Chereads / Oblitus / Chapter 6 - Kabanata 5

Chapter 6 - Kabanata 5

Kabanata 5

Bulong

Agad na tapos ang pang-umagang klase. Binigyan kami ng isa't kalahating oras para makapananghalian.

Tinignan ko ang mapa na gamit ko kanina. Napagkasunduan namin nina Navi at Ella na kumain ng sabay sabay sa Arkilita. Arkilita ang tawag sa parang parke dito sa Minerva ayon sa pagkakaintindi ko sa sinabi ni Navi kanina. Katabi daw ito ng gusali ng Molipi, kung nasan ang distrito nila. Marami daw puno roon kaya presko.

Nahanap ko na ang Arkilita sa mapa. Kasalukuyan akong naglalakad papunta doon nang may narinig akong hiyawan ng mga tao, saaking harapan. Mukhang natutuwa sila sa pinagkukumpulan.

"Ang ganda nya talaga." saad ng isa at muli silang nagsigawan.

Mukhang wala akong magagawa kundi sumingit sa mga taong nagsisigawan. Sinakop na nila ang buong daanan dahil sa tinitignan nila sa isang silid.

"Makikiraan po." saad ko at sumiksik sa dami ng tao. Hindi ba sila naiirita? Sino ba yung pinagkakaguluhan nila? Sa bandang gitna ay medyo nahirapan akong dumaan dahil mas maraming nagsisiksikan doon.

At labis ang ginhawa ko nang makalagpas sa dagat ng tao. Inayos ko ang dami ko dahil medyo nagusot ito. Tinignan ko ulit ang mapa, habang naglalakad.

Labis nalang ang pagkagulat ko nang may tumama sa noo ko na matigas na bagay. Ang sunod kong naalala ay muntikan na akong mabuwal sa kinatatayuan ko mabuti ay nahawakan ako ng nakabungguan ko sa braso.

Abong mga mata ang bumungad saakin nang tignan ko sya. Gumalaw ang kanyang panga na parang may pinipigilang inis.

Mabilis akong umayos ng tayo at yumuko sa kanya. "Pasensya na, di ako tumitingin sa dinadaanan ko."

"Ayos ka lang?" tanong nya. Napatingin ako sa kanya at muling nabighani sa abo nyang nga mata. Tumango ako sa kanya. Tinignan nya ako mula ulo hanggang paa at tumango din. "Mabuti naman, sa susunod mas mag-ingat ka." sabi nito bago ako nilagpasan.

Kakaibang pakiramdam ang naramdaman ko nang lumagpas sya. Napayakap ako saaking mga braso nang naramdaman ang lamig na dumaloy sa buo kong katawan. Tanghali na pero nakaramdam pa rin ako ng lamig. Dapat na talaga akong masanay sa pabago bagong temperatura dito sa kabilang mundo.

Tinignan ko ulit, yung nakabunggo ko kanina. Nahawi ang dagat ng mga tao ng dumaan sya. Tila natatakot ang mga itong humarang sa daraanan nya ngunit di maipagkakailang humahanga rin ito sa taglay nitong kakisigan.

Mahahabang pilig mata, makapal na kilay na mas nagdepina sa abo nitong mga mata. Ang matangos nitong ilong at mapupulang labi na lalong napagpakisig sa kanya. Idagdag pa ang katawan nyang makakapagpatunay sa tuhod ng mga kababaihan. Hinimas ko ang noo ko, sigurado akong dibdib nya ang nabangga ko kanina kanina.

Umiling ako at tinignan ulit ang mapa. Hindi sa gusto ko ang lalaking iyon, nagsasabihi lamang ako ng totoo. Talaga namang maganda syang lalaki. Sadyang napakamisteryo nya para saakin. Katulad na lamang noong dumaan at bigla na lamang lumamig. Dahil kaya sa kanya iyon? O talagang pa bago bago lang ang temperatura dito sa kabilang mundo?

Nagsimula na akong maglakad, baka kanina pa naghihintay sina Navi. Nagugutom na rin ako.

Nang makarating ako sa Arkilita ay agad kong nakita sina Ella. Nasa ilalim sila ng kulay rosas na puno, may lamesa sa ilalim at apat na upuan.

Tumingin si Navi sa gawi ko at tinaas nya naman ang kanyang kamay. Napansin ito ni Ella kaya tumingin ito saakin at ngumiti. Winagayway ko rin ang aking kamay at tumakbo papunta sa kanila.

"Kanina ka pa namin hinihintay. Naligaw ka?" tanong ni Ella. Umiling ako at umupo sa harapan nya. Nakahanda na ang mga pagkaing niluto kanina ni Ella.

Inabutan ako ni Navi ng plato. "May pinuntahan ka?" tanong nya.

Umiling din ako, "May nakaharang kasing mga estudyante sa dinaanan ko. Kaya doon ako natagalan." ani ko. Tumango naman ang dalawa at tinanong ang uang araw ko at ganun din naman ang ginawa ko sa kanilang dalawa.

Sumagi sa isip ko yung lalaking may abong mata kaya di na ako nakapagpigil at tinanong ko na ang dalawa. Matagal naman na sila dito sa Minerva kaya nagbaka sakali akong baka kilala nila ito.

"Mag kakilala ba kayo na may abong mata?" tanong ko. Nagkatinginan naman silang dalawa.

"Maraming may abong mata dito sa Minerva, Thea. May iba ka pa bang pagkakakilanlan sa tinutukoy mo?" tanong ni Ella.

Napangiti ako, "Maganda syang lalaki. At may malaking pangangatawan." at sumubo ng pagkain.

Napa-'o' naman ang bibig ng mga ito at bahagyang natawa.

"Mukhang may nakakuha ng interes mo, Thea." at nagtawanan pa nga ang dalawa. Agad akong umiling sa sinabi nila.

"Hindi ah, masyado lang talagang misteryoso ang lalaking iyon." at sumubo ulit ng pagkain. Talagang masarap magluto si Ella, siguradong kung hindi ko babantayan ang mga kinakain ko tataba ako ito.

"Sabagay, unang tingin palang sa'yo wala kang pakialam sa mga ganyan na bagay." napatingin ako kay Navi nang sinabi nya 'yun.

"Ha? Anong ganoong bagay?" hindi ko maintindihan.

Natawa si Navi, "Alam mo na, pagkakaroon ng lalaking magugustuhan o mamahalin." sabi nito at kumuha ng kanin.

Natawa rin naman ako at napailing.

"Sa maikling panahon na nagkakilala tayo, Thea. Alam kong ang isang katulad mo ay walang interes sa mga lalaki. Iyong tipo ng babaeng bahay, pamilya, pag-aaral lang talaga laman ng isip." sabi ni Ella, napatango naman ako sa sinabi nya.

Totoo iyon. Sa tana ng buhay ko hindi ko pa sumagi sa isip ko ang mga ganoong bagay. Ensayo, pag-aaral at pagtulong saaking mga magulang tumakbo ang buhay ko. At syempre pakikipagbangayan kay Achelous. Nanguli tuloy ako bigla saaking pamilya.

Natapos ang aming pananghalian at nagpahinga saglit. Napakapresko talaga sa pwestong ito. Marami ring kumakain dito sa Arkilita, yung iba naman naglalaro at yung iba natutulog. Bigla rin tuloy akong inantok.

Tinignan ko ang dalawa, si Navi may ginagawang takdang aralin, habang si Ella naman may binabasang libro. Nahiya tuloy ako bigla, tinignan ko ang orasan at nakitang kalahating oras pa bago mag-umpisa ang klase. Kinuha ko nalang din ang libro ko at nagbasa.

Mabilis rin lumipas ang oras at nandito na ako ngayon sa silid-aralan namin, umupo ako sa inupuan ko kanina. Tinignan ko ang inupuan kanina ni Gideon, wala sya roon. Baka sya na rin ang kusang umalis para makalayo saakin.

Isang maingay na bastos? Tss.

May dumating na isang estudyante at sinabing hindi makakarating ang guro namin sa mga oras na 'yon. Pero nagbigay naman ito ng sasagutan namin para sa araw na iyon.

Kasalukuyan akong nagsusulat ng mga sagot ko sa papel nang may kumalabit saakin. Tinignan ko naman ito. Napakagandang babae ang nakangiti saakin ngayon.

"Ikaw si Dorothea diba?" tanong nito saakin. Kumunot naman ang noo ko. Paano nya nalaman ang pangalan ko? "Ikaw yung pinagyayabang ni Tanda saakin." anito ulit na mas lalo akong ikanagulo ng utak ko. Ano bang sinasabi nya?

"Hindi kita maintindihan." sabi ko at tumawa sya. Sa tingin ko ay kaklase ko sya pero hindi ko sya nakita kaninang umaga o sadyang hindi ko lang sya napansin. Pero sa ganda nyang ito, sinong hindi makakapansin sa kanya agad?

"Pasensya na. Ako si Ada Elena at simula ngayon kaibigan na kita." sabi nito at inabot ang kamay nya saakin. Maganda sana sya kaso may pagka wirdo.

Pilit akong ngumiti at inabot rin ang kamay nya. Lalong lumaki ang ngiti nito at nagsimula na rin magsagot. Kanina pa ba sya dyan? Kahit magkatabi ang mga upuan namin hindi ko sya napansin kanina.

Nagsagot nalang ako ulit at nang matapos ay pinasa ko na sa harapan. Pagkaharap ko ay nagulat ako dahil muntik ko na mabangga yung babae kanina na nagpakilalang Ada Elena.

"Ang bilis mo natapos ah. Hindi halatang ito ang unang pagkakataong nag-aral ka sa Minerva." aniya at pinasa na rin ang papel sa harap.

"Paano mo nalamang bago lang ako dito?" tanong ko sa kanya. Habang mas tumatagal mas lalo syang nagiging wirdo.

"Simula pa pagkabata ko dito na ako nag-aral at Tychia na ang distrito ko. Ngayon lang kita nakita dito kaya sigurado akong bago ka palang. At sabi rin ni tanda." sabi nya. Inangkla nya ang kamay nya sa braso ko at sabay kaming umakyat papunta sa lamesa namin.

"Sino ba iyong tanda na sinasabi mo?" tanong ko sa kanya.

"Hoy amazona! Lumayo ka kay Dorothea!" halos lahat ay napatingin sa sumigaw. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Paakyat si Alistair na pulang pula. Anong nangyari sa kanya?

"At yan ang sagot sa tanong mo." bulong nito saakin. Ibig sabihin si Alistair ang tinutukoy ni Ada Elena? At amazona?

"Alisin mo ang kamay mo kay Dorothea." sabi ulit ni Alistair. Ang palakaibigang mukha ni Alistair ay wala na. Inis na inis ang mukha nya at pulang pula.

"Ang ingay mo talagang matanda ka." pumikit ng mariin si Alistair sa narinig. "Simula ngayon kaibigan ko na si Dorothea at wala kang magagawa doon." sabi ni Ada Elena at nginisian si Alistair. Ginagawa nya ba ito para inisin si Alistair? Wirdo talaga.

At nagsagutan na nga ang dalawa. Para akong mabibingi sa kanilang dalawa. Magkalapit lang sila pero kung makapagsigawan. Gustuhin ko mang-umalis mahigpit ang pagkakakapit ni Ada Elena sa kamay ko.

Natahimik ang buong paligid nang may umubo sa likod ni Alistair. "Wag kayong humarang sa dinaraanan." sabi nito na saakin lang nakatingin. Sinasabi ba nyang kasalanan ko? Ang mapupula nitong mata ay dumapo sa kamay ko na hinahawakan ni Ada Elena. Lumapit sya saamin at dumaan sa gitna namin ni Ada Elena kaya napabitaw ang babae saakin.

"Gideon pagsabihan mo nga itong si Tanda, akala mo kung sinong makapagbawal saakin na makipagkaibigan kay Dorothea." sumbong ni Ada Elena.

"Kasi isa kang amazona. Anong malay ko sa kung anong pwede mong gawin kay Dorothea." napakamot nalang ako sa batok ko. Hindi talaga matatapos ito?

"Tama na 'yan, wag nyong ubusin ang oras nyo para sa walang kwentang bagay." anito at tumalikod na saamin.

Nagsalita pa ulit si Ada Elena at hinila na ako papunta sa lamesa namin. Hindi ko na napansin ang sinabi nila sa isa't-isa dahil hindi maproseso sa utak ko ang sinabi ni Gideon.

Teka, walang kwentang bagay? Ako ba ang tinutukoy nya? Alam kong pwedeng ang pag-aaway nila Alistair at Ada Elena ang tinutukoy nya pero sa kaalamang may inis sya saakin, di maikwaksing ako ang tinutukoy nya.

Kalma Dorothea. Hindi ikaw ang tinutukoy nya. At kung ikaw man umiwas ka nalang sa gulo, hayaan mo sya sa kung anong gusto nyang sabihin.

Pagkaupo ko ay nagbuntong hininga na lamang ako. At napakamot sa batok. Kinuha ko ang pagbaunan ko ng tubig at uminom doon.

"Pasensya kana, Dorothea." tumingin ako kay Ada Elena. "Gusto ko lang naman bumawi kay tanda. Ang tagal nyang nawala, hindi man lang sya nagpaalam saamin tapos babalik sya dito na parang walang nangyari." saad nito. Nakatingin sya sa lamesa pero nakikita ko ang mga mata nya. Malungkot ang mga ito.

Nasabi pala saakin ni Alistair na tumigil sya sa pag-aaral. Napabuntong hininga nalang ako at hinimas himas ang likod nya. "Ayos lang." sabi ko.

Tumingin sya saakin at ngumiti. "Hindi kana galit?" anito. Kumunot ang noo ko.

"Hindi naman ako nagalit." turan ko. Oo nainis ako pero hindi ako galit. Kung galit ako hinila ko na ang kamay ko sa kanya at lumayo.

"Kanina kapa kasi nagbubuntong hininga kaya parang galit ka. Buti naman, kung ganun magkaibigan na talaga tayo?" tanong nito. Natawa naman ako, kanina nya pa sinasabi yan. Tumango ako sa kanya at mas lumawak ang ngiti nito. Para syang bata.

Kung kanina ay inis ako dahil sa sinabi ni Gideon. Parang nawala ito dahil masaya kasama si Ada Elena. Hindi rin pala ganun kasama ang araw na ito lalo pa't unang araw ito ng pasok ko.

Tawa lang kami ng tawa ni Ada Elena habang wala pa iyong susunod naming guro. Paano ba naman? Kinuwento nya lahat ng kalokohan na ginawa nya dati kay Alistair. Sabi nya ay mula pagkabata lagi na silang nagbabangayan hanggang ngayon.

"At alam mo ba kanina? Sabay sabay kaming kumakain. Tapos noong di sya tumitingin nilagyan ko ng maraming sili 'yung pagkain nya kaya 'yun pulang pula." sabi nya at tumatawa ng malakas. Ang sama ko dahil tumawa rin ako pero hindi ko mapigilan gayong naalala ko ang mukha ni Alistair nang sumugod sya dito kanina.

"Ang sama mo!" sabi ko sa kanya. At mas lalo lang syang tumawa. Wirdo talaga ang isang ito.

"Pasensya kana rin kay Gideon ah. Masungit talaga iyon at medyo nakakatakot." sabi nya nang makabawi sa pagkakatawa. Tumingin sya sa likod namin at sigurado akong si Gideon ang tinitignan nya dahil nakita ko sya kaninang papunta doon.

"Alam ko." simpleng sabi ko sa kanya, tumingin sya saakin na may kunot na noo.

"Alam mo? Paano?" tanong nya. Kinuwento ko sa kanya iyong una naming pagkikita ni Gideon. Iyong pagligtas nya saakin, pagsabi nya saakin ng maingay at bastos. "Kaya naman pala mukhang inis sya noong nakaraang araw." at tumawa ito. "Ganun lang talaga iyon. Hindi sya nakakatagal sa maingay na lugar, kahit nga si tanda minsan hindi nya natatagalan kahit matalik na silang magkaibigan. Pero mabait 'yon." anito. Maniniwala na sana ako pero mabait? Mukhang malayo.

Hindi nagtagal ay dumating na ang panghuli naming guro para sa araw na iyon. At natapos na nga ang klase namin. Nag-inat inat ako, nangawit ang likod ko dahil sa dami ng sinulat namin.

Nagpaalam na saakin si Ada Elena dahil amy mahalaga daw syang pupuntahan. Naglakad na rin ako papunta sa dormitoryo, alas singko na rin pala ng hapon. Hindi ko na natatanaw ang haring araw mula rito dahil tuluyan na itong natakpan ng mataas na pader.

Malapit na ako sa gusali ng dormitoryo nang matapat ako sa isang puno doon. At parang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Tinignan ko ang puno at biglang tumaas ang balahibo ko nang biglang may tumawa.

Maglalakad na sana ulit ako at iwawalang bahala nalang ang narinig ko pero may tumawa ulit. Tinignan ko ang puno, galing ito doon. Baka nasa likod ng puno? Hindi ko alam pero parang habang tumatagal ay tinatawag ako ng puno. Nakita ko nalang ang sarili kong papunta sa punong iyon. Nang makalapit ako ay mas lalong bumigat ang pakiramdam ko, tinignan ko ang taas ng puno pero walang kung sino man doon. Tinignan ko ang likod ng puno pero wala rin. Kinusot ko ang mga mata ko dahil pakiramdam ko unti unti itong bumabagsak.

"Sinong hinahanap mo?" bulong ng kung sino sa likod ko. Tumaas ang balahibo ko dahil sa boses na iyon.