Chereads / That Predator / Chapter 5 - Chapter 2: Every Friday Night

Chapter 5 - Chapter 2: Every Friday Night

CHAPTER 2

EVERY FRIDAY NIGHT

THIRD PERSON'S POINT OF VIEW

"Ysa! Ysa! Bilisan mo tumakbo! Maaabutan niya tayo!" Inaalalayan ng batang si Teresa ang matalik niyang kaibigang si Ysabel na may dala-dala pang kulay dilaw na notebook.

Nasa kalsada, kapwa silang tumatakbo palayo sa lalaking binabalot ng itim na tela ang mukha. Bakas ang takot sa kanila at hindi na naman mapigilan ni Teresa ang mapaluha.

"Tesa, masakit talaga flower ko. Hindi ko na kayang tumakbo." Pagod na pagod na turan ni Ysabel bago mahigpit na hinawakan si Teresa sa braso. "Takas ka na, Tesa. Sabihin mo kay yaya ko mamaya na lang ako uwi ha. Tsaka kilala ko yung humahabol saten."

"Ano ba sinasabi mo, Ysa? Hindi mo kilala yun! Bad siya! Sasaktan niya tayo! Tara na!" Hihilain na sana ulit ni Teresa ang kaibigan ngunit mabilis itong kumalas sa hawak niya.

"Hindi niya 'ko sasaktan kase ginagawa ko gusto niya." Ani Ysabel na tila sigurado sa tinuran niya.

"Ha? Ano gusto niya?" Naguguluhang saad naman ni Teresa na hindi na mapakali ngayon dahil nakikita na niya ang lalaki na papalapit na sa pwesto nila.

"Y-Ysa! Andyan na siya! T-tara na!" Akmang hahawakan sana ulit ni Teresa ang kaibigan ngunit mabilis siya nitong itinulak kaya't nasubsob siya sa magaspang na semento.

"Inaaway mo na naman ako, Ysa! Ayaw mo 'ko pakinggan! Sabing masama siya, e!" Umiiyak na ngayon si Teresa habang hinahawakan ang nagdurugo niyang siko.

"Hindi niya ako sasaktan sabe! Uwi ka na!" Inirapan pa ni Ysabel ang kaibigan at kusang sumama sa lalaki.

"Yaan mo na po tumakas si Tesa. Hindi mo po sasaktan sila mommy at daddy at yaya ko 'di ba po?" Sabi pa nito sa lalaking bumubuhat na sa kanya ngayon.

Sa sobrang takot ni Teresa ay tumakbo na lang siya at umuwi sa kanilang bahay. Sinabi niya sa mga magulang ang nangyari. Hindi naman niya alam na iyon na pala ang huling beses na makikita niyang buhay ang kaibigan.

"Ysa! Ysa! Ysa!" Pagtangis ni Teresa habang pinagmamasdan ang walang buhay na kaibigan sa munti nitong kabaong.

"YSA!" Biglang bumangon ang kanina'y natutulog na si Teresa. Hinahabol ang paghinga, tagaktak ang kanyang pawis at hindi tumitigil ang pagtulo ng kanyang mga luha.

"Ate, are you okay?"

"Ate, why are you crying?"

Tanong iyon ng kambal na kapatid niyang mga babae. Nagising sila marahil sa malakas na sigaw ng ate nila. Mabilis na niyakap ng kambal si Teresa. Niyakap naman niya pabalik ang dalawa at hinalikan ang noo ng mga ito.

"I'm okay, twins. Let's sleep na ulit."

●●●

TERESA'S POINT OF VIEW

Pagbukas ko ng pinto ay agad ko nang inihagis ang bag ko sa sahig. Bumungad sa akin ang malinis at maayos na sala ng bahay nila Nico. Palibhasa napakasipag maglinis ng tukmol kasi ayaw niyang mapagalitan sa papa niya.

"Musta klase, Tesa?" Tanong ni Samson matapos akong tapunan ng can ng soda na agad ko ring nasalo.

Bago matapos ang araw na 'to, ubos na naman laman ng refrigerator nila Nico panigurado.

"Ako lang naka-perfect ng surprise quiz ni Sir Roque. Sabi pa ng iba nag-cheat daw ako. Tsk, kung mabait sana sila sa akin edi nakakopya sila. Muntik na nga akong sabunutan ng nasa likuran ko kasi hindi ko pinapasilip sa kanya sagot ko. Nyeta no'n, kung wala lang akong pake sa malinis na record ko, baka nasapak ko na siya." Napairap ako bago binuksan ang can at uminom.

Umupo ako sa pagitan nila ni Angelo na umiinom din ngayon ng soda. Malaya kong ipinatong ang pareho kong mga binti sa mga legs nila. Ang eksena tuloy ay nakabukaka ako habang preteng nakaupo sa pagitan ng dalawang tukmol.

"Utang na labas, Tesa, umayos ka nga ng upo." Saway sa akin ni Angelo na alam kong naiilang sa posisyon namin.

"Nage-enjoy nga ako, tol. Sulitin mo na lang din!" Natatawang saad naman ni Samson kaya agad ko siyang binatukan.

"Putik!" Pagdaing naman niya.

"Nangawit paa ko kanina kakahintay ng jeep. Itong si Nico naman kasi hindi ako sinabay pauwi." Reklamo ko pa sabay uminom ulit sa can na hawak ko.

"Syempre atat umuwi. Friday e, general cleaning!" Natatawang sabi ni Samson.

"Hindi talaga ako kumportable rito." Ani Angelo na nangangamatis na sa pula ang mga tainga.

No wonder Angelo ang pangalan niya kasi siya ang pinakamabait sa mga tukmol. Angel na angel datingan, akala mo naman sobrang banal.

"Nasaan sina Gardo, Brandon, at Nicolai?" Tanong ko sa dalawa na tahimik nang nanood sa TV. YouTube.

What the heck, si Ivana Alawi na naman!

"Nasa kwarto ni Nico, hinahanap nila 'yong mga nawawalang blocks ng Jenga. Maglalaro raw tayo. Tapos 'yong talo... siya gagawa ng assignments ng lahat!" Si Samson ang sumagot, natatawa.

Parang ayaw kong sumali. Ngayon pa lang ramdam ko na kung sinong gagawa ng assignments ng lahat. Palagi na lang ganyan parusa!

Sa bagay, makakatakas din ako if ever ako na naman ang matatalo. Sure akong sasaluhin lang din ni Angelo ang parusa ko. Angel 'yan, e.

"Angelo? Kaya mo pa?" Natatawang ani Samson kay Angelo kaya napatingin din ako sa kanya.

Kinikilig ata 'tong gago. Nakakatawa itsura niya!

"Inaaliw ko na lang sarili ko sa ganda ni Ivana. Manahimik ka dyan, Samsonite." Sabat naman ni Angelo kaya tinawanan namin siya.

"PUTANGINA!"

Nagulat kami sa sigaw ng bagong dating. Nabitawan pa niya 'yong mga Jenga blocks na dala. Nagkalat tuloy ang mga 'yon sa sahig.

"NAKAPALDA KA PA MAN DIN! 'WAG KA NGANG GUMAWA NG KABABUYAN DITO SA PAMAMAHAY KO! 'WAG NAMAN MASYADONG CAREFREE, TESA!" Mabilis siyang kumaripas ng takbo sa pwesto ko at kapwa ibinaba ang mga paa ko.

"AT KAYO NAMANG DALAWA! PARANG NAGE-ENJOY PA KAYO DYAN! PAGTATADYAKAN KO KAYO PAREHO, E! ANAK NG TOKWA NAMAN!" Dagdag pa ni Nico.

Para talaga siyang tatay namin. Kulang na lang ma-high blood na siya sa konsimisyon.

Napalingon ako kina Gardo at Brandon na nagtatawanan habang nakasalampak sa sahig at inaayos na ang mga Jenga blocks. Nagngingisihan pa ang dalawa habang makahulugang nagtitinginan.

"Guys, magtino tayo ngayon. Uuwi si papa mamaya." Anunsyo ni Nico kaya napatango-tango na lang kami kahit alam naman na namin.

Maglilinis lang naman kasi siya tuwing Biyernes. Maya-maya nandito na ang papa niya kaya mega pakabait kaming lahat. Masyadong istrikto ang tatay niya. Palibhasa retired police officer ito, kaya siguro namana ni Nico ang pagiging masunurin sa nakatataas sa kanya.

"Guys, nakatayo na ang tore! Ready na kaming magpagawa ng homeworks!" Ani Brandon. Tumatawa naman sa tabi niya si Gardo.

Tumayo na ako at lumapit kina Brandon at Gardo sa gitna. Sumunod na rin sina Angelo, Nicolai, at Samson. Pinalibutan naming anim ang tore ng Jenga na sobrang tibay pa ngayon pero magiging marupok din 'yan maya-maya.

Nasa kaliwa ko si Nico at nasa kanan ko naman si Angelo. Sa kaliwa ni Nico, magkakatabi sila Brandon, Gardo at Samson. Hindi pangkaraniwang pagmasdan pero, oo, ako lang ang babae sa aming magtotropa.

Kung malandi lang talaga ako, baka jinowa ko na 'tong limang naggwagwapuhang tukmol na 'to, e. Wala na akong talo kasi bukod sa magaganda katawan nila, walang bagsak na grades. Gentleman din kahit parating malilibog at tamad. Gusto ko 'yong gano'n na nagpapakatotoo sila. Hindi sila plastic na ang sarap liyaban ng apoy.

Mas gusto ko 'yong minumura ako harapan kaysa naman pinupuri ako sa harap ko pero sinasaksak ako pagtalikod ko.

Kaso hindi ko sila pinatos. Wala, hindi ko sila bet maging jowa. Wala ni isa sa kanila ang pumasa sa kahit isang qualification na hinahanap ko. Tsaka, busy pa sa pagpapayaman para sa future namin ang asawa ko sa ibang bansa. Makanood nga ng V-Live mamaya.

"Ladies first!" Bulalas ni Gardo.

Napangiwi naman ako. Hindi ako kill joy kaya sinimulan ko nang itulak at hugutin ang isang Jenga block sa gitna ng tore. Siniswerte ata ako ngayon kasi hindi agad natumba.

Nagtuloy-tuloy ang laro namin hanggang sa pataas na nang pataas ang tore. Huhugutin na sana ni Angelo ang isang block sa gilid nang marinig namin ang pagbukas at pagsara ng gate nila Nico. Ilang segundo kaming nagkatinginang anim. Kasabay ng pagbukas ng pinto sa front door ay ang pagkatumba naman ng tore ng Jenga na pinaghirapan naming patayugin.

Manalo o matalo, si Angelo pa rin talaga ang tatanggap ng parusa.

"Good evening po, Tito Alfred." Sabay-sabay naming bati sa bagong dating. Habang si Nico naman ay mabillis na tumayo at niyakap ang tatay niya.

Sanay na kami kaya naman hindi na namin siya inaasar sa pagiging Papa's Boy niya. Ang cute ng gago sa tuwing ginagawa niya 'to. Saksi kaming lima palagi tuwing Biyernes ng gabi. Pffft!

"Pa, nagluto si Tita Melbs ng Sinigang na Baboy kaninang tanghali. Iinitin ko lang, wait." Matapos sabihin ni Nico iyon ay mala-Flash na siyang dumiretso sa kusina nila.

Pakitang-tao talaga! Sus!

"Kayong lima, dito na ulit kayo mag-dinner." Nakangiting wika ni Tito Alfred bago pumanik sa taas.

Nang masigurong nakapasok na si Tito Alfred sa kwarto niya ay impit kaming napatili ng mga kasama kong tukmol. Dahan-dahan at sabay-sabay naming pinagdikit ang mga palad para sa walang tunog na apir na nakagawian na rin naming ginagawa tuwing Biyernes ng gabi sa ganitong sitwasyon.

"Nakita ko 'yon! Sabi ko na nga ba gagawin niyo na naman! Mga patay-gutom!" Napalingon kami kay Nico na may hawak na sandok. Sinisilip niya pala kami mula sa kusina nila.

Natawa na lang kami at natuwa at the same time kasi may masarap na naman kaming dinner kahit na iinitin lang ulit ni Nico ang ulam nila kaninang tanghali ng Tita Melba niya.

At dahil araw na naman ng Biyernes, paniguradong may tagayan na namang magaganap. Uubusin ko ulit pulutan nila.