Chereads / Queen and the Nine Tailed Fox / Chapter 21 - Chapter 21

Chapter 21 - Chapter 21

Chapter 21

Title: Mortal World

Medyo malayo na ang tinakbo ng kabayo namin at kumukulimlim na ang langit kahit umaga pa lang. Parang isang malakas na bagyo ang paparating sa pagdilim n'on at may nasesense na rin talaga ako na hindi maganda.

Lagpas oras na rin ang itinakbo ng mga kabayo namin nang parehas na nilang patigilin ni Leigh ang mga ito. Napatingin ako kung saan na kami tumigil at isang napakataas na pader na ginagapangan ng mga halamang puro dahon lang ang nakita ko sa gilid namin. Kung hindi lang siguro madilim ang paligid dahil sa makulimlim na langit ay napakaganda ng lugar na 'to tingnan.

Isang malaking-malaking leon ang nasa harapan n'on pero ang ulo n'on ay sa isang magandang babae na may mahabang buhok. May pakpak din 'yon ng sa ibon na parang agila.

Ito na sigurado ang tinatawag nilang Sphynx.

Bumaba na kaming tatlo sa mga kabayo pero hindi ko alam kina Gani kung nararamdaman din nila pagkatapak na pagkatapak nila sa lupa ang paglindol doon. 'Yung pakiramdam na nalilindol ang lupa dahil sa napakaraming malalakas na yabag ng mga nagtatakbuhang mga kung ano papunta rito.

"F*ck." mahinang mura ni Leigh habang nakatingin sa direksyon na pinanggagalingan ng malalakas na yabag na 'yon.

Si Gani naman, agad na lumapit na sa sphynx. "Sphynx, nais naming gamitin ang lagusang iyong binabantayan at handa kaming sagutin ang iyong bugtong upang kami'y iyong paraanin." magalang na sabi niya ngunit halatang may pagkahangos.

Lumapit na rin kami ni Leigh dito. Umupo naman ito kaharap kami at ngumiti. Kung naging tao lang siguro pati ang katawan niya, para siyang diwata. "Ito ang aking bugtong. Malapit ngunit malayo. Ano ang sagot dito?"

"GAAAAARRRRRR!"

"GAAAAWWWWRRRR!"

Mag-iisip pa lang ako ng sagot pero may napakalalakas na mga angil, na parang sa mga halimaw ang narinig ko mula sa 'di kalayuan kaya napapitlag ako at agad na napakapit kay Gani sa takot. Agad niya naman akong hinapit palapit sa kaniya para maprotektahan ako kung may mangyayari man. Ang dilim din talaga ng paligid na parang gabi na kaya mas nagiging nakakatakot para sa amin ang nangyayari.

"Ang sagot sa iyong bugtong ay 'Mata'. Malapit ito sapagkat parte lamang ito ng ating katawan ngunit malayo naman ito kung makakita." sagot agad ni Leigh sa bugtong ng Sphynx.

Doon naman unti-unting nabuksan sa mataas na pader ang isang maliwanag na portal. Dahil doon, nagsilaw pa ako dahil galing sa madilim ang paningin ko. Umalis din sa pagkakaharang doon ang Sphynx dahil nasagot ni Leigh ang bugtong nito.

Hinawakan kaagad ni Gani ang kamay ko para makapasok na kami ng lagusan at sumunod naman kaagad sa'min si Leigh pero biglang tumigil sa paglalakad si Gani kaya napatigil din kami.

"Anong problema Gani? Maaabutan na tayo ng mga mostro." nagtatakang tanong ni Leigh sa kaniya.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko at bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha niya. "A-ang Leibnis."

Nanlaki naman ang mga mata ko. Oo nga pala! Ang bayan ng Leibnis!

"Siguradong walang magpoprotekta sa bayang iyon sa gitna ng digmaang magaganap. Ikinakatakot ko na matunton iyon ng mga mostro at atakihin."

Doon naman nabuo ang desisyon ko. "Kung gano'n, bilisan na nating bumalik ng Leibnis! Baka kung ano nang mangyari sa kanila kapag pumunta tayo ng mundo namin at iwan sila."

Ilang saglit din siyang hindi nakaimik pero bigla ay hinarap niya ako nang maayos. "Hindi Queen. Uuwi ka na sa inyo kasama itong si Leighnus at ako lamang ang babalik ng Leibnis."

Nanlaki naman ang mga mata ko. "A-ano?!" Hindi ko agad magawang matanggap sa sistema ko na iiwan ko siya rito na nasa gitna ng panganib sa pakikipaglaban sa mga halimaw rito.

"Magagawa kong makipaglaban nang maayos kung batid ko na sa aking sarili na nasa ligtas na lugar ka... roon sa inyong mundo."

"P-pero paano kung may mangyaring masama sa'yo sa pakikipaglaban mo? Paano kung hindi ka na makapunta sa mundo namin? Paano pa tayo magkakasama ulit Gani?..." Napupuno na ng luha ang mga mata ko dahil napakarami ng mga bagay na dapat kong ikatakot ang nagreregister sa isip ko.

Hinawakan niya naman ako sa magkabila kong pisngi at pinunasan ng hinalalaki niya ang mga naglandas na mga luha ko ro'n. "Huwag kang mag-alala sapagkat ang boses mo ang magtuturo ng daan sa'kin Queen upang matagpuan kita." napakasuyong sabi niya at doon ay idinampi niya ang mga labi niya sa mga labi ko.

Ramdam na ramdam ko sa masuyo niyang halik na 'to kung gaano siya mangungulila sa'kin sa magiging paghihiwalay namin ngayon.

"GAAAAAAAWWWRR!"

Napahiwalay kami sa isa't isa dahil sa napakalakas na angil ng mga halimaw.

Napatingin kaming tatlo sa direksyon na pinanggalingan n'on at napasinghap ako dahil marami na sa mga halimaw na 'yon ang padaan dito. Ang babalasik ng mga hitsura ng mga 'yon at kung maaabutan kami lalo na ako ay siguradong wala akong kalaban-laban.

"Magmadali na kayo Queen at Leighnus sa pagpasok sa lagusan. Baka maabutan pa kayo ng pagsasara niyan!" pangmamadali sa'min ni Gani kaya hinawakan na ako ni Leigh para isama pero nanlaki ang mga mata ko nang isang malaking-malaking kung anong napakabalasik na halimaw ang papalapit na kay Gani. Halos tatlong tao ang taas n'on

"SA LIKOD MO GANI!" babalang sigaw ko sa kaniya pero bago pa man siya makalingon sa halimaw na 'yon, malakas na nahawi na siya ng malaking kamay n'on at tumilapon malapit sa maraming kumpol ng mga halimaw na napatigil dahil nakuha ko ang atensyon sa pagsigaw ko na 'yon.

Sobrang nanlaki ang mga mata ko nang sabay-sabay na sumugod ang mga 'yon sa kaniya hanggang sa hindi ko na siya makita sa kumpulan ng mga ito kung nasaan siya. Pati ang halimaw na humawi sa kaniya ay sumugod na rin doon. "GANI! HINDEEEEEEE!" hilakbot na sigaw ko at gustong-gusto ko nang tumakbo papunta sa kaniya para tulungan siya pero ayaw akong bitawan ni Leigh sa braso ko. "Bitawan mo ako Leigh! Si Gani!" pilit akong kumawala sa kaniya.

Nakatulala siya kung saan pinagtutulungan na si Gani ng mga halimaw at halatang nawala sa sarili niya pero pilit niyang ginising ang sarili niya mula sa takot at humigpit lalo ang pagkakahawak niya sa'kin dahil may mga halimaw na rin na papunta na sa'min. "Tara na Queen!"

Pilit na isinama niya ako papasok sa papaliit nang papaliit na portal habang naririnig ko ang mga daing ni Gani sa pilit na pakikipaglaban sa loob ng kumpulan ng napapakalalaking mga halimaw. May mga pagsabog din doon na siguradong gawa niya.

"Paano si Gani Leigh?! Iiwan na lang ba natin siya?! LEIGH!" pilit ko sa kaniya at hindi ko alintana ang paatake na rin sa'ming mga halimaw na malapit na kaming maabutan.

Hindi niya ako sinagot at patuloy pa rin akong pilit isinama papasok ng portal.

Bago kami tuluyang makapasok ng portal, hangos na hinanap ulit ng mga mata ko si Gani dahil natatakot ako na baka hindi ko na ulit siya makita. Nanlaki ang mga mata ko nang hinarang niya ang mga halimaw na papasunod sa amin sa portal at duguan na siya. Nakatalikod siya sa amin at nakalabas ang lahat ng mga buntot niya na puno na rin ng bahid ng mga dugo.

Lumingon pa siya sa'min pero naging maliwanag ang lahat dahil pumasok na kami sa loob ng maliwanag na portal kaya nasilaw ako pero kahit ganoon, nakita ko ang pagngiti niya sa'kin.

Ngumiti siya sa'kin... hanggang sa isang iglap, nasa isang madilim na abandonadong lugar na kami ni Leigh at sigurado akong nasa mundo na kami ng mga mortal.

Napatulala na lang ako sa kawalan at hindi na rin kinaya ng mga tuhod ko ang panatilihin akong nakatayo kaya napaupo na lang ako sa sahig habang wala pa rin ako sa sarili.

Iniwan na talaga naming mag-isa ro'n si Gani. Iniwan namin siya...

Hindi. Iniwan ko siya...

"GANIIIIIIIIIIIIIIIIII!" miserableng sigaw ko at sobra ang naging pag-iyak ko dahil sa pang-iiwan namin na 'yon sa kaniya habang mag-isa lang siyang nakikipaglaban sa mga halimaw sa Sargus.

Lumuhod sa harap ko si Leigh at niyakap ako nang mahigpit. "Sorry Queen pero kailangan kong tuparin ang pangako ko kay Gani. Pasarado na ang portal kanina at pare-parehas lang tayong mamamatay doon kung walang makakarating sa mundo ng mga mortal sa'tin."

Kumawala kaagad ako sa yakap niya at parang tatakasan na ako ng bait dahil sa ginawa namin. "P-pero paano siya Leigh?! Paano kung mamatay siya sa pakikipaglaban sa napakaraming mga halimaw na 'yon?!" humahagulgol na sigaw ko sa kaniya sa sobrang takot na nararamdaman ko para sa buhay ni Gani. "Leigh... Balikan natin siya... Hindi niya kayang makipaglaban nang mag-isa lang... Kailangan niya ng tulong. Please Leigh. Please..."

Tumango naman siya kaya natigilan ako. "Tama ka Queen. Hindi kaya ni Gani mag-isa ro'n kaya babalikan ko siya." Tumayo na siya kaya napatingala ako sa kaniya habang hilam sa luha ang mga mata ko. "Tutulungan ko siya sa pagprotekta sa bayan nila. Isa pa rin naman akong maheya sa mundong 'yon at hindi ko maaatim na umalis doon na kasalukuyang nangangailangan ng tulong ko."

Pinilit kong tumayo kahit na nangangatog pa rin ako sa takot dahil sa pinagdaanan namin at humawak ako sa braso niya para mapanatili ko ang pagtayo ko. "Isama mo ako Leigh. Please..." sobrang nakikiusap na sabi ko sa kaniya habang umiiyak pa rin.

"Hindi kita puwedeng isama Queen. Ligtas ka na rito sa mundo n'yo at kahit na ipilit mo, sira na ang kwintas mo para makabalik ka ulit sa Sargus."

Napahawak naman ako sa may leeg ko at wala na nga ang kwintas ko na ibinigay sa'kin ni Gani kaya nanlaki ang mga mata ko.

"Tutulungan ko siya Queen. Magtiwala ka sa'kin. Imbis, may ipapasuyo ako sa'yo." May kinuha siya sa bulsa ng traditional robe niya at hinawakan ang palad ko saka ipinatong doon ang kung anong bagay na 'yon. Pagtingin ko, 'yun 'yung bote na naglalaman ng kulay green na gamot na binigay sa kaniya ni Serafina. "Ipapakisuyo ko na muna sa'yo 'tong gamot na 'to Queen. Sana, ingatan mo 'tong mabuti at maipaabot mo kaagad sa lalong madaling panahon sa mapapangasawa ko sa mundo n'yong 'to."

Unti-unti namang nanlaki ang mga mata ko sa pinapakisuyo niya.

"Ang pangalan niya ay Hershey Gomez at nakaconfine siya sa isang kilalang ospital sa Maynila. Pipilitin kong mabuhay hanggang matapos ang digmaan sa Sargus dahil alam kong hinihintay ako ni Hershey."

Mas lalo akong natigagal dahil sa pamilyar na pangalan na nabanggit niya. Magsasalita na sana ako nang bigla ulit niya akong yakapin. "Pakiusap Queen. Kung anuman ang mangyari sa'kin, magawa mo sanang maibigay 'yan sa madaling panahon kay Hershey. Pakiusap..."

Tulala pa rin ako pero tumango ako sa gusto niya kaya humiwalay na siya sa'kin. Ang lawak ng ngiti niya sa'kin. "Maraming salamat Queen." Doon ay humakbang siya paurong para lumayo sa'kin at hinawakan ang bato sa kwintas niya saka pumikit.

Bigla na lang siyang nagliwanag kaya napapikit ako sa pagkasilaw.

Nang mawala na ang nakakasilaw na liwanag na 'yon ay iminulat ko na ulit ang mga mata ko... at wala na si Leigh sa harap ko.

Nakabalik na siya ng Sargus.

Napaupo na lang ulit ako sa sahig sa panghihina ng katawan ko at napatulala na lang ulit sa kawalan... habang mahigpit ang pagkakahawak ko sa bote ng gamot na ipinasuyo sa'kin ni Leigh.

Makakabalik pa kaya sila?...

Leigh... Gani... Bumalik kayo nang ligtas.

Pakiusap.

Ipagpapatuloy...