Chereads / Queen and the Nine Tailed Fox / Chapter 17 - Chapter 17

Chapter 17 - Chapter 17

Chapter 17 - Leighnus Welhart

"Sino ka?" tanong ko sa lalaking sakay ng tumigil na karwahe na nakakaalam ng pangalan ko.

Inabot niya naman ang dalawang kamay niya para makipagkamay. "Ako si Leighnus Welhart at pwede mo akong tawaging Leigh. Isa akong avid fan mo sa mortal world at lahat ng kanta mo, alam ko!" katulad na katulad ng reaksyon niya ang sa mga fans ko noon. "Grabe! Hindi ko inakalang makikita kita sa malapitan ni makakausap nang ganito Queen!"

Nanlaki naman nang kaunti ang mga mata ko nang sa wakas, makarinig na rin ako ng way ng pagsasalita sa mundo namin at bukod pa ro'n, fan ko rin siya. Nakipagkamay na ako sa kaniya at ngumiti. "Talaga? Pero bakit ka nandito sa mundong 'to? Tagarito ka ba?"

"Oo, dito ako pinanganak. Kabilang ako sa lahi ng mga maheya o Mage pero sa mundo ng mga mortal na ako nakatira ngayon. Ikaw? Bakit ka nandito? 'Wag mong sabihing dito ka rin sa mundong 'to nagmula?" hindi pa rin siya bumibitaw sa kamay ko.

"Hindi ah. Mahabang kwento pero pabalik na rin naman ako sa mortal world."

"Talaga?! Saktong-sakto! Papunta na rin ako sa lagusan ng Sphynx pabalik do—"

Biglang kinuha ni Gani ang kamay ko sa kaniya kaya napatigil siya sa pagsasalita. Napatingin naman kami rito pareho.

Seryosong-seryoso na ang mukha nito at ang lamig ng tingin kay Leigh. "Hindi namin kailangan ng tulong kaya maaari ka nang magpatuloy sa iyong paglalakbay."

Nangunot naman ang noo ko. "Eh 'di ba, sabi mo, makikisakay na lang tayo kapag may dumaan na sasakyan? Sakto rin at makakalibre na tayo sa lakad dahil doon din sila papunta."

Pinanlakihan naman niya ako ng mga mata. "Ibang sasakyan ang aking tinutukoy." Halatang gusto niya na tanggihan ko rin si Leigh.

Napasimangot naman ako. Gusto niya pang maglakad kami eh inaalok na nga kami nito na makisabay. Kainis!

"Hindi rin kaagad tayo maaaring magtiwala nang basta-basta lalo na sa mga maheya at hindi ko rin nanaisin na magkautang na loob tayo sa isa sa kanilang lahi," dagdag niya pa at matiim pa ring nakatingin kay Leigh. "Isa pa, sinabi mong kabilang ka sa lahi ng mga gumagamit ng mahika ngunit ni hindi mo man lamang magawang makabukas ng portal patungo sa mundong iyon?"

Akala ko, ma-o-offend ito pero napakamot lang 'to ng batok saka nahihiyang ngumiti. "Tama ka naman doon ngunit aking aaminin. Hindi ako isang purong maheya kaya mahina lamang ako at hindi ko nagawang mapagtutunan ang pagbubukas ng portal. Dahil doon ay nakaasa lamang ako sa lagusan ng Sphynx at sa kwintas naman na ito na naipagawa ko sa kapwa ko maheya upang makabalik dito sa Sargus." Ipinakita niya ang suot niyang kwintas na may transparent na bilog na pendant.

Napahigpit naman ang hawak ni Gani sa kamay ko pero seryoso pa rin ang mukha niya.

"Kaya lamang naman ako bumalik dito sa Sargus ay upang kumuha ng mga bagay na ito." Binuksan niya ang sling bag niya at ipinakita ang laman n'on sa'min. Nanlaki naman ang mga mata namin pareho ni Gani nang makita ang maraming gold at silvers doon na kumikinang pa sa pagtama ng sikat ng araw. Nakabar shape din ang mga 'yon.

"Waaahh..." namamangha kong sabi at hindi ko magawang maisara ang bibig ko. Kung ipapalit niya 'yon ng pera sa mortal world, yayaman na kaagad siya!

"Kailangan ko itong mga ito para makapamuhay kami nang maayos sa mundo ng mga mortal," dagdag niya pa.

Napansin ko lang, kapag kay Gani siya nakikipag-usap, malalim siya managalog katulad nito pero kapag sa'kin, modern way na siya magsalita.

Tiningnan ko si Gani kung nakumbinsi na siya sa paliwanag nito ni Leigh pero halatang hindi pa rin dahil ang seryo-seryoso niya pa rin. "Naniniwala na ako na patungo ka rin sa lagusan ng Sphynx ngunit dadaan pa kami ng bayan ng Frayam bago pumunta roon." pagtanggi niya pa rin.

Nangunot naman ang noo ko. May pastop over pala kami, ni hindi niya man lang nabanggit sa'kin.

"Talaga?! Balak ko ring dumaan doon sapagkat doon ko nabalitaan na magtutungo ang pinakapakay ko sa mundong ito!" tuwang-tuwang sabi ni Leigh kaya pati ako, natuwa na rin.

Siya naman, nakatitig lang dito na halatang umiisip pa ng ibang paraan para hindi kami makasabay rito kaya nainip na ako. "Bahala ka na nga d'yan Gani! Sasabay na ako kay Leigh!" naiinis na sabi ko at naglakad na papunta sa karwahe saka sinubukan nang akyatin 'yon.

"Sandali Queen!" pigil niya naman sa'kin. "Ni hindi pa nga natin batid kung ano ang mahikang kaniyang ginagamit kaya hindi tayo dapat—"

"Aaahh!" tili ko nang madulas ang paa ko sa pag-akyat sa mataas na karwahe.

May nakasalo naman kaagad sa'kin at ang mukha ng nag-aalalang si Leigh ang bumungad sa'kin. "Ayos ka lang Queen?" Ang lapit ng mukha niya sa'kin at mas lalo siyang nagiging charming sa malapitan.

'Di ko tuloy naiwasang magblush. "O-oo. S-salamat." Seriously Queen?! Hindi mo naman siguro nakakalimutang brokenhearted ka pa?

Lumapit naman kaagad sa'min si Gani. "Bakit ka kasi akyat nang akyat gayung ang lampa-lampa mo naman!" sermon niya sa'kin

"Leigh, tulungan mo nga akong maka-akyat. 'Di ko abot eh," sabi ko kay Leigh na hindi siya pinapansin. Hindi naman pabebe 'yung pagkakasabi ko. 'Yung tama lang na nakikisuyo talaga.

"Sige." Umakyat muna si Leigh sa karwahe saka inabot ang isang kamay niya sa'kin.

Pipigilan pa sana ako ni Gani pero ibinigay ko na ang kamay ko kay Leigh at gentle niya akong hinila para makasakay na rin.

Tiningnan namin si Gani na nakatayo lang at medyo nakatingala sa'ming dalawa. Halatang wala pa rin siyang balak sumakay.

"Ayoko nang maglakad Gani kaya hindi ko na pakakawalan ang alok nito ni Leigh na isabay tayo. Nararamdaman ko naman na mabait siyang tao kaya mapagkakatiwalaan natin siya. Isa pa, masakit na talaga ang paa ko," sabi ko sa kaniya.

Nag-isip pa siya at nang mapasuko na, napabuga na lang siya ng hangin. "Maheya, bantay ko ang iyong mga kilos kaya huwag na huwag kang aakto ng kahit anong nakakapangduda. Hinding-hindi mo magugustuhan ang mangyayari sa iyo kapag may ginawa o binalak ka man lamang na masama sa amin." banta niya muna kay Leigh bago umakyat na rin dito.

Binigyan naman namin siya ng daan para makapasok na rito sa loob. Malawak naman 'tong karwahe kaya pwede kaming nakatayo.

Ngumiti sa'min si Leigh at yumuko sa'min. "Ikinalulugod ko na makasama kayo, Queen at Gani sa paglalakbay at aking ipapangako sa inyo na hinding-hindi ko kayo gagawaan ng masama ni hahayaang mapahamak."

Inismiran lang siya ni Gani at ako naman, nginitian siya.

"Oo nga pala. Kanina, nabanggit mo Gani na hindi mo nanaisin na magkautang na loob sa akin, hindi ba?" tanong niya kay Gani.

Napatingin naman ito sa kaniya nang ilahad niya ang palad niya rito.

"Huwag kang mag-alala dahil hihingi ako ng bayad mula sa iyo sa pagsasabay ko sa inyo na maihatid patungong lagusan ng Sphynx."

Napatameme naman kami sa kaniya.

"Don't worry Queen, hindi kita pagbabayarin. Lahat ng bagay, para sa isang Queen ay libre." Kinindatan niya pa ako.

Hindi ko naman naiwasang mapabungisngis.

Ang charming na nga niya, ang cute pa ng personality niya.

* * *

Umaandar na ngayon ang karwaheng sinasakyan namin at dinadrive ito ng tinatawag ni Leigh na Karwahero. 'Yun 'yung lalaking mid 40's sa unahan ng karwahe.

Kami namang tatlo, nakaupo na rito sa loob at medyo naaalog-alog sa lubak-lubak na dinadaanan ng sinasakyan namin. Buti na lang, hindi kami siksikan dito pero hindi rin naman sobrang luwag. Sakto lang.

Nasa gitna ako nila Gani at Leigh nakaupo at kasalukuyang tinatanaw ko mula sa pwesto ko ang labas sa bintana ni Leigh.

Itinali niya muna ang kurtina n'on at itinaas kaya kitang-kita namin ang labas doon kaysa naman sa katabi ko sa kabila na si Gani. Nakahalukipkip lang siya at hindi man lang binubuksan ang bintana niya kahit kanina niya pa napapansin na gusto kong tumanaw sa labas. Kainis.

Halos maging Giraffe na ako sa pakikitanaw sa bintana ni Leigh at nang mapansin niya na ako, napatingin siya sa'kin. "Gusto mo bang makipagpalit ng upuan sa'kin para makadungaw ka na nang maayos?" mabait na alok niya habang nakangiti.

Kahit gustong-gusto ko agad umoo, nahiya naman ako dahil kailangan pa naming patigilin 'tong karwahe para magawa namin 'yon. Baka kasi matumba kami kapag tumayo kami para magpalit ng upuan. "Okay lang. Maaabala lang tayo."

Lalo naman siyang napangiti. "Ano ka ba? Okay lang 'yun. Ikaw pa ba?" Inutusan niya na ang Karwahero na tumigil muna saglit para makapagpalit na kami ng upuan.

Ewan ko pero naaaliw talaga ako sa kaniya. Napakagentleman at considerate niya. 'Di tulad ng isa d'yan.

"T-thank you." Tumayo na ako para lumipat sa pwesto niya nang may humawak sa braso ko kaya napatingin ako ro'n.

Seryosong-seryosong nakatingin sa'kin si Gani. "Dito ka. Ako sa gitna." Itinuro niya ang pwesto niya at tumayo na rin para sa kaniya na ako makipagpalit.

Dahil naiinis ako sa kaniya... "Ayoko. Pangit ang view d'yan." masungit na sabi ko sa kaniya at inalis ang pagkakahawak niya sa braso ko pero ngumiti naman ako nang kay Leigh na ako bumaling.

Halatang natatawa pa si Leigh sa'kin pero pinipigilan lang dahil sa bilis ng pagpapalit ng expression ko. Umupo na ako sa pwesto niya kaya ang sitting arrangement na namin ay ako, si Leigh sa gitna tapos si Gani na kasalukuyang nakatayo pa rin.

"Tabi. Ako sa gitna." maawtoridad na sabi niya kay Leigh na halatang binubully ito.

Sa inaakto niya ngayon, halatang-halata na nagseselos siya rito pero sa trauma ko sa kaniya, naiisip ko na kaya siguro siya nagkakaganito ay dahil kay Leigh na napupunta ang atensyon ko imbis sa kaniya eh kakaconfess ko lang sa kaniya. Akala niya siguro, hindi ko kayang magbigay ng atensyon sa ibang lalaki dahil lang may gusto ako sa kaniya.

Wala naman akong malisya sa pakikitungo ko kay Leigh dahil hindi pa rin naman talaga ako nakakamove-on sa kaniya pero hindi ko hahayaan na i-bully niya ito dahil sa'kin.

"Manong! Paki-andar na nga po. Nakaupo na po kami," utos ko ro'n sa karwahero kahit hindi totoo na nakaupo na kaming tatlo kaya umandar na nga 'tong sasakyan. Sa bigla naman nitong pag-andar, napaupo na si Gani sa pwesto niya dahil na out of balance siya.

Alam kong magrereklamo pa siya... "Leigh! Tingnan mo 'yon oh! Ang ganda!" turo ko kay Leigh sa labas na puro puno lang naman. Ginawa ko 'yon para hindi na makareklamo si Gani.

"Saan?" Nakidungaw naman siya habang ngiting-ngiti at medyo napasandal ako dahil kung hindi, mahahalikan ko ang pisngi niya na ang lapit-lapit sa mukha ko. "Puro puno lang naman eh." natatawa niyang sabi at humarap pa sa'kin.

Kitang-kita ko tuloy sa malapitan ang napakagandang skin niya na parang alagang-alaga.

Ano kayang skin care routine niya? Maganda rin naman ang balat ko pero gusto ko pa ring malaman 'yon.

Mahahaba ang pilikmata niya at nangungutitap ang mga mata niya sa kasiyahan. Ang tangos din ng ilong niya at pinkish ang mga labi na daig pa ang ibang kababaihan na umaasa lang sa lipstick para maachieve ang ganoong pagkapink ng labi.

Kung si Gani siguro siya, nagwawala na sa pagpintig nang malakas ang puso ko ngayon pero wala naman akong naramdamang kakaiba sa kaniya.

Ewan ko. Para kasing siya 'yung tipo ng tao na kahit i-invade niya ang personal space mo, hindi nakakaalarma dahil friendly aura talaga ang ini-emit niya.

Katulad kanina, ang paghawak niya nang matagal sa kamay ko at ngayon naman, ang sobrang lapit ng mukha niya sa'kin... walang mga epekto. May pagblush lang ako kanina dahil hinapit niya ang katawan ko nang muntikan na akong mahulog. Lalaki pa rin naman kasi siya pero bukod doon, walang talagang badump-badump dito sa puso ko.

"Tch." Nakacrossarms ulit si Gani at sumandal na lang sa gilid ng bintana niya saka pumikit na halatang wala nang balak na bigyan kami ng atensyon.

"Tingnan mo 'yun Queen. May malaking rainbow doon oh," sabi ni Leigh kaya napabalik ang atensyon ko sa kaniya. Nakaturo na siya sa labas kaya napatingin naman ako ro'n.

Unti-unti namang nanlaki ang mga mata ko nang makita ang may kalinawang rainbow sa Waterfalls na nadaanan namin. "Waaaah... Ang ganda." Napakapit pa ako sa ibaba ng bintana sa pagkaexcite at kahit nalagpasan na namin 'yon, habol tingin ko pa rin 'yon.

"Marami ka pang bagay na makikita sa pagtatravel natin na sobrang gaganda," sabi niya na proud na proud sa mundong 'to.

Sa paglalakbay nga namin, lahat ng magagandang bagay, itinuturo niya sa'kin. Minsan, ikinukwento niya pa ang mga history n'on na kadalasan, sa mga fantasy books ko lang nababasa.

Kahit nga no'ng tumigil muna kami para kumain ng mga pagkain na baon namin, sige pa rin siya sa kakakwento.

Narealize ko tuloy na ang daldal-daldal niya. Ni hindi siya napagod sa pagstory tell ng kung anu-anong history ng mga lugar na nadaanan namin pero hindi naman ako nainis o ano. Na-e-entertain niya nga talaga ako eh. Dahil sa kaniya, hindi ako naboring sa pagtatravel namin na 'to.

Buti na lang talaga at sumabay kami sa kaniya.

~Tagapagsalaysay~

Kinagabihan, papatok-patok na si Queen dahil nakatulog na ito sa kinauupuan nito sa layo na ng kanilang nalakbay. Napansin naman iyon ni Leigh at hahawakan na sana niya ang ulo nito para ipasandal sa balikat niya nang hindi na ito mahirapan sa pagtulog pero may humawak sa kamay niyang 'yon kaya hindi niya naituloy ang gagawin.

Napatingin siya sa kabila niya na matalim na nakatingin sa kaniya.

"Ipatigil mo muna itong karwahe upang tayo'y makapagpahinga na." mahina nitong sabi na kalmado ngunit sa higpit ng pagkakawahak nito sa braso niya ay batid niya na nagtitimpi lang ito ng pagkaasar sa kaniya.

Gaya ng nais nito ay ipinatigil muna niya ang sasakyan sa Karwahero upang makapagpahinga na sila.

Nasa gitna pa rin sila ng kagubatan at ang sinag lamang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa paligid. Ang lamig-lamig din ng hangin at amoy na amoy ang mga berdeng halaman at puno sa paligid na tipikal sa mga gubat.

Tumayo na si Leigh at akmang bubuhatin niya na ang tulog na tulog pa ring si Queen ngunit iniharang ni Gani ang braso nito sa kaniya para pigilan muli siya sa gagawin. "Ako na." Marahan na nitong binuhat si Queen na hindi man lang nagigising sa lalim ng tulog nito.

Pumunta na si Gani sa may pinto ng karwahe ngunit natigilan siya nang maalalang may kataasan nga pala ang sasakyan nilang iyon.

Napatingin siya kay Queen na siguradong magigising kung basta-basta na lang siyang tatalon. Ang naisip na lang niyang paraan ay ibalot ito sa malalambot niyang mga buntot nang hindi nito gaanong maramdaman ang pagtalon nila.

Handa niyang gawin iyon para rito kahit na maipaalam niya pa ang tunay niyang katauhan sa kanilang mga kasamahan.

Nang ilalabas na sana niya ang mga buntot niya...

"Sandali," sabi ni Leigh kaya napatigil siya.

Umuna na itong bumaba ng karwahe at naroroon na rin naghihintay ang Karwahero.

Pinagdait nito ang mga palad. "Excieo Barahas." pagbigkas nito ng mahika at nang paghiwalayin na ang mga kamay ay lumutang doon ang mga barahang kulay asul na nakahalera na sa hangin.

Nanlaki nang kaunti ang mga mata niya nang masaksihan na ang klase ng mahika nito at kahit ang karwahero ay namangha rin sa mga baraha nitong nakalutang.

"Misceo." Doon ay naghalong-halo ang mga baraha at nang ituro nito ang daliri roon ay isang baraha ang napindot nito. Tumigil naman sa paghahalo-halo ang iba pa.

Nagliwanag ang itinuturo nitong baraha at nagkaroon ng isang maliit na imahe ng hagdang gawa sa kahoy roon. Pinindot nito iyon sa hangin saka ipinunta ang nakapindot pa ring daliri roon sa pintuan ng karwahe. Nang alisin na nito ang daliri roon ay nagkaroon na ng hagdan ang karwahe na nagmula sa baraha nito.

"Nakamamangha!" tuwang-tuwang bulalas ng Karwahero sa nasaksihan habang pumapalakpak.

Napangiti naman ito na halatang nahihiya sa puring nakuha. "Iyan na ang iyong gamitin Gani sa pagbaba nang hindi magising si Queen sa iyong pagkakabuhat." Balik na naman ito sa pagsasalita katulad ng mga tagaSargus.

Hindi naman niya ipinahalata na namangha rin siya sa mahika nito at seryoso lang na ginamit na ang hagdan na iyon para makababa ng karwahe.

Nilagpasan niya ang mga ito ngunit nang may magliwanag sa likuran niya ay napalingon siya.

Nakita niya na ang karwaheng sinakyan nila ang pinagmumulan ng liwanag na iyon dahil sa mahika ni Leigh. Lumiit iyon nang lumiit saka napunta sa loob ng baraha nito na pinagmulan kanina ng hagdan.

Nagsama-sama na ang mga baraha nito. "Iyan. Hindi na tayo mag-aalala na may makapagnakaw nito sa atin." Ipinakita pa nito ang isa roon na may larawan na ng karwaheng ipinasok doon.

Nawala na rin ang mga iyon sa kamay nito.

Nakatingin lamang siya nang matiim dito. Mapanganib ang maheyang ito. Kapag nalaman niya kung ano ang tunay kong katauhan ay maaaring gamitin niya ang mahika niyang iyon upang ikulong ako at gawing kaniyang pagmamay-ari. Maaaring manganib din sa kaniya si Queen, aniya sa isip na naaalarma.

"Base sa iyong tingin sa akin, nakikita mo ako bilang panganib sa inyo ni Queen." napahinga pa ito nang malalim. "Sinabi ko na sa iyo. Mahina lamang akong maheya at wala akong panahon para manakit ng iba sa mundong ito. May mas mahahalaga pa akong kailangang gawin sa aking buhay kaysa ang mga ganoong bagay na wala naman akong mapapala."

Nakatingin lamang sa kanila ang Karwahero na halatang nakikiramdam sa kanilang dalawa.

Hindi na niya ito pinansin at naglakad na paalis doon habang buhat pa rin ang nahihimbing na si Queen.

Nakahabol tingin naman ito sa kaniya at napangiti na lamang habang napailing-iling.

Sumunod na rin ito sa kaniya pati na ang Karwahero.

Nang makahanap na sila ng magandang lugar na mapagpapahingahan ay marahang ibinaba muna ni Gani si Queen sa tapat ng isang puno at isinandal ito roon. Dahil sa pagod sa paglalakbay ay hindi ito nagigising nang mabilis.

Kumuha siya ng isasapin nila sa lupa na kanilang tutulugan sa Lagan na kaniyang sakbit at inilatag iyon nang maayos malapit doon. Tig-isang sapin iyon na hindi ganoong magkalayo ang pagkakalatag sa isa't isa. Nilagyan na rin niya iyon ng tig-isang maliliit at malalambot na unan.

Binuhat niya nang muli ang tulog mantikang si Queen saka maingat na inihiga sa isa sa mga latag.

"Mga ginoo, ako'y kukuha muna ng pangsiga. Sa lamig ng hangin sa lugar na ito ay siguradong hindi tayo makakatulog." pagpapaalam ng Karwahero sa kanila.

"'Huwag na ginoong Ragel. Ako na ang bahala sa bagay na iyan." pigil naman dito ni Leighnus at ipinamalas muli ang mahikang baraha nito. Nakapaglabas ito ng mga kahoy pangsiga, mga telang panapin at unan mula sa ilang baraha nito.

Ibinigay muna nito kay Ragel ang panapin nila at unan at saka naging abala na sa paggawa ng siga malapit sa kanila ni Queen.

Nanonood lamang si Gani rito habang abala ito sa pagkikiskis ng dalawang bato upang makagawa ng apoy.

Hindi na natiis ni Gani at binato niya ang mga kahoy na iyon ng puting apoy niya. Nagliyab naman kaagad iyon kaya napasigaw pa si Leigh sa gulat.

Nanlalaki sa pagkabigla ang mga mata nitong napatingin sa kaniya.

Tinalikuran na niya ito at humiga na sa katabing sapin ni Queen. Nakatagilid siya ng higa na nakaharap kay Queen at pinagmamasdan niya lamang ito habang nahihimbing ito sa pagtulog.

Napatingin naman si Leigh sa apoy na ibinato niya sa mga kahoy pangsiga. Purong puti iyon na ngayon lamang nito nakita sa tana ng buhay nito. Napabaling muli ang tingin nito sa kaniya.

Kung iisipin ko, hindi ko pa kilala ang taong 'to na kasama ni Queen. Saan kayang lahi siya nabibilang para magkaroon ng ganitong mahika? tanong nito sa isip nito.

Ipagpapatuloy...