(De Vega Group of Companies, next morning)
(Albert's POV)
ABALA ako sa pag-e-encode ng ginagawa kong proposal deal para sa itatayong hotel nang makita kong tarantang pumasok sa opisina si Maricel.
"Sir Albert, si Vivian, nanggugulo po sa labas!"
"Ano?!" at napatayo ako sa upuan ko. "Nasaan siya?"
"Nasa lobby po! Kanina pa po siya nagsisisigaw doon. Tsaka po ang dami niyang na-harass na mga empleyado nang ayaw nilang iproseso yung pagbibigay sa kanya yung share niya sa kompanya!" tarantang sabi ng sekretarya ko.
"Sige. Ako nang bahala sa kanya." at lumabas ako ng opisina. Sumakay ako ng elevator. Habang nasa elevator ako ay napapadasal ako na sana'y wala nang masaktan pang empleyado nang dahil sa kanya.
Saktong paglabas ko ng elevator ay nakasalubong ko ang abogado ko na si Atty. Rufo.
"Attorney, mabuti po't nandito kayo. Dala nyo po ba ang mga dokumentong ipinagawa ko sa inyo?"
"Opo, Mr. De Vega. Sa katunayan ay gawa ko na po yung mga dokumento. Bakit, kailangan nyo na po?" tanong ni Atty. Rufo.
"Ora mismo. Halika sa lobby at may gigisingin tayo sa katotohanan." sabi ko.
"Sino po, Sir?"
"Malalaman mo na ngayon." at agad akong pumunta sa lobby. Sumunod naman ang abogado ko sa akin.
(Company Lobby)
(Vivian's POV)
"NASAAN ang asawa ko! Kailangan ko siyang makausap! Ngayon mismo!" at tinangka kong magpumiglas pero hinigpitan ng guwardiya ang paghawak niya sa mga kamay ko. "Ano ba! Bitawan nyo ako sabi! Hindi nyo ba ako naiintindihan?! Bitawan nyo ako!"
"Ma'am, bawal po kayong mag-eskandalo dito!" sita sa akin ng guwardiya. Sa galit ko ay sinigawan ko siya.
"Hindi mo ba ako nakikilala, ha?! Ako si Vivian Salcedo De Vega, ang asawa ng presidente ng kompanyang ito na si Albert De Vega!"
"Alam po namin. Pero sorry po dahil pina-ban na kayo ni Sir dito." sabi pa nung guwardiya, dahilan para bigla akong matigilan.
"A-ako? P-pina-ban ng Sir nyo? I-imposible naman yata yun!" gulat na sabi ko.
"Totoo po yung sinasabi ko, Ma'am. Banned na po kayo dito. Ipina-notaryo pa nga po kayo ni Sir na pagbawalang pumasok dito." sabay turo nung guwardiya sa isang nakapaskil doon. Marahas akong bumitiw sa guwardiya at nilapitan ang sinasabi niyang notaryo. At mas nagulat ako nang mabasa kong hindi na ako empleyado pa ng kompanyang ito at hindi na ako pinapapasok sa kompanyang ito.
"H-hindi. Hindi totoo yan. Hindi totoo yan!" sabay tampal ko sa guwardiya. "Sabihin mo sa demonyo mong amo na bawiin niya ang notaryong yan! Dahil kung hindi, mapipilitan akong ibunyag ang mga itinatago niyang sikreto!"
"Talaga? Ibubunyag mo ang sikreto ko?"
Natigil ako sa pagsisigaw ko nang makita ko si Albert na nasa likod ko na pala. Sa matinding galit ko sa kanya ay nasampal ko siya.
"Walanghiya ka talaga, Albert! Paano mo nakuha sa akin ang mga property ko?! Ang kotse ko? Ang ipon kong pera sa bangko?! Pati na rin ang shares ko sa kompanyang ito?! Ganyan ka na ba talaga kasama, ha?!" nagngingitngit sa galit kong sabi sabay duro ko sa kanya. Pero napamaang ako nang marahas niyang inalis ang daliri kong nakaduro sa kanya.
"Wala kang pag-aari sa mga yun. Dahil lahat ng mga yun ay nakapangalan sa akin. Pasensyahan na lang tayo, Vivian." at nginisian niya ako, dahilan para mas lalong nadagdagan ang galit ko sa kanya.
"Hayup ka talaga, Albert! Napakawalanghiya mo! Ibalik mo sa akin ang mga ninakaw mo! Ibalik mo, ngayon din!" nangigigil na sigaw ko sa kanya.
"Ano ako, tanga? Hinding-hindi na ako magpapaloko pa sayo, Vivian. Wala ka nang makukuha sa akin ni isang kusing." at tinalikuran na niya ako. Susugurin ko sana siya pero muli akong hinarang ng dalawang guwardiyang nagbabantay sa opisina.
"Bumalik ka ditong hayup ka! Bumalik ka dito! Bumalik ka!" ang paulit-ulit na sigaw ko sa kanya, dahilan para mapalingon siya sa akin. Binigyan niya ako ng isang nakakalokong ngiti bago siya muling nagsalita.
"Oo nga pala, nakalimutan kong sabihin sayo, nakabinbin na sa piskalya ang annulment case na ipinetisyon ko. Tsaka pinaghahahanap ka na rin ng mga pulis sa ginawa mong pagpatay kay Manang Ising. Goodluck na lang sayo...Vivian." at tuluyan nang naglakad palayo si Albert. Akmang hahabulin ko na sana siya nang may marinig akong umaalingangaw na tunog. Kinilabutan ako dahil tunog iyon ng sirena ng pulis. Hanggang sa makakita ako ng mga unipormadong pulis na papalapit na sa akin.
"Mrs. Vivian De Vega, inaaresto po namin kayo sa kasong homicide dahil sa pagpatay nyo sa isang katulong ng mga De Vega na si Isidra Umali." ang sabi ng isa sa mga pulis.
"Ako?! Pumatay?! Nagpapatawa ba kayo?!" pasigaw na sabi ko sa kanila.
"Ang mabuti pa sumama ka na lang sa amin sa presinto." at akmang poposasan na sana ako ng isa sa mga pulis na nakapaligid sa akin nang binunot ko ang baril na nakasukbit sa bulsa at ipinaputok ko sa ilaw ng lobby.
"SIGE! SUBUKAN NYO AKONG ARESTUHIN AT PAPATAYIN KO ANG LAHAT NG MGA TAONG NANDITO!" sabay tutok ko ng baril sa mga pulis. "ANO, LALAPIT PA KAYO SA AKIN?! HAH?!" at tinutukan ko ng baril ang mga empleyado at guwardiyang nasa paligid ng lobby. "SIGE, SUBUKAN NYO LANG LUMAPIT SA AKIN DAHIL PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT! PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT!"
"Ibaba mo ang baril na yan!" sigaw sa akin ng isang pulis.
"ANO AKO, HANGAL?! HINDING-HINDI AKO MAGPAPAHULI SA INYO!" singhal ko sa kanilang lahat.
"Ano bang gusto mo? Ibibigay namin iyon sayo kapalit lang ng pagsuko mo sa amin!" sabi pa ng pulis na kumakausap sa akin.
"Talaga?! Sigurado kayo?! Eh kung sabihin ko sa inyong gusto kong makuha ang share ko sa kompanyang ito, ibibigay nyo ba?! Hah?!" sabay paputok ko ng baril sa bintana ng lobby.
"Sino bang kailangan mong makausap para makuha mo yang sinasabi mong share na yan?" tanong pa ng pulis.
"Si Albert De Vega! Siya ang kailangan kong makausap!" sabay tingin ko ng masama kay Albert.
"Walanghiya ka na talaga, Vivian!" galit na sabi ni Albert.
"Mabuti at alam mo! Dahil matagal na akong walanghiya! Malas mo lang dahil pinatulan mo ang walanghiyang tulad ko!" at napahalakhak ako. "Kaya kung ako sayo, ibigay mo na ang kailangan ko...kung ayaw mong may mamatay sa mga taong nandirito!"
"Shameless!" nangingitngit na sigaw sa akin ni Albert.
"Thank you, Mr. De Vega!" sabay paputok ko ng baril sa kisame ng lobby. "Pero pasensyahan na lang din tayo, dahil makikipagkita ka na ngayon sa nasirang asawa at anak mo!" at itinutok ko ang baril sa kanya. "Paalam...Albert!" at ipinutok ko na ang baril. Pero laking gulat ko nang may makita akong sumalag kay Albert at siyang naputukan ng baril.
Gulat na gulat ang lahat, lalo na si Albert, nang makita niya kung sino ang sumalag ng bala.
SI JACK.
"Jaaack!!!" gulat na gulat na sabi ni Albert habang nakayakap siya sa anak ko.
"D-Daddy A-Albert...m-matatapos na po ang p-paghihirap ng pamilya ninyo. M-magtatapos na po ang p-paghihirap nating l-lahat..." at unti-unting natumba si Jack sa harapan ko.
"Jack! Jack! JACK!!!" at dali-daling binuhat ni Albert ang anak ko. "Felix, ihanda mo ang kotse! Isusugod natin si Jack sa ospital! Madali ka!" at patakbo nang inilabas ni Albert si Jack sa lobby.
Mula sa pagkagulat ay bigla na akong nakadama ng takot...at pagsisisi.
"J-Jack...a-anak..." at napaluhod ako sa sahig. "P-pakiusap! Iligtas ninyo ang anak ko! Iligtas nyo siya! Hindi ko makakaya kung pati ang anak ko ay mawala na rin akin! Please!" at hahabulin ko na sana si Albert nang posasan na ako ng mga pulis at dali-daling isinakay sa police mobil. Habang nasa mobil ako ay umiiyak akong nakasilip sa umaandar na kotse ni Albert palayo.
"A-anak...p-patawarin mo ako...p-patawarin mo ako!" at napasubsob na ako ng tuluyan sa bintana habang umiiyak. "Pakiusap! Iligtas nyo po ang anak ko! Iligtas nyo po siya!"
Jack...sana mapatawad mo pa ako...
Sana mapatawad mo pa ang Mama...
Napaiyak na lang ako sa sobrang pagsisisi ko.
Sana'y walang masamang mangyari sa anak ko.