Chapter 8 - KABANATA 6

5 YEARS LATER . . .

KINSE anyos na ako at nasa ikatlong taon na sa high school kasalukuyan akong nagsisintas ng aking sapatos nang pumasok ang aming bunsong kapatid na si Dada. Dahan-dahan itong napaupo sa upuang nasa harap ng aking kama. Tinititigan nito ang mga medal, plaque at tropeo na napalunan ko sa mga nagdaang contest sa larangan ng pagsasayaw at pagkanta.

Hinihintay ko na siya ang kusang magbukas ng usapan, ngunit nabigo ako. Mula nang mangyari ang nakakalungkot na trahedya sa pamilya namin, may limang taon na ang nakararaan, ay naging tahimik na ito at malayo ang loob sa nakararami. Mas gusto pa nitong mag-isa kaysa makisama sa mga kaedad namin. Labis itong naapektuhan sa pagkawala nina mama, lolo, lola at lalo na si Dexter na siyang itinuring na tagapagtanggol nito.

Mataman ko siyang tinitigan bago nagsalita. "Ano ang problema, Dada?"

Nahihiyang ngiti ang isinukli nito. "Kasi, Kuya, promenaide na sa Lunes. Puwede kayang ikaw na lang maging Escort ko, k-kasi si Kuya Nakame. . ."

"Hindi ako sure pero puwede naman kitang ipa-escort sa ka-teammate ko sa basketball, Dada. Alam ko namang may kadate na si Nakame. Nasaan nga pala siya?" tanong ko habang isinusuot ang sumbrero.

"Pupunta raw siya sa mga barkada niya. Makikipaglaro na naman siguro ng DOTA iyon, Kuya."

"Ganoon ba? Hayaan mo, pagkatapos ng practice game namin ay uuwi ako agad, huh? Ikaw, kung gusto mong sumama, tara nang magsara sa Bakery."

"Hindi na, Kuya, kaya ko namang magtinda. Itetext ko na lang kayo nina Kuya Nakame kung may k-kailanganin ako. Saka baka pauwi na si Kuya Nakame."

Napangiti lang ako at pabirong ginulo ang maayos niyang buhok. "Aysus, si bunso, may nanliligaw na yata. Ikaw, ah," pang-aasar ko sa kaniya.

"Ano ba, Kuya Tosh, kasusuklay ko lang!" naiinis na sabi nito habang inaayos ang nagulong buhok.

Natawa naman ako sa reaksyon niya, pero saglit ding natigilan. Tinitigan ko ang bunso kong kapatid. "Dada, kapag binully ka na naman ng mga tambay sa harap. . . tumawag ka agad sa amin, ha?"

"Huh? O-oo, "nauutal na sagot nito at parang hindi mapakali.

Nasa labas na ako ng bahay habang nilalaro ang bola sa kamay ko. Paparahin ko na sana ang tricycle na parating ngunit napansin kong sakay noon si Nakame na bumaba rin sa tapat ng bahay. Binati ko siya. Hanggang sa ilang segundo lang ang lumipas ay isang taxi naman ang tumigil sa tapat ng bahay. Napakunot ang noo ko at tiningnan si Nakame at Dada. Nagkibit-balikat lamang sila. Hanggang sa bumaba ang lulan noon at parang tumigil ang pag-ikot ng aming mundo. Hindi ko alam ang tamang reaksyon.

Bumalik lamang ako sa reyalidad nang iabot niya sa akin ang bolang naihulog ko na pala.

"Kumusta?"