Chereads / That Predator / Chapter 4 - Chapter 1: The Debutant

Chapter 4 - Chapter 1: The Debutant

CHAPTER 1

THE DEBUTANT

TERESA'S POINT OF VIEW

___

IN LOVING MEMORY OF

YSABEL CARMEN S. HERMANO

January 08, 2002 - December 27, 2010

Love & Prayers from Hermano Family

___

"Hey, Ysa, nandito na naman ako. Happy 18th birthday sayo. Here's your favorite fried chicken. Ako nagluto niyan." Ngumiti ako nang malawak sa litrato niyang nasa lapida matapos kong mailapag ang lunchbox kong blue sa tabi nito.

Sumalampak na rin ako sa malagong damo sa harapan ng puntod niya. Inilabas ko ang kandila at lighter mula sa maliit kong shoulder bag at maingat itong sinindihan bago itinabi sa sandamakmak na kandilang nasa harapan.

Ayaw niya ng bulaklak kaya naman fried chicken ang inaalay ko sa kanya palagi. Ngunit nakakatawang isipin na punong-puno ng mga bulaklak ang puntod niya ngayon. Nagmukha tuloy garden dito. Kung nakikita niya 'to, siguro inis na inis na 'yon.

"Naalala mo 'yong crush mong si Jed na classmate natin noong grade 2? Naki-celebrate siya sa debut party mo kanina. Sinayaw niya 'yong malaki mong picture. Pati sina Nico at 'yong daddy mo tsaka mga cousins mo. Ang popogi nga ng 18 roses mo, e. Nagpapogi sila sa malaki mong picture na sobrang bigat ng frame." Natawa ako sa sinabi ko. Nakasisigurado ako na kung nakikita at naririnig lang ako ni Ysa ay matatawa rin siya.

"Tingnan mo naman bestfriend mo, Ysa. Mommy mo ang nag-ayos sa 'kin. Feeling ko nga, ako 'yong debutant kanina. Halos talbugan ko na 'yong nakahandang dress mo sa room mo, e." Proud na sabi ko habang ipinapakita sa kanya kung gaano kagarbo ng suot kong blue dress ngayon.

"Hindi afford ni mama ang debut ko kaya naghanda na lang kami ng simple sa bahay. Pero alam mo ba? Feeling ko talaga parang nag-debut na rin ako kanina ng bongga version. Kahit na hindi naman talaga ako ang debutant kundi kasali sa 18 candles mo. Grabe 'no? Lakas ng trip ng parents mo. May pa-debut pa rin kahit na absent ka. Pero promise, sobrang saya nila kanina. Nag-reminisce kami." Kwento ko sa kanya.

Galing akong bahay nila at kahit alas-otso na ng gabi ay pumunta pa rin ako rito sa sementeryo para dalawin siya mismo. Hindi naman kasi 'to kalayuan sa bahay namin. Hindi na ako 'yong matatakutin na tipo ng babae kaya naman hindi ko na problema ang pag-uwi ng late sa bahay.

"Debut mo ngayon, dalaga ka na. Kilala kita kaya sure akong lalaki kang gaga. Pwede ka na sanang makulong kung nandito ka pa. Dapat ka bang maging thankful kasi nandyan ka na?" Natawa ako ngunit agad din akong natigilan.

Bigla-bigla na lang sumakit ang dibdib ko. Namuo ang mga luha ko hanggang sa isa-isa na silang naglumbahang umagos.

Alam niyang pinapasaya ko lang ang sarili ko ngayon. At alam na alam din niya na kahit sampung taon na ang nakalipas, hindi pa rin ako nakaka-move on sa mga nangyari noon.

"Ilang buwan na lang Ysa ga-graduate na ako ng senior high. College na sana ako kung hindi lang dahil sa lintek na K to 12 na 'yan, pero I admit na sobrang laking help pa rin naman no'n sa akin. But, anyways, ayon nga, ga-graduate na ako. Siguro kung nandito ka pa, sabay tayong ga-graduate with flying colors. Alam ko namang kahit gaga tayo pareho, hindi natin pinapabayaan ang grades natin." Nagpahid ako ng luha, ngunit bigo ako na mapahinto sila.

"Putangina mo kasi, Ysa. Bakit kasi nagpaiwan ka? Sabay dapat tayong nakatakas noon, e." Hindi ko na napigilang humagulgol sa harapan ng puntod niya.

"Marupok naman talaga ako. Pero pinipilit kong maging matapang araw-araw para sayo. Naging matapang lang naman kasi ako dahil sayo."

Gusto kong yakapin niya ako ngayon. Miss na miss ko na siya. Miss na miss ko na 'yong nakakainis niyang tawa at 'yong masama niyang ugali. Napakadamot niya sa lahat pero never siyang naging madamot sa akin. Hanggang ngayon, hindi ako nagtatangkang maghanap ng babaeng bestfriend kasi walang makakapalit sa kanya sa puso ko.

"Ysa, alam mo ba... puro lalaki kasama ko kaya madalas akong napagkakamalang malandi."

"Ang dami kong basher sa school. Iniisip tuloy ng mga tsismosa kong schoolmates na hindi na raw sila magtatakha kung isang araw malaman nilang buntis na ako. Hinahayaan ko na lang sila sa gusto nilang isipin. Kahit naman kasi magpaliwanag ako sa kanila, papaniwalaan pa rin nila ang gusto nilang paniwalaan. So, why bother 'di ba?" Nagpahid ulit ako ng mga luha, ngunit gaya ng inaasahan ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagtulo.

Nagra-rant na naman ako sa kanya. Alam kong gustong-gusto niya 'tong nagshe-share ako. Gusto kasi niya na wala kaming secret sa isa't isa.

"Tsaka, wala akong planong makipagkaibigan sa mga plastic at two-faced bitches na 'yon. Mabuti pa nga mga bestfriends kong lalaki, kahit mga gago at malilibog, gets nila ako. Sobrang open nila sa akin at gano'n din naman ako sa kanila. Never nila akong dinisrespect bilang babae. Sobrang laki ng respeto nila sa akin at hindi nila tine-take advantage ang kabaitan ko sa kanila. Hindi sila maarte at parang kapatid na ang turing nila sa 'kin kaya walang nangangahas na umaway at manligaw sa akin sa school."

"Ysa, siguro dalawa tayong may mga body guards kung nandito ka pa."

Marahan kong hinawakan at hinaplos ang nakangiti niyang litrato sa lapida. "Ang cute-cute mong bata, Ysa. Sobrang ganda mo siguro ngayon kung nandito ka pa." Lumakas na naman tuloy ang pagdaloy ng mga peste kong luha.

"Sobrang miss na kita. Putragis! Hindi marunong mag-braid ng buhok 'yong mga tukmol na 'yon! Hindi tuloy ako palaayos! Ngayon lang ako nagmukhang matino, Ysa. Miss ko na 'yong inaayusan mo ako palagi."

"Sabi ko na nandito ka, e."

Natigilan ako sa pagdadrama nang marinig ko ang malalim na boses ng isa sa mga tukmol na tinutukoy ko kanina. Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko. Hindi ko siya nilingon kasi aasarin na naman niya ako panigurado kapag nakita niyang umiiyak na naman ako.

"Happy birthday, Ysa. Miss na miss ka na namin nitong si Tesa na sobrang iyakin. Tingnan mo, kunwari matapang pero iyakin pa rin hanggang ngayon." Sabi ng naka-tuxedo na si Nico na wagas kung makatawa.

Gusto ko siyang ibalibag kaso hindi ko magawa kasi pakiramdam ko ang weak ko kapag kaharap ko si Ysa. Itong Nico na 'to palagi ang nakaka-witness kapag vulnerable ako katulad na lang ngayon.

"Ysa, promise ko sayo na aalagaan ko 'tong bestfriend natin. Hindi ko hahayaang ligawan siya ng mga gunggong kong tropa." Napalingon ako kay Nico na nakangiti pa rin hanggang ngayon.

Gunggong din naman siya. Pare-pareho kaya sila ng mga tukmol na 'yon. Nagmamalinis na naman siya sa harapan ni Ysa. Sapakin ko kaya 'to.

"Naalala ko noon, tatlo tayong sabay-sabay na naliligo sa bahay. Walang hiya-hiya kahit hubo't hubad tayo. E, ngayon? Hindi ko naman sinasadya na masilip ko dibdib niya last time pero halos patayin na niya ako! Grabe 'tong si Teresa—ouch!"

Masama kong tiningnan si Nico matapos ko siyang hampasin sa braso. "Lumaking bastos itong si Nicolai, Ysa. Ikaw lang nakakapagpatino sa kanya noon. Crush ka kasi niyan. Hanggang ngayon ata kasi wala pa rin siyang girlfriend." Sabi ko kay Ysa, nagsusumbong.

"Hindi na kita crush, Ysa. Iba na kaya crush ko. Si Divine." Inirapan naman ako ni Nico.

"Ang sama ng tingin mo! Tadyakan kita dyan, e!" Sigaw ko sa kanya kaya mabilis siyang tumayo at lumayo sa akin.

"Ang sama-sama mo! Pinapanood tayo ni Ysa oh! Hindi ka na nahiya!" Sabi pa niya.

Sarap niyang hambalusin ng lapida.

Char lang, Ysa. Hindi ko siya sasaktan sa harapan mo.

"Hoy, Teresa Florence Salamanca, kailan mo ba kasi balak umuwi? Papagalitan na naman ako ng mama mo nito, e." Ang sama pa rin ng tingin ni Nico sa 'kin.

"Ito na nga po, tatayo na. Sorry naman po, Sir Nicolai Rylee Quijano! Sino ba kasing nagsabing sumunod ka rito!?" Tumayo na ako bago pinagpag ang dress na suot.

"Ang ganda mo kasi ngayon. Hindi ka pwedeng maglakad pauwi mag-isa." Sabi pa niya bago ako hinawakan sa braso at kinaladkad paalis sa lugar na 'yon.