Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 93 - Nangako Ka Na Ipagluluto Mo Ako

Chapter 93 - Nangako Ka Na Ipagluluto Mo Ako

Sa loob ng kotse ay nakamasid lang si Lin Che kay Yu Minmin na nakatingin sa labas ng bintana. Nag-isip muna siya nang ilang sandali bago nagsalita, "Hindi pwedeng magpatuloy lang ang papa mo sa ganitong gawain."

Tumawa nang mapait si Yu Minmin. "Wala na akong magagawa sa ugali niyang ito. Bahagi na ng buhay niya ang pagsusugal. Buong buhay ko'y lagi ko siyang naririnig na titigil na sa bisyo niya pero ano? Araw-araw pa rin siyang pumapasok sa gulo. Okay lang ako; sanay na sanay na ako dito."

Matagal na siyang alaga ni Yu Minmin, pero hindi pa siya gaanong sikat noon. Iba na ngayon. Parang personal manager na niya si Yu MInmin kaya halos araw-araw na silang magkasama. At iyan ang dahilan kung bakit medyo may alam na siya tungkol sa family background nito.

Tinapik niya ang balikat ni Yu MInmin, "Baka may paraan pa."

Umiling si Yu Minmin, "Pwera nalang kung ilayo ko si Mama at ang kapatid ko sa kanya, sa tingin ko'y walang ibang paraan para mawala na sa buhay namin ang taong iyon."

"Sige. Ganito na lang. Mag-iisip tayo ng paraan mamaya pagdating natin sa bahay. Huwag kang mag-alala. Hahanap tayo ng paraan."

Maya-maya lang ay nandoon na sila sa bahay ni Gu Jingze.

First time ni Yu Minmin na makapunta dito. Mula sa labas ay nakita niya ang ilang mga bodyguards na parang masama ang pagkakatingin sa kanya kaya naisip niya na baka bawal magpapasok ng ibang tao dito. Nilingon niya si Lin Che at nagtanong, "Pwede ba akong pumasok dito? Hindi ba't hindi nagpapapasok ng ibang tao ang mga Gu sa bahay nila?"

Sumagot si Lin Che, "Hindi naman siguro ganoon… Okay lang iyan, pero ngayon palang naman ako nagdala ng ibang tao dito."

Nang papasok na sila ay tiningnan ng security guard si Yu Minmin at pagkatapos ay magalang na bumati kay Lin Che. "Madam." Pagkatapos ay pinapasok na sila sa loob.

Tahimik lang si Yu Minmin. Napansin niya ang magalang na pagbati ng mga ito kay Lin Che. Lumingon siya kay Lin Che pero hindi na sya nagtanong pa.

Manager siya nito pero hindi niya ugaling manghimasok sa personal na buhay ng kanyang mga artista. Nagtatanong lang siya kapag may kinalaman na sa trabaho. Iyan ang isa sa mga work ethic ng isang manager.

Pagpasok nila ay nakita ni Yu Minmin ang napakalawak na bahay at ang napakaeleganteng desinyo nito sa loob.

Habang nakatayo sa sala ay hindi niya napigilan ang sariling sabihin kay Lin Che, "Parang palasyo naman 'tong bahay niyo."

Sumagot si Lin Che, "Oo. Noong unang dating ko dito, lagi akong nawawala sa tamang daanan dahil napakaraming mga liko-liko. Mukha lang siyang komplikado pero hindi naman magtatagal ay masasanay ka kaagad."

"Hindi ako makapaniwala na nandito ako ngayon sa bahay ni Gu Jingze."

"Bakit naman?"

Ngumiti si Yu Minmin, "Imposibleng makapasok dito ang isang pobreng katulad ko pero nandito ako ngayon dahil nakasilong ako sa liwanag mo."

Napangiti din Si Lin Che. "Ganoon ba? Hindi ko akalain na may tao palang masisiyahan na makisilong sa liwanag ko."

"Siyempre naman."

Tumunog naman ang cellphone ni Yu Minmin. Kinuha niya ito at sinagot ang tawag. Ang mama niya ang tumatawag.

Sa kabilang linya ay umiiyak ang kanyang mama. "Minmin, pakiusap. Tulungan mo ang papa mo. Ikaw lang ang inaasahan ng pamilya natin, walang ibang makakatulong sa atin. Baka may kilala ka na pwedeng makatulong sa atin. Nag-iisa lang ang ama mo. KApag ba may nangyari sa kanya, hindi ka ba magsisisi?"

Hindi alintana ni Yu Minmin ang pagtusok ng mahahaba niyang kuko sa kanyang palad. Animo'y ang sakit na dulot nun ay makapagbabawas ng inis na nararamdaman niya.

"Oo na. Mag-iisip ako ng paraan…" Iyon lang ang nasabi niya sa umiiyak na ina.

Pagkatapos ng tawag na iyon ay ipinikit niya ang mga mata at tumingala sa itaas. Pinagmasdan niya ang napakaliwanag na kisame ng bahay na iyon at huminga nang malalim.

Nagsalita si Lin Che. "Miss Yu, sino ba ang mga taong iyon? Gumawa tayo ng paraan. Baka may makita tayong solusyon."

Sumagot si Yu Minmin. "Ang mga taong iyon ay nagpapatakbo ng isang pautangan at isang underground na pasugalan sa B market. Sila ay nanggaling sa Pamilyang Lu. Matagal nang nakikipagtransaksiyon sa kanila ang papa ko. Sa madaling salita ay masasamang tao ang mga iyon. Pupuntahan ko sila't kakausapin at tingnan natin kung ano ba'ng pwede nating gawin."

"Saan ka matutulog mamayang gabi?"

"Sa ngayon ay kukuha nalang muna ako ng hotel room para hindi ako mahanap ng papa. Huwag kang mag-alala. Matagal na akong namumuhay nang ganito, kaya alam ko na kung ano ang gagawin. Kayang-kaya kong protektahan ang sarili ko."

"Okay sige."

May tinawagan si Yu Minmin at nag-book ng kwarto sa isang hotel. Inutusan naman ni Lin Che ang kanilang driver para ihatid ito doon.

Maya-maya ay tumunog ang kanyang cellphone. Nakita niya ang pangalan ni Gu Jingze sa screen. Napangiti siya at sinagot ang tawag.

"Kailan mo ba tutuparin ang pangako mong ipagluluto mo ako?"

Akala ni Lin Che ay nagbibiro lang ito nang sabihin ito nito sa kanya noon pero ngayon ay nag-aalangan siyang sumagot, "Oo na… Hihintayin kitang umuwi para makapamili ako ng mga ingredients."

"Okay, hintayin mo nalang ako diyan. Papunta na ako diyan."

Nang marinig ang sagot ni Lin Che na mamimili sila ng mga ingredients para sa lulutuin nito sa kanya ay hindi na siya makapaghintay at nagmamadaling umuwi ng bahay.

Hindi nagtagal ay nandoon na ito sa bahay at hinila si Lin Che, "Tara na. Punta na tayo sa palengke."

"Sasama ka?"

"Oo naman."

"Pero…" Naalala ni Lin Che ang babala sa kanya ni Mo Huiling dati. "Hindi ba delikado para sa'yo na sumama sa palengke?"

Nagtatakang tiningnan ni Gu Jingze si Lin Che, "Bakit mo naman nasabi iyan?"

"Eh kasi noong isang araw ay sinabi sa akin ni Mo Huiling na delikado daw para sa'yo na lumabas ng bahay nang ikaw lang," sagot ni Lin Che.

Mo Huiling?

Napasimagot si Gu Jingze. "Kahit saan naman talaga ako magpunta ay may nakaabang na panganib sa'kin. Pero ibig bang sabihin nun ay magkukulong na lang ako dito para makaiwas doon? Halika na."

Pagkasabi nito noon ay hinawakan ang kamay ni Lin Che at lumabas na sila.

Gusto pa sanang magsalita ni Lin Che pero nang tingnan niya ito ay nagpasya na lang siya na mas mabuti na sigurong hindi nalang magsalita pa. Tiningnan niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya. Gusto niyang bumitaw pero hindi niya ginawa. Lalo naman nitong hinigpitan ang paghawak. Napansin niyang nakamasid sa kanila ang mga katulong kaya hindi na siya nakipagtalo pa.

Hindi gaanong marami ang tao sa palengke. Medyo nagtaka lang si Lin Che dahil kadalasan talaga ay masikip doon. Para itong isang kalsada na mayroong mga boundary dahil kalimitang nakahilera ang mga tao.

Itinulak ni Lin Che ang shopping cart at tiningnan si Gu Jingze na nagsusulat ng recipe. Nayayamot na nagsalita si Lin Che, "Napaka-demanding mo naman. Parang ang hirap naman ng recipe na iyan."

"Mahirap ba ito? Eh maghihiwa ka lang naman at magpiprito ng mga lulutuin."

Simple at di-masyadong mahal ang recipe na pinili ni Gu Jingze.

Itinulak muli ni Lin Che ang cart at naglibot-libot habang tumitingin-tingin sa mga gulay. Ang sarap talagang mamili sa isang malaking supermarket. Nakangiti si Lin Che at magaan ang kanyang pakiramdam.

"Gusto kong bilhin 'to."

"Saka ito pa."

"Ah, mukhang presko pa ang gulay na iyon ah."

Nagkahalo-halo na ang mga inilagay niya sa cart.

Tuluyan na nga niyang kinalimutan ang recipe.

Napailing nalang si Gu Jingze at wala ng magawa pa.

Ilang sandali lang ay biglang bumangga ang gulong ng cart ng isang lalaki sa paa ni Lin Che.

Napaaray si Lin Che.

Tiningnan niya ang lalaking bumangga sa kanya at tahimik itong naglakad palayo.

Nainis naman si Lin Che. Ang sama ng ugali ng lalaking iyon.

Pero, hinablot ni Gu Jingze ang kamay ng lalaki na tumalikod nalang bigla.

Habang hawak ang kamay ng lalaki ay itinulak niya ito papunta sa isang shelf. Nabigla ang lalaki at gusto nitong magmura pero nang makita nito ang seryosong mga mata ni Gu Jingze at itinikom nalang nito ang bibig.

"Mag-sorry ka sa asawa ko," utos ni Gu Jingze.

Tiningnan ng lalaki si Lin Che. Bagama't ayaw nitong mag-sorry ay sumunod ito dahil sa takot kay Gu Jingze. "Pasensya na, hindi ko napansin."

Kinuskos ni Lin Che ang paa. "Okay lang. Mag-iingat ka na lang sa susunod."

Galit pa rin si Gu Jingze pero binitiwan na niya ang lalaki.

Mabilis namang umalis ang lalaki. Tatayo na sana si Lin Che mula sa pagkakatumba pero bigla nalang umupo si Gu Jingze at kinarga siya sa mga braso nito.

Naiinggit namang nakatingin sa kanila ang mga taong nandoon. Maraming mga mata ang humahanga sa kakisigan ni Gu Jingze.

Binuhat siya ni Gu Jingze at pinaupo sa shopping cart, "Patingin nga ako kung okay lang iyang paa mo."

Umiling si Lin Che. Ngumiti siya at tiningnan si Gu Jingze. "Okay lang ako. Hindi naman masiyadong malakas ang pagkakabangga sa'kin. Sadyang nainis lang talaga ako sa inasal ng lalaking iyon."