Chereads / Lupon ng mga Tula ni Dee Makabuluhan / Chapter 7 - Walang may pakialam

Chapter 7 - Walang may pakialam

(D)

Kamusta ka?

Mukhang hindi ka ayos ah.

(M)

Hindi. Ako? Okay lang ako

Hindi. Ako? Okay lang ako

Hindi Ako, Okay... lang talaga ako

(D)

Simulan natin sa dulo.

Kuwadradong gumugulong

Tatsulok na walang tuktok

Bago pero nabubulok

Ikaw ba'y naguluhan?

Madalas talagang gan'yan

May nais akong sabihin

pero hindi maintindihan

Kaya madalas nahuhusgahan

(M)

May nais kaming sabihin

Pero hindi maintindigan

Nag-iinarte lang daw naman

Kaya madalas nahuhusgahan

At pinagtatawanan na lang

(B)

Ito ba talaga ang kalagayan?

o baka hindi n'yo lang kami mariing pinakikinggan

Sinimulan ko ang dulo.

(M)

Simulan natin sa simula

Kung kailan ang lahat ay gumugulong pa ng tama

Ang tuktok ay malinaw na nakikita

At ang bago ay hindi nasisira

Sa simulang puno pa ng tiwala

Walang pambabalewala

Kasiyahan lamang ang kumakawala

Ngunit nakalimutan ko,

Oo nga pala, hindi lang laging simula

At nagkaroon nga ng karugtong ang simula

Nagulo, nagbago, nagbago ang hugis ng dating perpektong bilog na mundo

At huminto ang tamang paggulong ng lahat

Nanlabo ang mga matang mulat na mulat

Kaya't ang tuktok na inaasam-asam ay hindi ko na ata malalasap

Sa kasariwaan ang bago'y naging salat.

Ang dating matamis ay naging maalat.

Ang simula nga ay narugtungan

At ang karugtong na ito, kahit sino ma'y hindi magugustuhan

Dahil sa bawat pagkilos, paglingon, pagbaling ay...

(B)

Nakikita namin ang inyong mga tinging mapangmata

Naririnig namin ang ang inyong mga bulong na mapanghusga

Nararamdaman naming ang turing niyo sa amin ay iba

Nakakatawa, kami ay tulad niyo rin naman di ba?

(M)

Ito ang simula

(D)

Simulan nating muli ang dulo

Kuwadradong gumugulong

Oo, imposible pero pilit kong pinapasulong

ngunit sa bawat hakbang mas lalo lang umuurong

Kaya pinili ko na lang ang makulong

Sa loob ng aking kwadrado, sa ilalim ng aking bubong

Tatsulok pero walang tuktok

Tatsulok na pilit kong inaakyat

Ngunit kay raming humihila sa akin pababa- pabulusok

Hindi maabot ang rurok

Kaya pinili ko na lang ang maupo

Sa madilim na sulok

Bago pero nabubulok

Dahil ako'y buhay

ngunit matatawag ko ba itong buhay?

(B)

Ito ang aming kalagayan

ngunit hindi n'yo kami pinakikinggan

Nag-iinarte lang daw naman

Kaya't pagtatawanan na lang

(M)

Pinilit kong muling simulan sa simula

Binago kong muli ang hugis ng mundo upang muling gumulong ng tama

Ngunit pilitin ko mang muling pagulungin ay may kalso na

Pinalinaw kong muli ang mga mata

Nang sa ganoon ang tuktok ay muling makita

Ngunit pilitin ko mang akyatin ay muling dumadaosdos pababa

Nanghina na nang tuluyan ang aking mga tuhod at paa

Tuluyan nang nabulok ang lahat

Hindi na muling tatamis ang maalat

(B)

Ito ang aming realidad

Yayakapin na namin ng maluwat

(D)

Wala na akong pakialam kung...

Makita ko ang inyong mga tinging mapangmata

Hindi ako bulag pero magbubulag-bulagan na lang

Wala na akong pakialam kung...

Marinig ko ang inyong mga bulong na mapanghusga

Matatalim man ang inyong mga tinig ako'y magiging bingi na

(M)

Wala na akong pakialam kung...

Maramdaman kong ang turing niyo sa akin ay iba

Mamanhirin ko na ang sarili sa bigat na nadarama

Wala na akong pakialam kung..

Magtawanan man kayo

Tatawa na lang din ako

Magtawa na lang tayo di ba?

(D)

Sinimulan ko ang dulo- ang katapusan

Dahil dumating na ang panahon

Nawalan na ako ng pag-asa

(M)

Sadyang may dulo ang simula

Sa pagbukas ng pinto'y may pagsasara

Kaya ito'y ikinandado ko't

(B)

Sa lubid ako'y kumapit

Ngayon lang may yumakap sa akin ng gan'to kahigpit

(D)

Tsaka kayo gumising at nagnais akong tulungan

Kung kailan huli na ang lahat at hindi ko na kailangan

(M)

Sa lubid ako'y kumapit

Ngayon lang may yumakap sa akin ng gan'to kahigpit

(D)

Hindi ko na kayo kailangan