Chereads / Oblitus / Chapter 7 - Kabanata 6

Chapter 7 - Kabanata 6

Kabanata 6

Puno ng Kalungkutan

Halos mapasigaw ako dahil sa bulong na iyon. Hinarap ko ang nagmamay-ari ng malamig na boses na bumulong saakin. Sinamaan ko sya ng tingin, talaga bang nang-iinis sya?

"Bakit ka ba nanggugulat?" inis na sabi ko sa kanya. Nakataklob ang ulo nya ng pulang kapa pero kita ko pa rin ang pula nyang mga mata.

Umigting ang panga nya at tinalikuran ako. Anong problema nya? Sya na nga itong nanggulat tapos sya pa ang maiinis. Tumingin ako ulit sa puno. Baka guni-guni ko lang yung tawa. Umiling ako at naglakad na rin ako papunta sa dormitoryo namin. Hanggang uwian hindi nya pinalagpas, talagang nang-inis pa.

Nasa dormitoryo na sina Ella at Navi nang makarating ako. Mas maaga natatapos ang klase nila kaya nauuna sila saakin umuwi. Nagpaalam akong magpapalit sa taas bago bumaba para tumulong kay Ella.

Pagbaba ko ay naabutan ko si Navi na may sinusulat sa papel at sinasagutan, mukhang seryoso ang giangawa nya kaya nilagpasan ko nalang sya at dumiretsyo sa kusina.

Naghihiwa ako ng gulay nang maalala ko 'yung puno malapit sa gusali ng dormitoryo. Isa iyong malaking puno na umabot na sa ikatlong palapag ng gusali ang laki. Hindi gaya ng ibang puno, iba-iba ang kulay ng dahon nito. May berde, asul, rosas, pula at iba pa.

"Ella, napapansin mo ba 'yung puno malapit sa dormitoryo natin?" tanong ko sa kanya.

"May narinig ka?" tinignan ko sya. Tumango ako at nanlalaki ang mga mata nitong lumapit saakin. "Ayos ka lang ba? May masakit ba sa'yo? Pasensya na hindi kita nasabihan sa punong iyon." sabi nito na nakahawak sa balikat ko habang tinitignan ang katawan ko.

Tama nga ako may kung anong meron sa punong iyon. "Walang masakit saakin. Anong meron sa punong iyon?" tanong ko kay Ella. Mukhang naginhawaan naman sya sa sinabi ko.

"Ang punong iyon ay lubhang mapanganib." panimula nito, binigay ko ang buong atensyon ko sa kanya. "Bago pa lang ako dito meron na ang punong iyon. Tinatawag ang puno na iyon bilang, Puno ng Kalungkutan. Kapag may mapapadaan doon na estudyante, may maririnig na humahagikgik na isang babae. Biglang bibigat ang pakiramdam at parang hinihila papunta sa puno ng sino mang makakarinig nito." aniya. Tama sya, iyon mismo ang naramdaman ko kanina.

"Ayon sa sabi-sabi may nagpakamatay daw doon na binatilyo." tumaas ang balahibo ko sa sinabi nya. "Isang hardinero ng kaharian ng Ceres ang binatilyo, meron syang napakagandang nobya. Ngunit sa likod pala ng ganda nya iniwan nya ang binatilyo para sa karangyaan na sa ibang lalaki nya natagpuan." sabi ni Ella at nagsimula na ulit maghalo ng niluluto nya habang ako ay nasa kanya pa rin ang buong atensyon.

"At nang malaman ito ng binatilyo hindi nya nakayanan ang lungkot ng pag-iwan sa kanya ng kanyang nobya hanggang sa nagbigti sya sa punong iyon. Hindi matahimik ang kaluluwa nya na sa punong iyon namamalagi. Kaya para maibsan ang lungkot nangbibiktima sya ng mga estudyante at kapag nakalapit na ang biktima nya, unti unti itong makakatulog at paggising nalang nito marami na itong sugat sa katawan." sabi ni Ella.

Natahimik naman ako dahil sa sinabi nya. Kinain ng kalungkutan ang lalaki kaya sya nagpakamatay. Ganun ba talaga ang nagagawa ng pag-ibig sa isang tao? Na hahantong sa pagpapakamatay? Hindi ko naman masisisi ang lalaking iyon dahil hindi ko pa naman nararanasang magmahal ng ganun.

Buti nalang talaga dumating si Gideon, kung hindi baka isa na rin ako sa nabiktima ng punong iyon. Kung hindi nya ako ginulat baka tuluyan na akong nakatulog at nasaktan ng multong mapaghiganti. Nakonsensya naman ako sa ginawa ko sa kanya kanina, sinungitan ko pa sya.

"Himala nga at kahit may narinig ka sa punong iyon, wala kang kahit ni isang galos." sabi nya saakin. "Sigurado ka ba talagang maayos kalang?" tanong ni Ella ulit.

Ngumiti ako sa kanya at tumango. "Baka swerte lang talaga ako ngayong araw. Paano mo nga pala nalaman lahat ng iyan, Ella?"

Humarap sya saakin at may pinakita sa braso nya. Isa iyong manipis ngunit mahabang peklat. Nanlaki ang mga mata ko. Nabiktima rin pala sya.

"Pangalawang linggo ko noon nang mabiktima ako ng punong iyon. Tandang tanda ko pa paggising ko marami na akong sugat na kagaya nito sa buo kong katawan. Pero ito ang pinakamalalim kaya ito ang nag-iwan talaga ng marka." sabi nya. Napalunok ako siguradong masakit iyon.

"Pati rin ba si Navi nabiktima na ng punong iyon?" tanong ko sa kanya. Hinarap ko ang kanina ko pang hinihiwa at tinuloy ito.

"Hindi. Sa pagkakaalam ko pili lang ang binibiktima ng punong iyon. Kulot na buhok at bughaw na mga mata ang madalas nyang binibiktima. At lahat ng nabiktima nito ay ganoon nga, kung hindi kulot na buhok, bughaw naman na mga mata. At wala naman ganoon si Navi kaya hindi sya nabibiktima." anito. "Iniisip nga ng iba na baka ganoon ang itsura ng nobya nya base sa mga katangian ng nabibiktima nito." napatango ako sa sinabi nya.

Si Carmella ay may itim na buhok na kulot ang dulo, maliit syang babae na may payat na pangangatawan. Si Navi naman ay may tuwid na itim na buhok, magkasing tanggad kami ni Navi at payat rin sya katulad ni Ella.

"Kung ganoon nga kapanganib ang punong iyon bakit hindi pa rin nila ito inaalis?" tanong ko kay Ella. Ang dami na palang nabiktima ng punong iyon. Hindi nga ito pumapatay pero mapanganib pa rin ito.

"Marami na ang sumubok na putulin ang punong iyon. Pero ni isa sa kanila hindi nagtagumpay. Natatakot din ang mga opisyales ng paaralan na kapag naputol ang punong iyon magpagala gala ang kaluluwa ng multo sa punong iyon at mas lalo silang mahihirapan sa pagkontrol dito kung mangyayari iyon." sabi nya. Humarap ako sa kanya at binigay ang mga hinati kong mga gulay.

"Pero anong ginagawa ng paaralan para mapigilan ang pagkakaroon ng mabibiktima ng multo sa puno?" tanong ko kay Ella.

"Sa pagkakaalam ko nagsagawa ng enkantasyon sina Ginang Kim at Ginang Dina para tuluyan nang makulong ang multo sa puno. Kaya ako ang pinakahuli nitong biktima at sobrang tagal na 'non." sabi nito saakin. Pero bakit nangyari pa rin iyong kanina?

"Hindi kaya nawalan na ng bisa iyong engkantasyon?" sabi ko sa kanya.

"Maaari. Kaya bukas na bukas kailangan natin itong sabihin kay Ginang Kim o Ginang Dina. Baka may mabiktima nanaman ang punong iyon." sabi ni Ella agad naman akong tumango.

Mag-aalas sais nang matapos kami sa pagluluto ni Ella. Habang naghahanda ako sa mesa ay biglang may kumatok sa pintuan ng dormitoryo. Tumingin ako kay Ella at nagkibit balikat lang ito. Sabay kaming pumunta doon dahil tapos na rin naman kami sa paghahanda ng hapag kainan.

Nabuksan na ni Navi ang pinto nang makarating kami doon. Nakaharang sya sa pinto pero nakikita kong walang kung sino ang naroon. Baka may padala. Yumuko si Navi at may binuhat papasok.

"Dorothea para sa'yo." sabi nya at may inabot saaking sulat. Maliit lamang na papel iyon na nakadikit sa dala nyang mga prutas.

'Kumain ka ng mabuti. Wag mong papabayaan ang sarili mo. Ayoko mapahiya sa mga kaklase ko kapag nakita nilang may pangit akong kapatid.'

Napailing nalang ako sa nabasang laman ng sulat. Kahit kailan talaga. Hindi ko alam kung maiinis ako o matutuwa ako sa nabasa ko.

"Kanino galing?" tanong saakin ni Ella. Tinignan ko naman si Navi na pumunta ng kusina. Mukhang nabasa nya na rin iyong sulat.

"Galing sa kapatid ko." sabi ko at sinundan namin si Navi sa kusina. Hinuhugasan nya na ang ibang prutas at nilagay sa lamesa.

"Hindi ko alam na may kapatid ka pala Thea." sabi ni Navi. At pinalutang ang kusilyo pati na rin ang mansanas para mabalatan ito. Parang may sariling buhay ang mga ito dahil nagsimula nang magsandok ng kanin si Navi ay hindi pa rin tumitigil ang kusilyo sa pagbalat

"Oo, nakababatang kapatid." sabi ko at kumuha na rin ng kanin.

"Babae?" tanong naman ni Ella na kumukuha ng ulam.

"Hindi lalaki. Mas matanda ako sa kanya ng apat na taon." sabi ko bago kumuha ng ulam. Tumango tango naman ang dalawa.

Nagtuloy tuloy ang kwentuhan naming tatlo. Kwinento rin namin ni Ella iyong tungkol sa puno kanina. At katulad ng ginawa ni Ella tinanong din ako ni Navi kung ayos lang ako, pinagpilitan pa nyang pumunta kami sa manggagamot. Natawa nalang kaming dalawa ni Ella at sinabi kong ayos lang talaga ako.

"Ah Thea." panimula ni Ella. Tumingin ako sa kanya at nakita kong siniko nya si Navi. Na parang sinabing sya na ang magsabi.

"Kasi ano eh, napalitan 'yong oras ng pananghalian namin." halos pabulong na sabi ni Navi. "Mas napaaga ng isang oras, kaya mas napaaga din ang klase namin sa panghapon." sabi nya at sumubo ng pagkain.

"Kanina lang namin nalaman, pasensya na Thea." sabi naman ni Carmella. Ako naman ay natawa sa inasal ng dalawa.

"Bakit ka humihingi ng dipensa? Wala naman na tayong magagawa kung ganoon nga ang nangyari." sabi ko naman at natawa ulit.

"Pero kasi, dapat sabay sabay tayong kumakain ng tanghalian eh." sabi ni Navi at lumabi pa ito. "Atsaka wala kana kasabay kumain lalo pa't bago ka palang dito." dagdag nya.

"Ano ba kayo? Ayos lang, tanghalian lang naman tayo hindi magkakasabay eh. Tsaka ayos lang din naman kung ako lang mag-isa ang kakain." sabi ko naman. "Kaya tama na iyang pagdadrama, kumain nalang tayo." sabi ko at tumawa ulit pero sa kaloob looban ko nalulungkot talaga ako.

Sa pagkwekwentuhan namin napag-alaman kong nag-iisang anak si Ella. Simula daw noong tinatag ang Minerva ang Ina na nga ang kinuhang mananahi para sa uniporme ng mga estudyante. Samantalang ang ama nya naman ay isa sa mga kawal ng palasyo ng Amman. Habang si Navi naman ay may nakakatandang kapatid na dito rin daw nag-aaral. Natapos ang hapunan at pagkatapos maghugas ng pinagkainan nagpasya na kaming pumunta sa mga kwarto namin para magpahinga.

Bago ako magpahinga ay ginawa ko muna ang takdang aralin na binigay saamin ni Ginang Dina. Hindi naman ganoon kahirap dahil nasa libro naman ang sagot sa mga tanong. Sinarado ko ang libro at nag-inat inat, natapos rin sa wakas. Tinignan ko ang oras at nakitang alas dies y media na ng gabi. Humiga ako sa kama at doon ko naramdaman ang pagod sa buong araw. Marami rami rin nangyari ngayong araw na ito. Di nagtagal ay hinila na nga ako ng antok.

Dumating ang umaga. Nandito ako ngayon sa inupuan ko kahapon. Nagbabasa ako ng libro habang kumakain ng mansanas, isa sa pinadalang prutas ni Achelous. Ngayon ko lang napansin, bakit sya alam nya ang dormitoryo? At hindi nya man lang sinabi saakin kung saan ang dormitoryo nya. Nasa iisang paaralan lang kami pero simula nang pagpasok ko dito ay hindi ko pa sya nakikita.

"Magandang umaga!" bati ni Ada Elena. At umupo na sa tabi kong upuan. "Kamusta ang tulog mo?" tanong nya.

"Ayos naman, Ada Elena." sagot ko. Sinimangutan nya ako. Oo nga pala.

"Kayapon mo pa ako tinatawag na Ada Elena. Ang sabi ko Ada nalang, masyadong masagwa ang Ada Elena eh." sabi nya. Ngumiti nalang ako, iyon naman kasi ang pagpapakilala nya saakin kahapon eh.

"Magandang umaga, Gideon!" sabi ni Ada. Liningon ko si Gideon na tumango lang kay Ada. "Gideon dito ka nalang umupo! Dito oh." sabi ni Ada at iminuwestra pa ang bakanteng upuan sa tabi nya. Tinignan ako ni Gideon, napalunok ako at tumingin nalang ulit sa librong binabasa. "Halika ka na!" pagpupumilit ni Ada. Tumayo pa sya at hinila ang kamay ni Gideon para makaupo sa katabi nitong upuan. Wala nang nagawa si Gideon dahil talagang mapilit sa Ada.

Talagang matalik na magkaibigan ang dalawa. Dahil sa itsura ni Gideon na palaging parang gustong manakit, ang mga malalapit lang sa kanya ang kayang gumawa nyan sa kanya.

"Ayan! Isa nalang ang kulang at kompleto na tayo." sabi ni Ada at bahagyang tumawa. "Kahit kailan talaga laging huli ang isang iyon."

Kumunot naman ang noo ko. Sino ba ang sinasabi ni Ada? At bakit may makokompleto? Si Alistair ba? Kahit kailan talaga wirdo ang isang 'to. Tinuloy ko nalang ang pagbabasa ko. At ilang sandali lang ay sumigaw nanaman si Ada, tinignan ko sya at nay kinakawayan sya sa pintuan sa baba. Tinignan ko ang kinakawayan nya at nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Iyong lalaking may abong mga mata, nakatingin sya saamin at kumaway.

"Kiyo!" nasabi ko na ba na ang ingay ni Ada? Nakatingin na halos lahat ng estudyante. Hindi pala halos, lahat pala talaga. Napatampal nalang ako sa noo ko.

"Ang aga aga ang ingay mo." napatingin ako doon sa nagsalita. Iyong may nga abong mata, nakaakyat na pala sya dito. Kiyo pala ang pangalan nya. Napatingin sya saakin at napakunot naman ang noo nya, naalala nya siguro ako.

"Ah ito nga pala si Dorothea, bago kong kaibigan." sabi ni Ada at tinuro pa ako sa kanyang tabi. "Dorothea, ito naman si Kiyosoki, kababata rin namin sya ni Gideon at ni Tanda." sabi ni Ada.

Tumingin ako kay Kiyo at ngumiti sa kanya at bahagyang yumuko. Ngumiti rin ito saakin at naglakad palapit saakin at nilahad ang kamay. Inabot ko agad iyon.

"Masaya akong makilala ka. Ang ganda pala talaga ng mga mata mo." sabi nito at bahagyang tumawa. At umupo na sa tabi ni Gideon, 'yun nalang naman ang natitirang bakante sa lamesa namin eh.

Sa totoo lang hindi ko inaasahan iyon. Akala ko ay masungit rin sya katulad ni Gideon. Sa unang tingin kasi ay mukha talaga syang masungit at ang malamig nitong awra ay nakakapanindig ng balahibo.

Tinignan ko ulit ito. Nakikipag-usap na ito kay Gideon, hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila dahil nga medyo malayo ang mga ito saakin. Nagulat ako nang tumingin saakin si Gideon agad ko namang iniwas ang mga tingin ko sa kanya.

Halos tumaas ang balahibo ko. Ang tawang iyon. Narinig ko nanaman iyong tawa ng babae katulad 'nung tawa ng babae sa puno ng kalungkutan.