teka lang! sandali! Tumigil ka muna!"

Kinakabahan na ako dahil ayaw niya ding tumigil kakatawag sa akin at patuloy parin siya sa paghabol. Sa pagod ko bigla nalang akong natalisod at tuluyang bumuwal. Pang asar!

Kaya naabutan niya ako at inalalayang makatayo. Ngunit masakit talaga ang paa ko, dahil sa pagkatalisod. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, pilit ko paring hinahabol ang hininga ko. Tumatagaktak din ang pawis sa katawan ko.

Bakit niya ba kasi ako hinahabol? Mamaya magnanakaw pala.

Agad niya naman akong inalalayan upang makaupo sa malapit na gater ng kalsada. Sa hawak niyang iyon may naglakbay na boltahe sa katawan ko. Pamilyar na boltahe, parang naramdaman ko na ang dating pakiramdam na ito.

Habang habol ko parin ang hininga ko ay inumpisahan ko na siyang tanungin kung bakit niya ba ako sinusundan.

"Bakit mo ba ako sinusundan? Dahil sa ginagawa mo maari kitang ipabarangay!" Tanong ko sa kaniya, habang siya nakatingin lang sa akin. Mataman na nakatingin na akala mo ay may ginawa akong masama o ano? Baka may dumi ako sa mukha. O di kaya may mali ba sakin?

"May itatanong lang sana ako sa'yo, kaso nagmamadali kang maglakad at tumakbo ka pa" mahinahon niya namang sagot sa akin.

Mahina pa naman ang loob ko sa mga mahinahon. Natatangay ang katatayan ko. Kasi hindi sila nadadaan sa pagtataray, kaya ikaw nalang ang susuko. Pero syempre sabi ko nga mana ako sa mama ko.

"Ang creepy mo kasi, piling ko kasi magnanakaw ka na nakasunod sa akin o kaya ay serial killer. Kaya paano naman kaya ako titigil! Gets mo?" Pagtataray ko sa kaniya.

"Itatanong ko lang naman sana kung kilala mo si Akila Hikaru Austin? Kasi naliligaw na ako kakahanap kung saan siya nakatira. Matagal ko na siyang gustong makita." Nakatingin siya sa akin habang nagtatanong.

Napansin kong malakas ang dating niya sa suot niyang shades na itim, denim jacket na napaloob ay puting t-shirt. May ternong kwintas na may pendant na letter RH, naka cap na kulay itim din na may check na puti. Kulay itim na pantalon na hapit sa kaniya at may hiwa sa bandang tuhod. Tulad ng uso ngayon na pantalon. Naka rubber shoes na kulay itim na may check din na puti. Pansin ko lang na sobrang lakas ng dating niya nag uumapaw sa karisma ang isang 'to. At ang tangkad pa.

Parang pamilyar sakin ang boses niya, pati ang pigura niya. At teka nga lang hindi ba siya naiinitan diyan sa suot niya. Takip kung takip lang, bakit pa siya nag shade para kumpleto. Dapat nag gloves na rin siya. Nahiya pa siya.

"Ahm... Miss... Kilala mo si Akila Hikaru, kako?"

Natulala pala ako sa kaniya. Gosh na malagkit ano ba naman! Napayuko nalang ako. Habang sinasagot ko ang tanong niya. Bakit naman kasi parang pamilyar siya akin.

"Yeah... I know her, bakit mo siya hinahanap?" Hindi ko muna derektang sinabi kong sino iyon baka kasi mamaya killer pala ang isang ito.

"Yes buti naman! Marami na kasi akong napagtanungan kanina hindi nila kilala. Ilang buwan pa lang daw kasi silang lumipat dito sa lugar na ito. Sabi nung tita niya sa akin. May gusto kasi akong sabihin sa kaniya importante lang. Saan ko siya maaaring puntahan?"

Napaangat ako ng tingin sa kaniya, nakita ko na ang lapad ng ngiti niya na halos hindi mapuknat. Makangiti naman ang isang ito kala mo tumama sa lotto.

"Bakit ko naman agad sasabihin sa'yo? Malay ko ba kung sino ka. Mamaya serial killer ka pala!" Nakataas kilay kong tanong sa kaniya.

"Ay grabe naman po si ate! Serial killer agad. Hindi ba pwedeng gwapong taga hanga lang?" Nakangisi siya habang sinasabi ang huling kataga sa akin.

Kaya lalo lang tumataas ang kilay ko sa lalaking ito, kapal din eh. Sige na kuya buhat pa ng sariling bangko, pati bahay kung gusto mo.

"Tss... Gwapo daw! Mahiya ka naman umagang umaga nagsisinungaling ka!" Kala niya madadaan niya ang ako sa ganiyan. No way!

"Bakit hindi ba? Sabi kaya ni Hikaru ang gwapo ko kamukha ko nga daw ang Dad ko eh," sus, nagkakahinila na ako kung sino 'to. Pero baka mali ako ayokong maging assuming.

"Naku baka inuuto ka lang nun, tapos naniwala ka naman!" Teka bakit ba ako nagtataray dito? Kung saan saan na nakarating ang usapan namin. Mamimili lang kaya ako.

"Ahh basta! Sagutin mo nalang kasi ang tanong ko. Please? Mauubos na kasi oras ko mamaya kasi kailangan ko ng umalis may trabaho pa ako." Halatang nagmamadali siya dahil tinignan niya ang orasan niya.

"Ano muna kailangan mo sa kaniya?" Pagpupumilit ko pa rin.

Napabuntong hininga siya na parang wala ng pagpipilian kundi ang sabihin sa akin ang dahilan.

"Ahm... Bumalik ako para ipakita sa kaniya na hindi na ako gago, na mas mahal ko na 'yung ex ko. 'yung ex kong iniwan ko. 'yung ex kong mahal na mahal ko. 'yung ex kong gusto kong makasama habang buhay." May ngiti siya sa mga labi.

Ang sakit ng dibdib ko na parang may tumutusok at pinipilipit ito kaya hindi ko na kinaya. Pumatak ang luha ko, sa umpisa ay patak patak lang hanggang sa humagulgol na ako sa sakit ng damdamin.

Nataranta naman siya sa akin hindi malaman ang gagawin sa sandaling iyon. Pero sa huli napagpasyahan nalang niyang ikulong ako sa mga bisig niya. Hinagod niya ang likuran ko at lalong akong napaiyak.

"Shhh, miss bakit kaba umiiyak. May nakakaiyak ba sa sinabi ko o may hindi ba dapat akong sinabi?" Sabi niya habang inaalo ako.

Pero napagpasyahan ko nalang kumalas sa yakap niya. Nagulat siya sa biglaang kong pag alis, kaya naman ginamit ko ang sandaling 'yun para tumakbo pabalik sa subdivision namin.

Kala niya ha! Isa siyang malaking garapata! Hindi ko sasa- Ayyy. Nagulat ako dahil may biglang humila sa pulsuhan ko at agad akong kinulong sa bisig niya. Sa amoy palang masasabi kong si garapata ito na mapanakit ng damdamin!

Nagpupiglas ako pero parang balewala lang dahil malakas siya.

"Binibiro lang kita. Alam ko naman na ikaw si Hikaru eh. Alam kong ganiyang magiging reaksyon mo. My Hikaru" base sa bose niya nakangiti siya. Kaya napaangat ako ng tingin sa kaniya. Isa lang din ang tumatawag ng My Hikaru sa akin.

Tama nga ang hinala ko. Tinanggal na niya ang shades niya. Nanlaki ang mga mata ko. Kaya pala pamilyar siya sa akin, ang boses niya kahit na medyo naiba ng konti at ang haplos niya na nagdudulot ng libo libong boltahe na siya lang ang may kayang magparamdam sakin. Nakangiti nga ang garapatang ito. Samantalang ako mukha na akong ewan dahil sa luha ko.

"Alam mo naman pala! Nakakainis ka. Pinaiyak mo pa ako. Hindi kana nakakatuwa." Sa sobrang asar ko, napaiyak lang tuloy ulit ako habang kinukurot ko siya sa tagiliran.

"Aray naman, babe naman masakit kaya. Huwag kanang mangurot sorry na. Ang cute mo lang kasi." Sabi niya habang pinapahiran ang pisngi ko.

"Babe ka diyan! Babe mo iyang mukha mo! Tuwang tuwa ka lang kapag nasasaktan mo ang damdamin ko. Ganiyan ka! Ano masaya kana? Aalis na ako" agad akong tumalikod ngunit nahila nanaman niya ako at kinulong sa mga bisig niya.

"Ikaw talaga, sobrang mahal kita. Bakit ko naman gugustuhin iyon. Kaya nga kita hinanap para ayusin natin ang relasyon natin. Alam kong matagal tayong nagkawalay pero nandito na ulit ako para punan ang ilang taong hindi tayo nagkasama." Madamdamin niyang sagot.

'Yan diyan ako nadadaan sa mga paglalambing niya, sa mga salita niya na alam na alam kung ano ang tamang salita ang gagamitin para makuha ang loob ko. Nakakainis pero gustong gusto naman ng puso ko.

Napayakap nalang din ako ng mahigpit sa kaniya. Namiss ko ng sobra itong garaparatang ito. Mapanakit, pero mahal na mahal ko. Ang tanging Rukia ko. My Rukia.

Matagal na kaming nagkawalay ni Rukia Jireh Rockbell o ni Rukia but for me I call him My Rukia and he call me My Hikaru. Wala share ko lang.

Simula ng guluhin kami ng dati niyang nobya, matagal na silang hiwalay nito ngunit bumalik nanaman siya sa buhay ni Rukia upang 'bawiin' daw kuno. Samantalang sa simula palang ay siya na ang may gawa ng kasalanan para maghiwalay sila ni Rukia.

Dahil wala naman talaga siyang feeling kay Rukia at gusto lang naman niya itong paglaruan. Pwes! Nagtagumpay ito. Sobrang nasaktan ito sa nangyari dati bago ko siya natagpuan sa isang kalye na lasing na lasing at naka tulog na sa may gilid ng kalsada. Tinulungan ko siya ng gabing iyon. Nilisan at binihisan, iyon din ang unang araw na nabilang ko ang abs niya! Mga 6 ganoon! First time ko kaya makakita ng abs sa malapitan. Sa kwarto ko siya pinatuloy. Buti nalang tulog na sina mama at Harold. Naku kundi nabaril na ako ng salita ni mama. Machine gun pa naman 'yun.

Nakakainis ang bruhang Eleonora na iyon! Sinasayang ang biyaya ng langit tsk. Hindi lang naman sa physical looks ka hahanga kay Rukia kasi masayahin siya, maunawain at mahaba ang pasensiya. Bihira kayang makakita ng tulad niya. Kaya nga nang nakilala ko siya hindi ko mapigilang mahulog sa kaniya. Tapos sasayangin lang ng bruhang tinipos ang mga ganitong biyaya ng langit. Jusme naman! Buti nalang nandito ako. Haba ng hair ko o masyado lang akong assuming?

Pagkagising niya ng umagang iyon. Nagulat siya kung nasaang lugar siya. Pagkatapos nakita niyang nakaboxer nalang siya, ang lolo niyo akala mo kinuha ang dangal ang sama ng tingin sa akin. Kala naman niya, kahit na yummy siya ng mga sandaling iyon. Hindi naman ako mapagsamantala ano!

Kung siya ang gagawa sa akin bakit hindi diba? Char lang, mabait kaya ako. Hindi kaya ako ganoon. Tsaka baka kalbuhin ako ni mama.

Dali-dali siyang umalis ng kama at bubuksan na niya ang pinto ng maalala niya na nakaboxer lang siya. Agad siyang napatingin sa boxer niya kaya sinundan ko din ng tingin.

My gosh! Ang la- l-laswa! Bakit ba ganiyan! Napatakip agad ako ng mata at agad natalikod. Nakakahiya, pero bakit ba ako ang nahihiya? Dapat siya ang mahiya! Huwag nga siyang palakad lakad ng ganiyang lang ang suot. Ang inosente kong mga mata, binahiran niya. Mama oh, si Rukia ang bastos.

Agad naman siyang naghanap ng masusuot sa may kabinet kaso puro yellow, pink at violet ang laman ng gamit ko doon.

Kaya pinili niyang suotin ang yellow na jersey short ko mas katanggap katanggap siguro iyon kesa sa pink at violet ko na short kaya iyon nalang ang pinili niya. Above the knee niya naman kaya keri lang siguro.

Nauna na akong lumabas at sumunod lang siya. Iyan tama 'yan sunod ka sa maganda.

"Ahm... Bakit ako nandito? Tsaka nasaan pala ang mga damit ko?" Bungad na tanong niya sa akin pagkasuot na siya ng short. Kaso walang pang itaas. Ano ba naman, bakit nagkalat ang pandesal dito. Umagang umaga naman 'yan, pakitakpan.

Habang ako dinadama ko ang sakit ng likod ko dahil sa lapag lang ako natulog. Sakit kaya ng likod ko, hindi yata ako sanay sa lapag lalo na ang sapin ko lang manipis na kumot. Kung pwede lang dun ako sa kama eh at siya sa lapag? Takte naman! Bakit ngayon ko lang naisip 'yun? Ay bobita ka Hikaru.

Tapos naalala ko kanina nagising ako ng kumatok si mama. Binuksan ko ng maliit ang pinto sakto lang para makita ang mukha ko. Pero ang tipikal na mama ko ayun at nagtataka kaya sumisilip.

"Mama 'wag ka ngang pasilip silip magka kuliti ka. Nagkalat kasi mg damit ko, pumipili ako ng susuotin ko para sa graduation ball namin." Pinaningkitan niya ako ng mata, nginitian ko siya. Wala naman siyang nagawa at nagkibit balikat nalang.

"Alis lang muna ako, tutulungan kong mag ayos si Kumaring Gina. Si Harold pakainin mo na. Nagluto ako ng umagahan diyan. Kumain na kayo ng kapatid mo." Sarap talaga ng may mama, dakilang tagaluto sa tahanan. Bigyan ng award 'yan. Chos lang.

Tumango lang ako sa kaniya at ngumiti. Tinitigan niya ako na parang nawawala ang anak niya siguro ay nawewerduhan sa akin. Dahil wala akong bwelta sa kaniya ngayon. Pero hindi na niya pinansin at umalis na. Buti naman at nakahinga ako ng maluwag. Kung nagkataon na malalaman ito ni mama lagot na. Maghahalo ang kape sa kamatis, sige ka bet mo 'yun Hikaru?

Tapos ito naman ngayon ang nasa harapan ko ang sasagutin ko ang tanong.

Ilang tanong ba kada araw? Tsaka may prize ba? Baka naman kuyang gwapo may prize.

Habang nasa kusina kami at nag aalmusal ng pandesal niya este ng tinapay na may palaman na pancit canton at may kapares na kape. No rice kami sa umaga, hirap maging amerikana, syempre biro lang. Sanay lang na ganito sa umaga.

Wala siyang pang itaas kaya iyan tuloy pinag pipyestahan sila ng inosente kong mga mata. Mamaya ikukuha ko nalang siya ng damit sa kwarto ni Harold. Tiyak na puyat nanaman 'yun sa kakalaro sa cellphone.

"Ah kasi, nilabhan ko kagabi... Amoy alak na damit mo samantalang ang pantalon mo ay malibag kaya naisipan kung labhan na." Tumango tango siya habang nagsasalita ako. "Ano ba ang ginagawa mo doon sa kalsada at doon ka na nakatulog?"

"Naparami lang inom ko, pasensya kana sa abala, at ahm... Akala ko pinag samantalahan mo ako." Seryoso ba talaga siya?

Halos maibuga ko ang kinakain ko sa sinasabi niya.

"Nako wala iyon, hinila lang naman kita sa may taxi hanggang sa maisakay kita sa back seat. Ang gaan mo nga eh" may pang uuyam ng maalala ko ang hirap ko sa pagbuhat sa kaniya para maisakay sa loob ng taxi. Tsaka malaki ang binayaran ko. Gosh! Ilang araw kong pambaon sa eskwelahan 'yun."Tsaka grabe ka naman pinagsamantalahan agad? Kapal mo din po. Saan ba nabibili 'yang kakapalan ng mukha?"

Nakayuko siya at bumuntong hininga. Parang wala siyang time makipagbiruan.

"Salamat talaga, pasensiya na talaga kung pinaghinalaan kita. Ahm..." Hindi niya maituloy ang sasabihin niya. Parang hirap na hirap siya.

"Okay lang 'wag mo ng ituloy. Kumain ka na pati baka hinahanap ka na sa inyo. Ang mga laman pala ng bulsa mo ay nilagay ko sa taas ng table ko sa kwarto kunin mo nalang. Ikukuha pati kita ng matinong damit sa kwarto ng kapatid ko baka hindi pa tuyo ang damit mo." Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na damdamin para sa taong ito. Parang hirap na hirap na sa buhay niya. Nacurious tuloy ako sa nangyari sa kaniya.

Tumango lang siya. Iyon nga ang nagyari pagkatapos naming kumain. Pumunta ako sa kalapit na kwarto ko. Kwarto ni Harold, ewan ko kung magkasiya ang damit ni Harold sa kaniya. Fifteen pa lang kasi si Harold. Medyo payat lang 'to si Harold pero matangkad pa sa akin. Baka kasya na ang damit nito. Kumuha ako ng polo shirt at maong short at sinturon na din. Bahala na siguradong maghahanap 'to si Harold. May pagka sungit pa naman ang isang 'to.

Siguro noong naglilihi si mama laging galit. Kaya masungit 'tong kapatid ko. Buti nalang pogi 'to, andaming nagkakagusto sa sungit na 'yan. Grabe talaga ang lahi ni mama at papa. Ang ganda at gwapo ngunit bawal mag jowa hanggang hindi pa guma-graduate ng college. Kundi itatakwil sa kaharian ng amazona.

Inabot ko na sa kaniya ang susuotin niya. Tinanggap niya ito at muling pumasok sa kwarto ko. Nang lumabas siya nakita kong hindi siya masyadong komportable dahil naka hanging ang damit sa kaniya ang short naman ay sakto lang ang laki.

Nagkibit balikat nalang ako sa loob loob ko.

"Ano nga palang pangalan mo?" Tanong niya sa akin.

"Bakit mo naman na tanong? Importante pa ba 'yun. Pagkatapos naman nito aalis kana at hindi na tayo magkikita" bakit sa sinabi kong iyon kumirot ang puso ko sa kaisipan na hindi na kami magkikita. Tsaka kala mo nag one night stand lang ang peg.

"Para pormal na magpasalamat? Gusto ko rin naman malaman ang pangalan ng isang magandang binibini na tulad mo at mabait pa dahil tinulungan mo ako" nakangiti siya sa akin pagkatapos niyang sabihin iyon.

Nagbaba ako ng tingin dahil naramdaman ko ang pag iinit ng pisngi ko. Hindi niya ba alam na hindi dapat biglang sinasabi ang ganoon? Kasi may isang binibini ang mahina ang loob sa mga ganiyan, marupok kumbaga.

Kainis namang magpakilig 'to walang kahirap hirap.

Pereng temeng leng... eh!

"Akila Hikaru Austin. Hikaru nalang. Okay lang 'yun. Sa susunod naman kasi magtira ng pang uwi. Ubos na ubos eh"

Bumulong siya, hindi ko alam kung tama ang pagkakarinig ko. "Tulad ng pagmamahal ko sa kaniya ubos na ubos. Nalimutan kong magtira para sa akin" humuhugot, ay may pinagdaraanan nga.

"Ikaw ano pala name mo, kuyang ubos na ubos?" Hindi ko talaga mapigilan 'tong bibig ko sa pang aasar.

Bumuntong hininga lang siya at tumingin sa akin. "Rukia Jireh Rockbell. Nice to meet you Hikaru" pilit siyang ngumiti at nilahad ang kamay sa akin. Kaya kinamayan ko siya.

Hindi ko alam na dito pala magsisimula ang kwento namin ni Rukia.

———

—MegumiJ