Chereads / Lost With You (Tagalog BL) / Chapter 4 - LOST: CHAPTER 3

Chapter 4 - LOST: CHAPTER 3

Isang malaking puno ito pero may kakaibang anyo. At nung sinabi ni Cyan na isa itong kastilyo, mukha talaga itong kastilyo. Hindi ordinaryo ang tindig ng punong ito. Pataas ang tubo ng mga sanga na animoy parte nga isang kastilyo. Malaki ang puno, mga sampung tao siguro ang kayang yumakap sa pinaka-trunk nito. Matayog at ang mga dahon ng punong iyun at kakaiba kung ikukumpara sa mga typical na punong kahoy.

Inilibot ni Red ang paningin at natatangi ang punong iyun sa ibang mga puno.

"Ano, akyatin natin?" Sabi pa ni Cyan na puno ng excitement sa boses. Tumango si Red bilang pagsang-ayon. Madali silang nakaakyat dahil ang punong ito ay mga nakausling tuod at madali lang itong akyatin. Naunang nakaakyat si Cyan.

Si Red naman ay nangangalahati pa, mula sa taas, nakita niya ang ulo ni Cyan na tumingin sa kaniya. Nakangiti ito at tuwang-tuwa.

"Hindi ka makakapaniwala sa nakikita ko." Puno ng kasiyahan ang boses ni Cyan. Parang hinaplos ang puso ni Red sa nasilayang kasiyahan sa mga mata ni Cyan. Binilisan niya ang pag-akyat. Kung namangha siya sa istruktura ng punong ito, ay mas namangha siya nang makaakyat siya dito.

May patag na parte sa taas niyon na mismong kinatatayuan nila ni Cyan. At mula sa taas, tanaw nila ang buong isla. Ang kagandahan nito, ang mga berdeng kulay na pinalibutan ng puting outline na nakahimlay sa gitna ng asul na karagatan.

Lumingon si Cyan sa kaniya. Hindi niya alam pero mas natutuwa siyang pagmasdan ang ngiti nito. Mas maganda ito kung ikukumpara sa isla.

"Ang ganda 'diba?"

"Oo, ang ganda." Walang malay na naitugon ni Red kay Cyan. Nakatingin lang siya sa mukha nito. Si Cyan naman ay walang kaalam alam na sa kaniya nakafocus ang tingin ni Red.

Inangat ni Cyan ang dalawang braso niya na tila isang agila na lumilipad. Sumigaw siya sa sobrang kagalakan. Gumalaw si Red, tumungo siya sa likod ni Cyan at inangat din niya ang mga braso niya. Natuwa siya nang malamang taga-dibdib niya lang si Cyan.

Para silang mga ibon na nasa tuktok ng mundo. Habang sumisigaw si Cyan, nasa likod niya naman si Red, tinitignan niya ang masayang mukha nito. Napatingin siya sa leeg ni Cyan, napansin niyang may tattoo ito. At nakasulat doon ay: SKYRUS.

Naisatinig niya ito at naputol ang tuwa sa mukha ni Cyan. Agad niyang tinakpan ang leeg niya sa parteng nakamarka sa balat niya ang naturang tattoo. Nag-iwas siya nang tingin kay Red, dumistansiya siya habang naiwan itong nakatayo sa pwesto nito.

Lumingon si Red sa gawi niya. "Maaari ko bang malaman ang ibig sabihin ng SKYRUS sa leeg mo?"

Umupo si Cyan sa patag na parte, at inilapat at likod sa isang sanga na pataas ang direksyon. "Si Skyrus..." Sabi niya at napabuntong-hininga. "B-baka...magbago ang tingin mo sa'kin matapos kong ikwento ang tungkol sa kaniya."

"Hindi. Ano ka ba..." Paninigurado ni Red. "Pero kung ayaw mo namang pag-usapan, okay lang din naman."

"Okay lang. Nakalipas naman na yun."

"Kung ganun, ikwento mo na..."

Huminga ng malamin si Cyan bago nagsalita. "Isa siguro ito sa mga rason kung bakit hindi ako mahal nang mga magulang ko. Nangyari ito noong highschool pa ako sa St. Anthony Academy. Isang all-boys boarding school. Si Skyrus, Skyrus Elecierto ay isang teacher doon. Hindi ko siya naging teacher dahil isa siyang Swimming Coach. At ako, bilang socially incapable, I mean, introvert kasi ako, wala akong sinalihang sports at puro academics lang ako.

"Dati pa lang, nakuha na niya ang atensyon ko. Hindi ko alam eh, sa kaunaunahang pagkakataon nakaramdam ako ng ibang klaseng emosyon. Bago iyun sa akin. Dahil kahit kelan hindi naman ako nagkagusto o nagkacrush sa kahit sino. At noong naramdaman ko ngang may kakaiba akong nararamdaman para sa kaniya, pinili kong ilihim iyun. Natatakot akong pagtawanan. Laitin. Hindi naman siguro ako bakla. Ewan. Bakit ganun ang nararamdaman ko?" Seryoso ang mukha nitong nagkwekwento. Si Red naman, nanamihimik lang at nakaupo narin.

"Closing ceremony na noong first year ko. Dapat ay susunduin na ako dahil tapos na ang pasukan. Lahat ng mga kaklase ko sinundo na nang kanikanilang sundo. Ako, kahit driver namin, hindi ako sinundo." Ngumiti lang bigla si Cyan. "Tapos naiyak ako noon. Lumapit siya sa akin at doon kami unang nagkausap. Kinapa ko ang puso ko, grabe ang tibok noon. Kaya sinabi ko sa sarili ko, mahal ko na ata siya."

"Grabe, ke'bata mo noong panahong iyun mahal agad?" Singit naman ni Red.

Natawa lang si Cyan. "Yun na nga eh, bata pa ako noon. Puppy love lang iyun. Basta! Yun yung unang pagkakataong nagusap kami. Kinomfort niya ako, at nagsuggest siyang tawagan ang mga magulang ko, kung bakit hindi pa ako nasusundo. Just to know na nasa hospital pala si Dada noong araw mismong susunduin na nila ako. Hindi din ako masusundo nila Mama dahil dadalhin daw si Dada sa ibang bansa para sa gamutan. Nagsuggest si Sir Skyrus na siya nalang ang maghahatid sa'kin.

"Sa byahe, nabanggit niyang uuwi siya sa bahay nila sa Batangas. Tinanong niya ako kung gusto ko bang sumama. Siyempre um-oo ako. Isa pa, wala naman ang mga magulang ko sa bahay. Summer naman at nabanggit ni Sir na malapit sila sa dagat. At ayun, sumama ako."

"Alam ko na ang susunod na mangyayari..." Singit ulit ni Red. "Doon, naging close kayo. Tapos naging kayo."

"Oo, pero kailangang ilihim iyung tungkol samin." Biglang lumungkot ang mukha niya. "Palihim ang naging relasyon namin at nagtagal ng tatlong taon. Sa huling taon ko sa Saint Anthony, doon nalaman ng lahat ang tungkol sa amin. May estudyanteng nakakita saming dalawa na..." Biglang namula ang mukha ni Cyan. "Naghahalikan. Kaya ipinatawag ang mga magulang ko. Dahil sa pera nila, nasettle namin ang lahat. Nakagraduate ako, pero hindi ako pinayagang magmarcha. Si Sir Skyrus naman, tinggalan nang lisensya at sinampahan nila mama ng kaso."

"Nasaan na si Skyrus ngayon?"

"Wala na siya." Biglang tumulo ang luha niya.

"Anong wala na?"

"Nagpakamatay siya sobrang hiya. Ang mga magulang ko bilang maimpluwensyang tao, pinapahiya nila si Skyrus sa bawat dyaryo at balita. Lahat ng tao nagalit sa kaniya. Without them knowing na nagmamahalan kaming dalawa. At noong bago siya nawala...nagiwan siya ng mensahe sa akin. Pwede ko narin yung tawaging suicide note. Sinabi niya doon kung gaano niya ako kamahal, na mamimiss niya ako. At nag paalam siya." Pumatak ang mga luha sa mga mata ni Cyan.

"M-mahal mo pa ba siya?" Biglang tanong ni Red.

"Ewan. Nagalit ako noong kinitil niya ang buhay niya, naisip kong ibig sabihin noon ay hindi niya kayang panindigan ang pagmamahalan namin, na mas pinili niyang unahin ang hiya kesa sa alalahaning nagmahalan kami. It all turned out na ang relasyon namin ay hindi worth fighting for."

"Pero naiintindihan mo naman siguro yung rason niya diba? Bata ka lang nun, Cyan. 16? Tapos siya? Sa pag-ibig wala naman sigurong pinipiling kasarian o edad. Pero ikakapahamak niyong dalawa kung ipagpipilitan niyo iyun. Lalo na sa kaniya na menor de edad ka pa,"

"I know, pero mali parin ang ginawa niyang pagkitil sa buhay niya. It just made me live in guilt and frustration."

"Bakit, kung buhay ba siya ngayon sasaya din ba siya? Come to think of it. Ikaw na ang nagsabing maimpluwensya ang mga magulang mo. They can make his life living in hell, Cyan. Kaya naisip niya nalang tapusin ng mas maaga." Napatingin si Cyan sa mga mata ni Red.

"Are you saying na suicide is the best option?"

"No, of course. But living or dead, it's still the same, Cyan. Ang issue niya ay ang sasabihin ng tao. If he's alive, until now, he might still be stigmatized as Pedophile pag nagkataon. Or worst, nakakulong siya."

"Okay, fine. I get it. Pero..." Napatingin si Cyan sa kalayuan. "Madilim na ah. We better get going." Pagiiba niya ng paksa. The more na paguusapan lang ang naranasan niya noon, the more na nagbabalik ang pait at sakit

Napatingin si Red sa kalangitan. Mukhang uulan nga. "Ano, dito na ba tayo sa kastilyo?"

Nagpahid ng luha si Cyan. "Baliw. Okay, pwede narin, pero kailangan natin ng takip at siyempre, apoy. Pero bawal tayong magbonfire dito."

"Maghanap nalang tayo ng ibang tutuluyan ngayong gabi. Bukas gagawan natin ito ng paraan. Gagawa tayo ng tree house." Wika pa niya. Ngayon ay napangiti na si Cyan. Natuwa naman siya.

Bumaba sila nang puno at gumawa ng torch si Cyan. Gamit ang dalawang batong binangga-bangga hanggang sa may spark at tuluyang nakagawa ng apoy ang tuyong dahon ng niyog. Tahimik nilang binaybay ang noo'y dumidilim nang kagubatan.

Mayamaya'y nahagip ng mata ni Cyan ang isang kweba. At taimtim na nagdasal na sana'y walang buhay-ilang na nakatira doon.

Hawak ang torch, pumasok sila ni Red doon at sinuri ang kweba kung may ahas ba o mabangis na hayop na nakatira. Luckily, wala naman. Ang tanging problema, napakalamig ng lupa. Wala pa naman silang mga saplot sa paa ay ramdam na nila, pano pa kaya kung natutulog na sila?

Lumabas saglit si Red para maghanap ng mga dahong pwedeng higaan. Si Cyan naman ay gumagawa ng apoy sa loob ng kweba, para kahit papano'y mabawasan ang lamig sa loob. Bumalik sa loob si Red na may dalang malalaking dahon. Inilatag niya ito sa lupa. Pumwesto na silang dalawa sa kanikanilang pwesto. Napahiga na si Red habang si Cyan naman ay nakasandal pa ang likod sa isang bato.

"Matulog ka na, Cyan." Turan ni Red na nakahiga na at inuunan ang kaliwang braso.

"May tanong lang ako, Red."

"Ano yun?"

"Nagbago ba ang tingin mo sa'kin matapos mong malaman ang nakaraan ko?"

Natigilan siya sa tanong ni Cyan. Pero alam na niya ang isasagot. "Hindi. Pero tingin ko, nagbago ang tingin ko sa sarili ko."

"Ha?" Naguguluhang sabi niya.

"Parang gusto ko tuloy maging isang Skyrus." Wika niya at hindi na umimik pa.