-SHATTERED SOUL-
"Ang bahaghari ay tanglaw pagkatapos malakas na ulan. At sa buhay natin ay may kanya-kanya tayong bahaghari." Nakangiting wika niya sa mga bata na nasa isang bahay-ampunan.
Isa siyang volunteer sa bahay-ampunan na malapit sa kanilang komunidad. Lalo na kapag wala siyang pasok. Mahilig siya sa mga bata, kaya naman naisipan niyang mag-volunteer. Lalo na at kilala niya ang namamahala sa bahay-ampunan.
Kung tutuusin ay maganda naman ang trabaho niya bilang Manager ng isang restaurant. Ang may-ari ng restaurant na iyon ay tiyahin ng kanyang matalik na kaibigang si Amethyst. Mabait ang tiyahin nito, na naging pangalawang ina na niya.
"Ano po iyong bahaghari sa buhay natin titser?" Tanong ni Lian, na nasa ika-limang taong gulang.
Ngumiti siya, "Iyon ay ang pag-asa."