(Kensington High School, Lunch break)
(Jack's POV)
NASA gym ako ngayon at kasalukuyang nag-e-ensayo nang makita kong palapit na sa akin si Satchel. Aalis na sana ako sa court nang bigla niyang higitin ang braso ko.
"S-Satchel...a-anong kailangan mo?" kaswal na tanong ko sa kanya.
"Wala naman. Pahinga ka muna." sabi niya sabay abot niya ng mineral water sa akin.
"Salamat pero okay lang ako. Wag ka nang mag-abala." I said very coldly to him. "Gagamitin mo ba ang gym? Sige, aalis na ako. Babalik na lang ako kapag tapos ka na." at umalis na ako sa gym. Hindi ko na lang siya tinitigan habang naglalakad ako palayo.
Siguro maigi na rin yung ganito. Na ako na ang kusang lalayo. Ayoko na kasing madagdagan pa ang sakit na nararamdaman ko at nararamdaman niya dahil sa nakaraang nag-uugnay sa amin. Hindi ko na kaya pang magpanggap. Ayoko nang makasakit at masaktan pa. At ayoko nang madagdagan pa ang hirap na pinapasan ng pamilya niya.
Hindi ko naman siya masisisi sa mga ginawa niyang panghahamak at pang-aalipusta sa akin noon dahil nasaktan siya sa nangyari sa pamilya niya. Pero ang dagdagan ko pa ang batik ng nakaraan sa pagkatao niya, hindi ko na yata makakayang gawin pa.
Ayoko sanang gawin ito, pero napag-isip-isip kong hindi niya maibibigay ang kaisa-isang hiling ko sa kanya...ang pagbigyan akong maging isang mabuting kapatid sa kanya. Gustuhin ko mang maging kapatid sa kanya ay tahasan naman niyang inilalayo ang sarili niya sa akin. Masakit para sa aking tanggapin ang katotohanang iyon pero kailangan, dahil sa umpisa pa lang ay kami ang may kasalanan kung bakit hanggang ngayo'y miserable pa rin ang buhay niya.
Kaya maigi nang layuan ko na siya, kaysa madagdagan pa ang sakit na nararamdaman ng kalooban niya nang dahil sa amin ni Mama.
(Gym)
(Satchel's POV)
HABANG nakikita ko ang paghakbang ni Jack palayo ay nakakaramdam na naman ako ng guilt. Gusto ko sanang makamusta siya and the same time, makahingi na rin ng tawad sa kanya, pero hindi ko inasahang tatanggihan niya ako. Siyempre, masakit din sa akin na i-approach ako ng ganun, pero anong magagawa ko, palibhasa kasi, kasalanan ko naman. Masyado ko siyang nilait, hinusgahan at pinagbintangan sa mga bagay na inakala ko'y kagagawan talaga niya. Pero nung na-realize ko ang mga sinabi ni Mommy sa akin ay tuluyan na akong tinamaan ng konsensya ko. Hindi ko dapat ginawa sa kanya yun. Nasaktan ko ng husto ang damdamin niya at hindi ko alam kung mapapatawad pa ba niya ako sa mga kasalanang ginawa ko sa kanya.
But I hope that one of these days, kausapin na niya ako at sana'y mapatawad pa niya ako sa mga nagawa kong pagkakasala sa kanya. And I hope...sana...ituring pa niya ako bilang kapatid kahit na hindi kami magkadugo.