Bakit? Bakit ayaw niyong maniwala?
Bakit ayaw niyo akong pakinggan?
Ayaw niyo bang dinggin ang pag-asa ng bayan?
Ngayong may pake na ako'y wala namang nagtitiwala!
"Unahin niyo sila!"
Sigaw ko mula sa tahanan.
Habang tinitignan ang mga kahabag-habag na kababayan—
Mga taong apektado sa kalamidad.
"Bakit ba nangingialam ka?
Manahimik ka nga at maglaro na lang muna!"
Pakinggan niyo kasi ako!
Hindi ako bulag para 'di makita ang problema sa mundo!
Bakit niyo sila tinitignan?!
Inuuna niyo ang mga hindi nangangailangan!
Pagmasdan niyo ang nahihirapan—
Nang malaman niyo Kung sino ang dapat mapunan!
Ma! Pa! Hindi na po ako bata!
Huwag niyo akong ikulong sa selda!
Tanggalin niyo po ang nakabusal sa aking bibig nang makapagsalita!
Ma, Pa, nauuhaw ako.
Nauuhaw ako sa oras.
Gusto ko ng oras!
Oras upang ipamukha sa inyong—
Hindi kami tumatanda nang paurong!
Oras lang sana...
May ipapakita lang ako.
'Yung itsura ng tao at mundo,
Nasusunog na dahil sa ating mga tukso.
At yung hitsura niyo po sa salamin na ito,
Mukha ng isang taong sarado ang puso.