Nakatulala lang ako habang iniisip pa rin ang mga bagay na gagawin ko ngayong araw, nakaupo na 'ko sa kama pero wala pa rin akong ganang tuluyang bumangon. Nakakatamad pa. Kung dala ko lang sana ngayon ang cellphone at ang laptop ko, kanina pa ako nakatapos ng isang chapter, kaso sa kasamaang palad, naiwan ko ang mga iyon sa kwarto ko.
Mabuti na lang din at dalawa naman ang kwarto ng bahay ni Dashiell, ang awkward kasi kapag nasa iisa lang kaming kwarto. Parang hindi ko ma-imagine na nasa iisa lang kaming kama.
Napatingala ako nang narinig ko ang sunod-sunod na katok sa pintuan, tumayo na ako at hinunat-hunat muna ang aking katawan bago ko ito tuluyang binuksan.
"Good morning, breakfast is ready" nakangiting bati sa akin ni Dashiell, sinuklian ko naman siya ng ngiti tsaka linakihan ang bukas ng pintuan.
"Magandang umaga rin, kailan ba tayo maghahanda para sa salo-salo mamayang gabi? Wala pa kasi tayong napiling susuotin," saad ko habang sinarado muli ang pintuan ng kwarto para makapunta na kami ni Dashiell sa kusina.
"Maya-maya, pupunta tayo sa bilihin ng mga damit at ng mga sapatos, nandiyan na rin pala ang mga damit mo sa may upuan. Dinala rito ni Vera kanina," sabi ni Dashiell tsaka umupo na, umupo naman ako sa tapat niya at hindi ko nga mapigilan na mamangha dahil sa pagkain na nakahain ngayon sa mesa. May brown rice, inihaw na isda, gulay, at marami ring mga prutas. Nakaka-enganyong kumain kapag ganito ang nakahain, 'yung hindi corned beef, bacon, at hotdog na lang palagi.
Tiningnan ko si Dashiell, bigla akong tinamaan ng hiya nang nakita kong nakatingin din pala siya sa akin, nakaukit sa mga labi niya ang isang nakakalokong ngisi.
"What's with that smirk, Dashiell?"
Sumandok muna siya ng kanin tsaka kumuha ng inihaw na isda at ng mga gulay.
"Wala naman, nakakatuwa ka lang tingnan. Parang bago ang lahat ng 'to sa 'yo e, pati pagkain pinagnanasaan mo," natatawa niyang sabi. Letse naman ang lalaking 'to, grabe sa pinagnanasaan, pwede bang ibang word naman ang gamitin niya? Hindi pwedeng namamangha lang?
"Hindi naman sa bago sa 'kin ang lahat ng 'to, minsan na lang kasi ako kumain ng ganitong mga pagkain. Usually, corned beef, hotdog, longganisa, sinigang, at adobo ang kinakain namin sa bahay. Nakakamiss din 'yung mga pagkain na simple lang pero masustansya. 'Yung mga hindi processed foods," rason ko tsaka sumandok na rin ng kanin at isda.
Isa pang bagay na kinatutuwa ko ay halos ng mga gamit dito ay gawa sa kahoy, makakapal na dahon at mga petals ng bulaklak. Iilan lang ang nakita kong gawa sa metal.
"Mabuti naman at maayos na ang pakiramdam mo, habang hinihintay natin na matahi ang gagamitin mong damit, may pupuntahan tayo." Tinaasan ko siya ng kilay dahil sa sinabi niya.
"Saan naman tayo pupunta? At anong ipapatahi? Mas matagal pa 'yon, pwede bang pumili na lang tayo ng damit na gamit na? Isang beses ko lang namang gagamitin e," suwestiyon ko. Sayang naman kasi kung magpapatahi pa kami, hindi naman araw-araw may salo-salo kaya saan ko naman gagamitin 'yung ipapatahi namin?
Nakita kong napatingin sa akin si Dashiell dahil sa sinabi ko, uminom muna siya ng tubig bago tuluyang nagsalita.
"'Yon ang utos ni Pinuno Ephraim, h'wag kang mag-alala, nasabihan na rin naman 'yung mananahi, kailangan niya na lang naman makuha ang sukat ng katawan mo," saad ni Dashiell tsaka muling nagpatuloy sa pagkain.
Huminga na lang ako nang malalim at itinuon na lang din ang atensyon ko sa kinakain ko. Wala na rin naman akong magagawa dahil desisyon na 'yon ni Pinuno Ephraim, papasalamatan ko na lang siya mamaya dahil sa magandang loob niya.
Nang matapos na kaming kumain ni Dashiell, tinulungan ko na siyang ligpitin 'yung mga pinagkainan namin. Pero no'ng maghuhugas na sana ako, pinigilan niya na ako dahil mas mabuti raw kung maligo na ako para mas mabilis kaming makapunta r'on sa mananahi.
Sinunod ko na lang siya dahil naiinitan na rin ako sa suot ko ngayon, kinuha ko 'yung mga damit na ibinigay ni Vera, nilagay ko ito sa loob ng kwarto ko, kumuha na rin ako ng iilang damit na susuotin ko at pumunta na sa kubeta para maligo. Natuwa pa ako dahil gawa pa sa kulay asul na bulaklak ang shower dito.
Kasing linaw ng tubig sa ilog ng Alhesia ang lumalabas na tubig dito, kasing bango rin ng bagong pitas na rosas ang sabon at shampoo. Fudge, kung wala lang ako sa ibang mundo, iisipin kong nasa isang mamahaling hotel na ako.
"Ally, bilisan mo na. Baka abutin tayo ng tanghali dahil sa tagal mong maligo." Napasimangot na lamang ako nang narinig ko ang sinabi ni Dashiell mula sa labas ng pintuan, gusto ko pa naman sanang tumagal sa pagligo.
Inalis ko na ang bula sa buhok ko at sa buo kong katawan, pagkatapos, ginamit ko na rin 'yung tuyong tuwalaya at sinuot na ang napili kong suotin ngayong araw.
Pagkalabas ko sa kubeta, nakita ko si Dashiell na nakaupo sa mahabang upuan habang nagbabasa ng libro. Napatingin siya sa gawi ko at nang nakita niyang tapos na ako, inilapag niya na 'yung libro d'on sa maliit na lamesa tsaka tuluyang tumayo.
"Tara na." Tumango na lamang ako at sumunod na sa kan'ya papalabas ng bahay. Habang naglalakad kami, napapansin kong may napapatingin pa rin sa 'min, may napapansin pa rin akong nagbubulungan katulad no'ng unang araw ko pa lamang dito.
Hindi ko naman sila masisisi dahil kahit sa amin, pinag-uusapan din ang mga bagong mukha. Mas malala nga sa 'min dahil kalat na kalat talaga ang chismis hanggang sa kabilang barangay, kulang na lang, magpa-background check sila.
"H'wag mo na silang pansinin, Ally. Hindi lahat ng Bellator at Virago rito ay magaganda ang loob. May iilang ayaw sa pamamalakad ni Pinuno Ephraim, kaya lahat A-rank ang nakabantay sa kan'ya," mahinang sabi ni Dashiell, napatango-tango naman ako. 'Yon pala ang dahilan kung bakit protektadong-protektado ang buong kastilyo.
"E bakit naman? Sa tingin ko, mabait naman si Pinuno Ephraim, at sa tingin ko rin, maganda rin ang pamumuno niya sa buong Alhesia," sabi ko. Nakita ko ang pagkibit-balikat ni Dashiell.
"Hindi ko rin alam, kaunti lang naman ang mga 'yon, mas marami pa rin ang mga taong sumusunod kay Pinuno."
Hindi na lang ako nagkomento pa dahil tumigil na si Dashiell sa isang shop, diretso siyang pumasok dito kaya sumunod na lang ako sa kan'ya, pagbukas niya ng pintuan, narinig ko ang tunog ng bell na naging dahilan kung bakit napatingin sa amin 'yung babaeng nakasuot ng salamin na nasa may counter.
"Magandang umaga po, Manang Estelle," bati niya r'on, ngumiti na lamang ako bilang pagbati. Ngumiti rin naman si Manang Estelle at tumayo na, lumapit siya sa amin habang dala-dala ang papel, ballpen, at ang pangsukat niya.
"Magandang umaga rin sa iyo, Dashiell, at ang Fortem," sagot niya at ibinaling ang tingin sa akin.
Nakakahiya talaga kapag tinatawag akong Fortem. Fudge.
"Ally na lang po ang itawag mo sa 'kin," malumanay kong sabi, nginitian niya uli ako at tumango. Nakita ko ring inayos niya muna ang salamin niya bago muling nagsalita.
"May salo-salo pala kayong dadaluhan, mabuti naman at may naihanda akong mga bagong disenyo ng mga suits at ng mga gowns dito. 'Yung pinakabago ba ang gusto niyong itahi ko?" tanong ni Manang Estelle, tiningnan ko naman si Dashiell at sinenyasan siyang siya na lang ang sumagot d'on sa tanong.
"Opo, Manang Estelle. Espesyal kasi para kay Ally ang gabing ito, ipapakilala na siya bilang Fortem sa buong Alhesia," sagot ni Dashiell, sinimulan na rin naman siyang sukatan ni Manang Estelle kaya umupo muna ako sa upuan.
Hindi ko mapigilan na mapatingin sa kabuuang katawan ni Dashiell habang sinusukatan siya ni Manang Estelle, matipuno talaga ang dibdib niya, mukhang matigas din ang kan'yang likod at maugat din ang kan'yang mga kamay.
D*mn, bakit ko ba iniisip 'to? Parang pinagnanasaan ko tuloy ang katawan ni Dashiell, what the heck is wrong with me? Hindi love life ang pinunta ko rito, kailangan ko 'tong gawin para maging malakas ako. Pagkatapos ng araw na 'to, sisimulan ko na kaagad ang pagpapalakas sa katawan ko, kailangang maging tugma ang lakas ng katawan ko at ang lakas ng Imperium ko, kapag hindi ko 'yon ginawa, maaaring malagay ako sa panganib.
"Ally?" Nabalik ako sa aking wisyo nang narinig kong tinawag ni Dashiell ang pangalan ko, sinenyasan niya akong tumayo na para masukatan na ako ni Manang Estelle.
Agad ko namang ginawa 'yon at lumapit na kay Manang Estelle, sinimulan niya na ang pagsusukat sa akin.
"Halos magkalapit lang naman pala ang katawan niyo ng anak ko," nakangiting sabi ni Manang Estelle, ngumiti naman ako tsaka tinaas ang aking dalawang kamay para maayos niyang masukat ang aking hinaharap.
"A-attend po ba siya mamaya? Ano po ang pangalan niya?" tanong ko, baka kasi makita ko siya mamaya, nagbabaka sakali lang naman ako, para kapag nakita ko siya, baka pwede ko siyang maging kaibigan. Hindi naman pwedeng sina Pinuno Ephraim, Dashiell, at si Vera lang ang makakausap ko rito sa Alhesia. I still need to meet new people and learn from them.
"Ally, si Vera ang anak ni Manang Estelle." Namilog ang mga mata ko dahil sa sinabi ni Dashiell. Fudge, akala ko pa naman magkakaroon na ako ng ibang kaibigan.
Narinig mo ang mahinang pagtawa ni Manang Estelle dahil sa naging reaksyon ko.
"Oo, kailangang nando'n siya sa salo-salo mamaya, sasamahan ko rin siya. Sinabi niya na sa 'kin ang tungkol sa 'yo, sinabi niya rin sa 'kin na humanda ng mga damit mo para may magamit ka naman daw dito sa Alhesia." Hindi ko mapigilan na mapangiti dahil sa sinabi ni Manang Estelle. Mabait naman pala talaga si Vera, napansin ko rin 'yon, sadyang naiiba lang talaga ang una naming pagkikita, akala ko tuloy noon mataray siya.
"Nako, maraming salamat po sa inyo, nasaan po ba ngayon si Vera?" tanong ko kay Manang Estelle habang sinusukat niya ang haba ng magiging gown ko.
"Ayon, may trabaho na namang binilin sa kan'ya si Pinuno Ephraim, may gulo sa kabilang bundok kaya kailangan nilang ayusin 'yon," sagot niya. Napatango-tango na lang ako tsaka inayos na ang damit ko dahil tapos na rin niya naman akong sukatan.
Kahit pala sa mundong ito, may mga gulo ring nagaganap. Siguro kaakibat na talaga ang gulo sa pamumuhay ng tao e.
"May mga sapatos at sandals na rin palang ipinahanda ang pinuno para sa inyo, gusto niyo bang makita?"
"Mamaya na lang po siguro, Manang Estelle. May kailangan pa po kasi kaming puntahan ni Ally, babalikan na lang po namin mamaya," wika ni Dashiell.
"Oh sige, mag-iingat kayo," saad naman ni Manang Estelle, ngayong nalaman kong anak niya pala si Vera, na-realize kong medyo magkahawig nga silang dalawa. Siguro mas nakuha lang ni Vera ang ibang features ng ama niya.
"Maraming salamat po, Manang Estelle," pagpapasalamat namin ni Dashiell sa kan'ya tsaka lumabas na sa shop niya.
Pagkalabas na pagkalabas namin, muling lumakad si Dashiell papunta sa lugar na hindi ko alam. Ito na 'ata 'yung sinasabi niyang lugar na pupuntahan namin pagkatapos naming magpasukat ng damit.
Medyo binilisan ko ang paglakad ko para makasabay ako sa kan'ya, tiningnan ko ang mukha niya at nakita kong seryoso lang siyang nakatingin sa daan. No'ng nahuli niyang nakatingin ako sa kan'ya, tiningnan niya rin ako nang diretso sa aking mga mata sabay taas ng isa niyang kilay.
Ang taray.
"Why are you staring at my handsome face?"
Ginantihan ko na siya sa paraan ng pagtaas ko rin ng kilay, mataray na nga, mahangin pa. Kung kasing hangin ng kahanginan niya ang hangin sa bagyo, ibig sabihin, mas intense pa d'on ang kahanginan niya. Hindi ko ma-reach ang level niya e. Masyadong mataas!
"Ang feeler mo rin 'no? Hindi pwedeng nagtataka lang talaga ako kung bakit palaging gan'yan ang reaksyon mo sa tuwing naglalakad tayo? Ang seryoso mong tingnan, parang nakikipaglaban ka palagi. Ngumingiti ka lang kapag kaunting tao lang ang nasa paligid, gan'yan ba talaga dapat pag A-rank? Dapat palaging kinatatakutan?" tanong ko sa kan'ya, mukhang nakuha ko naman ang atensyon niya dahil tinitingnan niya na ako nang diretso sa aking mga mata.
"Ang A-rank ay ang mga nagpo-protekta sa pinuno at sa buong Alhesia, katulong nila ang mga B-ranks at ang mga Regulars, kapag namatay ang isang A-rank dito, pwedeng-pwedeng matalo ng mga Prodigiums ang Alhesia. Kailangan naming maging seryoso palagi sa harap ng ibang tao, lalo na sa harapan ni Pinuno Ephraim, dahil kapag hindi kami naging seryoso, parang hindi na rin namin sineseryoso ang Alhesia," seryoso niyang sabi habang naglalakad kami sa gitna ng kagubatan.
Hindi na lang ako sumagot pa dahil may pakiramdam ako na parang ayaw niya nang pag-usapan pa ang tungkol sa bagay na iyon.
Pakalipas ng ilang minuto, lalo akong namangha dahil nagsimula nang mag-iba ang mga kulay ng mga dahon ng puno. May mga dahon na kulay orange, kulay pink, kulay violet, at meron ding kulay blue! Fudge, kung kaya ko lang tumalon ng napakataas, kinuha ko na 'yung kulay blue na dahon!
"Ally, tumingin ka sa dinadaanan mo, h'wag sa taas, baka mabangga ka," saway sa akin ni Dashiell habang patuloy pa rin sa paglakad. Sinunod ko na lang din siya dahil nahihilo na nga rin naman ako.
Tumigil kami ni Dashiell sa pader na nabalot na ng mga lumot, dahon, at ng mga bulaklak. Ramdam na ramdam ko ngayon ang lamig ng hangin dahil sa matataas na puno sa paligid.
"You're too mesmerized, Ally," komento ni Dashiell, hindi ko alam kung insulto ba 'yon o ano.
"Nakakamangha naman talaga ang lugar na 'to, you should learn how to appreciate everything."
"I only appreciate things that should be appreciated," mariin niyang sagot. Magsasalita pa sana ako pero hindi ko na 'yon natuloy nang naramdaman kong hinawakan uli ni Dashiell ang kanang kamay ko.
Hinawi niya ang ilang dahon sa pader, ang laki ng gulat ko noong nakita kong may pond sa loob at puno rin ng mga bulaklak. Pumasok kami d'on, naagaw ng pansin ko ang mga ibon na nagsisiliparan sa kalangitan, may mga paru-paro rin na dumadapo sa makukulay na mga bulaklak.
This is a... paradise.
"This is my secret place, Ally. Dinala kita rito dahil may gusto akong ibigay sa 'yo." Ramdam ko ang pag-init ng magkabila kong taenga dahil sa sinabi niya.
The heck, I should calm down. May ibibigay lang naman siya sa 'kin. It's nothing special.
Pumunta siya isang napakalaking bato, binuhat niya iyon ng walang kahirap-hirap at may kinuha sa ilalim n'on. Lumapit uli siya sa akin at inilagay sa ibabaw ng kamay ko ang isang pares ng kulay gintong hikaw na may pulang diyamante sa gitna.
"I-I just think... it suits you. At may nilagay akong mahika riyan, pipigilan niyang dumaloy ang kapangyarihan mo kapag naramdaman nitong hindi na kaya ng katawan mo. Ayokong ma-control ka nang tuluyan ng kapangyarihan mo, Ally," sabi niya, tiningnan ko naman siya at ngumiti. Isinuot ko na 'yon sa magkabila kong taenga.
Simula no'ng bata pa lamang ako, hindi na talaga ako mahilig sa mga alahas, hindi rin ako mahilig sumuot ng hikaw dahil pakiramdam ko, ang bigat-bigat ng taenga ko, pero kung sa tingin niya'y makakatulong ito sa akin para hindi na ako makasakit pa ng ibang tao at para hindi ko na rin masaktan ang sarili ko, susuotin ko na lang ang mga ito.
Tiningnan ko si Dashiell nang diretso sa kan'yang mga mata at iginawad sa kan'ya ang isang napakalawak at napakatamis na ngiti.
"Thank you for this, Dashiell."
Salamat, dahil lagi mong inaalala ang kalagayan ko.
— — —
Psalm 27:4
One thing I ask from the LORD, this only do I seek: that I may dwell in the house of the LORD all the days of my life, to gaze on the beauty of the LORD and to seek Him in His temple.