"Alam mo kung ako doon sa ate ni Leslie, hindi na ako aasa pa sa apo ni Engr. Allejo para hindi ako iiyak iyak 'no! Gagawa gawa siya ng kwento tapos magdra-drama kung hindi niya napanindigan. Tss," inis na inis na sabi ni Ysa.
Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang malamig na hampas ng hangin. Tinatangay nito ang buhok na aking inilugay dahil nagugulo din naman sa pagkakatali. Maging ang suot kong palda na aming uniporme sa paaralan ay marahan ding hinihipan.
Sa ganitong panahon sana masaya magpalipad ng saranggola.
"Napaka feelingera din naman kasi nung magkapatid na 'yon! Hindi naman mga kagandahan." muli ay nadinig ko ang binubulong bulong ni Ysa.
Matapos kong magbitaw ng isang malim na buntong hininga at alisin ang pagkakayakap sa sarili, ay saka ko lang nilingon ang kaibigan.
"Hindi rin naman natin siya masisisi kung nagkagusto siya sa apo ni Engr. Allejo," banayad lang ang aking pagsasalita. "Isa pa, maaaring hindi naman siya gumagawa ng kwento, baka nga totoong boyfriend niya iyon." Dagdag ko pa dahil alam ko na medyo malapit nga ang pamilya nila Leslie sa pamilya Allejo.
Kilala ang pamilya Allejo dito sa amin dahil isa sila sa mga pinakamayayamang angkan sa buong Laguna. Ang pamilya naman nila Leslie ay may mga flower shop kung saan ang mga paninda nila ay angkat mula sa planta ng mga Allejo. Isa pa hindi naman nalalayo ang edad ni Kelsey sa apo ni Engr. Allejo.
Paglingon ko sa aking kaibigan ay kitang kita ko kung paano siya umirap at umasim ang ekspresyon.
"Tingin mo sino kanila Kelsey, Mia, Antonette, at Celine ang nagsasabi ng totoo na boyfriend nila si Jonas? Syempre hindi pa kasama sa listahan iyong mga hindi naman talaga natin masyadong kilala at iyong mga taga kabilang baranggay dahil ayoko namang abutin pa tayo ng bukas," himig na pagka sarcastic na aniya.
Tama siya. Sino nga ba ha, Lia?
Napakamot nalang ako sa aking noo dahil naintindihan ko ang ipinupunto ni Ysa. Halos araw-araw kasi may nababalitaan kaming may umiiyak na 'girlfriend' daw ni Jonas dahil nambabae raw ito.
Nang muli akong mapatingin kay Ysa ay nakataas na ang kilay nito na para bang sinasabi sakin na 'ano nga yung sinasabi mo?'. Ngayon naman nasisiguro ko ang pag-asim ng mukha ko.
"Ah, tingin ko ay wala nga," ngiwing sagot ko sa tanong niya.
"Tama! Lahat sila ay mga echoserang assumera!" taas noo na deklara ni Ysa.
Napasinghap ako at nanlalaki ang mga mata na napatingin sakanya. Ganoon din naman siya sa'kin kaya sabay nalang kami na natawa sa aming naging reaksyon. Sigurado ako na kapag nadinig kami ng mga babae ni Jonas ay malalagot kami. Lugi naman kapag nagkataon dahil dalawa lang kami ni Ysa habang sila ay halos isang baranggay sa dami.
Nakangiti akong nagpaalam ng matapat kami sa bahay namin. Sa totoo lang, parang mas gusto ko pa na sa Aplaya muna kaysa ang umuwi agad.
"Oy bye na Lia! Bukas ay sabay ulit tayo pagpunta sa practice. Medyo magpahuli ka naman ng konti ha? Para hindi ka ulit matagal mag-hintay sakin," yakap niya sakin.
Natawa ako at bahagyang napaisip. Sabagay ang usapan nga naman namin ay alas siyete ngunit kagustuhan ko lang talaga na maaga magbihis kaya natatapos rin ako ng alas sais. Pero wala namang problema kung maghihintay ako.
Nginitian ko nalang si Ysa at kinawayan bago ko mapagdesisyunan na pumasok na.
"Walanghiya ka! Napakawalanghiya mo talaga Thomas! Lumayas ka. Ayokong makita 'yang mukha mo. Umalis ka! Layas! Lumayas ka dito!"
Nasa pintuan palang ako ay dinig na dinig ko na agad ang mga sigaw ni mama. Nag-aaway na naman sila. Malalim akong huminga.
Wala namang bago. Palagi naman ganito.
"Wala nga sinabi iyon Mila!" Ang narinig kong sagot ni papa bago ko siya nakitang lumabas mula sa kwarto nila. Saglit pa siyang natigilan nang makita ako pero agad din nagpatuloy sa paglalakad ng hampasin siya ni mama na nakasunod lang din sakanya.
Napatungo nalamang ako habang dinidinig pa rin ang mga argumento nila.
"'Wag mo na kong lokohin! Kitang kita ko kung paano kayo maglandian ni Rosa! Hindi mo na ko binigyan ng kahihiyan! Mga walanghiya! At saan ka pupunta ha? Kinakausap pa kita, huwag mo akong tinatalikuran!" sigaw ni mama.
"Mangingisda!" sabi naman ni papa bago siya tuluyang lumabas ng bahay dala 'yung lambat niya. Iyon kasi ang pangunahing ikinabubuhay namin. Kapag marami ang huli ay ibinababa iyon ni papa sa pantalan at doon ipinagbibili. Minsan naman ay iniuulam nalang namin ang mga isda kapag kakaonti ang huli. Mayroon ding maliit na lupa sa bakuran namin na tinamnan ni mama ng gulay.
"Thomas!" Napapitlag ako dahil sa lakas ng sigaw ni mama. "Bumalik ka dito hindi pa tayo tapos mag usap! Thomas!" pero hindi naman siya pinansin ni papa at dire diretso lang na lumakad papuntang lawa. Na mas lalong ikinagalit ni mama.
"Nakita mo na? Nakita mo na kung paanong hindi ako igalang ng ama mo?" baling niya sakin. Napalunok ako ng laway dahil mukhang alam ko na kung ano ang kasunod nito.
"M-mama, kasi po ano, pinababalik po ako sa eskwela dahil kailangan ko raw po ma-practice iyong speech ko," nakatungo kong paalam dito. Ang totoo, nagsinungaling ako, gusto ko lang talaga na umalis muna dahil alam ko na ako na naman ang mapagbubuntunan ng galit niya.
"Hala sige lumayas ka! Kung hindi lang naman ako nabuntis sayo noon edi sana maganda pa ang buhay ko! Magsama kayo ng tatay mo, mga bwiset!" sinundan ko ng tingin si mama habang naglalakad siya pabalik sa kwarto.
Ayos lang. Sanay na ako. Iyan nalang ang iniisip ko. Yumuko nalang ako at nagsimulang maglakad.
Palagi naman sa kada tapos ng away nila mama ay sa akin ang huling sisi. Mayaman daw kasi ang pamilya ni mama dati at kung hindi lang daw dahil sa akin, kung hindi lang ako ipinagbuntis ni mama, ay hindi daw magkakanda letse letse ang buhay niya.
Sabi kasi ni papa itinakwil si mama ng mga magulang nito nang malaman ang sitwasyon nila. Kaya lang... kahit sanay na ako sa masasakit na salita ni mama, minsan hindi ko pa din maiwasan na magtampo.
Pero kahit ganon ay hindi pa rin ako magrereklamo sa Diyos. Maswerte pa nga ako at mayroon akong nanay at tatay. May bahay kami na tinitirhan, mga maayos na damit na naisusuot, at nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Higit sa lahat, nakakapasok ako sa ekwelahan. Naniniwala kasi ako na tanging edukasyon lang ang susi para umasenso ang aming pamumuhay, lalo na at hindi naman kami mayaman.
Magsisikap talaga ako. Balang araw, maaabot ko rin ang mga pangarap ko.
Naalis lamang ako sa malalim na pag-iisip nang may paro paro na dumaan sa gilid ko. Nasundan pa ito ng isa pa, at isa pa. Nang iangat ko ang aking tingin para sundan ang mga ito ay napangiti ako sa ganda ng tanawin sa aking harapan. Ang flower plantation ng mga Allejo. Bukod sa iba't ibang uri ng bulaklak na nandito, ay marami din ang nagliliparang paro paro.
Ang balita dito sa amin, kaya ipinagawa ni Engr. Marcello Allejo ang planta ay para mapasaya ang asawa nito na si Madam Nesrin na malaki ang hilig sa mga bulaklak.
Sa aking kanan naman ay ang mga tanim na ubas na medyo marami na din ang bunga. Dahil sa medyo maaraw pa ay nagdesisyon ako na doon na muna magpahinga at pipitas na rin ako ng ubas.
Pinili ko ang isang tangkay ng hinog na ubas at saka nagtungo sa may batuhan upang doon na muna maupo. Kumain ako ng isang piraso at napapikit dahil sa tamis nito.
Grabe ang sarap! Kain lang ako ng kain nung may narinig ako na tawanan.
Dala ng kuryosidad, lumapit ako at sinilip upang makita ang isang grupo ng mga lalaki na nagkwe-kwentuhan at mukhang nag-aasaran sa isang kubo. Namumukhaan ko sila.
"Sa susunod kasi ay mag-iingat ka din sa mga ginagawa mo Marco," dinig kong sabi noong lalaki na seryoso ang mukha at kunot ang noo.
Napansin ko na lahat sila ay nakangisi sa sinabi nung lalaki na seryoso maliban sa isa na halata sa mukha ang pagka irita.
"Oo nga. Sa susunod sundin mo si Kuya Tal. O kaya puwede ka din lumapit sa'kin at humingi nito, para hindi ka nakakabuntis." Tumatawang sabi naman noong lalaki na walang pang itaas at ipinakita ang isang bagay na hindi ako pamilyar.
Napasinghap ako nang binato nung lalaki na sa tingin ko ay si Marco 'yung lalaking nakahubad.
"Gago, 'di ko kailangan ng condom mo!" gigil na sigaw nung Marco na lalo nilang ikinatawa.
"Oo nga pala! Marami ka nga palang stock nito," ngising pang asar nung nakahubad sabay ibinulsa yung bagay na hawak niya.
"At hindi ako ang nakabuntis sa babaeng 'yon. Tangina 'di ko nga maalala na pinatulan ko yon," nagtawanan ang lahat sa sinabi nung Marco. Nagulat pa 'ko nang batukan siya nung lalaking nakahubad habang halos mamatay na sa katatawa.
"Tanga, wala ka namang di pinapatulan kuya Marco!"
Akala ko maasar yung si Marco pero ngumisi lang ito. Nagpatuloy sila sa asaran nang mapansin ko ang isa sa kanila na tahimik at nakatulala lang sa hawak na cellphone. Kumunot ang noo ko sa kakaisip kung saan ko nga ba siya nakita. Pamilyar sa akin ang kaniyang tindig na nagsusumigaw ng karangyaan. Maging ang kaniyang mata na kung tumingin ay parang tagos hanggang sa kaluluwa ay pamilyar din.
Nasa malalim akong pag-iisip nang sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay bigla siyang tumingin sa banda ko! Nagtama ang aming mga mata at nahuli niya ako na nakatingin!
Nanlalaki ang mga mata na napaatras ako sa gulat. Bigla bigla ay pumasok sa utak ko kung sino nga ba ang lalaking iyon at ang mga kasama nito. Napahawak din ako sa dibdib ko dahil sa takot lalo na nang makita ko siyang tumayo habang nasa'kin ang masasamang tingin.
Hala anong gagawin ko! Si Jonas Allejo! Binaling ko ang aking tingin sa kubo at mukhang hindi naman ako napansin ng magpipinsan.
Gustong gusto ko na tumakbo habang hindi pa tuluyang nakakalapit sa akin si Jonas. Pero ayaw ng mga paa ko!
"What are you doing?"
Napapitlag ako nang marinig ang malalim nitong boses. Nang tingnan ko ay masama pa din ang tingin na ibinibigay niya sa'kin. Napalunok ako at hindi malaman ang gagawin. Ang tanging nagpapakalma na lamang sakin sa mga oras na ito ay ang may isang metrong layo niya sa akin.
"Ah a-alis na din po ako," utal kong sagot. Hindi pa man ako nakakatalikod ay muli na naman siyang nagsalita.
"Sandali," iyon lang. Mga ilang minuto pa akong nag-antay pero wala na siyang ibang sinabi.
Nang sinilip ko ay kunot noo siya na nakatingin sa mga kamay ko kaya naman napatingin din ako kung anong problema. At halos mabitawan ko ang hawak kong ubas, na pinitas ko sa taniman nila, nang maisip kung ano ang iniisip niya. Nanlaki ang aking mga mata at nagsimula na akong umiling.
"M-mali po ang iniisip niyo!" sigaw ko habang patuloy lang sa pag-iling. Tinaasan lang ako nito ng kilay at humalukipkip.
"Ano ba'ng iniisip ko?" seryoso at walang bakas na emosyong tanong niya.
"Hindi po ako magnanakaw kuya," halos bulong na sagot ko dito. Hindi ko alam kung narinig ba niya sa sobrang hina ng boses ko pero kita ko ang mas lalong pag kunot ng kaniyang noo. Pakiramdam ko mas lalo siyang nagalit.
"What?" tanong niya sa madiin na tono.
"Hindi ko po ito ninakaw. Huwag niyo po ako ipa-baranggay, pakiusap po, kuya!" naiiyak kong sinabi.
Alam ko kasi na kapag pina-baranggay ako nito ay wala akong laban. Isa siyang Allejo. Mayaman ang angkan nila, at ako naman, wala lang, hindi kami mayaman kaya't alam ko na kung gustuhin man niya na maparusahan ako ay hindi malabong mangyari.
"Really?" dinig na dinig ko ang mahina pa niyang tawa matapos sabihin iyon.
Gusto kong isipin na ang tawang iyon ay nangangahulugan na ayos na kami at di na niya ako ipaba-baranggay kaya lang nang lingunin ko siya ay hindi pa rin nawawala ang masasama niyang titig. Hindi ko nga alam kung paanong nakatayo pa ako ngayon samantalang halos manlambot ang mga tuhod ko sa paraan ng pagtitig niya sa akin.
"Opo. Pakiusap po. Kung gusto niyo po ay ibabalik ko na itong ubas. Huwag niyo lang po akong ireklamo, kuya." mahina kong tugon at nakatungong iniaabot dito ang ubas.
"Hindi kita kapatid!" Bahagya akong napatalon at napasagot ng 'opo!' dahil sa sigaw niya. Hindi ko iyon inaasahan, pati na rin ang galit na galit niyang mga titig. Pakiramdam ko kahit anong oras ay may lalabas na apoy sa kaniyang itim na itim na mga mata.
Napaatras ako ng dalawang hakbang nang bigla siyang naglakad palapit sa akin. Pero dahil sa mas mabilis at malalaking hakbang ay halos tatlong hakbang nalang ang layo namin sa isa't isa. Ang akala ko ay kukunin na niya iyong ubas sa kamay ko pero hindi niya pa rin iyon inaabot.
"Ilang taon ka na ba? eleven? twelve?" muli niyang tanong, medyo mas mahinahon.
"Twelve na po ako." sagot ko. Muli na naman siyang tumawa pero sa pagkakataong ito ay medyo may kalakasan ang kaniyang tawa at pakiramdam ko nilalait niya ako sa ganoong paraan. Kumunot ang aking noo at napatitig ako sakanya.
"Twelve!" sasagot palang ako ng 'opo' ay hindi na natuloy dahil agad niyang dinugtungan ang pahayag niya. "At sa halip na pag-aaral ay pagbo-boyfriend ang inaatupag mo." nakangisi siya pero na andoon pa rin ang masamang tingin niya para sa'kin.
Nagulat ako doon at saglit pang natigilan. B-boyfriend? Ako? K-ailan? S-sino? Bakit hindi ko maalala? Nakatitig lang ako sakanya ng mga ilang minuto bago ko maisipan na sagutin ang mga mali niyang paratang. Huminga ako ng malalim at diretso siyang tiningnan sa mga mata.
"Wala po akong boyfriend. At nag-aaral po ako ng mabuti." Bawat salita ay talagang idinidiin ko para naman matandaan niya at talagang tumatak sakanya.
"Hindi ba boyfriend ang tawag sa lalaking kasabay mong kumain na kayong dalawa lang?" Naiinis na ako. Ayoko sa paraan ng pag ngisi niya. Nakakainsulto.
"Wala po akong boyfriend." Mariin kong sinagot sa tanong niya.
"Ngayon tinatanggi mo na habang kanina lang ay sabay pa kayong kumain?" Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Kanina? Pano niya nalaman? At saka wala naman akong kasabay kumain kanina ah? Bukod kay Ysa ay wala na...
Biglang nanlaki ang mga mata ko nang maalala na kasabay nga din pala namin kanina kumain si Liam. Baka siya ang tinutukoy ni Jonas.
"Niyaya lang naman kami--" hindi ko pa man tapos ang sinasabi ay sumingit na siya.
"Kung ganon ay kahit sinong lalaki pala na ayain kang kumain ay sasamahan mo? Kahit hindi mo boyfriend? Kung yayain ba kita ngayon na mag date ay sasama ka din sa'kin?" galit na galit at bakas ang pagkadisgusto sa bawat salitang sinasabi niya.
Mas lalong nanlaki ang mga mata ko. Ipinapalabas niya ba na sa kahit sinong lalaki ay sasama ako? Na malandi ako?
Napasinghap ako sa napagtanto at muntik ko na siyang masampal. Nangilid ang mga luha ko sa mga pinagsasabi niya. Porke mahirap lang kami tingin niya ay basta basta nalang ako sasama sa kahit sinong mayamang lalaki na mag-aaya sa akin?
"Hindi po totoo yan! Hindi po ako ganyang klase ng babae, kuya!" sigaw ko sa nangingilid na mga mata.
"Fuck! I said don't call me kuya!" sigaw din niya at tila iritadong sinabunutan ang sariling buhok. Saglit niya pa akong pinukulan ng masamang titig bago tuluyang umalis. Dire diretso siya pabalik sa kubo at kahit medyo malayo ay dinig ko pa din ang paulit ulit na mahinang pagmumura niya.
Kuya! Kuya! Kuya! Kuya! Kuyaaa! Nakakainis ang Jonas na 'yon. Masyado siyang judgemental. Ganyan ba talaga ang mga mayayaman na gaya niya? Tingin sa aming mahihirap ay pera nalang ang habol sa lahat ng tao? Nakakainis! Sana ay hindi ko na siya makita ulit.