El Dorado: Witnessing the Power of Destined

🇵🇭Rhianjhela
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 19.2k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1: Sign

Takot.

Yan ang aking nararamdaman ngayon habang pinagmamasdan ang lugar kung saan ako nakatayo.

Nasa gitna ng gubat at pinalilibutan ng mga nagsisitaasang puno maging ang mga damo ay napakahaba na rin. Dagdagan pa ng dilim ng gabi na bumabalot sa lugar at sinasabayan pa ng mga huni ng iba't ibang insekto gayundin ang pag-ihip ng malamig na hanging nagdudulot ng pagkalagas ng mga patay na dahon na  bumabagsak naman sa lupa.

Bakit ako nandito sa mga oras na ito?

"Cleschia..."

Boses ng isang lalaki.

Unti-unti akong napatingin sa dako kung saan ko narinig ang boses na yun. Sa paglingon ko, sa di kalayuan ay may isang tindig akong natatanaw pero hindi ko maaninag ang mukha nito na nakatayo sa harapan ng isang pintuan na pinanggitnaan ng mga malalaking puno.

Sino siya at bakit niya ako kilala?

Huli ko na lamang namalayan na humahakbang na pala ang mga paa ko papalapit sa kanya at sa bawat paghakbang ko ay unti-unti ko na siyang namumukhaan dulot na rin ng parang liwanag na nakapalibot sa kanya.

Mukha ng isang napakaseryosong lalaki na mariing nakatitig sa aking mga mata at hinihintay ang paglapit ko.

At sa unti-unting paglapit ko ay bigla na lamang sumilay ang ngiti sa kanyang labi habang unti-unti niyang inilalahad sa harapan ko ang kaliwang kamay niya.

Hindi ko alam pero napangiti na lamang ako sa naging asal niya. At sa pag-angat ko ng aking kamay para abutin sana at hawakan ang kanyang palad ay bigla na lamang umaliwalas ang paligid na siyang nagdulot para mapapikit ako.

At sa pagmulat ko ng aking mga mata ay isa lamang ang aking napagtanto.

Nasa ibang lugar na ako.

Isa itong kaharian dahil sa napakalaking palasyo na siyang sentro ng lugar na ito. May mga bahay na nakatayo pero ang siyang nagpapaaliwalas sa lugar na ito ay ang masaganang puno at mga namumulaklak na halaman na nakakalat sa buong paligid nito. Dagdagan pa na may matatanaw kang bundok at talon sa dulo nito. Maging ang kaisa-isahan at napakalawak na paaralang nakatayo sa bandang unahan ng palasyo ay kapansin-pansin.

Isang kaharian na parang paraiso. Hindi ko maiwasang mapahanga sa nakikita ko.

Ang ganda.

Pero bigla din itong napawi nang may maalala ako.

Nasaan siya?

"Cleschia..."

Dinig kong boses na sinabayan pa ng ihip ng hangin.

Agad kong inilibot ang aking paningin para hanapin siya pero wala. Tanging boses lamang niya ang nangingibabaw.

"Magpakita ka," sigaw ko.

At bigla na lamang lumakas ang ihip ng hangin.

"Cleschia, you're belong here. Please be with us."

"Anong pinagsasabi mo? Ano ba, magpakita ka nga!"

"Think for it. You're different from them. You are living in a wrong world. Cleschia, this is your home, your family. Please, Cleschia, be here because..." Boses niya na ikinagulo naman ng utak ko at hinihintay ko ang karugtong ng sinabi niya.

Bigla na lamang nanlaki ang aking mga mata nang makaramdam ako ng hanging bumabalot sa aking katawan.

"I need you, Cleschia," bulong niya.

Agad akong napabalikwas sa aking kama nang dahil sa panaginip ko na naman. Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa hingal na hingal ako. Nang mahimasmasan ako ay binalikan ko ang naging panaginip ko at napaisip.

"Anong ibig sabihin niya?" Tanong ko sa aking sarili.

Hindi na bago sa akin ang naging panaginip ko. Sa katunayan, inaasahan ko na ito pero sa araw na ito, mas naging klaro ang lahat.

Simula noong mag-umpisa ang taong ito, ang taong 2030, araw-araw na akong may napapanaginipan na mga pangyayaring masasabi kong magkadugtong lamang. Na parang may iisang mensahe na gustong iparating sa akin.

Unang araw ng taon, napanaginipan ko ang kahariang iyon kung saan tanaw  na tanaw ko ang lahat ng sakop nito. Sa mga sumunod pang mga araw ay isa-isa akong dinala sa bawat lugar- mula sa mga bahay na naroroon, sa bundok, talon, kagubatan hanggang sa napasok ko ang palasyo at ang kaisa-isahang paaralang naroroon. Sumunod noon ay madalas ko ng napapanaginipan ay ang mga taong may taglay na iba't ibang kapangyarihan. Lahat ng ito ay hindi ko pinansin noong una pero nang mapanaginipan ko ang sariling nakatayo at wala akong makitang kung anu-ano kundi kadiliman lamang tapos may boses akong naririnig, boses ng isang lalaki na paulit-ulit na sinasambit ang aking pangalan, ay nagsimula na akong magtaka. Hanggang sa napapanaginipan ko na ang isang bulto ng tao na nung simula pa ay nakatalikod lamang at malayo sa akin tapos sa sumunod na mga araw ay kaharap ko na ito pero hindi ko maaninag ang kanyang mukha, kumbaga blurred at paulit-ulit lamang nitong sinasambit ang aking pangalan at minsan din ay may sinasambit itong iba pero hindi ko marinig ang boses nito at di ko rin magawang basahin ang buka ng bibig nito.

At noong nakaraang buwan lamang, napanaginipan ko siyang may sugat at may beses din na parang nanghihina siya. At sa mga araw na iyan, hindi ko maintindihan kung bakit madalas na lamang akong natutumba ng biglaan, at bigla ding nakakaramdam ng panghihina kahit na wala naman akong sakit.

At sa buwang ito, may unti-unti na akong napagtanto na siya ding nagpapagulo sa aking isipan dahil hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba o hindi. Gayunpaman, kahit na alam kong imposible para sa kaalaman ng iba, nagawa ko na lamang itong itong paniwalaan. At sa araw na ito, mas naging klaro ang lahat dahil sa panaginip ko at nagsimula na akong makaramdam ng kaba. Namukhaan ko ang lalaking nagmamay-ari ng boses na yun at madalas na siyang laman ng panaginip ko, nakita ko ulit ang kahariang iyon at ang mga sinambit niya na siyang nagpapabilis ng tibok ng puso ko.

Anong ibig sabihin niya? Bakit parang ipinaparating niya sa akin na maling naririto ako? Sa mga salitang binitawan niya, parang sinasabi niyang hindi ako tao? Pero paano? Tsaka ang huling salita niya, kailangan niya daw ako. Bakit? Damn, gulung-gulo ako.

"Fhreya, anak, gising ka na ba?" Si nanay Sita na kumakatok sa pintuan ko.

"Opo, gising na ako," sigaw ko para marinig niya.

"Labas ka na, nakahain na ang almusal," muli nitong sambit bago ko marinig ang mga yabag niyang papalayo sa aking kwarto.

Si nanay Sita ay hindi ko tunay na ina. Sabi niya sa akin na ibinilin daw ako ng aking ina sa kaniya at sinabi pa nitong babalikan ako nito pagdating ng ilang araw pero heto, 17 years na akong nandito pero walang ina ang nagpakita at kinuha ako. Pero kahit na ganoon, umaasa ako na babalikan pa din ako nito.

Inayos ko muna ang aking sarili at lumabas na para pumunta sa kusina. Naabutan ko doon si Nanay na nagtitimpla ng kape at napansin agad nito ang presensiya ko.

"Magandang umaga, nay," sambit ko habang nagmamano sa kanya.

"Umupo ka na at kakain na tayo," sambit nito at umupo na kami sa aming upuan.

Sinimulan ko ng lagyan ang aking plato ng sinangag at kumuha din ako ng itlog at tuyo na siyang ulam namin.

Simple lang ang pamumuhay namin dito ni nanay. Nakatira kami sa di kalakihang bahay at kami lamang dalawa ang tao dito. Nabubuhay kaming dalawa mula sa mga kakaning itinitinda niya araw-araw sa bayan at dahil Mayo naman ngayon, hindi pa pasukan ay sumasama ako sa kanya sa pagtitinda.

Habang kumakain ay bigla na lamang pumasok sa aking isipan ang napanaginipan ko kanina. Napatingin ako kay nanay.

"Anak, may problema ba?" Napansin niya palang nakatingin ako.

"Nay, sa tingin niyo po, posible bang mangyari ang mga bagay na pinaniniwalaan nating imposible?" Agad naman niya itong ikinanuot ng noo.

"Anong ibig mong sabihin nak?"

"Tulad na lamang po sa mga pangyayaring naririnig lamang natin bilang isang kuwento, kumbaga pinaniniwalaan natin bilang isang kathang-isip lamang."

"Paanong napaisip ka ng ganyan anak?" Napatigil na si nanay sa kanyang kinakain at marahan ng nakapokus ang atensyon nito sa akin. Kaya binaba ko na din ang kutsara ko. Oras na siguro para sabihin ko ito sa kanya. Huminga muna ako ng malalim bago muling nagsalita.

"Kasi nay, mahirap mang paniwalaan pero simula nang sumapit ang taong ito, araw-araw na akong nananaginip ng mga bagay-bagay at lahat ng yon ay nagkokonekta lamang. Mula sa isang lugar kung saan para itong isang kaharian, mga taong may kapangyarihan maging ang isang lalaking siyang nagpapakita sa akin, hindi ko alam pero parang totoo lahat ng yun," kwento ko sa kanya na siyang ikinatigil niya. Napainom ito ng tubig at napabuntong-hininga.

"Nay, bakit?" Tanong ko sa kanya kase parang nagpabagabag sa kanya ang mga nasabi ko.

Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti.

"Nak, hindi ka nagkakamali sa kutob mo," sambit niya na ipinagtaka ko.

"Huh?"

"Ang mga nakikita mo sa iyong panaginip, siguro senyales na yan para malaman mo ang katotohanan..."

"Katotohanan?"

"Nak, Fhreya. Hindi ka normal na tao. Ang kahariang nakikita mo sa iyong panaginip ay siyang dapat na tahanan mo. Isa ka sa kanila, isang nilalang na may taglay na kapangyarihan," sagot niya. Bigla akong naestatwa sa aking kinauupuan nang marinig ang sinabi ni nanay. Yung mga panaginip ko na ang hirap paniwalaan ay kinumpirma ni nanay na totoo. Pero paano?

"Paano nangyari yon?" Tanong ko. "Ang aking ina...papaanong ibinilin niya ako sa inyo?" Hindi ko alam kung bakit naitanong ko ang tungkol dito.

"Totoong ibinilin ka sa akin ng iyong ina at yung sinabi niyang kukunin ka niya sa ilang araw pero hindi niya nga lang natupad. Nagawa ka niyang dalhin dito para makaligtas sa kaguluhang nangyayari sa kaharian ng mga panahong iyon. Yun lamang ang nalalaman ko kung bakit napunta ka sa akin, Fhreya," paliwanag niya.

"Pero anong koneksyon niyo sa aking ina? Paanong nagawa ka niyang pagkatiwalaan? Dahil kung iisipin ko, parang walang kaalam-alam ang mga taong nandirito tungkol sa mga ganitong pangyayari dahil malamang di sila naniniwala rito" pagtataka ko na at binigyan ako ng pilit na ngiti.

"Ako ang nag-alaga sa iyong ina mula nang sanggol pa lamang ito hanggang sa sumapit ang kanyang ikalabinwalong taon. Pinilit siyang madala sa akin ng kanyang ina kahit na nagtatamo na ito ng matinding sugat. Ibinilin sa akin na alagaan ko ito hanggang sa ikalabinwalong taon nito at yun na ang oras para ibalik ko siya sa kaharian. Yun nga ang ginawa ko. Akala ko nun, yun na ang huling pagkikita namin pero hindi ko inaasahan na babalik siya sa akin na may dala ng bata para temporaryong paalagaan sa akin. Bago siya umalis, sinabi niya sa akin ang pangalan mo, Cleschia Fhreyanney pero hindi ko alam kung ano talaga ang tunay mong apelyido, kung sino yung ama mo kaya ginamit ko na lamang ang Quasco na siyang apelyido ni Celestina, ang iyong ina. Maging ang kaarawan mo ay hindi ko alam kaya binase ko na lamang ang kinikilala mong kaarawan sa araw na dinala ka dito ni Celestina."

"Pero di ko pa rin maintindihan. Kung isa kang tao, at ang aking ina maging ang aking lola ay naiiba sa inyo, paanong naging malapit kayo?"

"Matalik kong kaibigan ang iyong lola nang dahil sa isa rin ako sa inyo noon, Fhreya," sagot nito at biglang sumilay sa kanyang mukha ang lungkot.

"Noon?"

"Oo, Fhreya. Ipinanganak akong may kapangyarihan sa kahariang iyon pero nang dahil sa umibig ako sa isang normal na tao ay tuluyan akong inalisan ng kapangyarihan at naitakwil sa kaharian na siya rin namang pinili at ginusto ko. Kaya nga ako naninirahan dito. Sayang nga lang at hindi ko na siya kasama ngayon..." Sabi nito at sa mga huling salita nito ay ramdam mo talaga ang kanyang pangungulila.

"Kayo lang ba ang naitakwil sa mundong iyon?"

"Hindi ako nag-iisa Fhreya. May ilan pang umibig sa normal pero kahit na ganoon ay wala pa ring nakakaalam sa naging pagkatao namin kahit na yung taong mahal namin, wala silang alam. Dahil ang kapalit ng pagsabi ng katotohanan ay awtomatikong kamatayan ng isang normal na makakaalam. Ganun kahigpit ang ating pagkatao," sambit nito na ikinasang-ayunan ko naman. Naliwanagan na ang aking kalooban at pag-iisip sa mga nalaman ko.

Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan namin ni Nanay.

"Nak, gusto mo bang...ibalik na kita sa dapat na tirahan mo?" biglang sambit ni Nanay. Napatingin ako sa kanya. Nakangiti siya pero may bakas sa mukha niya ang kalungkutan.

"Hindi yata ako handa nay," sagot ko. "Kinakabahan ako sa maaaring madatnan na buhay ko doon at...hindi ako handang lisanin yung mundong ito at iwanan ka."

Hindi ko maiwasang malungkot sa mga oras na sinasambit ko yun kay Nanay. Ang isipin na iiwanan ko siya pagkatapos ng 17 years na pag-aalaga niya sa akin, nakakapanlumo.

Napatingin ako sa kamay ko na siyang inabot niya.

"Nakakalungkot man pero Fhreya, kailangan mong bumalik doon. Sundin mo kung ano ang iniuutos sa iyo sa panaginip. Bumalik ka lalo na't kailangan ka nila."