Chapter 6 - Pulang Lupa

Gumigising bawat araw ng madaling araw,

Upang gugulin ang buong araw sa ilalim ng araw

Upang maitawid lamang ang aming araw-araw

at nang aking mapagtamnan ang aking lupang sinasaka,

na sa aking pamilya'y hanap buhay na nagbibigay ginhawa.

Ang tanging sa ami'y nagtatawid sa hirap at nagbibigay pag-asa.

Kaya paano na lang kung lupa sa amin ay inagaw at pilit na ninanakaw?

Paano na lang mga ginugol ko na araw!?

Masasayang na lang ba naranasan kong uhaw

at maghihintay nalang ba ako ng aking pagpanaw?

Lumipas maraming mga araw pagbabago'y hindi matanaw

Kaya ako'y tumindig

upang kanilang marinig

aking sigaw at tinig.

Nawa nga'y sila'y makinig.

Ngunit anong ingay itong aking biglang narinig. BANG!

Tapos ang aking dugo ay sa lupa nadilig

at ang aking puso'y nawalan ng pintig.

Lumipas mas marami pang mga araw

at pagbabago'y hindi pa rin matanaw!

O bakit gan'to!? Bakit gano'n!?

Walang pagbabago.

Ganoon pa rin ang tagpo.

Lumipas na nga ang mga panahon

marami na ang lumipas na taon.

Hindi ba nila nakikita iyon?

Mga mata saan ba nakatuon?

Gumising ka't kumilos ngayon,

habang nandito ang pagkakataon.

Dahil aking dugo'y sumisigaw, humihiyaw

para sa katarungan at sagot doon ay ikaw!

Dahil aking dugo'y sumisigaw, humihiyaw

para sa katarungan at sagot doon ay ikaw!

Pula ang lupa,

Dugo ang idinilig.

Putok ng bala,

Sagot sa aming hiling.

Pakikibaka,

Aming tugon at diin.

Ang kalayaan

kailan kaya makakamit?