Sariwang-sariwa sa aking alaala ang laman ng mga naging panaginip ko lalong-lalo na at dinadako namin sa ngayon ni Nanay ang kagubatan kung saan marahil ay daan papunta sa kaharian na siyang sinasabing dapat na kalalagyan ko.
"Ipinakita sa iyo ang lugar na ito, hindi ba?" Tanong ni nanay sa kalagitnaan ng paglalakad at tumango naman ako. "Marahil ay alam mo na rin ang itsura ng lagusan." Sigurado akong ang lagusan na tinutukoy niya ay yung nakita ko sa aking panaginip kung saan nakatayo ang lalaki.
Nang magdesisyon si nanay kahapon na kailangan kong bumalik sa kaharian ay minabuti niyang mangyari kaagad yun ngayong araw. Dinala niya ako dito sa kagubatan na hindi man lang sa akin sinabi kung paano ako makakapunta sa kaharian. Pero dahil sa nakita ko ito sa aking panaginip ay hindi ito naging mahirap na intindihin.
Dire-diretso ang aking paglalakad sa masukal na kagubatan na huli ko nang napansin na may di kalayuan na ang distansiya ko kay nanay.
Napalingon ako sa kanya. "Nay, ba't ka tumigil?" Puna ko at binigyan niya ako ng ngiti.
At doon ko na naalintala ang dahilan kung bakit. Naging visible sa aking mga mata ang parang harang na pumapagitna sa amin ni nanay. Nakaramdam ako ng kakaibang puwersa mula rito.
Lumakad ako pabalik kay nanay. Sinubukan kong tumawid para sana yakapin siya pero hindi ko na magawa.
"Nay..." Tawag ko sa kanya at makikita sa aking mukha ang labis na pagtataka at pagkabahala.
"Mukhang inaasahan na nila ang iyong pagbabalik Fhreya," sambit ni nanay habang nakangiti. "Na sinigurado na nilang hindi ka na magdadalawang-isip na umatras pa."
"Nay, kinakabahan ako...Gusto kong bumalik sa iyo, nay..." Maluha-luha kong sagot.
"Wala kang dapat ikabahala Fhreya sapagkat ang El Dorado ang mundo mo. Sasalubungin at tatanggapin ka nila ng malugod."
"Pero, nay. Paano ka? Nag-iisa ka na lamang dyan."
"Salamat sa iyong pag-aalala Fhreya pero ito talaga ang kapalaran ko. Matanda na ako kaya tama lang na kunin ka na nila dahil hindi ko na rin masisiguradong magtatagal pa ako sa mundong pinili ko at magawang maalagaan ka. Nak, Fhreya, alalahanin mong mahal na mahal kita at nagpapasalamat ako sa pagkakataon na matagal-tagal kitang nakasama," sambit niya na mas nagpahagulgol sa akin.
"Nay, mahal na mahal din kita. Maraming salamat dahil hindi kayo nagkulang na iparamdam sa akin ang pagmamahal ng isang ina kahit na hindi niyo man ako tunay na anak," tugon ko na siyang nagpaluha rin sa kanya.
"Hala, sige na. Magpatuloy ka na sa paglalakad. Malapit ka na sa lagusan. Fhreya, hangad ko sayo ang kasiyahan at maayos na buhay diyan sa kaharian. At nawa'y makita at makilala mo na ang iyong ama't ina. Alam kong nasaktan ka dahil sa hindi pagtupad ng iyong ina sa kanyang pangako pero ramdam ko na nangungulila ka rin sa kanilang presensiya. Hayaan mo, sa iyong pagdating doon, masasagot din ang lahat ng katanungan mo. Fhreya, pahahalagahan ka ng kaharian higit pa sa pagpapahalaga ko sa iyo."
Gustung-gusto kong yakapin si Nanay sa huling pagkakataon. Pero dahil sa hindi ko na magawa, inilapat ko na lamang ang aking palad sa harang na siya ring tinugunan niya at pagkatapos noon ay tinahak ko na ang daan patungong lagusan, daang papalayo sa mundong aking nakasanayan.
Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang matakot. Kahit na tanghaling tapat ay madilim na ang paligid dahil na rin sa makulimlim ang langit. Nilakasan ko ang aking loob na magpatuloy sa paglalakad hanggang sa napatigil ako sa pamilyar na parte ng kagubatan.
Ito yun. Ang eksaktong paligid kung saan ako nakatayo sa aking panaginip.
Nilibot ko ang aking paningin pero labis ang aking pagtataka nang hindi ko makita ang pintuan na pinanggigitnaan ng dalawang puno.
"Nasaan ang lagusan?" Tanong ko sa aking sarili.
Bigla akong napayakap sa aking sarili nang biglang umihip ang malamig na hangin.
Hanggang sa napukaw ako ng liwanag na nagmumula sa dalawang malaking punong nakabingkit at nakatayo sa di kalayuan sa harapan ko.
Napaatras ako nang bigla itong gumalaw na unti-unting naghihiwalay mula sa pagkakabingkit nila sa isa't isa hanggang sa tumambad sa paningin ko ang pintuang siyang hinahanap ko.
Nang makabawi ako sa pagkakagulat dahil sa nasaksihan ko ay sinimulan ko na ring lakarin ang distansya palapit sa pintuan. At habang papalapit ako rito ay unti-unti ring bumubukas ang pintuan.
Nang makatayo na ako sa harapan nito ay ramdam na ramdam ko ang napakalakas na kapangyarihan na parang nakakapanghina ng tuhod.
Ito na ang oras ng pagbabago.
Napapikit ako at malalim na humugot ng hangin bago sinimulang iapak ang aking mga paa papasok dito.
At sa pagmulat ko ng aking mga mata...
"Welcome to your home, Young Lady."