(De Vega Group of Companies, morning)
(Albert's POV)
SAKTONG pagdating ko sa opisina ay sinalubong ako ni Maricel. May dala siyang folders na natitiyak kong puro mga bank accounts at document of property ni Vivian ang laman.
"Sir, naka-freeze na po ang lahat ng bank accounts ni Vivian. Tsaka naka-pull out na rin ang lahat ng properties niya. Inilipat ko na rin ang natitirang pera niya sa pangalan nung anak niyang si Jack." sabi ni Vivian sabay pakita niya sa akin ng mga folders. Tinitigan ko yun at mukhang maayos ang naging trabaho ng sekretarya ko.
"Magaling, Maricel. Dahil hindi ka pumalpak sa trabaho mo, tataasan ko ang sweldo mo tulad ng ipinangako ko sayo. Sige na, makakaalis ka na. Tatawagin na lang kita kapag may ipapagawa pa ulit ako sayo."
"Thank you po, Sir. Sige po, mauna na po ako." at umalis na si Maricel.
Bumalik na ako sa opisina at itinago ang mga documents sa vault na hindi pa nakikita ni Vivian kahit ilang beses na siyang naglabas-masok sa opisinang ito.
Habang pinag-aaralan ko ang inirekumendang design ng bagong hotel na ipapatayo namin sa Davao ay nakita kong nag-ring ang cellphone ni Diana. Oo nga pala, hindi ko pa nababalik ang cellphone niya. Mga isang linggo na rin kasi mula nang mahiram ko ang phone niya, kaya isasauli ko na ito sa kanya.
Dahil paulit-ulit na nagri-ring ang cellphone ni Diana ay hindi ko na napigilan pang tignan ito.
"May nag-text." bulong ko sabay tingin ko sa message inbox ng cellphone. Pero nagulantang ako sa text message na nabasa ko.
- Mommy, mamaya, dinner po tayo sa bahay ah. Magluluto po ako ng favorite nating carbonara. I love you. You're princess, Chelsie. -
Natigilan ako sabay bagsak ng cellphone sa mesa.
"A-anong...anong ibig sabihin nito..." nanginginig na sabi ko habang nakatitig ako sa cellphone.
Kilala ni Diana si Chelsie?
Tsaka ba't "Mommy" ang tawag ni Chelsie kay Diana?
D-don't tell me...
"Esprit?" mahinang bulong ko sabay hawak kong muli sa cellphone. This time, tinignan ko na ang bawat detalye ng gamit na ito, mula sa text messages, contacts at maging sa mga pictures. Pero mas na-shock ako nang makita ko ang picture niya kasama si Satchel at isang magandang dalagita na sa hula ko'y si Chelsie. At ang caption ng picture na yun ay...
- Me and my kids at Universal Studios Manila. -
Napatakip na lang ako sa bibig ko kasabay ng isang malalim na buntunghininga.
Kung ganun...
BUHAY PA SI ESPRIT.
Paano nangyaring buhay siya? Ang pagkakaalam ko ay sumabog ang eroplanong sinasakyan niya sa Indonesia at isa siya sa mga namatay, kaya naman napakaimposibleng makaligtas pa siya.
Pero kung sakali ngang nakaligtas siya, paano siya nakabalik dito? At sino ang tumulong sa kanya?
Ngunit ang pinakagusto kong masagot sa lahat ng mga tanong ay kung kasama na niya ang mga anak ko at kung alam na nila na buhay siya.
Hindi ko maiwasang mangamba.
Kilala ko ang pamilya ni Esprit. Hinding-hindi nila ibibigay ang kustodiya ng mga anak ko sa akin. At hindi nila ako kikilalanin bilang ama ng mga anak ko.
Pero ang isa ko pang ipinagtataka...
Bakit niya ako tinulungang malaman ang sikreto ni Vivian?
Dahil ba may binabalak siyang sirain kaming mag-asawa?
O dahil pinipili niyang gawin ang tama?
Hindi ko alam.
Pero sana, kung totoong buhay man siya, ay bigyan pa niya ako ng pagkakataon na mabuong muli ang pamilya namin.
Na magkasama-sama kaming muli.
Muli kong tinitigan ang cellphone at itinago ko ito sa bulsa ng pantalon ko.
"Esprit...kung totoong buhay ka...sana'y hayaan mo akong makabawi sa mga pagkakamali ko sa inyo ng mga anak mo. Sana'y tanggapin nyo pa ako sa buhay ninyo."
Napabuntunghininga ako sabay labas ko sa opisina. Aalamin ko kung nasaan si Esprit at kung kasama na ba niya ang nawawala kong anak na si Chelsie.
(Kensington High School)
(Albert's POV)
PAGDATING ko sa school nina Sachi ay una kong tinungo ang president's office kung saan nag-oopisina ang dati kong biyenan na si Atty. Martha Roswell. Akmang papasok na sana ako sa opisina nang makita kong nag-uusap si Diana at Atty. Martha.
"Mama, kawawa rin si Jack noh." sabi ni Diana habang may hawak siyang mug at nakaupo sa sofang malapit sa mesa ni Atty. Martha.
"E-Esprit..." at napasandal ako sa pader sa pagkagulat. Muli ko siyang tinitigan at nakita kong nag-uusap pa rin sila ni Atty. Martha.
Buhay nga si Esprit...
Siya nga...
Pero paano niya nagawang magpanggap bilang si Diana?
Paano niya kami napaniwala sa fake identity niya?
At paano niya nalamang buhay si Chelsie?
Natigil lang ako sa pag-iisip ko nang makita ko si Sachi na kanina pa nakatitig sa akin.
"What are you doing here, Dad?" kalmadong tanong niya.
"S-Sachi...i-ikaw pala. Kamusta ka na?"
"Okay naman po ako." sabi niya. "Kayo po...balita ko po'y hiwalay na daw kayo nung asawa ninyo."
"Ilalakad ko pa lang ang annulment naming dalawa." sabi ko.
"G-ganun ba?" at napakamot siya sa ulo niya. "Ahm...alam na po ba ni Jack ang tungkol sa pinaplano nyong annulment?"
"Yes. Alam na niya."
"D-dad...is he alright? Kasi napapansin kong palayo na ng palayo ang loob niya sa akin. Kapag kakausapin ko siya, palagi siyang iwas sa akin. Hindi rin niya ako masyadong pinapansin. Para bang may itinatago siya sa akin." at napatingin siya sa akin. "Dad...may alam po ba kayo kung ano pong problema niya?"
"Hindi ko rin alam kung ano ang pinagdadaanan niya. Wag kang mag-alala, anak. Aalamin ko kung ano ang problema ng kapatid mo. Sa ngayon ay intindihin mo na lang muna siya." sabi ko sa kanya.
"Yes Dad." sabi niya.
"Sige, aalis na ako anak. May gagawin pa kasi ako sa opisina eh." paalam ko sa kanya.
"Okay po. Ingat po kayo." at nagulat ako nang yakapin ako ni Sachi. I hugged my son back.
Oh...how I really missed him.
I missed my son.
"Salamat anak. Alis na ako." at naglakad na ako palayo sa opisina.
Maganda na muna siguro ang ganito. Maigi nang wag munang malaman ng anak ko ang tungkol sa mga natuklasan ko. Maigi nang matahimik sina Esprit kaysa madamay pa sila ng mga anak ko sa mga gulong kinakasangkutan ko ngayon.
Magaan ang loob kong lumabas ng building dahil ramdam kong hindi na galit sa akin si Sachi. Ang hiling ko na lang sa ngayon ay makita ko na si Chelsie at makahingi ako ng tawad sa ginawa kong pagpapabaya sa kanya.
(Main Building Lobby, Kensington High School)
(Satchel's POV)
PAGKAALIS ni Daddy ay nakita kong lumabas si Mommy at Lola mula sa opisina. At mukhang seryoso ang itsura nila.
"B-bakit po?" tanong ko sa kanila. "B-bawal po bang kausapin si...Daddy?"
"Hindi. Hindi na kita pinagbabawalang kausapin ang tatay mo dahil karapatan mo yun. Pero ang ipinagtataka ko lang, ano namang nakain niya at nagpunta siya dito?" tanong ni Lola.
"Ewan ko po. Siguro ay pupuntahan niya si Jack." sabi ko pero umiling si Mommy.
"Hindi. Hindi si Jack ang pinuntahan niya dito." sabi ni Mommy.
"Kung hindi po si Jack ang pinuntahan nila...eh sino?"
"Ako at ang kapatid mo."
Nagitla kami ni Lola sa sinabi ni Mommy.
"Ikaw at si Chelsie? P-papano naman nangyaring kayo ang sadya niya dito?" tanong ni Lola.
"Kasi naiwan ko sa opisina niya ang cellphone ko last week. At malakas ang kutob kong pinakialaman niya yun." diretsahang sabi ni Mommy.
"My God, Esprit! Paano ka na ngayon niyan? May posibilidad na baka mapahamak ka na naman kay Albert!" gulat na sabi ni Lola.
"Hindi ako pag-iinteresan nun. Tsaka marami siyang inaasikaso, tulad na lang ng plano niyang annulment nila ni Vivian. At kung sakali mang magkita kaming muli ay aayusin ko na ang gusot sa pagitan naming dalawa." sabi ni Mommy.
"M-mommy...do you still love Daddy?" tanong ko.
"As a friend." at napabuntunghininga si Mommy. "Aaminin ko, binalak ko sanang gantihan ang daddy mo sa pag-aakalang kasabwat talaga siya sa mga ginawa ni Vivian, pero nagkamali ako ng tingin sa daddy mo dahil sinabi ni Jack na inosente siya. Na wala siyang kinalaman sa nangyari sa kapatid mo. Na hindi niya alam ang lahat ng mga hiniblang kasinungalingan ni Vivian. Kung kaya naman medyo nabawasan ang galit ko sa kanya. At tsaka ba't ko pa siya gagantihan, eh kasama ko na kayo ng kapatid mo. Tsaka masaya na ako sa buhay ko ngayon." and my mom smiled at us.
"Pero mag-iingat pa rin tayo kay Vivian. Hindi niya dapat malaman na buhay kayo ni Chelsie dahil oras na malaman niya yun, baka pagtangkaan niya kayong dalawa ng masama. Maiging wala munang makaalam na buhay ka pa. Saka na lang natin sasabihin ang totoo kapag okay na ang lahat." paalala ni Lola.
Tumango kaming dalawa ni Mommy.
Natigil lang kami sa pag-uusap nang makita namin si Jack na kanina pa nakatitig sa amin. At nahahalata namin sa mukha niya ang bahagyang pagkagulat at kalituhan.
"J-Jack...k-kanina ka pa dyan?" kinakabahang tanong ni Lola sa kanya.
"B-buhay kayo...M-Ma'am Esprit..." uutal-utal sa gulat na sabi niya.
Humugot ng malalim na hininga si Mommy at saka sila nagsalita.
"Oo. Buhay ako, iho." pag-amin ni Mommy sa kanya.
Saglit na natahimik si Jack pero agad siyang nagsalita.
"M-Ma'am Esprit...b-buhay nga po kayo." at bahagyang nangiti si Jack. "S-si Chelsie po?"
"Buhay din siya. At kasama ko na siya ngayon. She's Gianna." sabi pa ni Mommy.
"My God..." at napatakip si Jack sa kanyang bibig. "P-paano nyo natunton si Chelsie? Paano nyo po nalaman na si Chelsie at si Gianna ay...ay iisa?"
"Si Jane ang nagsabi sa akin ng totoo. Siya ang nag-alaga kay Chelsie sa loob ng mahabang panahon." sabi ni Mommy.
"S-si Tita Jane?" ang tila hindi pa rin makapaniwalang sabi ni Jack. "A-ang pagkakasabi po kasi nila sa akin ay sapilitang ibinigay ni Mama si Chelsie sa kanila at pagkatapos ay pinalabas ni Mama na nawala si Chelsie at kalauna'y namatay...to-totoo po ba yun?"
"Oo. Totoo ang mga ipinagtapat sayo ni Jane. Pinalabas niyang patay si Chelsie para mapaniwala si Albert sa mga kasinungalingan niya at makapagpakasal sila kaagad." sabi pa ni Mommy sa kanya.
"P-papano nagawa ni Mama ang mga bagay na yun? Paano niya nasisikmura na may nasasaktan siyang ibang tao? Parang hindi na siya tao sa mga ginagawa niya." malungkot na sabi ni Jack.
"Iho," at idinantay ni Mommy ang mga kamay nila sa balikat ni Jack. "Alam kong naiipit ka sa sitwasyon ngayon ng nanay mo...pero sana...wag pa ring mawawala ang pagmamahal mo sa kanya. Siya ang nagluwal sayo kaya sana'y respetuhin mo pa rin siya sa kabila ng mga naging pagkakamali niya."
Natahimik si Jack sa sinabi ni Mommy.
Hanggang sa nakita naming pumatak ang luha sa mga mata niya.
"Ma'am Esprit...ba't ang bait nyo pa rin sa akin? Ba't may concern pa rin po kayo sa pamilya ko? Sa kabila ng hirap at sakit na naramdaman nyo mula sa kanila...nakuha nyo pa pong magsalita ng ganyan." tanong ni Jack.
"Aaminin kong may galit ako sa nanay mo. Pero ginagawa ko ang mga bagay ito hindi upang gantihan ang nanay at tatay mo, kundi upang maitama na nila ang mga pagkakamaling ginawa nila noon. Dahil kung hindi nila mare-realize na nagkamali sila, ikaw rin ang maiipit at masasaktan sa huli. Matutulungan mo ba akong mangyari yun?" sabi ni Mommy.
"Opo. Matutulungan ko po kayo. Kung hindi kayang itama ni Mama ang mga maling nagawa nila kay Daddy Albert at sa inyo, ako po mismo ang magtatama ng lahat ng iyon...kahit na buhay ko pa ang maging kapalit. Ayoko nang may masaktan pa si Mama nang dahil sa kasakiman nila."
"Salamat iho." at niyakap ni Mommy si Jack. Luhaan namang sumandal si Jack sa balikat ni Mommy.
"P-patawarin nyo po sana si Mama. P-patawarin nyo po sana kami..." umiiyak na pakiusap ni Jack.
"Matagal ko na kayong pinatawad." luhaan na ring sabi ni Mommy.
"Kawawa naman si Jack." malungkot na wika ni Lola sabay akbay nila sa akin. Tumango ako habang nakatingin ako sa kanila.
Kung ganun...ang mama pala niya ang problema niya. Dala-dala niya ang mga kasalanang idinulot ng nanay niya sa pamilya namin maging sa ibang tao.
Now...I finally understand him.
Sana'y hayaan niya akong tulungan siya sa kahit anong paraan, para kahit paano'y makabawi ako sa mga kasalanan ko sa kanya...