Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 2 - Welcome to Ledesma's Mansion

Chapter 2 - Welcome to Ledesma's Mansion

"Miss, hindi nga kami basta-basta nagpapapasok sa loob!" sigaw ng guwardiya.

Pinaglapat ni Rina ang dalawang palad habang nakikipag-usap sa dalawang guwardiya. "Please po, pinapapunta po talaga ako rito ng amo n'yo."

Maluha-luha na ang kaniyang mata dahil kanina pa siya nasa labas ng mansion ng Ledesma family.

Ang Ledesma ang pinakamayamang pamilya sa kanilang lugar. Ang lawak ng lupain nila ay walang sinabi sa dikit-dikit na bahay ng mga mamamayan doon. Malaki ang mansion ng mga ito—Spanish Style. Matagal na iyong nakatayo sa San Pascual noong panahon pa ng mga Kastila.

"Ang kulit mo Miss! Kami mapapagalitan nito, e!" sigaw muli ng guwardiya sa kaniya. Kahit ilang beses niyang subukang pumasok ay paulit-ulit lang siyang hinaharangan ng mga ito gamit ang kani-kanilang mga kamay.

Mahigpit sa seguridad ang mga Ledesma. Halos walang nakakapasok sa loob ng mansion na iyon. Tanging pamilya lang ang pinahihintulutang pumasok sa loob.

"Please po," pakiusap niya muli.

Huminto ang Mercedes-Benz sa tapat ng mataas na gate kung nasaan sila. Nilabas nito ang mag-asawang Armando at Caridad.

"Sir, nagpupumilit pumasok," sumbong ng guwardiya sa amo. Lumapit ito sa guard house at may pinindot doon kaya kusang bumukas ang gate.

"Hayaan n'yo siya. Kami ang nagpapunta sa kaniya," sabi ni Armando na ikinagulat din ng mga guwardiya na nagbabantay sa mansion. Walang nagawa ang isang guwardiya kundi ang tanggalin ang kamay nito na nakaharang sa kaniya.

Mahigit kuwarenta anyos na si Armando. May mapuputing hibla ng buhok at may kulubot na balat sa pisngi. Subalit kahit may gulang na, makikita pa rin ang pagiging mestizo nito.

"Pumasok ka sa loob," utos ni Armando.

Pumasok si Rina sa loob ng kotse. Unang beses niyang makasakay sa magarang sasakyan kaya bahagya siyang napanganga.

"Sigurado ka na ba?" tanong ni Caridad.

Mas bata si Caridad sa kaniyang asawa. Lampas trenta anyos pa lang ito. Kahit purong Pilipina, maputi at makinis ang balat nito. Alaga sa mamahaling 'skin care products' ang kaniyang balat. Kung hindi ito kilala ng titingin, aakalain nilang bente anyos lamang ang babae.

"Opo." Nauutal na sumagot si Rina. Sigurado na siya sa trabahong papasukin niya. Minsan lang ang pagkakataon na iyon kaya tatanggapin niya na ang inaalok na trabaho ng mag-asawa.

Matagal na rin siyang naghahanap ng trabaho pero wala namang tumatanggap sa kaniya. Pumapasa naman siya sa interview. May abilidad din siya. Bumabagsak lang talaga siya sa tuwing tinitingnan na ang educational background niya.

Binuksan ni Armando ang bintana sa kotse. "Siguraduhin ninyong naka-lock lahat ng gate. Walang magpapapasok ng iba. Kilala niyo naman kung sino lang ang dapat ninyong papapasukin," utos nito sa mga guwardiya.

Hindi natapos ni Rina ang unang taon sa nursing. Tumigil siya dahil namatay ang kaniyang ama na sumusuporta sa kaniyang pag-aaral. Malapit na sana niya matapos ang unang taon sa nursing; ilang buwan na lang subalit biglaan ang pagkamatay ng ama—isang aksidente.

Tuluyan silang pumasok sa loob.

Napahawak si Rina sa bintana ng kotse. Sa unang pagkakataon ay nakapasok siya sa mansion ng pamilyang Ledesma. Hindi nga siya nagkamali, maganda at malawak doon. May mga mamahaling sculpture, mga bulaklak, bonsai at makukulay na bato.

Bumaba sila sa tapat ng front door. Nakasarado iyon.

Nilibot ni Rina ng tingin ang paligid. Manghang-mangha siya sa paligid. Pakiramdam niya ay nasa paraiso siya. 'Dumating na ang suwerte niya.' Matagal niya na ring pinapangarap na makapasok sa mansion ng Ledesma at ang akala niya ay hanggang pangarap na lang iyon. Mali pala siya dahil natupad ang pangarap niya na iyon nang hindi sinasadya.

Binuksan ni Caridad ang front door kaya napakibit-balikat na lamang siya. Umasa kasi siya na may mga maids na sasalubong sa kanila o kaya naman ay pagbubuksan sila ng pinto ng kung sino man, subalit wala.

Napahinto siya sandali nang makita ang loob. Kabaliktaran ng tanawin sa labas ang loob ng mansion. Walang buhay, madilim at maalikabok.

"Nasa'n po ang mga maids niyo?" Naglakas loob na siyang magtanong. Parang wala kasing tao sa loob.

"Wala kami no'n." Ngumiti sa kaniya si Caridad at umupo sa maalikabok na sofa. Pinag-krus din ng ginang ang mga hita dahilan para lalong malantad ang makinis nitong balat.

"Rina, hindi kami basta-basta nagpapapasok dito," sabi nito.

"Bakit po?" takang tanong niya. Alam na niya na mahigpit talaga ang Ledesma sa mga pumapasok sa loob pero ang gusto niyang malaman ay ang dahilan sa likod noon. May tinatago ba ang mga ito sa loob ng mansion para hindi malaman ng iba o sadyang may iniingatan lang ang mga ito na mahahalagang gamit sa loob?

Mayamaya ay dumating na rin si Armando sa sala matapos nitong iparada ang kotse. Umupo ito sa tabi ng asawa.

"May patakaran kang dapat sundin habang nandito ka," simula ni Armando. Nilapag nito sa mesa ang papel at ballpen. "Narito ang kontrata."

Tumingin si Rina sa papel na nasa harap niya. Lumunok siya. Sa oras na pirmahan niya iyon ay hindi na siya puwedeng umatras pa.

"Fifty thousand ang magiging sahod mo sa isang buwan..."

Napalunok si Rina sa narinig. Napakalaking pera na iyon. Mahirap kuhain ang ganoong kalaking pera kaya mapalad siya sa naging offer sa kaniya ng magiging amo.

"Ikaw ang mamamahala sa mansion na ito. Ikaw ang magpapanatiling malinis dito."

Tumango siya. Hindi na siya lugi sa trabaho. Kung tutuusin ay sobra-sobra ang sahod niya kumpara sa magiging gawain niya. Bibihira ang makahanap ng ganoong trabaho na may malaking sahod lalo na sa isang tulad niya na hindi nakapagtapos sa kolehiyo.

"Rina, may isa pa," singit ni Caridad. "Ikaw na bahala sa anak ko. Alagaan mo siya."

Tumango siya muli. Kaya niya ring mag-alaga. Wala siyang inaatrasan na trabaho. Kapag alam niyang magkakaroon siya ng pera ay hindi siya magdadalawang-isip na tanggapin ang trabaho kahit gaano pa iyon kahirap.

Nakilala ni Rina ang mag-asawa dahil sa isang aksidente. Kasalukuyan siyang naghahanap ng trabaho para sa may sakit na ina. Lumalala na kasi ang pag-ubo nito kaya nag-aalala na siya. Wala naman siyang pera kaya hindi niya magawang ipatingin ito sa doktor. Sa oras na magkaroon siya ng pera ay agad-agad niyang dadalhin ang ina sa hospital.

Kasalukuyan siyang tumatawid noon sa pedestrian lane nang mapansin ang mabilis na takbo ng kotseng lulan ang mag-asawa. Muntik na siyang mabangga, mabuti na lang ay nakaiwas siya. Subalit kahit nakaiwas ay may nakuha pa rin siyang sugat at pasa sa katawan nang matumba siya sa kalsada.

Dinala siya ng mga ito sa hospital at nagkausap sandali. Nalaman ng mga ito ang kalagayan ng kaniyang pamilya. Kaya sobra-sobra ang pasasalamat niya nang alukin siya ng mga ito ng trabaho.

"Ito ang anak ko."

Nagbalik siya sa katinuan nang magsalita si Caridad. Tiningnan niya ang picture na pinakita nito sa kaniya. "Ang bata niya pa po pala."

Nagkatinginan ang mag-asawa subalit binalewa niya lang ang reaksiyon ng mga ito. Binalik niya na lamang ang tingin sa picture.

Walong taong gulang na lalaki ang nasa larawan. Mala-anghel ang ngiti nito habang hawak-hawak ang isang story book.

"Kasama sa kontrata natin na mananatiling tikom ang bibig mo tungkol sa aming pamilya. Ano man ang matutuklasan at makikita mo rito, lahat ng iyon ay mananatiling sikreto," bilin ni Armando. Seryoso ito habang sinasabi iyon.

"Maliwanag po."

Pinirmahan niya ang kontrata. Buo na ang loob niya. Magtatrabaho siya sa loob ng mansion para sa kaniyang pamilya. Para sa may sakit na ina at para sa nag-aaral na dalawang kapatid.

Bente uno pa lang siya pero napakabigat na ng responsibilidad niya sa buhay. Gusto niya rin sanang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral subalit wala pa siyang oras dito. Sa halip na mag-aral ay kumakayod siya para may makain sila. Saka na lang siguro niya iisipin iyon kapag nakapagtapos na ang dalawa niyang kapatid.

Ang dami na niyang sinubukan trabaho—tindera, labandera at taga-hugas ng plato. Sinubukan niya ring magsimula ng negosyo na may maliit na puhunan. Nagtinda siya ng damit, peanut butter at naglako rin ng mga gulay at karne subalit hindi pa rin iyon sapat sa kanilang apat. Pambaon at pamasahe pa lang ng dalawa niyang kapatid na parehong nasa kolehiyo ay kulang na kulang na. Kaya pati pagkain nila ay kailangan nilang tipirin para mapagkasya lang ang maliit niyang kita sa lahat ng bayarin.

"Magsisimula ka na bukas. Nadala mo ba lahat ng kailangan mo? Isang beses sa isang buwan ka lang makakadalaw sa pamilya mo," paalala ni Caridad.

Marahan siyang tumango bago yumuko. Isang beses sa isang buwan niya na lang makikita ang pamilya. Kakayanin niya kaya ang ganoong katagal na araw? Hindi siya sanay na hindi kasama ang pamilya niya pero kailangan niyang magsakripisyo. Ginagawa niya naman iyon para rin sa mga ito.

"May isa pa pala," pahabol ni Armando, "Bawal gumamit ng cell phone habang nandito ka sa mansion."

Nanlaki ang mata niya. Paano niya makakausap ang pamilya? Paano kung may kailangan ang mga ito sa kaniya? Paano niya malalaman ang kondisyon ng mga ito? Hindi niya napaghandaan iyon. Kung alam niya lang ay sana nakapagpaalam muna siya nang maayos sa kaniyang ina at dalawang kapatid.

"Pero..."

"Wala ng pero-pero. Nakasulat 'yan sa kontrata. Binasa mo ba talaga?" Mababakas ang iritasyon sa mukha ni Armando na tumitig sa kaniya.

Binalikan niya ang kontrata at tiningnan muli iyon. Tama nga si Armando dahil nakasulat iyon sa bandang likod. Wala na siyang nagawa kundi ang tumango.

"O, siya. Aalis na muna kami. Ikaw na ang bahala sa kaniya." Tumayo na si Caridad at makahulugang tumingin kay Rina na para bang sinasabi nito na siya na ang bahala sa lahat.

"Remember our conditon," bilin muli ni Armando. Tumayo na rin ito at inakbayan ang asawa.