Chapter 10 - BANG

BANG BANG Kaliwa't kanan

LAGLAG ang mga katawan

DAGDAG sa mga bilang

BUGBOG na ang karapatan

ngunit TUGTOG sa iniisip ang pansarili lang

Dahil haBANG gabi'y madilim at malalim,

sa sulok sila'y nag-aaBANG!

BANG! BANG! BANG! BANG!

habulan, takbuhan, taguan.

Muli silang may tatamBANGan

may tutumBANG isang malamig na BANGkay

sa malamig na BANGketa

ganito sila magtimBANG ng buhay

buhay na hindi na maibabalik panghaBANG-buhay

buhay na sa kanilang paningin ay walang pakinaBANG

Ito ba ang tamang hakBANG

dapat bang sundin dahil lang sa utos ng makapangyarihang nasa BANGko?

hindi! hindi! isa itong BANGungot!

Bang! Bang! BANGon aking bansa!