Kabanata 8
Kapa
Nag-umpisa na kaming tumakbo sa kagubatan kasama ang iba pang nasa distrito ng Tychia. Nagpakalat kami sa iba't ibang bahagi ng gubat.
Nangunguna si Kiyo saamin, sunod ay si Ada tapos ako, nahuhuli si Gideon. Mabilis tumakbo ang mga nasa unahan ko, kung saan saan kami lumiko.
"Tigil!" sabi ni Kiyo kaya agad kaming tumigil.
"Bakit? May problema ba?" tanong ni Ada. Hindi nya naramdaman? Tumingin saakin si Kiyo tumango ako sa kanya.
"Dito na tayo magpapalipas ng gabi." sabi ko at naupo sa isang malaking ugat sa tabi ko. Malalaki ang mga puno dito, talagang masukal ang napili nilang lugar para sa larong ito. Gusto talaga nilang subukan ang kakayahan namin.
Tinignan ko ang kalangitan na tuluyan nang naging kahel. Hindi na makita kung saan ang haring araw, tanging ang liwanag na lamang nito ang tanaw ko sa malayong kanluran.
Tinaas ko ang kamay ko, kasabay noon ang pagtaas din ng mga tuyong sanga ng puno pati na rin mga tuyong dahon. Inipon ko ito sa gitna naming apat. Narinig kong hinipan ito ni Gideon at sa isang iglap lang ay lumiyab na ito.
"Wag kang lalapit saakin, malamig na nilalang." sabi ni Ada at lumayo kay Kiyo at lumapit saaking tabi. Natawa nalang kami sa inasal nya.
Sa loob ng isang linggo ay nalaman ko ang mga kapangyarihan nila. Si Ada ay isang sirena na galing sa kaharian ng Dohana. Kaya nyang manipulahin ang kahit anong yamang dagat lalo na ang tubig sa kanyang paligid. Nagulat nga ako noong una nyang ipinakita ang kapangyarihan nya. Nagbabangayan sila noon ni Alistair at sa sobrang inis ni Ada inipon nya lahat ng tubig sa kanyang paligid at binuo ito ng bilog saka kinulog ang ulo ni Alistair. Muntik na talagang malunod noon si Alistair buti nalang tinulungan sya ni Kiyo.
Si Kiyo naman ay may kamay na kayang gawing yelo lahat ng mahahawakan nya. Hindi na ako nagulat dahil unang pagkikita palang namin may kakaiba na akong naramdaman. Kaya pala ako nilamig noon dahil sa paghawak ng kamay nya sa braso ko, noong una naming pagkikita.
At si Gideon, ang kayang magmanipula ng apoy. Hindi ko pa masyadong nakikita kung paano nya gamitin ang kapangyarihan nya pero nasisiguro kong isa ang apoy doon. Ang sigurado lang ako kaya siguro lagi syang masungit dahil sa kapangyarihan nya. Laging mainit ang ulo.
Sumapit ang gabi at wala pa akong nararamdamang nagbabadyang panganib. Ang tanging naririnig ko lang ay mga tunog ng mga inserko sa gubat at ang pag-agos ng tubig, ibig sabihin malapit kami sa sapa. Nakita ko kanina ay mayroong sapa dito sa gubat.
"Nagugutom na ako." sabi ni Ada. Tinignan ko sya at nakahawak ito sa tyan nya. Kinuha ko ang maliit kong bag at ibinigay sa kanya ang tinapay na dala ko. "Paano ka?" tanong nya saakin.
"Kainin mo na. Marami akong nakain kanina kaya hindi pa ako gutom. Bukas ay maghahanap ako ng mga prutas dito sa gubat." sabi ko sa kanya. Ngumiti ito saakin at nagpasalamat.
"Hindi ito ordinaryong gubat. Puno ito ng mga halamang nagtataglay ng lason. Mapapanganib din ang mga nagkalat na nilalang dito." sabi ni Gideon. Tumingin ako sa kanya at tumango. Kailangan nga naming magdoble ingat.
"Hindi ako komportable sa katahimikan. Nagkamali ba ako ng bilang?" sabi ni Kiyo. Tama sya, ilang oras na kami dito pero wala pa akong nakikitang ibang grupo.
"Dorothea!" sigaw ni Ada. Agad naman akong naging alerto at bumaba sa malaking ugat na kinauupuan ko kanina. Nagtago kami ni Ada doon. Nag-umpisa na sila.
"Sa tantsa ko ay nasa walo sila, dalawang grupo ang nagmamatyag saatin." sabi ni Gideon na naglabas ng isang latigo.
Walo? Pero apat lang ang sumusunod saamin kanina. Ang akala ko ay ang paliko likong daan ni Kiyo ay wala lang. Iyon pala gusto nyang malaman kung talagang sumusunod saamin ang isang grupo at tama nga sya. Kaya minabuti naming tumigil muna para alamin kung anong pakay nila at base sa kutsilyong muntikan nang tumama sa likuran ko, mukhang gusto nila kaming tanggalin sa larong ito. Tangal ang grupong malalagasan ng miyembro.
"Ako na ang bahala sa tatlo." sabi ko at inangat ang isang kamay ko, tinuro ko ito sa taas ng puno kung saan nagtatago ang tatlong sumusunod saamin. Ang sunod ko nalang narinig ang mga sigawan ng mga ito at pagkakahulog nila sa sanga ng puno. Nakapulupot sa katawan nilang tatlo ang makapal na baging na ako mismo abng may gawa. Nakalambitin sila ng pabaliktad kaya kita ko ang mga mukha nila, hindi ko sila mga kaklase.
"Pakawalan mo kami!" sigaw saakin ng isa. Sigurado akong sya ang nagtapon saakin ng kutsilyo kanina. Kinuyom ko ang kamao ko at mas lalong humigpit ang pagkakapulupot sa kanila ng makakapal na baging.
"Pakawalan mo ang mga kasama ko." sabi ng isang babaeng nagtatago sa likod ng puno. Mabilis syang tumakbo papunta saakin, bago nya ako masaksak ng dala nitong kutsilyo nasipa na sya ni Ada sa tyan. Tumilapon sya at tumama ang katawan nya sa puno sanhi para mawalan sya ng malay.
"Tara na. Hindi ko na nararamdaman ang isa pang grupo na nanunuod saatin kanina." sabi ni Kiyo. Tumango naman kami at nagsimula na tumakbo.
"Salamat, Ada." sabi ko. Nasa gilid ko sya at sabay kaming tumatakbo, habang nasa harapan namin si Kiyo at nahuhuli naman si Gideon.
"Wala iyon," sabi nya saakin at ngumiti. Tumigil kami sa isang malaking puno. Hindi katulad kanina ay wala na akong nararamdaman na kahit sino sa paligid.
"Ligtas na tayo dito sa ngayon. Dito na muna tayo magpapahinga at mag-iipon ng lakas. Bukas na bukas mag-uumpisa na tayo maghanap ng dyamante." sabi ni Kiyo.
Katulad kanina ay nag-ipon ako ng mga tuyong dahon pero bago ito masindihan ay pinatay agad ito ni Gideon.
"Malalaman nila na nandito tayo dahil sa usok." sabi nito saakin. Tama sya, kapag nakita ng iba na may nagsisiga dito baka pumunta sila dito at mapalaban nanaman kami imbes na makapagpahinga.
"Pero malami-" napatigil sa pagsasalita si Ada at tumingin kay Gideon binigyan nya ito ng pagkalawak lawak na ngiti. Lumapit sya kay Gideon at sumandal sa likod nito at mukha itong naginhawaan. "Buti nalang talaga kasama ka namin. Dorothea halika dito, tabi tayo." sabi nya saakin at tinapik pa ang tabi nito.
Agad akong umiling sa kanya at umupo sa ilalim ng puno. Hindi ko lubos maisip na nandun ako at nakasandal sa likod ni Gideon para sa init ng katawan nito. At isa pa, kaya ko rin naman gumawa ng paraan para maibsan ang lamig kahit kaya ko naman talaga.
"Ayos lang naman ako dito. Hindi naman masyadong malamig eh." sabi ko sa kanya.
Sinimangutan ako ni Ada, "Siguradong mas lalamig habang lumalalim ang gabi. Tsaka talagang komportable dito, ito lagi naming ginagawa kapag pumunta kami ng kaharian ng Forleza."
Forleza? Ang nagyeyelong kaharian? Minsan na nabanggit saamin ni Tatay iyon, wala daw nakakatagal sa lamig doon sabi nya.
"Tama sya, Dorothea. Baka magkasakit ka kapag gising mo dahil sa lamig." pagsang-ayon ni Kiyo.
Nginitian ko sila, "Wag kayong mag-alala, kaya ko naman talaga. At isa pa," tinutok ko ang kamay ko sa lupa, ilang sandali lang ay may tumubong malaking bulaklak dito na hanggang dibdib ko ang taas nito.
"Isang bulaklak? Alam ko maganda iyan pero makakatulong ba talaga iyan?" lumapit saakin si Ada at hinawakan nya ang talutot ng bulaklak.
"Hindi ito ordinaryong bulaklak, ginagamit itong tirahan ng mga ada." paliwanag ko at tumingin ako kay Ada na napa'o' ang mga labi.
"Pero mukhang masikip sa loob nyan, makakatulog ka ba ng maayos nyan?" tanong naman ni Kiyo, umupo sya at sumandal sa isang malaking ugat.
"Sanay naman na ako," ngumiti ako sa kanila at binaba ang isang talutot ng bulaklak saka umupo sa loob nito.
Magsasalita pa sana si Ada pero pinigilan na sya ni Gideon. "Hayaan nyo na sya, kung iyan ang gusto nya." nagtalukbong sya ng kapa nya hanggang mukha at sumandal sa puno. Balak na siguro nyang magpahinga.
Napabuntong hininga nalang si Ada at sinabing kung nilalamig ako ay wag akong mahihiyang tumabi kay Gideon. Tumango nalang ako sa kanya para maalis na ang pag-aalala nya.
Tuluyan na akong pumasok sa bulaklak at muling itinaas ang talutot nito pra hindi makapasok ang lamig kahit papaano. Umayos ako ng upo para mahanap ang posisyon para maging mas komportable ako.
Pakiramdam ko nagbunga lahat ng paghihirap namin ni Achelous sa mga pagsasanay na ibinibigay saamin ni Tatay dati. Lahat ng mga ituro saamin nila Tatay ay nagagamit ko na ngayon. Ang pakikipaglaban at pagtatanggol sa sarili, ang paggawa ng sariling pagkain at matutulugan. Pero hindi ko sinasabing magaling na ako sa lagay na ito, marami pa akong kailangang matutunan.
Katulad nalang nitong laro na ito. Ipinapakita lang saamin kung paano kami mabubuhay sa sarili maming kakayahan. Kailangan naming maging handa sa kahit ano mang oras kung sakaling may mangyayari mang ganito.
Napabuntong hininga ako, kahit anong gawin kong pagpikit ay hindi ako madalaw ng antok. Magpapahangin muna siguro ako saglit, baka kapag nakalanghap ako ng sariwang hangin makaramdam ako ng antok.
Binaba ko ang talutot ng bulaklak, dahan dahang dumampi saakin ang malamig na simoy ng hangin. Tama nga sila Ada talagang lalong lumamig ngayong gabi. Inilabas ko ang aking mga paa habang nakaupo pa rin sa bulaklak.
"Hindi ka makatulog?"
Nilingon si Gideon, hindi pa rin sya natutulog? Bawat makikita ko sya sa klase lagi syang nakasubsob at natutulog. Kaya't nakakapagtakang ngayong malalim ang gabi ay hindi pa sya tulog.
Umiling ako, "Hindi ako madalaw ng antok. Ikaw, bakit gising ka pa?"
"Nagbabantay." sabi nya at tumingin sa paligid.
Malalim na ang gabi kaya talagang wala ka nang makikita dahil madilim na at tanging liwanag nalang ng buwan ang nagbibigay ilaw sa paligid. Pero dahil masukal ang kagubatan may mga parteng talagang sobrang dilim at wala na talagang nakikita.
Tumingin ako sa mga kasama kong mahimbing na ang tulog, maliban saaming dalawa ni Gideon. Si Ada na nakasandal sa balikat ni Gideon habang si Kiyo naman ay nakaupong natutulog sa isang gilid. Napakunot ang noo ko dahil nakahubad ito.
"Hindi sya natutulog na may damit,"
Tumingin ako kay Gideon. "Bakit naman?"
"Kasi naiinitan sya."
"Naiinitan sya sa lagay na ito? Ang lamig, lamig kaya." Saktong pagkasabi ko noon ay umihip ang malamig na hangin. Napayakap ako sa mga braso ko sa lamig.
"Wag kana magtaka, galing sya sa Forleza."
Tumango naman ako. Kapangyarihan pala ni Kiyo ang yelo, kaya siguradong hindi sya lalamigin dahil sanay na sya.
"Dorothea," Tumingin ako ulit kay Gideon. Nagulat ako at muntikan nang hindi nasalo ang hinagis nyang kapa. "Mas lumalamig na, gamitin mo iyan."
Ngayon ko lang nakita si Gideon na walang kapa. Kahit saan suot nya ang kapang ito, kahit sobrang init na suot nya pa rin at sya lang ang nagkakapa na nakikita ko pero naisip ko na baka sobrang halaga ng kapang ito sa kanya. Kaya nakakapagtakang ipapahiram nya saakin ito.
"Pero paano ka?"
Binuksan nya ang palad nya at may lumabas doon na nag-aalab na apoy.
"Ang katawan ko ay nababalutan ng mainit na temperatura kaya hindi problema saakin ang lamig." Sinara nya ang kamay nya kaya nawala ang apoy. "Kaya wag kana maarte at gamitin mo na iyan."
Tumingin ako sa pulang kapa, saka tumango sa kanya. Wala na siguro akong magagawa, susungitan nanaman nya ako kapag ibinalik ko ito sa kanya. "Salamat, Gideon." At binigyan sya ng isang ngiti.
Tumango sya, "Matulog kana, maaga pa tayo bukas."
Tumango rin ako sa kanya. Sinuot ko ang kapa at nakaramdam ako ng ginhawa.
"Matulog ka na rin." Nginitian ko sya at itinaas ko ang nalutot ng bulaklak.
Unti-unti ay nakaramdam na ako ng antok. Marahil dahil sa mainit na hatid ng kapa.