ALTNF
17
Nico Jay Natividad's POV
"Kuya, isang linggo pa lang ang nakakalipas simula nung break up nyo ni ate Haiah ngayon good vibes ka na kaagad? Tindi mo." Sabi ko kay kuya na kasalukuyang pakanta-kanta ng Señorita habang nag-iihaw ng karne.
Feeling Shawn amputs. But I can't deny na magkahawig sila ni Shawn Mendez. Asian version ganun. Kulang lang siya ng mga benteng paligo.
"Pag nasunog 'tong iniihaw ko ikaw may kasalanan." Sabi naman niya.
Balak namin nina tito na mag night camp ngayon sa kabilang-ilog. Magandang experience daw 'yon kasi walang ilaw, walang electricity, o kahit anong disturbance kasi iiwan namin ang mga gadgets namin. Mga tunog lamang ng kuliglig ang maririnig namin doon at ang tanging magbibigay ilaw sa amin ay ang bonfire.
Kahapon pa kami excited ni kuya. Nasabi ko na rin kay Ben na baka gusto niyang sumama. Kaya lang, sabi niya baka hindi raw siya payagan ng kuya niya dahil hanggang ngayon, hindi pa kumpletong malinaw ang mata niya.
Kaya 'yung excitement ko medyo nabawasan.
"Nico," tawag ni kuya.
"Oh?"
"Hindi daw ba talaga makakasama si Ben?" Tanong niya nang hindi nakatingin sa akin. Nakafocus lang siya sa pag-iihaw ng karne.
"Hindi ko pa alam kung pinayagan siya ng kuya niya. Kasi diba kakagaling lang niya sa lagnat. Bakit, gusto mo kasama siya?"
"Oo." Maikling sagot niya.
Bahagya namang napataas ang kilay ko sa sagot nya. Akala ko idedeny niya pa eh.
"So, ok na kayo ni Ben?" I asked him.
"At kailan kami naging hindi ok?" Balik tanong naman niya.
I chuckled. "Wow. Kung paano mo siya halos araw-araw palayasin kapag pupunta siya rito noon sobrang wagas. Sus."
"Dati 'yun."
"Ewan ko sa'yo. Wirdo." Sabi ko na lang, at pumasok na ako sa kwarto para ihanda ang mga gamit ko.
Pagkapasok ko ng kwarto ko, napaisip ako. Bakit nga ba? Bakit ba ang wirdo ni kuya? Hangga't maaari ayokong mag-isip masyado pero tinatamaan ako ng anxiety ko. Puro...paano kung.
Ewan. Pero kung kahit pagbali-baliktarin natin ang panahon at kuya ko pa rin ang gusto ni Ben, wala naman akong magagawa. Kung gusto ko siya, susundin ko na lang ang gusto niya. Susuportahan ko na lang siya. Siguro ganun na lang.
Tama.
Kasi ayun naman ang kadalasang role ng mga second lead -- ang magparaya.
~*~
"Grabe men ang ganda talaga rito! Lakas maka dark forest." Sabi ko habang naglalakad kami papunta sa aming camp site.
Sabi ni tito, maganda raw ang lugar na 'yon. May mga space daw talaga para sa mga tent, may mga kubo, at napapaligiran ng nagtataasang mga puno. Medyo natakot pa nga ako kasi naisip ko, baka ahasin kami bigla pag tulog namin. Hindi raw naman sabi ni tito dahil hindi raw sila mab-bother kung hindi sila papansinin.
I'm getting some chills and I'm beyond excited.
Sayang lang wala si Ben.
"Nandito na tayo." sabi ni tito.
Hindi ko man makita ng maayos ang lugar dahil palubog na ang araw ay alam kong nakamamangha ito. Kitang-kita mo ang maraming alitaptap sa paligid kahit na hindi pa sobrang dilim.
Familiar 'to. Parang nakita ko na 'to somewhere sa fiction world.
Alam nyo 'yung Hotarubi no Mori E? Wala lang.
Nagpahinga muna kami saglit at maya-maya ay inumpisahan na naming itayo ang tent namin na family size para may mapaglagyan kami ng mga gamit. Medyo creepy kasi 'tong lugar lalo na't wala pang apoy na magsisilbing ilaw.
Pagkatapos naming maitayo 'yung tent ay naghanap naman kami ni kuya ng mga tuyong sanga ng puno. At sa gitna ng paghahanap namin, nakaramdam ako ng kakaiba.
"Kuya, wala ka bang napapansin?" Tanong ko sa kanya. Busy siya sa paghahanap kaya siguro hindi niya napansin.
"Alin?"
"P-parang...parang may something."
"Ewan ko sa'yo, dami mong alam." Sabi niya.
Napangiti ako ng nakakaloko. Paganyan-ganyan lang 'yan si kuya pero natatakot na 'yan. Haha.
Maya-maya ay parang biglang may kumaluskos sa damuhan sa harapan ko na parehas naming ikinagulat.
Naramdaman kong napahawak si kuya sa laylayan ng suot kong damit.
"Kuya ano ba? Kinakabahan na nga ako rito ganyan ka pa! Lalo mo naman akong pinapakaba!" Sabi ko.
Tinapatan ko ng flashlight 'yung part na kumaluskos pero wala kaming nakita.
"Baka naman daga lang." Sabi ko pa.
"MUKHA BA AKONG DAGA?"
Rinig naming sabi ng isang lalaki. Halatang pilit na pinababa lang ang boses nito. Unti-unti kaming lumingon ni kuya sa gilid namin at nakita namin ang isang punong naglalakad.
"Tangina Nico umalis na tayo rito! May engkanto!" Mahinang sabi ni kuya at kumaripas na siya ng takbo.
At dahil sa kaba ay napasunod ako sa kanya. Kahit medyo nagdududa ako na engkanto talaga 'yon.
Baka kasi mamaya si Iswal na pala 'yun. Yung sa KaraMia?
"Hoy, wait lang! Joke lang 'yun, kayo naman!"
Nang marinig ko ang boses na 'yon ay kaagad akong napatigil sa pagtakbo.
It's Ben. It's Ben's voice!
Unti-unti akong lumingon sa aking likuran at nakita naming papalapit si Ben sa amin. Wala na rin 'yung mga sanga ng puno at mga dahong nakapalibot sa katawan niya kanina.
Napapikit ako at huminga ng malalim. Pinakalma ko muna ang sarili ko.
Hindi ba ako namamalikmata? Siya ba talaga si Ben? I thought he wouldn't come.
"Ben? I-is that really you?" I asked him.
Medyo tumawa siya, "Mukha ba akong totoong engkanto? Sorry na, natakot ko ata kayo ng sobra." Sabi nya.
I sigh.
It's him.
Napatingin ako kay kuya. He's still gasping softly, pero alam ko na nawala na ang takot niya. At bigla siyang nagsalita.
"I'm glad it's you."
~*~
"Mabuti't pinayagan ka ng kuya mo, 'wag kamo siyang mag-alala at hindi ka naman namin pababayaan." Sabi ni tita Isabela.
Ngumiti si Ben, "Salamat po!"
Ngumiti rin ako. Tinanong ko si Ben kung ok na 'yung paningin niya. Sabi niya, ganun pa rin daw. Nag-improve pero hindi pa daw lumilinaw ng katulad ng dati.
Sa totoo lang, nag-uumpisa na mga akong mag-alala. May mga pumapasok sa utak ko pero hindi ko na lang pinapalawak pa.
"Alam mo ba Ben, gustung-gusto ni kuya na sumama ka. Kaninang hapon pa niya ako kinukulit." Sabi ko.
Naramdaman ko namang tinapakan ni kuya ang paa ko kaya napa-aray ako.
"Talaga? Ako rin eh. Kaya talaga gusto kong sumama para makita ka." Sabi naman ni Ben, at nakatingin siya kay kuya.
I just smiled sadly. I'm doomed.
As much as I want to ignore this damn feeling of mine hindi ko pa rin maiwasan. Maiwasang masaktan.
"Ako Ben, hindi mo ba ako gustong makita?" Pagbibirong tanong ko.
"Syempre ikaw rin Nico." he said then he chuckled, "pero joke lang talaga 'yun, haha. Kaya talaga gusto kong sumama kasi gusto ko lang. Sa tinagal-tagal ko na kasi na nandito sa probinsyang 'to hindi pa rin ako nakaka-experience ng overnight camp." Sabi niya at kumuha siya ng isang stick ng marshmallow at inihaw niya ito sa bonfire na nasa harapan namin.
Napatingin ako kay kuya and I can see how deep he stares at Ben.
Gusto ko siyang tanungin. Ang dami kong gustong itanong sa kanya.
Ano ba talaga? Tama ba ang mga hinala ko sa'yo? Kaya ba madali ka lang naka-move on kay ate Haiah?
Kaya ba mabilis nawala 'yung sakit, kasi in the first place may iba ka na ring gusto? Gusto mo na ba si Ben? Kaya mo ba ako kinukulit kanina kung sasama ba si Ben kasi gusto mo na siya?
Kasi ako, oo eh. Gustong gusto ko siya. Hindi ko alam, wala akong ideya. Kinikimkim ko lang kasi hindi ko pa alam kung anong gagawin ko. Natural lang ba na maramdaman ko 'to?
Of course. Love has no limits. Kahit parehas pa kami ng kasarian, kung sa kanya ko naramdaman -- walang magagawa ang mali.
I like Ben and that's the truth that I cannot undo.
~*~
Ben Cariaga's POV
Nandito ako ngayon sa taas ng puno. Naisipan ko lang umakyat at tingnan kung may maganda bang view akong makikita mula rito sa itaas.
Kaya lang, puro puno ang nakita ko. I sigh.
Nandito na ako sa tuktok at tinatamad na akong bumaba. Siguro dito na lang muna ako.
Ang liwanag ng paligid. Hindi ko alam kung talaga bang maliwanag, o side effect lang 'to ng sakit ko sa mata. Para bang meron akong night sight. Hindi kaya, aso ako? Joke.
"Ben!" Rinig kong sigaw ng isang lalaki mula sa baba.
Tumingin ako sa baba at nasilaw naman ako sa flashlight na tumapat sa akin.
"A, sakit sa mata!" Sabi ko.
"Ay sorry!" Sabi nito. It's kuya Jay's voice.
Pinatay niya ang flashlight at naisipan rin niyang umakyat ng puno.
Hindi ko alam kung marunong siyang umakyat ng puno pero hinayaan ko na lang siya.
"Ay puch--"
"Kuya Jay!"
Naputol 'yung sangang kinapitan niya kaya naman kumapit siya sa isang mas matibay na sanga at napabitin siya.
"Wait lang kuya Jay, dyan ka lang."
Medyo bumaba ako hanggang sa makalapit ako sa kanya. Nang makalapit na ako ay inalalayan ko siyang makarating hanggang taas kung saan ako nakapuwesto.
Medyo nanginginig pa siya dahil pakiramdam daw nya ay mapuputol ang mga sangang inuupuan namin. Pero sabi ko wag siyang mag-alala.
"Pro ako. Magtiwala ka sakin, haha. Wag kang mag-alala." Sabi ko sa kanya.
"Hindi ako nag-aalala." Sabi naman niya.
"Sus,"
"Hindi nga." Defensive niyang sabi.
"Nanginginig ka e." Sabi ko.
"Malamig kasi." Sabi nya at may point naman siya. Malamig talaga.
"Kuya Jay," tawag ko sa kanya.
"Hindi tayo magkapatid."
I trailed off, "I mean, Jay, totoo ba 'yun?" I asked him.
"Alin?"
"'Yung sinabi ni Nico kanina."
"Anong sinabi ni Nico?" He asked.
Halos mapapikit ako. Sus. Kunyari pa eh.
"Gusto mo raw na kasama ako?" Sabi ko.
Natahimik muna kami saglit, at maya-maya ay nagulat ako dahil bigla syang tumawa.
Hindi ako sa tawa niya nagulat.
Nagulat ako dahil ngayon ko lang siya nakitang tumawa. As in. I saw him smile a few times pero 'yung tawa, ngayon lang.
I'm glad na nakikita ko. Nakikita ko pa.
"Tinanong ko lang kay Nico kung kasama ka ba dahil mas madalas kayong mag-usap. But that doesn't mean na gusto kitang makasama." Sabi niya. Hindi naman ako nakapagsalita. "And...Ben, can I ask you a favor?"
Hindi ako nagsalita. I just nodded.
"Alam ko, may tiwala ako sayo na kayang kaya mo 'to but...can you stop liking me?" He asked.
Napatingin ako sa kanya. "Huh?"
He sigh, "Alam kong totoo ang nararamdaman mo. Alam kong genuine ka. Pero kung mapipigilan mo pa, pwede bang itigil mo na?" Sabi nya.
"B-bakit?"
"Sinasabi ko sa'yo ng maaga dahil ayokong lumalim pa 'yang nararamdaman mo." Sabi pa nya.
I chuckled sadly.
"So, rejected na kaagad ako? Ang galing naman," sabi ko.
"Ben,"
"Alam mo kuya Jay, pwede namang hayaan mo na lang ako. Hindi naman kita sinasabihan na gustuhin din ako, 'di ba? Masyado na ba talaga akong papansin? Masyado na ba akong nakakaistorbo sa buhay mo? Pigilan mo na ako doon. Wag lang 'tong nararamdaman ko."
"Ben--"
"Titigil ako, wag mo lang akong pigilan sa nararamdaman ko." Sabi ko sa kanya at tumingin ako sa paligid.
"Ben, sinasabi ko 'to dahil ayokong makagawa ng dahilan para masaktan ka. Ayokong," he paused for a second, "ayokong magpaasa." He said.
"Hay naku, kuya Jay. Alam mo ba na mas lalo mo lang akong sasaktan kung pipigilan mo ang nararamdaman ko?" Sabi ko sa kanya.
Hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya sa kapaligiran.
"Cliché pero ganun talaga. Tsaka isa pa, hindi mo pwedeng sabihin sa akin 'yan. Hindi 'yan pwedeng maging favor. Kasi alam mo, kahit sundin ko 'yang gusto mo walang mangyayari. Kung gusto kita, gusto na talaga kita at mawawala lang ito kapag hinayaan ko ang panahong burahin ang nararamdaman ko. Hindi ito mawawala nang dahil lang sa pinipigilan ko o dahil sa may pumipigil dito." Sabi ko pa.
He sigh. "Hindi tayo tugma. Maganda ang kalooban mo, ang puso mo. Ako, hindi ko alam. I might cause you pain. Hindi ko alam." He said.
"Oo, pwedeng magkatotoo 'yang sinasabi mo. Pwedeng masaktan mo ako. Kasi hindi naman natin mape-predict ang mangyayari sa hinaharap. Pwedeng masaktan mo ako, pwedeng ikaw ang masaktan ko. Hindi talaga natin alam. Pero hindi ba mas mabuti na hayaan na lang natin ang panahon na magdesisyon? Baka kasi lalo lang sumama kapag pinangunahan natin." I told him.
Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Maya-maya ay nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko.
"Ok, I-I'm sorry. Na-realize ko kasi na wala ka naman pala talagang ibang ginawa kundi magpakita ng magandang kalooban. Pinapakita mo lang ang totoong ikaw, Ben. You're so fragile to the point na ayaw kitang masaktan. Ayokong masaktan ka nang dahil sa akin. Ayokong umiyak ka dahil sa akin. Ayokong sisihin ang sarili ko dahil hinayaan kitang gustuhin ako."
Medyo napatawa ako sa sinabi niya, at bumitaw ako sa pagkakahawak niya sa kamay ko.
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya at tinitigan ko siya sa mata.
"Wag kang mag-alala, kuya Jay. Hinding-hindi kita iiyakan." Sabi ko at nginitian ko siya. "Gusto kita pero kailangan ko pa ring isipin ang sarili ko. I won't cry because of you."
---