Halos hindi nakilala ni Benjie si Aling Anna ng makita niya ito. Malaki na ang itinanda ng hitsura nito. Maging ang asawa nitong si Mang Freddie ay hindi na rin katulad noon. Puti ng lahat ang buhok nito. Kinawayan siya ni Joyce ng makita siyang umibis ng sasakyan. Nasa labas ito ng isang fastfood chain kasama ang mga magulang. Dito nila napagkasunduang sunduin ang mag- anak upang hindi na siya pumasok pa sa barangay kung saan ito nakatira. Dala ang isang bouquet of flowers ng iba't- ibang kulay ng chrysanthemum na binili niya ng makadaan sa gawi ng Dangwa. Maluwang na ngiti ang kaniyang isinalubong sa mga ito habang iniaabot ang bulaklak sa dalaga. Sumilay ang ngiti sa mga labi nito habang tinatanggap ang kaniyang sorpresa. Paraan niya ito upang lalo pang mahulog ang loob nito sa kaniya.
"Good morning po, Aling Anna, Mang Freddie. Happy birthday Joyce. Kanina pa ba kayo ditong naghihintay?" tanong niya.
"Hindi naman, halos kadarating lang din namin." sagot ni Joyce. "O, ma, pa, tanda nyo pa po ba si Benjie? Yung dating naupa sa atin, anak ni Aling Rose?"
"Aba, ikaw ba si Benjie?" tila hindi makapaniwalang bulalas ng matandang babae. " Naku, ay paano ba naman kita makakalimutan ay sinira mo 'yung planggana ko noon..."
'Ulol, kung pag-untugin ko kaya kayo ng anak mo.' sa loob- loob niya.
"Ma," agad na saway ni Joyce sa ina. " pwede ba ang tagal na n'un, magflash back talaga, ma?"
Nanahimik na ang matanda ng sawayin ito ng nag-iisang anak. Marahil ay ayaw na nitong maungkat pa ang pangyayaring iyon sapagkat nagkaroon na iyon ng closure sa pagitan nilang dalawa.
"Tara na po, sakay na po kayo." yaya naman niya sa mga ito.
Hindi nga nagtagal at binagtas na nila ang daan patungo sa kanilang pupuntahan. Kung noo'y nakakariwasa sa buhay ang pamilya ni Joyce, ngayon ay hindi na. Dati nga'y nangungupahan sila dito ngunit ngayon ay naibenta na ng mga ito ang house and lot na pinauupahan noon. Naikuwento ni Joyce sa kaniya ng minsan silang makapag-chat na nagkasakit pala ang ama nito sa bato. Matagal din itong sumailalim sa dialysis bago nakahanap ng donor at sumailalim sa isang kidney transplant. Dahil dito naubos ang kanilang mga pinagkukunan. Kinulang pa maging ang kanilang ipon at nabaon silang maigi sa pagkakautang. Kaya sa ngayon payak na payak lang ang pamumuhay ng mga ito. Maigi na lamang at solong anak si Joyce kung kayat hindi rin naman ganoon ka bigat ang gastusin ng mga ito. Sa ngayon, ito na ang tumatayong bread winner ng pamilya. Lihim naman siyang nagbubunyi sa sinapit ng mga ito. Mistula kasi itong karma para sa kaniya. Hindi pa yan, sa loob- loob niya, mas mamalasin pa kayo sa mga susunod na araw.
Habang nasa tabi niya si Joyce sa sasakyan ay napapansin niyang paminsan- minsan ay napapasulyap ito sa kanya. Kalong nito ang bulaklak na mula sa kaniya. Marahil ay hangang- hanga ito ngayon sa kaniyang kagandahang- loob na ipinapakita dito. Alam niyang hindi magtatagal mapapaibig na niya ito ng lubusan. Kapag dumating ang araw na iyon, batid na niya kung paano isasakatuparan ang pagganti dito.
"Benjie, pwedeng dumaan muna tayo sa bayan? May bibilhin lang ako sa bakeshop." sabi ni Joyce ng makalampas na sila ng boundary ng Muntinlupa at San Pedro sa Laguna.
"Okay."
Halos isang oras at kalahati lamang ang naging biyahe nila mula Maynila. Wala kasing traffic dahil araw ng sabado. Sa totoo lang alam niyang hindi siya komportable sa magiging maghapon niya ngayon. Pero dahil gusto niyang medyo magpasikat kay Joyce ay pagtitiyagaan na lamang niyang makipag-plastikan sa mga magulang at iba pang kamag- anak nito. Hanggat maaari sana ay ayaw niyang masyadong makisalamuha sa ibang tao sapagkat alam niyang delikado ang sitwasyon niya ngayon. Simula kasi ng muli na naman siyang makadisgrasya ay nilisan na niya ang tinutuluyang condo unit. Nagpapalipat- lipat na lamang siya ng apartelle o lodge house upang pansamantalang makipanuluyan. Hindi na rin siya pumasok pa sa gym. At hanggang ngayon ay wala pang kaalam- alam ang kaniyang mga kapatid sa pinasukan niyang gulo. Mabuti na lamang at may savings siya kung kayat nasusuportahan pa niya ang mga pansariling pangangailangan. Ngunit hindi siya maaaring magpaka- kampante. Alam niyang sa ngayon ay wala ng ibang paghihinalaan pa sa ginawang krimen kundi siya. Sapagkat pangatlong pagkakataon na niyang ginawa ito. Pero naipangako niya na rin sa sarili na hindi papahuli ng buhay. Not until he gets the job done.
Hindi nga nagtagal at sumapit din sila sa lugar ng mga lolo't lola ni Joyce. Sinalubong sila ng mga ito at ng iba pang mga kamag- anakan nito doon. Puno ng kasiyahan ang bawat isa na muli na namang nagpangi-pangita. Mistulang reunion nga ang okasyon. Ipinakilala siya nito sa mga tiyuhin, tiyahin at sa mga pinsan nito. Kahit pa hindi naman talaga siya ang tipo mg taong magiliw kahit sa mga taong bago pa lamang nakilala ay nagpanggap na rin siyang ganoon. Gusto niyang ipakita kay Joyce na magaling siyang makisama sa mga kamag-anak nito. Sa pamamagitan nito alam niyang mas mapapalapit siya sa puso nito. Kapag nakita nitong mahusay siyang makitungo sa ibang tao.
Mga alas- diyes y medya na ng umaga noon ng magpasiya ang lolo ni Joyce na ipagluto ng tinola ang dumating na apo. Marami pala itong alagang native na manok sa likod bahay kayat kumuha ito ng isang katamtamang laki ng manok. Si Benjie at Joyce naman noong mga oras na iyon ay masayang nakikipagkuwentuhan kasama ng mga pinsan nito sa porch ng bahay ng bumulwag ang matanda doon. Dala ang nakuhang manok.
"Eto bang manliligaw mo Joyce ay puwede kong utusan, ha?" sabi nito na ang tinutukoy ay walang iba kundi si Benjie.
Bakas ang pagkabigla sa hitsura ni Joyce sa sinabi ng lolo nito.
"Lolo, hindi ko po siya manliligaw, kaibigan ko po siya." sagot nito saka tumingin sa kaniya na parang nahihiya at tila humihingi ng paumanhin sa kaniya sa inimik ng matanda.
Kasabay ng pagtanggi nito sa narinig sa lolo ay ang pang- aasar naman ng mga pinsan. Tila may panunuksong nagsipag- bulungan ang mga ito at kahit hindi man nila ito naririnig, alam nilang sila ang pinag- uusapan ng mga ito.
"Isa pa kayo, ha." saway nito sa mga pinsan. "Nakakahiya kay Benjie, ano ba kayo..."
"No, its alright." sagot niya. "Ano po bang maitutulong ko, 'lo?"
"Hindi Benjie, hindi mo kailangang-"
"Ano ka ba, wala yun."
"Ikaw ba'y marunong magkatay ng manok? Baka naman pwede kitang pakisuyuan at ng makapaghanda na ako ng rekado sa lulutuin ko." anito.
"Ha, lolo bisita ko si Benjie. Si papa na lang po ang pagkatayin n'yo." wika ni Joyce sa matanda.
"No, okay lang Joyce, 'I know what to do.'" sabi naman niya. Gasino pa nga ba ang paghilis ng leeg ng manok ay leeg nga naman ng tao ang kadalasan niyang hinihilis.
Tumindig siya sa pagkakaupo. Samantalang kakikitaan naman ang mukha ni Joyce ng pagkadismaya. Tila napapahiya ito sa pag- uutos ng kaniyang lolo sa lalaki. Agad namang iniabot ng matanda kay Benjie ang manok na tangan nito. Gayundin ang itak na gagamitin sa pagkatay. Ipinakuha ng matanda sa asawa nito ang maliit na plangganang pagsasalukan ng dugo ng manok. Pumuwesto si Benjie sa sahig habang napalilibutan ng mga pinsan ni Joyce at ng lolo't lola nito. Matamang nakaabang ang mga ito sa gagawin niya. Marahil ay nais siyang sukatin ng mga ito kung may kaalaman siya sa mga gawaing katulad nito. Ang hindi alam ng mga ito ay eksperto siya dito. Tinapunan niya ng tingin ang kaibigan. Parang umasim ang mukha nito na para bang hindi kumporme sa kaniyang gagawin sapagkat iniisip nito na hindi niya alam kung paano gawin ito. But it is the opposite of what to expect.
Mahigpit na inipit ni Benjie ng kaniyang mga binti ang katawan ng manok. Sa puwersang pinapawalan niya ay kahit anong pagpipilit ng manok na makaalpas sa kaniya ay hindi nito magawa. Habang pigil ng isang kamay nito ang itak ay pigil naman ng isa pa ang ulo nito. Nang kaniya ng padaanin ang talim ng itak sa leeg ng nasabing hayop ay walang kapalag- palag na agad pumuslit ang dugo nito mula sa nagilitang leeg at saka tumulo sa sisidlang nakalaan para rito. Nagkikisay pa ito ng bahagya ngunit unti- unti ay tuluyan na itong nawalan ng buhay. Saka lamang binitawan ni Benjie ang manok ng hindi na nga kumikibo ang katawan nito.
"Aba, magaling pala itong binatang ito, oh. Para bang 'sanay na sanay gumilit ng leeg.' puna ng lolo nito. "Siguro ito'y magkakatay ng forty- five days sa palengke."
"Lo, ano ba, nakakahiya na sa bisita ko..."
Tumingin siya kay Joyce saka sumenyas na balewala lang iyon. Ngumiti siya sa matanda. "Butcher po talaga ako, 'pero mga inahin lang po ang kinakatay ko.'"
"Hahaha. Kaya naman pala eh, salamat ha,..."
Nilapitan siya ni Joyce. Halata ang pag- aalala sa mukha nito. "Benjie, pasensya na ha, makulit talaga yan si lolo eh. Pati ikaw napag- utusan pa tuloy ng matandang iyan."
"Naglalambing lang naman iyon. Hayaan mo na." sabi naman niya.
Bumuntong- hininga si Joyce habang nakatingin sa kaniya. Pagkatapos ay nginitian siya nito ng ubod ng tamis. Halata niya ang pagkinang ng mga mata nito. Alam niyang nakapuntos na naman siya sa puso nito. Pasasaan pa't madali niyang makukuha ang tiwala nito. Oras na dumating ang panahong iyon, kung anuman ang nasaksihan nito pagkatay ngayon ay siya rin nitong daranasin sa kanyang mga kamay.
Matapos ang pananghalian naging abala na ang lahat sa paghahahanda para sa kaarawan ni Joyce. May nakatoka sa iba't- ibang lutong ihahain para sa pagdiriwang ng kaarawan nito. Sobrang dami ng inihandang pagkain ng mga kaanak nito na aakalain mong isang debut ang selebrasyon. Matapos ang kainan ay nagkaroon pa ng pa-videoke ang buong angkan sa loob ng malawak na bakuran. Kitang- kita ni Benjie ang sobrang pagiging malapit ni Joyce sa bawat isa. Hindi na rin naiwasan na magkaroon ng konting inuman. Game namang nakitagay si Benjie sa mga kamag- anak nito. Hindi pa man siya nakakadalawang bote ay nilapitan na siya ni Joyce mula sa kaniyang likuran.
"Benjie, magdri-drive ka pa, don't get yourself drunk.." paalaala nito sa kaniya.
"No, I'm not." sagot niya."Uubusin lang namin itong isang case tapos aalis na tayo."
"What? Hala sya..." bahagya nitong naibulong. Naobserbahan nitong tila wiling- wili siyang kausap ang mga pinsan nitong lalaki. Para tuloy nahiya na itong ayain pa siya na umalis mula sa pagkakaumpok.
Nilingon niya ito. Titig na titig ito sa kaniya. Tila tinatantya nito kung lasing na nga ba siya o hindi pa. Bakas ang pag- aalala nito sa kaniya. Sapagkat kailangan niyang magkunwari, pinanatag niya ang loob nito. Lumapit siya rito
"Hey, I'm just kidding. Uubusin ko lang itong isa pang bote and then we can leave if you want."
Napangiti ito sa sinabi niya. "Okay, sige, pagagayakin ko na sila mama at papa para makauwi na tayo."
Bandang alas- nuwebe na ng gabi ng lisanin nila ang lugar. Kung kayat naging mabilis na rin ang kanilang biyahe pabalik ng Maynila. Pasado alas- diyes ay narating na nila agad ang lugar nila Joyce. Pinauna na nito ang mga magulang na lumakad ng pauwi mula sa kanto papunta sa kanilang tirahan. Nang maiwan nga sila ni Benjie ay nag- usap pa sila ng sandali.
"I just want to thank you for being so kind, Benjie. You really made my day very special." sabi nito sa kaniya. "And I apologize for what my lolo did, I know its a bit awkward..."
"No you shouldn't be. Birthday mo, dapat lang na maging masaya ka and besides I also enjoyed the day spending with you." pambobola niya. Pinapasakay niya lang ito kaya kung anu- anong buladas ang kaniyang binibigkas.
Ngumiti ito sa sinabi niya."So, what else can I say, Ingat sa pag-uwi, chat mo agad ako pagdating mo ng bahay..."
Sinuklian niya rin ito ng isang ring maluwang na ngiti. Saka siya lumapit upang hawakan ang kamay nito na tangan pa rin ang bulaklak na galing sa kaniya. "I hope we stay this way Joyce, I'd like to know you better and I wish you feel the same way..."
Muli ay matamis na ngiti ang itinugon nito. "Oo naman. Pwede kang bumisita sa bahay, anytime you want. Welcome ka sa pamilya namin, Benjie."
Really now, gusto niya sanang sabihin. Parang may permiso na siyang manligaw rito sa madaling salita bagaman hindi pa talaga siya nagsasabing interesado siya dito Isa lang ang ibig sabihin n'un. May pagtingin ito sa kaniya. Sapagkat hindi naman ito papayag magpaligaw kung hindi siya nito gusto. Tila umaayon ang lahat sa kaniyang plano.
"Thank you, Joyce." sabi niya saka ginawaran ito ng halik sa pisngi.
Bagaman may pagkabigla ay batid niyang gusto rin ng babae ang kaniyang ginawa. Pigil nito ang pinong ngiting dulot ng kaniyang paghalik.
"Sige alis na ko." paalam niya.
Kumaway naman ito sa kaniya habang papasok na siya sa kotse. Hindi na nito nagawang makapagsalita. Marahil naumid ang dila nito ng madama ang banayad niyang hallik.
Sa kaniyang pagsakay sa loob ng sasakyan ay batid na niyang nakuha na niya ang loob ng babae. He could already sense it. Sa mga ipinakita niyang pagdi-disguise ay alam niyang naka-uto na naman siya. Abot- kamay na niya ang inaasam na paghihiganti. Sa taong pinakamatinding nagbintang sa kaniya. Habang siya'y nagmamaneho ay tumunog naman ang kaniyang cellphone. Kanyang pinindot ang hands- free device sa loob ng sasakyan. Ang kaniyang kapatid na si Raymond pala ang tumatawag.
"Hello, bakit?"
"Hello kuya, pumunta ka agad dito sa Angono..." tila may pangamba sa tinig nito.
"Bakit? " takang tanong niya.
"Si mama, isinugod namin kanina sa ospital, nasa ICU s'ya ngayon..."
Bahagya siyang natahimik sa sinabi nito. Akala niya tuloy ay pinaghahanap na siya ng mga pulis doon iyon pala'y tungkol sa maysakit na ina ang dala nitong masamang balita. Malamang ay malala ng talaga ang lagay ng kaniyang ina naisip niya "Sige pupunta na ko d'yan..."