Chapter 3 - II

Pagkatapos ng mga gawain sa maghapon ay bumabalik na siya sa silid kung saan siya tumutuloy. Malaki ang pasasalamat niya sa namamahala dahil binigyan siya ng pribadong silid. Kung tutuusin ay matatawag na niya itong apartment. Kaya naman kahit papano ay nagagawa parin niya ang kanyang trabaho.

Umupo siya sa kama, kakatapos lang niyang magbanyo upang makapaglinis ng katawan. Suot niya ang kanyang tipikal na pantulog - malaking damit na pantaas at maiksing short. Sa puntong iyon lang niya naramdaman ang pagod. Totoo ngang kapag mahal mo ang trabaho mo o mismong ginagawa mo ay hindi mo mararamdaman ang pagod. Maging ang mga negatibong pag-iisip ay hindi mo maiisip.

Tumunog ang kanyang mobile phone hudyat na may tumatawag. Sinagot niya ito ng hindi man lang tinitingnan kung sino ang tumawag.

"Hello."

"Hailey." Pasigaw na sambit ni Amethyst sa kabilang linya.

"Pwede bang huminahon ka, mabibingi ako sa sigaw mo," paangil niyang saad "ano nga palang kailangan mo?"

Narinig niya itong bumuntong hininga bago magsalita, "Nasaan ka ba babae? Ni hindi mo sinasagot ang tawag at mensahe ko sa'yo."

Nang tiningnan nga niya ang kanyang mobile phone, marami ngang mensahe at tawag na mula sa kaibigan. Nakalimutan niya itong dalhin kanina. Madalas naman kasi niyang hindi dinadala ang mobile phone, kapag nagboboluntaryo sa bahay ampunan. Nilalagay niya ito sa drawer ng kanyang bedside table sa loob ng silid.

"Nasa bahay ampunan ako at abala ako sa pagtulong kanina."

"Hinahanap ka niya Hails."

Napatahimik naman siya. Hindi niya lubos maisip kung bakit siya hinahanap ng taong tinutukoy ng kanyang kaibigan.

"Anong sinabi mo? Alam na ba niya kung nasaan ako?" May kabang tanong niya.

Ginawa niya ang lahat para lang makalayo dito. Ilang taon na ba ang lumipas? Mahigit apat na taon na.

"Huwag kang mag-alala hindi ko sinabi kung nasaan ka. Ang alam niya ay hanggang ngayon hinaharap parin kita."

Lihim siyang nagpapasalamat, hindi pa siya handang makita ito. Hindi niya alam kung paano niya haharapin ang taong minsang naging parte ng buhay niya.

"Hangga't hindi niya alam, magiging maayos lang ang lahat."

"Pero Hails, paano kung malaman niya at isa pa nagtatrabaho ka sa restaurant ni tita." Puno ng pag-alala si Amethyst, alam nito ang nakaraan na meron siya.

Nandoon ang kaibigan noong panahon na kailangan na kailangan niya ng taong masasandalan. Kaya naman walang dahilan upang maglihim sa kaibigan.

"Ako ng bahala, at kakausapain ko din si Tita Jen. Kaya huwag ka ng mag-alala."

"Ganoon ba? Sige, magkita nalang tayo sa lunes."

"Okay."

"Bye."

Naputol na rin naman ang tawag. Inilapag niya ang mobile phone sa bedside table.

Mukhang kailangan na nga niyang mag-isip ng paraan. Sa ngayon, kailangan niya na munang kausapin ang amo niya. Mabuti nalang at nagkataon na wala siya ng pumunta ito.

Masaya na siya sa buhay niya. Kaya naman walang dahilan upang makaramdam siya ng kalungkutan. Hindi niya alam ang dahilan nito ng hanapin siya. It might be worst?

Ipinilig nalang niya ang kanyang ulo. Marami na ang nagbago kaya naman wala nang dahilan para isipin niya ang mga bagay-bagay. Masaya na siya sa buhay niya ngayon, kahit na ba simple lang iba sa kung ano ang buhay niya noon.

....

Kinabukasan ay naging abala ang bahay-ampunan. Lalo na at may dumating na mayamang asawa na wala pang anak. Gusto ng mga ito na mag-ampon.

"Magandang umaga Mr. and Mrs. Fuentes, ako po ang regular volunteer sa ampunan na ito. Habang wala pa si Miss Lee ang namamahala, ako po muna ang sasama sa inyo sa paglilibot." ani niya, ito ang madalas na ginagawa kapag may mga mag-aampon. Sa tatlong taon siya ang humaharap sa mga mag-asawang pumupunta lalo na at nandoon siya. May uniporme din sila na may name plate, kaya nakikilala agad sila.

Hinahayaan nila na malibot ng mag-asawa ang buong pasilidad upang makita nila kung sa paanong paraan inaalagaan ang mga bata. Napakaimportante kasi para sa kanila ang kaayusan at kalinisan, maging ang mga diyeta ng mga bata at ang pagdidisiplina ng ampunan sa mga bata.

Nasiyahan naman ang mag-asawa, kaya naman ay pumayag ito.

"Ilang taon ka na nagvovolunteer dito Hailey?" Maya-mayang tanong ni Mrs. Fuentes, habang sinasamahan niyang ang mag-asawa.

"Tatlong taon na Mrs. Fuentes."

"Wala ka bang balak na maging staff sa ampunan na ito."

"Meron, may mga proseso pa din kasing sinusunod ang ampunan kaya sa ngayon ay pagiging boluntaryo na muna."

Totoo nga at mahigpit ang ampunan, lalo na sa paghahanap ng mga staffs. Kung tutuusin ay nag-apply na siya dito pagkatapos ng ilang taon. Nasa proseso pa nga lang kaya hihintayin pa niya.

Mukha namang naging sapat ang sagot niya at hindi na nagsalita ang ginang. Nasa late 20's ang mag-asawa, napag-alaman din niyan sa reports na nabasa niya ay mag-iisang taon pa lamang itong kasal. Kaya naman ganoon nalang ang kanyang pagtataka kung bakit gustong-gusto ng mga ito na mag-ampon. Na kung tutuusin ay malaki pa naman ang posibilidad na magka-anak.

Sa totoo lang, madalas na mga mag-asawang mag-aampon ay kasal ng higit sa sampung taon na walang anak. Sa mga taon niya sa ampunan, ngayon palang ito nangyari. At kung pagbabasehan ang mga naunang mag-ampon bago siya naging volunteer ay nasa walong taon kasal ang nasa rekord.

Ipinaliwanag niya sa mag-asawa ang mga importanteng bahagi ng bahay-ampunan. At ang mga araw-araw na ginagawa ng mga trabahador. Ganoon din ang mga aktibidad na may kinalaman sa mga bata, gaya nalang ang partisipasyon nila sa pagtatanim. Na siya din namang nagpahanga sa mag-asawa.

"Magandang pamamahala ang ginagawa ng bahay-ampunan na ito." komento ni Mr. Fuentes.

"Ginagawa lang namin kung ano ang nararapat sa mga batang napupunta dito."

Sa bawat batang napupunta sa kanila ay may mga kwento sa likod niyon. Kaya naman hindi nila gusto na maramdaman nito ang kakulangan nila sa buhay.