Chereads / The Beastly Prince (BLS #1) / Chapter 3 - Chapter 1

Chapter 3 - Chapter 1

Nandito ako ngayon sa school at nagpra-practice para sa graduation namin bukas. Hindi ko mahagilap si Ysa dahil malayo ang pila niya sa akin. Ortiz kasi siya kaya naandon siya sa may unahan kung saan ang pila ng Section A, habang ako ay na andito sa pinaka likod. Sa likod kasi ang pila ng mga nakakuha ng karangalan. Ang teacher namin ang nag ayos sa amin at dahil daw ako ang nakakuha ng pinakamataas na karangalan, ay ako ang huling magma-martsa.

Nagsimula na kaming maglakad nang tawagin ang unang section. Medyo matagal pa kaming nag-antay dahil apat na section pa bago kami. At nang ako na ang naglalakad ay hindi ko din naman maiwasang mailang lalo pa at nasa akin ang atensyon ng halos lahat ng estudyante sa aming batch. Mas lalo pang nadagdagan ang pagkailang ko nung madaan ako sa section namin at biglang sumigaw si Ysa.

"Wooooh! Frenny ko yan! Go Lia!" itinaas pa niya ang kaniyang dalawang kamay habang pumapalakpak naman ang iba pa naming kaklase.

Nakasisiguro ako na ang pula pula na ngayon ng pisngi ko. Si Ysa kasi, minsan talaga ay nakakahiya ang mga pinaggagagawa niya.

Nagsimula na ang practice. Nakikinig naman ako sa sinasabi ng nasa harapan kaya lang ay masyado ring malakas ang boses nitong mga katabi ko.

"Alam mo ba na andoon si Jonas kahapon sa amin?" kwento ni Diana sa mga katabi niya. Siya ang nagkamit ng second honorable mention sa aming batch.

Kumunot naman ang noo ko dahil sa narinig. Ang Jonas ba na tinutukoy niya ay iyong Jonas na kausap ko kahapon? Pakiramdam ko kahit medyo mahina lang ang usapan nila ay dinig na dinig ko ang kanilang pinagkwe-kwentuhan.

"Talaga? Bakit naman siya nasa inyo?" tanong ni Faye kay Diana. Nasa likod lang namin siya dahil Alcazar ang apelyido niya.

"Dahil dinalaw niya ang ate Daisy ko!" may himig ng pagmamalaki na sagot ni Diana.

"Bakit? May sakit ba ang ate mo?" tanong ni Pearl, ang third honorable mention namin.

Oo nga. May sakit ba ang ate niya para dalawin?

Kahit hindi ko nakita ay nakasisiguro ako na nakatanggap si Pearl ng irap mula kay Diana.

"Duh! I told you, boyfriend ng ate Daisy ko si Jonas!" Pagpupumilit ni Diana na mukhang hindi pinaniwalaan nung mga kausap. "Kung ayaw niyong maniwala ay tingnan niyo nalang ito."

Kita ko naman sa peripheral vision ko na ibinigay ni Diana ang kaniyang cellphone sa mga kausap na agad namang pinagkaguluuhan ng mga 'to. Dinig ko pa ang imping tilian at kaunting bulungan nila bago muling nagsalita si Pearl.

"Oh my gosh! So totoo nga na boyfriend ng ate mo si Jonas Allejo? Gosh ang swerte niya!" si Pearl.

"Oo nga! Akala ko ay niloloko mo lang kami pero totoo pala. At ang sweet pa nila dito sa picture." si Faye.

"I know, botong boto nga sila mama at papa kay Jonas para sa ate. Pero kung ako ang masusunod ay syempre mas gusto ko kung ako nalang ang girlfriend ni Jonas," si Diana.

At nasundan pa iyon ng mga hagikhikan nila.

Hindi ko na naintindihan pa ang mga sumunod nilang pag-uusap dahil masyado na itong mahina. Nanliit naman ang mga mata ko na nakatingin sa harapan. Kahapon lang ay may umiiyak na babae dahil niloko daw ng Jonas na 'yon. At ngayon naman ay kasintahan niya ang ate ni Diana? Seryoso ba siya? Kahapon sinabihan niya ako na kung kani-kanino nalang ako sumasama, basta may mag-aya. Kung ganon ako, siya naman ay kung sino sino nalang ang gine-girlfriend basta may mag-aya.

Natapos ang page-ensayo namin na mainit ang ulo ko. Naiinis kasi ako sa mga tili ng katabi ko na patuloy pa rin sa pagkwe-kwentuhan ng tungkol kay Jonas Allejo.

"Hooy, ayos ka lang ba Lia?" Kinaway ni Ysa ang kamay niya sa harap ng mukha ko. Malamang para makuha ang atensyon ko. Nginitian ko lang siya at tumango. Halos matawa naman ako nang ngumuso siya na parang sinasabing 'lokohin-mo-lelang-mo'.

"Oo naman Ysa. Kamusta nga pala? Sino ang maghahatid sayo bukas at tatanggap ng deploma mo?" paglilihis ko sa usapan namin. Naalala ko rin na hindi ko pa nga pala natatanong kela mama at papa kung sino ang sasama sa akin bukas. Sana ay makapunta sila dahil talagang para sakanila ang tatanggapin kong parangal bukas.

"Syempre kasama ko sila 'nay at 'tay bukas. Nanghiram pa nga kami ng digi cam kela kuya Caloy dahil gusto ni nanay na picturan ang pag-akyat ko sa stage!" Malaki ang ngiti na kwento ni Ysa. Hindi ko naman mapigilan na mapangiti para sa kaibigan. Masaya ako at sinusuportahan talaga siya nila 'nay Rosa at 'tay Felix.

"Talaga? Sana ako din ay kunan ng litrato ni 'nay Rosa," sabi ko na nakangiti. Pabiro naman ako nitong itinulak at mahinang hinampas habang tumatawa.

"Syempre naman Lia! Ano ka ba, gusto nga din ni 'nay na i-video ang speech mo bukas. Kaya galingan mo ha? Ipo-post namin iyon sa facebook, malay mo mag viral ka. #KMJS" at saka siya bumunghalit ng tawa. Natawa na lang din ako dahil sa mga naiisip niyang kalokohan.

"Ophelia! Lysandra!"

Napalingon kami ni Ysa sa tumawag. Si Liam na tumatakbong lumapit sa amin.

"Liam," nakangiting bati ni Ysa dito. Ngumiti din naman si Liam kay Ysa at saka humarap sa akin.

"Akala ko ay umuwi ka na Lia. Ito kasing si Lysandra, niyaya ko na sabay nalang ulit tayong tatlo kumain ng tanghalian pero sabi niya ay kailangan mo daw umuwi ng maaga."

Sa sinabi ni Liam ay naalala ko na naman ang pagiging judgemental ni Jonas Allejo. Ang mga bintang na binato niya sa akin kahapon. Akala niya ay boyfriend ko itong si Liam dahil lang sabay kaming kumain kahapon. Hindi niya ba alam na tatlo kami nila Ysa na sabay kumain kahapon. Tss.

Kaibigan din kasi namin ni Ysa itong si Liam. Kaya lang, hindi katulad namin ni Ysa, ay may kaya ang pamilya ni Liam. Sa kanila kasi nagmula ang ilan sa mga politiko sa lugar namin, kaya naman maimpluwensya talaga sila. Ang kapitan nga ng aming baranggay ay tito ni Liam. Habang ang tatay naman niya ay ang mayor ng aming bayan. Kilala din si Liam sa school namin at maraming babae na nagkakagusto. Kaya lang ay focus lang daw muna siya sa pag-aaral, sabi niya.

"Totoo naman yon. Kala mo kasi lagi kang niloloko, eh," maktol ni Ysa, hinarap niya pa ako at tinanong. "Diba Lia? Kailangan na natin umuwi? Kasi diba lalabhan mo pa yang uniporme mo?"

Napatango naman ako sa sinabi ng kaibigan ko at saka binalingan si Liam.

"Ah oo Liam. Kasi baka hindi pa ito matuyo kapag hindi ko agad nalabhan," sabi ko.

Napabuntong hininga naman siya pero agad ding ngumiti. "Kung ganon ay hatid ko nalang kayo ni Lysandra." Kita ko ang pag-asa sa mga mata niya kaya agad na din akong pumayag.

"Hmm, okay!" nakangiti kong sinabi.

Giniya na kami ni Liam palabas at hindi pa man kami tuluyang nakakalayo sa gate ng school ay nakasalubong agad namin ang taong hiniling ko na sana ay hindi ko na makita pa.

Nakaakbay siya kay Daisy at tila masaya sa kanilang pinag-uusapan. Napanguso ako dahil doon. Sigurado ko na sa bawat mahinhing hampas ni Daisy sa dibdib ni Jonas tuwing may ibinubulong ito sa tainga niya ay naglalandian nga sila.

Nagtama ang mga paningin namin nang bigla siyang magawi sa aming banda. Halos isang minuto niya yata akong tinitigan ng masama habang wala naman akong emosyon na nakatingin lang sakanya. Pakiramdam ko bawat kilos ko ay mali para sakanya. Halos magdikit na nga rin ang kaniyang mga kilay sa sama ng titig niya. Pakiramdam ko tuloy kapag tumagal pa ang mga mata niya sa akin ay bigla nalang akong matutumba sa sobrang panginginig ng aking mga tuhod.

Pero bago pa man namin sila malampasan ay inirapan niya muna ako at saka muling bumalik sa pakikipag tawanan kay Daisy. Nagulat ako doon. At nasisiguro ko na hindi na maganda ang timpla ng mukha ko. Ramdam ko ang pag-iinit ng aking mga pisngi. Dahil sa hindi ko malamang dahilan ay naiinis ako. Inirapan niya ako!

"Totoo pala na boyfriend nga ni ate Daisy 'yang si Jonas." Mabilis akong napatingin kay Ysa. Tila wala naman siya sa sarili nang sinabi niya iyon.

"Oo. Balitang balita nga dito sa'tin na pinagpapareha silang dalawa dahil kliyente ni Atty. Travis Allejo ang mga magulang ni Daisy Hernandez," dagdag ni Liam.

"Kung sabagay ay bagay naman sila. Parehong mayaman," ani Ysa.

"At nililigawan din daw talaga ni Jonas iyong si Daisy," nagulat si Ysa sa sinabi ni Liam. Kahit ako din naman ay nabigla.

"Talaga?! San mo naman yan nalaman?" tanong ni Ysa.

"Kaibigan ni Jonas 'yong pinsan ko. At madalas daw na magkasama ang dalawang 'yon. Minsan nga ay talagang humihiwalay pa sakanila sa pagkain." si Liam.

Kunot ang noo at hindi ko na sila nasundan pa sa pinagku-kuwentuhan dahil hanggang sa makauwi ako ng bahay ay walang pumapasok sa isip ko kundi ang mga huling nalaman.

Tama si Ysa. Bagay naman sila dahil parehong mayaman.

Agad kong nabungadan sa harap ng bahay si papa na nagwawalis. Lumapit ako at nagmano. Nginitian naman niya ako at saglit na kinamusta.

"Ayos lang po. Bukas na po ang graduation namin pa. Sana ay makapunta kayo ni mama," bahagya akong ngumiti.

Tumawa siya at inakbayan ako.

"Aba syempre naman at hindi namin iyan palalampasin ng mama mo! Talagang pupunta ako at nang malaman ng mga kumpare ko na anak ko ang valedictorian ngayong taon," nakangising sagot ni papa na mas lalong nagpangiti sa akin.

"Aasahan ko po, papa!" nagagalak kong sinabi.

Muli siyang tumawa at niyakap ako.

"Proud na proud ako sayo anak," bulong niya sa'kin.

Hindi ko maiwasan mangilidan ng luha. Minsan ko lang marinig kay papa na natutuwa siya sa pagsisikap ko.

"Salamat pa," sabi ko sa nanginginig na boses.

Kumalas siya sa yakap at inayos ang bahagyang magulo kong buhok. Nakatingin lang ako sakanya habang abala siya sa pag-ayos 'non. Tapos ay ngumiti siya sa akin at medyo inilayo ako ng kaonti.

"Sige na at pumasok ka na sa loob ng makapagpahinga ka," si papa.

"Opo," tango ko at pumasok na.

Nakita ko doon si mama na nakaupo at nanonood ng tv. Lumapit din ako upang magmano.

"Mano po ma," tiningnan lang ako nito pagtapos ay tinaasan ng kilay.

"Bakit ngayon ka lang?" tanong ni mama.

"Nag-ensayo po --"

"Tambak na ang hugasin mo dito sa bahay tapos ay nagagawa mo pang maglakwatsa?" bahagyang tumaas ang boses ni mama.

"Hindi po ako nag--"

"Inggrata!" sigaw niya. Lumapit si mama at nilapirot ang tainga ko. Napapikit ako sa sakit at napasigaw pero kinurot niya lang ako. "Akala mo hindi makakarating sa akin ang mga pinaggagagawa mo? Imbes na sa eskuwela ay nakipag date ka doon sa anak ng mayor! Malanding bata!"

"Aray! Mama hindi po!"

"Anong hindi? 'E may nakakita nga sainyo! Napakalandi mo! Kanino ka ba nagmanang bata ka, ha?" gigil na gigil akong pinagkukurot ni mama sa tagiliran. Masakit at pino ang kaniyang mga kurot, bukod pa sa mahigpit na pagkakahawak niya sa tainga ko. Hindi ko na napigil at pumatak na ang mga luha ko.

"Anong nangyayari? Mila!" si papa at inawat si mama.

"Ang ingratang 'yan! Napaka pokpok! Talanding ba--" natigil si mama nang bigla siyang sinampal ni papa. Kahit ako ay natigilan. Sa napakaraming beses na nakita ko silang mag away ay kailanman hindi pinagbuhatan ng kamay ni papa si mama. Umaalis lang siya o di kaya'y nananahimik, pero hindi nanakit.

"Anak mo ang kausap mo Mila!" galit na galit si papa.

Nilingon ko si mama na tulala at hawak pa din ang pisngi na sinampal ni papa. Kita ko ang bahagyang panunubig ng kaniyang mga mata. Nilingon niya si papa at galit na sinigawan tapos ay umalis na siya.

Tulala lang ako na sinundan ng tingin si papa na hinabol si mama. Nung gabing iyon ay hindi ako agad dinalaw ng antok. Naiisip ko ang mga paratang ni mama. Masakit sa tenga, sa isip. Masakit sa puso.

Sa araw ng graduation namin ay mag isa akong nag martsa. Inaabangan ko sila papa pero nakaupo na kami at nakapag salita na ang aming principal ay ni anino nila hindi ko pa nakikita.

Asan na ba kayo, papa? Nilingon ko ang likod ko upang tingnan kung andon na ba sila, pero napabuntong hininga nalang ako nang hanggang ngayon ay wala pa din akong nakita.

Paglingon ko sa kanan ay nandoon ang mama ni Ysa. Si 'tay Felix kasi ang tatanggap ng kaniyang parangal kaya si 'nay Rosa ang nasa labas ng ginawang harang para kunan ng litrato ang anak.

Napatingin sa'kin si 'nay Rosa at ngumiti. Itinaas niya ang kaniyang camera at itinutok sa akin. Sumenyas ito sa daliri niya ng 3-2-1. Kaya kahit nag aalala kung makakapunta nga ba ang mga magulang ay ngumiti na din ako.

Makailang picture din siguro ang nagawa sakin ni 'nay Rosa bago muling kinuhaan ang anak. Ako naman ay muling tumingin sa likod sa pag-asang andoon na ang mga magulang. Naalala ko ang pangako ni papa na darating siya at ipagmamalaki ako sa mga kaibigan niya. Yumuko ako at ngumiti.

Siguro may ginawa lang ng kaonti sa bahay at pasunod na din. O di kaya ay baka natagalan si mama sa pag-aayos. Alam mo naman 'yon.

Kinalabit ako ni Liam, siya ang salutatorian namin kaya katabi kami ng pwesto.

"Pumila na daw tayo," sabi niya.

Kami na ang bibigyang parangal. Muli ay napasulyap na naman ako sa likod at sa huli ay bumuntong hininga.

"Imperial, Ophelia Evie M.," tawag ng aming adviser.

Bigo at mag-isa akong naglakad patungo sa entablado. Dinig ko ang ilang bulungan ng mga estudyante at magulang na andon. Hindi ko alam kung paano ko napigil ang mga luha ko sa pagpatak.

"Kawawa naman oh!"

"Wala ang magulang niya?"

"Bakit kaya wala siyang kasama?"

Mas lalo kong iniyuko ang aking ulo. Ayokong tingnan ang mga tao dito. Nahihiya ako.

"Woo! Go Lia!"

"Hija, tingin ka dito!"

"Ang galing mo talaga bestfriend!"

Dinig ko ang sigaw na may kasamang palakpakan ng mga tao. Pagtingin ko ay sila Ysa pala. Nakapasok na din si 'nay Rosa sa harang at nasa ibaba na ng entablado. Napangiti ako at bumaling sa aming principal na kasama si mayor sa pagbibigay ng parangal. Isa isang binanggit ang mga nakuha ko sa loob ng taong ito kasabay ng palakpakan ng mga nandoon.

Nagsimula na akong maglakad papunta sa harapan para sa hinanda kong talumpati.

"Magandang umaga po sa aming mga guro, punong guro, sa aming mahal na mayor, mga panauhing pandangal, sa aking mga kapwa magtatapos, at sa mga magulang," sinabi ko ito habang tinuturo ang aking tinutukoy.

Bahagya akong natigilan nang makita kung sino ang kasama sa unahan ng mga tinutukoy ko. Sa kanan ni Mayor Porzio ay si Atty. Travis Allejo, suot ang kaniyang barong na mas lalong nagpa-pormal sa kaniyang pormal na tindig. Katabi nito ay ang sopistikadang asawa na si Ma'am Yareli Allejo na nasa kaniyang simple ngunit eleganteng bestida, katabi ang isang seryoso at tila may malalim na iniisip na si Jonas Raleigh Allejo at isa pang lalaki na sa pagkakakilala ko ay si Orval Myron Allejo.

Napaawang ang aking bibig ng magtama ang aking paningin sa nag-aalab na tingin ni Jonas. Kakaiba ang ayos niya ngayon. Kung noong una at pangalawang beses ko siyang nakita ay tanging t-shirt at short lang ang suot, ngayon ay pormal na pormal ito at gaya ng ama ay naka barong din.

Tiningnan ko ang aking suot na uniporme. Kahit siguro ganitong uri ng damit pa ang suotin niya ay halata mo pa rin na may sinabi siya sa buhay.

"Ipagpatuloy natin ang ating pag-aaral. Magpatuloy tayo na mangarap, at gawin natin ang lahat para maabot ano man iyon. Hindi hadlang ang kahirapan o ang kahit ano, para tayo ay magtagumpay. Sana din po, mga magulang, ay suportahan ninyo kaming mga anak ninyo. Dahil malaking bagay po na nasa tabi namin kayo sa bawat hakbang na gagawin namin sa buhay. Sana po kung ano man ang pangarap naming mga anak ninyo, alalayan niyo kami sa kami'y magtagumpay. Aasahan ko ang muli nating pagkikita sa paglipas ng labing limang taon, at natupad na natin ang ating mga pangarap."

Nagpalakpakan ang lahat nang matapos ko ang aking speech. Nakita ko pa si Ysa na nagpahid ng kaniyang luha habang patuloy pa din sa pagch-cheer sa akin.

Ngumiti ako sa kanila at sa huling pagkakataon ay sinulyapan ang gate namin, at agad ding napabuntong hininga nang sa huling pagkakataon ay muli na naman akong nabigo.

Siguro, may mas importante lang silang ginawa. Kaysa ang samahan ako ngayong araw na ito.

Bago bumaba ay kinamayan ko muna ang bawat importanteng tao na nakaupo dito sa unahan. Puro papuri ang aking natatanggap na sinasagot ko naman ng aking pasasalamat.

"You did great, Lia."

Banayad ang boses na bulong ni Jonas na nagdulot sa'kin ng panlalamig. Ramdam ko ang pagtaas ng ilang balahibo sa likod ng aking batok.

"Congratulations," si Jonas sa bahagyang namumungay na mga mata.

Napalunok ako at ibinaba ang aking tingin. Binitawan ko din ang kamay niya na hawak ko.

"S-salamat po," sagot ko sa napapaos na boses at nagsimula ng maglakad paalis.

Pababa ng hagdan ay hawak hawak ko ang aking dibdib, hindi pa naiintindihan ang dahilan ng mabilis na pagtibok ng batang puso.