Chapter 15 - His Reason
"Queen... kantahan mo naman ako," hiling ni Gani habang nakahiga at nakaunan ang ulo niya sa hita ko.
Nasa kwarto niya kami ngayon at kaming dalawa lang ang nandito. Masuyo ko namang hinaplos ang buhok niya at tumango ako sa hiniling niya.
Nagsimula na akong kumanta pero walang lumalabas na boses sa bibig ko kaya napatigil ako sa paghaplos sa buhok niya at napahawak sa leeg ko.
Biglang nagbago ang paligid at napakadilim na nito.
"Iniibig mo ako, hindi ba?" rinig kong tanong ng boses ni Gani sa'kin.
Luminga-linga ako. "Oo. Mahal na mahal kita Gani." Gusto kong sabihin 'yon pero wala pa rin akong boses.
Doon naman ay sumindi ang spotlight sa harapan ko at nakita ko na ro'n si Gani na malamig na nakatingin sa'kin. Ngumisi pa siya na para siyang nainsulto sa sinabi kong wala namang naging boses. "Walang karapatan ang isang tulad mong wala nang silbi sa mundo na mahalin ko kaya itigil mo na ang pangangarap mong iyan." sumeryoso na siya. "Nakakadiri."
Masakit na nga ang una niyang mga sinabi pero ang huli ay para bang milyong-milyong bala ng baril na pinatama sa buong katawan ko. Ramdam na ramdam ko rin ang paglalandas ng mga luha sa magkabila kong pisngi.
Naglakad na siya paalis...
"Gani..."
...hanggang sa nawala na lang siya sa kadiliman ng paligid.
"Gani!"
Napamulat kaagad ako ng mga mata ko at ang bigat-bigat ng paghinga ko. Naramdaman ko rin ang kumawalang luha sa'kin na dumaloy sa gilid ng mukha ko papunta ng tenga ko.
I-isang panaginip?...
Biglang dumungaw ang mukha ni Hilva sa'kin kaya nanlaki ang mga mata ko at napabangon kaagad. Buti na lang at lumayo kaagad siya dahil baka nagkauntog na kami pareho sa bigla kong pagbangon.
Napatingin ako sa paligid at nakilala ko na nasa kwarto ko ako ngayon.
"Ayos na ba kayo binibining Queen?" tanong sa'kin ni Hilva kaya napatingin na ako sa kaniya.
"Oo. Okay na 'ko... pero paanong nandito na ako?" nagtatakang tanong ko dahil ang huli kong naaalala, kausap ko pa sila Inang Sreimi at Rio.
"Nawalan kayo ng ulirat sa bahay ng mga Cygnus na kaagad naman nilang pinagbigay alam sa amin dito kaya kinuha namin kayo roon at dinala agad dito. Dito kita pinainom ng lunas na magpapababa sa iyong lagnat. Wala namang makagagamot sa iyo rito sa aming bayan dahil isa kang tao." paliwanag niya.
Napatango-tango naman ako pero nang maalala ko si Eirin... "Oo nga pala. Kamusta na pala si Eirin? Ayos na ba siya?"
"Huwag na kayong mag-alala dahil mabuti na ang lagay ni binibining Eirin. Kung hindi n'yo siya kaagad naitakbo papunta sa kanilang bahay upang malunasan ay siguradong mayroon nang masamang nangyari sa kaniyang buhay."
Nakahinga naman ako nang maluwag. "Mabuti naman kung gano'n."
"Pagbalik ni Ginoong Gani ay ipapaalam ko agad ang nangyari sa inyong dalawa."
Nanlaki naman ang mga mata ko. "'Wag!"
Biglang-bigla naman siya sa pagsigaw ko. "Bakit naman binibini?"
Napatungo naman ako at napakuyom ng mga kamao. "S-siguradong mag-aalala lang siya. Sabihin mo na lang ang nangyari kay Eirin para alam niya rin 'yon pero 'wag mo nang banggitin ang pagkahimatay ko. Pigilan mo rin ang iba pang nakaaalam sa nangyari sa'kin na mabanggit 'yon sa kaniya. Ayos na naman ako kaya hindi na niya dapat malaman 'yon."
Tumango naman siya.
Ayoko rin naman na kaawaan ako ni Gani o isipan pa nang masama sa nangyari kay Eirin at akalaing nagseselos talaga ako sa kanila kaya nangyari 'yon dito. Baka rin pakitaan niya na naman ako ng mga sweet acts niya na magpapafall na naman sa'kin sa kaniya...
...kaya hindi na niya dapat malaman pa 'yon.
Makalipas ang apat na araw na nasa labas ng Leibnis si Isagani...
~Tagapagsalaysay~
"Ginoo, naririto na ang mga kwintas na ipinagawa ninyo kay Ginoong Limuel at ang singsing na inyong ipinahiram sa kaniya." Inabot ng isang lalaking maheyang may pagkapayat ang katawan at nasa limangpu na ang edad ang dalawang kwintas at singsing ni Queen sa kamay ni Gani na tinanggap naman niya.
"Siguraduhin mo lamang na gumagana ang isa rito kahit hindi nakita ni Limuel ang taong pagbibigyan ko nito." may pagbabantang sabi niya rito at inabot na rito ang isang lalagyang tela na naglalaman ng mga gintong pangbayad niya sa mga kwintas na ibinigay nito. "Nasaan ba ang maheyang iyon?"
Tinanggap naman nito iyon nang dalawang kamay. "Umalis siya upang mamili ng mga gamit Ginoo at makakaasa kayo na gagana ang isa sa kwintas na iyan kahit na hindi nakita ni Ginoong Limuel ang magmamay-ari. Ang mahalaga ay nasa kaniya ang singsing na pagmamay-ari ng inyong pagbibigyan." ngiting-ngiting paliwanag nito habang sinisilip ang laman ng binayad niya rito.
Hindi na siya umimik saka naglakad na paalis ng taberna nito na sila lang ang laman at ni hindi man lang siya nagpaalam.
Simula nang mangyari ang pag-atake sa kanilang bayan noon ng mga masasamang maheya ay nagkaroon na siya ng galit sa lahi ng mga ito. Kahit sa mga mabubuting maheya ay damay sa kaniyang galit.
Nagagawa niya lamang sikmuraing makipag-usap muli sa mga ito dahil wala naman siyang maaasahang iba para maipagawa ang mga bagay na kailangang-kailangan niya.
Tiningnan niya ang dalawang kwintas na hawak niya. May palawit (pendant) ang mga iyon na bilog na batong walang kulay at doon nakaukit sa bawat isa ang tig-isang pangalan.
Isagani Simeon at Queenzie Ruiz.
Ang singsing naman ni Queen ang sinuri niya at wala namang sira roon. Gaya ng sabi ng maheyang iyon na katiwala ng kakilala niyang isa pang maheya na si Limuel, iyon ang ginamit ng huli para gawin ang kwintas ni Queen na hindi ito nakikita kaya hindi niya pa iyon naibabalik sa dalaga.
Ipinasok niya na ang mga iyon sa loob ng isang maliit na telang lalagyanan (pouch) at itinago sa isang malalim na bulsa sa loob ng kaniyang mahabang manggas (sleeve).
Habang naglalakad siya sa kagubatang tinatahak niya ay napatingala siya sa maliwanag na kalangitan.
Sinag ng araw ang pumaligo sa kaniyang mukha at kung iisipin niya, magtatapos na ang isang buwan ni Queen sa Sargus at malapit nang magbukas muli ang lagusan ng Sphynx na daan pabalik sa mundo nito. Iyon din ang ginagamit niya noon upang makapagpabalik-balik sa mundo ng mga mortal.
(Pagbabalik tanaw)
Tatlong taon bago ang kasalukuyan...
Sa tagal nang namumuhay ni Gani sa kanilang bayan ng Leibnis ay nakaramdam na siya ng pagkabagot. Paulit-ulit na lang ang nangyayari sa kaniya at wala nang bago kaya naman naisipan niyang lumabas ng bayan na kailanma'y hindi niya pa ginawa.
Nang makarating siya sa isang pamilihan na kalahating araw niyang nilakbay ay roon niya nakita ang iba't-ibang klase ng mga nabubuhay na ngayon niya lamang nakita.
May mga taong manlalakbay, may kalahating tao-kalahating hayop na tulad niya at mga maheya na kinagagalitan ng kanilang lahi.
Aalis na sana siya roon dahil napakaraming mga maheya ang nagkalat doon nang makarinig siya ng isang nakakainteresadong usapan mula sa isang babaeng nagtitinda ng prutas at sa isang lalaking maheya na bilugan ang katawan at nasa tatlungpu ang edad.
Ang babae ay mayroong mahahabang tenga ng kuneho at nakausling dalawang ngipin sa unahan. Isa itong kalahating tao-kalahating kuneho.
"Kababalik n'yo lamang ba ginoo mula sa mundo ng mga mortal?" tanong ng babaeng iyon sa maheya.
"Ganoon na nga. Lubos talagang nakamamangha ang mundong iyon kaya hindi ko mapigilan ang aking sarili na magpabalik-balik doon. Napakaraming nakaaaliw na bagay ang naroroon na wala rito sa ating mundo at buti na lamang ay kaya kong makapaglikha ng kwintas na portal na palagi kong magagamit pabalik dito sa ating mundo. Mahina lamang kasi ang aking mahika at iyon din lamang ang kaya kong gawin," sagot naman nito.
"Nakakainggit naman kayo ginoo. Kung hindi lamang ako nag-aalala na walang magtitinda ng aking mga ipinagbibili sa mundong ito ay bibili rin ako ng kwintas sa inyo upang makabisita rin ako sa mundong iyon."
Napangiti naman ito. "Kung magbago man ang isip mo ay puntahan mo lamang ako sa taberna kong ito upang makapagpagawa sa akin." inabot nito ang isang papel ng mapang patungo ng sinasabi nitong taberna nito. "Aabutin nga lamang ng ilang araw ang paglikha ko niyon ngunit pangmatagalan naman ang gamit. Tutulungan din kita upang malaman ang mga dapat malaman sa mundong iyon."
"Nakaeenganyo naman iyong tunay."
"Kung may kilala ka rin na nais magpagawa sa akin ay bigyan mo rin siya ng kopya." Dinagdagan pa nito ng isa pang mapa ang ibinigay sa babae at doon ay nagpaalam na ito paalis.
Lubusan talaga siyang nainteresado sa narinig mula sa mga ito kaya naisipan niyang hingiin ang sobrang mapang ibinigay sa babaeng nagtitinda. Mabait naman ito at agad na ibinigay sa kaniya iyon.
Bumalik muna siya sa kanilang bayan at pinag-isipang mabuti ang gagawin. Napakalaki ng galit nila sa mga maheya at napakalaking insulto sa kanilang lahi kung hihingi siya ng tulong sa isa sa mga ito kaya naman hindi kaagad siya nakapagdesisyon.
Lumipas ang mga araw ngunit nabuo na rin ang desisyon niya na magpagawa na ng kwintas. Nagdala rin siya ng maraming ginto pangbayad doon.
Tinungo niya ang taberna ng maheya at nang nasa labas na siya niyon ay nagdalawang-isip muli siya kung papasok ba siya. Sa huli ay pikitmata na siyang pumasok sa loob.
Doon na nagsimula ang pakikipagnegosasyon niya para sa kwintas.
Mabait na nagpakilala sa kaniya ang maheya na si Limuel. Sinabi nito na kailangan niyang bumalik pagkatapos ng apat na araw kung kailan tapos na ang kwintas at nang dumating na ang araw na iyon ay ipinabatid nito sa kaniya na patungo rin ito sa mundo ng mga mortal. Sakto ring sa tatlong araw nilang paglalakbay patungo sa lagusan ng Spynx ay magbubukas na iyon.
Nang marating na nila ang mundong bagong-bago sa kaniya ay manghang-mangha talaga siya. Si Limuel ang nagturo sa kaniya ng mga paraan ng pamumuhay sa mundong iyon at ang mga hindi dapat gawin kaya naging madali ang pakikihalubilo niya roon. Walang nakaalam sa tunay niyang pagkatao dahil nakinig siyang mabuti sa mga babala ng maheya.
Napakarami niyang natutunan sa tagal ng pamamalagi niya roon at dumating ang isang araw na narinig niya ang tinig ni Queen na hindi pa isang sikat na singer ng mga panahong iyon.
Iyon ang kauna-unahan nilang pagtatagpo at simula niyon, hindi na naalis sa isipan niya ang napakagandang tinig nito na kaparehas ng sa kaniyang ina. Nakaukit na rin ang maamong mukha nito sa kaniyang alaala na hindi niya makalimutan.
Nais niya pa sanang magtagal pa roon at hanapin si Queen para itanong ang pangalan nito ngunit naisip niya na baka mag-alala na sa kaniya ang mga tagaLeibnis dahil ilang buwan na siyang hindi umuuwi kaya bumalik na siya ng mundong Sargus gamit ang kwintas.
Kalmado niyang kinuwento kay Hilva ang mga naranasan niya sa mundong iyon at ang tungkol kay Queen. Kahit na gustong-gusto niyang maipakita rito kung gaano siya kasaya sa mundong iyon dito ay hindi maaari dahil nakamarka pa rin sa kaniya ang itinatak noon sa kaniya ng kaniyang ama na lagi siyang dapat aakto na maharlika sa mga Gisune.
Sa mundo ng mga mortal lang talaga niya naiaakto kung sino talaga siya kaya masayang-masaya talaga siya roon.
Itinuro niya rin ang musikang unang narinig niyang kinanta ni Queen sa mga babaeng manunugtog sa kanilang bayan upang mapakinggan iyon nang paulit-ulit ngunit nakukulangan siya roon. Iyon ang tinig ng magandang binibini na nakita niya sa mundo ng mga mortal. Ang tinig ni Queen.
Dahil doon ay bumalik siya sa mundo ng mga ito at napanood na niya si Queen sa mga T.V. ng Appliances Store na nadaanan niya. Natulala siya rito at nakilala ito na ito ang binibining nagmamay-ari ng napakagandang tinig na napanood niya noon.
Nasubaybayan na niya ang pagsikat nito at nagpapabalik-balik siya roon gamit ang lagusan ng Spynx at ang kwintas na ipinagawa niya kay Limuel para makauwi naman ng Sargus.
Lumipas ang mga taon na pinakikinggan niya ang magandang tinig nito sa radyo at telebisyon ngunit ang lagi niyang nahihiling ay sana'y marinig niya muli itong kumanta sa malapitan.
Dumating ang araw na nagtagpo muli ang landas nila na hindi sinasadya at iniligtas niya ito mula sa mga lalaking nagtatangka rito. Simula niyon ay kinuha na siyang P.A. nito. Kahit na hindi sang-ayon sa una ang manager nitong si Marco sa kaniya dahil sa pagkamisteryoso niya ay kinuha pa rin siya nito nang malamang siya ang nagligtas kay Queen.
Akala niya ay maririnig na niya muli itong kumanta nang malapitan ngunit simula naman niyon ay nangyari na ang pagkasira ng boses nito.
Hindi man naging maganda ang pagtrato nito palagi sa kaniya ay kitang-kita naman niya kung paano ito nasaktan sa nangyari sa tinig nito kaya nakaramdam siya ng pagkaawa rito.
Napabalik na siya sa kasalukuyan nang marating na ang pamilihan kung saan niya unang nakita si Limuel noon. Pumunta kaagad siya sa isang taberna ng mga lunas at pumasok doon.
"Magandang umaga Ginoong Gani," masiglang bati kaagad sa kaniya ng isang binata na nagmamay-ari ng lugar na iyon.
Seryosong-seryosong nakatingin lang siya rito. "Manggagamot ka bang tunay? Bakit hindi umeepekto ang mga lunas na binibinili ko mula sa iyo sa taong pinaggagamitan ko niyon?" malamig niyang tanong dito na nagbabadya ng isang pagbabanta. "Sigurado ka ba talaga na ang pinakaepektibong lunas ang mga ibinibigay mo sa akin at hindi lamang mga binurong dahon mula sa kung saan?"
Marami na siyang manggagamot na nakausap mula sa iba't-ibang lugar at katulad nito ay hindi rin umeepekto ang mga lunas na nabibili niya mula sa mga ito.
Napahinga naman ito nang malalim. "Kung sinusunod mo lamang sana Ginoo ang aking unang suhestiyon sa iyo ay hindi ka na sana nagpabalik-balik pa rito sa aking taberna. Isinama mo na lamang sana ako kung nasaan ang taong kailangan kong lunasan upang natingnan ko siya nang maayos. Ngunit kung ang pinakaepektibo ko ng mga lunas ay hindi gumagana sa kaniya, wala na ring silbi kung siya ay aking titingnan ngayon."
Napakuyom siya ng mga kamao.
Ito ang dahilan kung bakit siya palaging umaalis ng Leibnis.
Iyon ay upang ihanap ng lunas ang tinig ni Queen nang makakanta na ito ulit. Hindi lamang dahil nais niya itong marinig muling umawit kundi dahil na rin alam niya na gustong-gusto muli ni Queen na magamit ang talento nito katulad nang dati.
Bago mahulog si Queen sa building at iligtas niya ito, tunay ang kaniyang sinabi na babalik na dapat siya ng Sargus gamit ang lugar na iyon ngunit kaya naman niya napagdesisyonan iyon ay upang ihanap si Queen ng makalulunas sa tinig nito rito sa Sargus. Hindi naman niya inakala na maisasama niya ito sa kanilalng mundo ngunit isinagawa niya pa rin ang una niyang plano. Ang hanapan ito ng lunas.
Kumausap siya ng iba't-ibang mga manggagamot mula sa malalayong lugar at bumili ng mga panglunas na pinapatimpla niyang tsaa kay Hilva para ipainom kay Queen. Inutusan niya nga rin ito na maghanap ng lunas noon para tulungan siya kaya noong mga unang araw ni Queen sa kaniyang bahay ay wala ito... ngunit parehas silang bigo na magamot ng lunas nila ang tinig nito.
Nais na nais niya na ngang magpapasok ng manggagamot sa Leibnis ngunit natatakot naman siya para sa kaligtasan ng mga naninirahan doon. Nangangamba siya na kapag natunton nang marami ang kanilang bayan ay balakin muli ng mga masasama na sila'y atakihin kaya siya na lang ang lumalabas upang bumili ng lunas.
Hindi naman niya maisama si Queen sa labas dahil sa taglay nitong kagandahan, maaaring pag-interesan ito ng mga masasama lalo na at talamak na talamak ang pangbibihag ng mga binibini upang ipagbili sa kontinente ng Notos, katabi ng kontinente kung nasaan ang Leibnis, ang Zephyrus.
Hindi niya ito nais mapahamak.
"Wala ka na bang ibang lunas na malilikha na makagagamot sa taong pagbibigyan ko niyon? Ganoon ba talaga kahirap lunasan ang sirang tinig?" pangungulit pa rin niya. Hindi siya makapapayag na hindi niya magagawaan ng paraan ang tinig ni Queen. Kaya hindi niya pa mabanggit-banggit dito ang kaniyang ginagawang paghahanap ng lunas ay wala pa ring kasiguraduhan ang kaniyang paghahanap. Ayaw niyang mapaasa ito sa wala.
Napahawak naman ang binata sa baba nito sa pag-iisip. "Kung talagang nais n'yo na sigurado nang magamot ang taong iyon, ang nabatid kong impormasyon sa kapwa kong manggagamot kahapon ang maitutulong ko sa inyo."
Nanlaki naman nang kaunti ang mga mata niya. "Ako'y makikinig." Bumalik na ang pag-asa sa kaniya na gagaling na si Queen.
"Nabatid ko na bumalik sa kontinenteng ito ng Zephyrus ang napakalakas na manggagamot na Asas na nagngangalang Serafina. Kasama siya sa paglalakbay ng namayapang kahanga-hangang heneral ng mga mandirigma ng Gemuria upang iligtas ang prinsesang nabihag ng kanilang kahariang iyon kaya naman walang duda na magagamot niya ang karamdaman ng taong inyong gustong lunasan."
"Asas?" nangunot nang sobra ang kaniyang noo. "Hindi ba't isang mostro ang kanilang lahi? Sila na nagiging pakpak ng taong nagmamay-ari sa kanila pagkatapos ay ililipad nila iyon sa kawalan hanggang sa hindi na makabalik pa."
"Iyon ba? Hindi naman daw totoo iyon. Nilinis na ng hari ng Gemuria ang pangalan ng kanilang lahi at mabubuti naman pala silang mga nabubuhay. Nabatid ko rin na si binibining Serafina ay mapipirmi nang limang araw sa bayan ng Faram. Bayan iyon na madadaanan patungo sa lagusan ng Spynx dito sa ating kontinente kaya magmadali na kayo Ginoo na siya ay puntahan dahil baka hindi n'yo na siya maabutan doon."
Unti-unti namang kuminang ang mga mata niya sa tuwa at napangiti nang malawak. Saktong-sakto dahil sa ikalawa din ay aalis na sila ni Queen upang tumungo sa lagusan ng Sphynx. Madadanan nila ang bayang iyon sa kanilang pagtungo roon kaya makakauwi si Queen na mayroon na muling magandang tinig.
"Maraming salamat sa mga impormasyon na iyong binanggit. Ito ang kabayaran sa mga iyon." Nag-abot siya rito ng mga ginto at nanlaki naman ang mga mata nito.
Bago pa ito makapagsalita ay lumabas na siya ng taberna nito na nagmamadali. Naramdaman niyang muli ang sikat ng araw sa kaniyang balat sa labas at ang amoy ng mga berdeng puno at halaman. Hindi pa rin nawawala ang malawak na ngiti niya.
Limang araw na lamang ay magbubukas na ang lagusan ng Sphynx. Napagawa na rin niya ng kwintas si Queen at ang sarili niya tapos ay mapapalunasan niya na rin ang tinig nito.
Lahat ay umaayon na sa gusto niya.
Kinuha niyang muli ang lalagyanan ng kwintas sa loob ng kaniyang mahabang manggas at tinitigan iyon. "Kung hihilingin ko kaya kay Queen na bumalik pa kami sa mundong ito... papayag kaya siya?"
Nakatingin lang siya roon nang maalala niya ang pagiging matamlay at iwas nito sa kaniya ilang araw na. Hindi na niya ito nakakausap dahil kapag pumupunta siya sa silid nito ay lagi nitong sinasabi na hindi maganda ang pakiramdam nito. Gumagawa naman siya ng mga bagay na naiisip niyang makakapagpagaan sa damdamin nito ngunit walang epekto ang mga iyon. Kahit na ang pagpapakita rito ng kaniyang mga buntot ay hindi na rin nakatulong.
Nararamdaman niya na may ipinagtatampo ito ngunit hindi naman niya batid kung ano. Ganoon pa man, nakasisigurado siya na magiging masaya na ito kapag nalaman nitong magbubukas na ang lagusan ng Sphynx. Naisip niya na baka nangungulila lamang ito sa mundo nito kaya ito nagkakaganoon.
Ang nakangiti nang mukha ni Queen ang pumuno sa isipan niya kaya napangiti muli siya nang malawak sa pag-asa na mapapasaya na niya ito. Balak niya ring sumama rito sa pagbalik sa mundo ng mga ito kaya nagpagawa rin siya ng panibago niyang kwintas at pagkatapos ay hihilingin niya rito na bumalik muli sila ng Sargus gamit ang kanilang kwintas.
Iyon ang kaniyang plano na sa tingin niya ay matutupad din.
Mas lalo siyang napangiti.
Doon ay naglakad na siya paalis sa lugar na iyon na puno ng kasiyahan at tinungo na ang daan pauwi ng Leibnis.
Ipagpapatuloy...