Chapter 25 - KABANATA 23

PATULOY lang ang pagbabasa namin ni Nakame sa diary ni Mama. Pati siya ay naka-concentrate na sa pagbabasa. Ako ang nakahawak sa kuwaderno kaya ako ang kusang naglilipat ng pahina. Mabilis namang magbasa si Nakame kaya hindi pa rin siya napag-iiwanan.

Itinuloy lang namin ang pagbabasa hanggang nasa bahagi na kami kung saan nagkakilala na sina Mama at Papa.

Napapahagalpak pa nga kami ng tawa dahil sa pagiging makuwela ni Mama. Mukhang sa kaniya yata nagmana si Nakame.

Ngunit hindi natagal ay natigil din ang kasiyahan namin sa mga sumunod pang isinulat ni mama. Seryoso kaming nakatunghay sa diary at nagbabasa.

Ewan ko ba pero habang tumatagal ay tila nag-iiba ang ugali ng asawa kong si Sherman. Lagi na lang siyang galit at hindi mapakali. Hinayaan ko lang naman iyon dahil baka may pinagdadaanan lang siya pero isang araw. . . Magdadalawang taon na kaming kasal noon. . . kagagaling ko lamang sa aking OB-GYNE at mayroon akong magandang balita sa aking asawa. Ibabalita ko sanang magdadalawang buwan na akong buntis. Tiyak na ikatutuwa niya iyon nang labis kapag nalaman niya ang naturang balita. Papasok pa lang ako ng mansyon namin nang marinig ko ang mga ingay at nakakakilabot na sigaw. Agad akong nagtatakbo sa loob at kitang-kita ko ang aking Papa na may hawak na rifle habang ang dalawa naman naming bantay sa mansiyon ay tinatalian sa magkabilang paa at kamay ang aking asawa. Akma sana akong lalapit ngunit mahigpit akong hinawakan ng Mama sa braso.

"A-anong nangyayari, Papa? Mama, bakit tinatalian ninyo ang asawa ko? Pakawalan ninyo siya, Mang Selo! Mang Pepe! pagmamakaawa ko ngunit parang bingi ang mga ito. Binalewala lang nila ako. Nagpupumiglas na ako at iyak nang iyak nang biglang isiniwalat ni Papa ang natuklasan niya sa aking asawa.

"Isa kang hangal, anak, kung patuloy mong pakikisamahan ang isang katulad ni Sherman! Anak, isa siyang baliw. Nabalitaan ko sa kanilang lugar ang sakit niya sa pag-iisip at ang nakakakilabot na katotohanan tungkol sa kaniya. Anak, nagpakasal ka sa isang demonyo! Pumapatay siya nang walang awa. Binalaan na kita noon, anak, ngunit hindi ka nakinigsa akin! Nagpabulag ka!

Hindi ko alam kung ano ba ang tamang maging reaksyon sa mga nalaman ko. Wala akong nasambit na mga salita. Napailing-iling na lang ako sa aking mga nalaman. Hindi ko iyon lubusang matanggap.

Umagos ang masaganang luha sa aking mga pisngi. Napalingon ako kay Sherman na ngayon ay tumatawa. Isa nga itong tunay na baliw.

Magmula noon ay hindi ko na nakita si Sherman. Ipinadala na raw siya sa isang mental institution. Ngunit isang araw ay napag-alaman ko na lang na napatay ng isa sa mga guwardiya roon si Sherman dahil sa panlalaban sa mga bantay niya. . .

Nagkatinginan kami ni Nakame at itinuloy pa rin ang pagbabasa, nasa mga huling pahina na kami.

"Lumipas ang ilang taon ay malalaki na ang mga anak namin ni Sherman. Masaya akong lumalaking mabubuti at masusunurin ang mga ito. Ngunit isang araw ay nagimbal na lang ako dahil ang pinakapanganay sa kambal na anak naming si Dexter ay nakita kong nanakit ng kapuwa niya bata. Maglilimang taon pa lamang siya nang mangyari iyon. Isang batang lalaki ang nakaaway niya. Hindi naman palaaway si Dexter ngunit sa mga sandaling iyon ay nakita ko kung gaano ito kadelikadong magalit. Pinagpapalo kasi niya ng malaking kahoy ang nakaaway nitong batang lalaki. Kung hindi ko siya nahila ay baka napatay niya nang mga oras na iyon ang batang. Binayaran at pinakiusapan ko na lang ang mga magulang ng bata para hindi na magsampa ng kaso ang mga ito. Pumayag ang mga magulang ng bata. Dahil sa mga nangyari ay minabuti kong ipasuri si Dexter sa isang magaling na espesyalista sa pag-iisip. Lihim akong nagdasal na sana ay hindi nakuha ni Dexter ang sakit sa pag-iisip ni Sherman. Halos manlumo ako nang kakitaan ng Doctor si Dexter ng mga sintomas ng pagkakaroon ng mental illness. Lalo pang pinagtibay ang ang pangamba ko nang mapagtanto na may ganoon ding kalagayan ng dati kong asawa. Iminungkahi ng Doktor na laging bantayan si Dexter at palakihin nang maayos. Wala raw siyang magagawa dahil mahirap ang ganitong kaso ng isang Psychotic patient. Inborn na at mamamana pa raw sa mga susunod na henerasyon ang ganoon. Masakit man ang katotohanan ay unti-unti nang nagpapakita ng senyales si Dexter. Wala akong magagawa kundi ilagak rin siya sa mental institution balang-araw.

Natatakot ako na paggising ko isang araw ay napatay na ni Dexter ang mga kapatid dahil sa sakit niya. Ayokong matulad siya sa ama niyang isang Psycho Killer.

Sinilaban kami ng takot nang pagkabigkas ni Nakame ng huling salita ay biglang namatay ang ilaw. Si Dada ay mahigpit na nakakapit sa aking mga braso. Samantalang naging alerto naman kaming dalawa ni Nakame. Nakakaramdam ako ng matinding panganib.