Chereads / Queen and the Nine Tailed Fox / Chapter 16 - Chapter 16

Chapter 16 - Chapter 16

Sa bahay niya sa Leibnis...

Inabot na siya ng gabi sa pag-uwi at pagpasok niya ng kaniyang bahay ay nakapinta pa rin ang ngiti sa mga labi niya. Inamoy niya pa ang nakabunbon na mga bulaklak na hawak niya na pinitas niya mula sa unahang hardin ng kaniyang bahay at balak niyang ibigay iyon kay Queen kasabay ng kwintas at singsing nito.

Kapag naiisip niya pa lamang kung gaano ito matutuwa lalo na at kulay peach ang mga napitas niyang bulaklak na paboritong kulay nito, umaabot na ng tenga ang mga ngiti niya.

Sa paglalakad niya ay nasalubong niya ang kaniyang mga tagapagsilbi na pinangungunahan ni Hilva. Mura pa ang gabi kaya gising pa ang mga ito.

Nang makita na siya ng mga ito ay babatiin na sana siya ngunit pinigilan niya kaagad. "Shhhh!" pagpapatahimik niya sa mga ito kaya hindi naituloy ang pagbati sa kaniya. "Nasaan si Queen?" mahina niyang tanong.

"Ginoo—"

"Shhh!" pagpapatahimik niya kaagad kay Hilva. Sumenyas siya rito na hinaan ang boses nito at kahit na nangunot ng noo nito sa pagtataka ay tumango-tango ito.

"Naroroon po siya sa kaniyang silid." mahinang-mahinang sabi nito gaya ng nais niya.

Tumango-tango naman siya at ngumiting muli. Naglakad na siya patungo sa silid ni Queen na makakasalubong ang mga ito kaya binigyang daan naman siya ng mga ito habang nakayuko.

Nang makalayo na siya ay napahabol tingin na lamang sa kaniya ang kaniyang mga tagapagsilbi pati na si Hilva. Nabakas ang pag-aalala sa mukha ng huli dahil batid nito na may dinadamdam pa rin si Queen dito... na kahit siya ay gustong-gusto nang malaman kung ano.

Maingat ang mga hakbang na ginawa ni Gani papunta sa tapat ng silid ni Queen at nang makarating na doon ay nakita niyang maliwanag pa sa loob. Ibig sabihin ay gising pa ito dahil may sindi pa ang kandila nito sa silid.

Buong ingat niyang binuksan ang pinto niyon at wala namang nilikhang ingay iyon. Sinilip niya si Queen sa loob at nakita naman niya itong nasa bintana na nakatanaw lang sa madilim na labas. Nasisinagan ito ng liwanag ng buwan at nakapangtulog na rin ito na mahabang kasuotang kulay puti lamang.

Maingat ulit siyang humakbang papasok ng silid nito at naglakad papalapit dito. Hindi naman siya nito napapansin at nanatiling nakatanaw lamang sa malayo.

Nang makalapit na siya nang tuluyan dito ay itinago niya sa likod niya ang mga bulaklak na hawak at ang isang kamay naman niya ay ipinangtakip sa mga mata nito.

Ngiting-ngiti siya at gusto niyang pahulaan muna rito kung sino siya pero...

"Kailan tayo aalis para puntahan 'yung lagusan?" malamig na tanong nito na unti-unti namang nagpawala sa mapaglaro niyang ngiti. Para rin iyung isang hindi nakikitang palaso na tumarak nang malalim sa puso niya na naglilikha ng labis na kirot doon.

Inalis na niya ang kamay niya rito at tulalang napatingin dito.

Hinarap naman siya nito at ang lamig-lamig ng tingin nito sa kaniya... hindi katulad noon na hindi maitago sa mga mata nito ang lubos na pagkatuwa sa tuwing umuuwi na siya mula sa pag-alis ng Leibnis.

"S-sa makalawa. Hapon niyon ay maaari na tayong umalis." Pinilit niyang ngumiti kahit na lumulukob na ang isang masasakit na emosyon sa dibdib niya.

Doon naman ay nasidlan na ng tuwa at buhay ang mga mata nito na ilang araw na niyang hindi nakita rito. "Talaga?! Sige, mag-aayos na ako ng gamit ko sa pagtatravel natin." Nagmadali itong pumunta sa malaking tokador ng mga damit nito upang kumuha ng mga gagamitin nito.

Siya naman ay nanonood lamang sa ginagawa nito.

Batid na naman niya na nais na talaga nitong umuwi sa mundo nito ngunit sa inaakto nitong iyon ay masyado nitong ipinaparamdam sa kaniya na ayaw talaga nito sa lugar na iyon... Sa mundo nilang naiiba sa mga ito kaya paano niya pa mahihiling dito sa hinaharap na bumalik ng Sargus?

Napahigpit ang hawak niya sa mga bulaklak sa likuran niya at napatungo lang. Dumilim din ang kaniyang mukha. "Gan'yan mo na ba talaga kanais na umalis na rito?" mahinang tanong niya rito at bakas na bakas doon na nasasaktan siya.

Natigilan naman ito sa ginagawa. "Natural. Hindi naman ako tagarito." walang gatol na sabi nito na lalong nagpakirot sa dibdib niya. Lalo ring napahigpit ang hawak niya sa tangkay ng mga bulaklak sa likuran niya.

Dahan-dahan siyang napahinga nang malalim saka tinungo ang bintana at ibinato sa labas niyon ang hawak niyang mga bulaklak.

Hindi naman inakala ni Queen na may dala pala siyang mga bulaklak.

Hinarap na niya muli ito at nagpaskil ng isang ngiti ngunit malamig naman ang tingin. "Kung iyan ang iyong nais, kahit umaga na sa makalawa tayo umalis upang makarating na kaagad tayo sa lagusan at ika'y makauwi na." Naglakad na siya palabas ng silid nito at malakas na isinara ang pinto niyon.

Naiwan naman si Queen na napako sa kinatatayuan nito at nakatulala. May mga luha na ring kumawala mula sa mga mata nito.

Nang makalayo naman na si Isagani roon ay tumigil na siya sa paglalakad. Madilim pa rin ang kaniyang mukha nang kinuha niya ang lalagyanan ng kwintas at singsing sa loob ng kaniyang mahabang manggas at tinitigan iyon. "Isa akong hangal sa pag-asa na nanaisin niya pang bumalik dito sa Sargus." humigpit ang pagkakahawak niya roon. "Maaari ring hindi niya gusto na rito, kinikilala siya bilang aking mapapangasawa."

Nilingon niya ang direksyon na pinagmulan niya kanina. Ang silid ni Queen at may naglandas na mga luha sa kaniyang magkabilang pisngi.

Pinunasan na lang niya iyon gamit ang likod ng kaniyang kamay at naglakad na paalis doon.

Dalawang araw ang makalipas...

~Queen~

Kakasikat pa lang ng araw ay nasa may arko ng Leibnis na kami nila Gani at Hilva kasama ang iba pang mga servants. Nandito rin si Inang Sreimi at halos lahat din yata ng mga Gisune ng bayang 'to, balak kaming makita bago kami umalis.

May sakbit akong gawa sa color peach silk na drawstring bag at tinatawag nila 'yong Lagan. Nakakaamaze nga 'to dahil kahit ang dami kong damit at iba pang gamit na inilaman dito, hindi 'to mabigat at nagkasya lahat sa loob n'on. Si Hilva ang nagprepare nito para sa'kin at nandito na raw lahat ng gagamitin ko para sa paglalakbay namin ni Gani. Nandito na rin 'yung damit na suot ko noong una akong mapadpad sa mundong 'to.

Lumapit sa'min ni Gani si Inang Sreimi. "Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay Ginoong Gani."

Napatingin naman ako kay Gani na nakatayo lang sa tabi ko. Tumango lang siya sa sinabi ng matandang Gisune at ang seryo-seryoso ng mukha niya. Ni hindi rin siya tumitingin sa'kin na halatang bad mood.

Napatungo na lang ako at napakagat sa ilalim ng labi ko.

Simula nang magtalo kami noong isang gabi sa kwarto ko, hindi na niya ako pinapansin. Hindi na siya pumupunta ng kwarto ko para kamustahin ako at hindi na rin tumatambay sa veranda sa likod ng bahay kung saan alam niya na lagi kong pinagpapalipasan ng oras.

Para na siyang 'yung dating Gani na P.A. ko. Tahimik at estranghero kung umakto.

"Matiwasay rin sana ang iyong pagbalik sa mundo ninyong mga mortal binibining Queen," sabi ni Inang Sreimi kaya napa-angat na ako ng mukha ko.

Ang bait-bait ng ngiti niya sa'kin kaya napangiti na ako. "Salamat po." Hindi nga lang ganoon kalaki ang ngiti ko pero sincere naman. Sobrang bait naman kasi niya sa'kin at para ko na siyang lola.

"Ipagpaumanhin mo nga lamang na wala rito ang aking mga apo upang makita ka muna bago kayo umalis. Hindi ko batid kung saan nagtungo si Zarione at hindi naman maaaring umalis ng bahay si Eirin ngunit ipinapasabi niya na maraming-maraming salamat at hiling niya ang ligtas ninyong paglalakbay."

Napatingin naman sa'kin si Gani na seryoso pa rin at alam kong nagtaka siya kung bakit ako pinasasalamatan nang ganoon ni Eirin.

Sabi kasi sa'kin ni Hilva, hindi na rin ipinabanggit ni Eirin ang nangyari sa kaniya kay Gani dahil ayaw din niyang mag-alala pa ito kaya walang kaalam-alam si Gani sa nangyaring 'yon sa'min habang wala siya rito sa Leibnis.

'Di ko sinalubong ang tingin ni Gani at tumango ako kay Inang Sreimi. "Naiintindihan ko naman po. Pakisabi rin po sa kaniya na salamat at iingatan niya ang katawan niya."

Napangiti naman siya na halatang natouch. "Sana'y hindi ito ang iyong huling maging bisita binibini. Napamahal ka na sa amin kaya umaasa ako na makita ka pang muli sa bayang ito."

Hindi naman ako kaagad nakaimik.

"Tss." pag-ismid ni Gani sa tabi ko. "Mukhang hindi na po mangyayari iyon Inang. Nagmamadali na nga po siyang mag-impake noong isang gabi nang malaman na makakauwi na siya sa kanilang mundo. Halatang hindi niya nagustuhan ang pananatili rito sa ating mundo kaya imposible na nanaisin niya pang bumalik dito." Bad mood na bad mood talaga siya base sa tono niya.

Naguilty naman ako dahil alam ko na naipamukha ko talaga sa kaniya na alis na alis na ako sa lugar na 'to.

Aba! Sino bang may kasalanan? 'Di niya man lang naisip na nahihirapan na akong makasama siya dahil mas lalo lang ako nafo-fall sa kaniya. Saka wala na rin namang way para makabalik pa ako rito kung sakali.

"Nakakalungkot naman ngunit sana ay magbago pa ang iyong isip sa hinaharap binibini," sabi ni Inang Sreimi sa'kin na gusto talaga akong pabalikin dito.

Gusto ko tuloy mapahinga nang malalim.

"Inang, aalis na po kami." pagpapaalam ni Gani sa kaniya na mukhang naiinip na sa pagpapaalam namin sa isa't isa.

Tumango-tango naman siya at doon ay naglakad na si Gani paalis na hindi man lang ako hinihintay.

"H-hoy!" hindi ko inakalang iiwan niya ako rito. "Babye po." Nagmano muna ako kay Inang Sreimi bilang pagpapaalam saka sinundan na si Gani.

"Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay!"

"Paalam!"

"Paalam binibini!" pagpapaalam sa'kin ng ibang mga Gisune.

Nilingon ko naman sila habang naglalakad pa rin ako at nakangiting kumaway sa kanila. Sila Hilva at ibang servants na kasama niya, nakayuko sa direksyon namin hanggang sa hindi ko na sila makita dahil nakalayo na kami.

"Tsk." rinig kong pagpalatak ni Gani kaya napunta sa kaniya ang atensyon ko.

Binilisan niya bigla ang lakad niya kaya lumaki na naman ang distansya namin sa isa't isa.

Magrereklamo na sana ako nang...

"Queen!" tawag sa'kin ng isang pamilyar na boses kaya napalingon ako at napatigil sa paglalakad. Nakarating naman sa harapan ko ang hingal na hingal na si Rio at nasa tunay niyang anyo siya.

Nilingon ko si Gani kung nauna na talaga siya pero tumigil din siya sa paglalakad at nakatingin sa'min.

Ibinalik ko ang tingin ko kay Rio at nakatitig lang siya sa'kin na parang may gustong sabihin.

"Bakit?" tanong ko sa kaniya.

Ilang sandali siyang nakaganoon lang sa'kin nang sumenyas na siya na ilapit ang tenga ko dahil may ibubulong siya. "May sasabihin ako."

Kahit nagtataka pa rin ako, ginawa ko na lang.

"Iwika mong muli. 'Di rin naman siya papayag." bulong niya sa'kin.

Nangunot naman ang noo ko at umayos na ako ng tayo. "Huh? Anong 'di siya papayag?"

Hinawakan niya ang malapit sa dulo ng buhok ko at hinila 'yon nang 'di gaanong malakas pero napareklamo pa rin ako sa gulat.

"Paalam!" sabi niya pagkatapos saka tumakbo na pabalik ng Leibnis.

Napakamot naman ako sa ulo ko sa pananabunot niyang 'yon sa'kin. Hanggang sa huli, hindi niya pa rin ako pinaligtas sa kamalditahan niya. Pero nagtataka pa rin ako ro'n sa binulong niya.

Ano naman kayang ibig sabihin n'ong may hindi papayag?

"Tara na." malamig na yaya sa'kin ni Gani at nangmamadali 'yon. Naglakad na rin ulit siya paalis.

Tch. 'Wag niya naman masyadong ipahalata na excited na siyang pauwiin ako.

Kahit naiinis ako, tumakbo na ako para mahabol siya at naglakad kasabay niya.

~Tagapagsalaysay~

Naglakad na paalis ang mga Gisune sa unahan ng Leibnis nang makalayo na sila Isagani at Queen. Kasama ang mga tagapagsilbi niya ay umalis na rin doon si Sreimi. Si Hilva naman ang natira na lamang doon pati na ang ibang tagapagsilbi ni pinamumunuan niya. Hindi naman aalis ang mga ito hangga't hindi rin siya umaalis doon.

Nakatayo lamang siya roon at nakatanaw sa direksyong tinahak nila Queen kahit na hindi niya na makita ang mga ito roon. "Magiging maayos lamang kaya ang kanilang paglalakbay?" mahina niyang tanong sa sarili at bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha.

Dalawang araw nang hindi nagpapansinan ang dalawa at batid niya na may pinag-awayan ang mga ito na malaki kaya naging malamig na sa isa't isa.

"Ano na kaya ang mangyayari kina Ginoong Gani at binibining Queen?" mahinang kausap ng isa tagapagsilbi sa likuran niya sa mga kasama nito. "Nakatakda na silang maging magkabiyak dito sa ating bayan ngunit babalik na ng mundo niya si binibining Queen."

"Kaya nga. Isa pang bagay ay ang hindi nila pagpapansinan, dalawang araw na. Matagal nang iwas si binibining Queen kay Ginoong Gani at maaaring nasaktan na ang huli sa paglayo na ginagawa nito sa kaniya." pagbibigay opinyon naman ng isa pa.

"Nagsimula lamang naman iyon nang magpaabot ng liham sa akin si binibining Queen para sa Ginoo na nagsasabing magkita sila sa lugar ng mga bulaklak dahil may sasabihin siya. Kinuha iyon ni binibining Rio sa akin dahil siya na raw ang magaabot niyon at simula niyon, naging iwas na ang binibini sa ginoo."

Nakuha ang atensyon niya ng huling sinabi ng isa pang tagapagsilbi kaya hinarap niya ito. "Anong iyong sinabi?"

Namilog naman ang mga mata nito at agad na napayuko. Pati ang iba pa ay napayuko rin agad sa kaniya.

"P-paumanhin po binibining Hilva." takot na sabi ng tagapagsilbing iyon na halatang nakalimutan nito na naroroon siya kaya nabanggit ang mga bagay na iyon.

Tumiim ang tingin niya rito na nakayuko pa rin. "Hindi ang paghingi mo ng tawad ang sagot sa aking tanong." seryosong-seryosong sabi niya. "Ang tungkol sa liham ni binibining Queen ang iyong isalaysay. Ano ang tungkol doon?"

Inangat naman nito nang kaunti ang mukha. "N-nagpaabot po kasi si binibining Queen ng liham para kay Ginoong Gani at aaminin ko pong inusisa ko ang laman niyon. Doon ko po nabatid na nais niyang makipagkita sa lugar ng mga bulaklak dahil may nais siyang sabihin dito ngunit nang ibibigay ko na iyon ay nasalubong ko naman si binibining Rio at sinabing siya na ang mag-aabot niyon sa Ginoo." pagsasalaysay nito.

Nanlaki naman ang mga mata niya.

"Huling tanong ko na Rio at gusto ko na magsabi ka nang totoo. Ikaw ba 'yung Gani na nakipagkita sa'kin doon sa malawak na bulaklakan?"

"Anong sinasabi mo? Hindi ko iyan nababatid."

"S-sigurado ka ba talaga? Hindi ka ba nagsisinungaling?"

"Ni hindi ko nga batid ang iyong tinutukoy kaya paano ako magsisinungaling sa iyo?" naalala niyang narinig niyang pag-uusap nila Queen at Rio isang gabi.

Dadaan lamang siya sana sa likuran ng bahay kung nasaan ang mga ito nang saktong marinig niya ang pag-uusap ng mga itong iyon. May bigla namang kumausap sa kaniyang tagapagsilbi kaya hindi na niya nakita ang sumunod na mga nangyari at umalis na siya roon.

Ngayong nabatid niya na ang tungkol sa liham ni Queen, napagtahi-tahi na niya ang mga nangyari.

Sigurado siyang ang sasabihin ni Queen ay ang tungkol sa pag-ibig nito kay Gani na pansin na pansin naman niya ngunit si Rio ang nakipagkita rito sa anyo ng Ginoo sa lugar ng mga bulaklak. Sa ugali ng paslit na Gisune na iyon ay siguradong masasakit na mga salita ang sinabi nito kay Queen.

Nang magduda naman si Queen nang malaman na ang kakayahan nitong pangongopya ng anyo ay nagsinungaling pa rin ito hanggang sa huli at hindi inamin na siya talaga iyon kaya inaakala pa rin ng dalaga hanggang ngayon na si Gani ang nakausap niya sa lugar ng mga bulaklak.

Nakuyom niya ang mga kamao niya at napatingin muli sa direksyong tinahak nila Gani. Tatakbo na sana siya patungo roon para sundan ang mga ito at sabihin ang totoo kay Queen nang biglang dumaan sa gilid niya ang tumatakbong si Rio na nasa tunay nitong anyo. Patungo ito sa dinaanan nila Isagani at halatang nagmamadali.

Nakatanaw lang siya rito hanggang sa makalayo na ito.

Bakit niya susundan sila Ginoong Gani? tanong niya sa sarili niya. Hindi kaya sasabihin na niya ang totoo kay Queen? Nanlaki pa ang mga mata niya sa natantong iyon.

Doon ay unti-unting nawala ang pag-aalala niya.

Kahit naman ganoon katabil ang dila at kamaldita si Rio, mabuti pa rin naman itong batang Gisune kaya makakaasa siya na sasabihin na nito ang totoo kay Queen. Hindi rin naman nito hahabulin ang dalawa kung wala itong balak na ganoon.

Napahinga na lamang siya nang malalim at naglakad na paalis doon para umuwi na ng bahay nila. Sumunod naman sa kaniya ang ibang mga tagapagsilbi.

~Queen~

Hingal na hingal na ako at pawis na pawis para lang masabayan si Gani sa paglalakad dahil ang bilis niya na para siyang walang kasama. Sa haba ng biyas niya, ang lalaki ng mga hakbang niya tapos para talagang sinasadya niyang bilisan ang paglalakad. Ang init na rin dahil sikat na sikat na ang araw.

"B-bagalan mo naman... sa paglalakad Gani," hinahapo kong sabi sa kaniya habang sinusundan ko pa rin ang pace ng paglalakad niya.

Lumingon naman siya sa'kin na hindi tumitigil. Nulled expression lang siya. "Kailangan nating bilisan upang makauwi ka na kaagad." Tumingin na ulit siya sa unahan.

Alam kong sinasarcastic niya ako kaya medyo nainis ako pero hinabaan ko ang pasensya ko dahil alam kong ako ang dahilan kung bakit siya ganito kabad mood. "Wala ba tayong pwedeng sakyan papunta ro'n? Maglalakad lang ba talaga tayo?"

"Kung may makikita lamang tayong karwahe ay roon na tayo sasabay. Sa ngayon ay maglalakad lamang tayo."

"A-ano?! Pero pagod na ako!" reklamo ko pero mas lalo niyang binilisan ang paglalakad.

Halos manakbo na tuloy ako. "H-hoy Gani! Sabing bagalan mo-Aaahh!" tili ko nang matalapid ako ng isang nakausling bato. Plakdang-plakda tuloy ako sa lupa ngayon.

"Queen!" nag-aalalang tawag niya sa'kin at binalikan ako saka tinulungan akong makaupo. "Ayos ka lamang ba?" Pinagpagan niya pa ang kamay ko na ang dumi-dumi sa lupa.

Pagtingin ko sa tuhod ko, sobrang dumi ng palda ko doon at ang hapdi-hapdi ng balat ko ro'n sa isa. Inangat ko muna ang palda ko ro'n para tingnan 'yon at malaking gasgas na nagdudugo na ang nakita ko.

Naluluha na tuloy ako sa pinaghalo-halong sakit n'on at sobrang inis sa lalaking 'to sa harap ko ngayon na may gawa nito. "Sabi ko naman kasing bagalan mo sa paglalakad eh!" Sinuntok ko pa siya sa balikat niya.

Bakas naman sa mukha niya na nagi-guilty siya sa nangyari sa'kin. "P-patawad Queen..."

Para naman akong bata ngayong umiiyak. Kung hindi pa ako madadapa, hindi pa siya babalik sa dati na may pakialam sa'kin!

"Patawad talaga Queen..." pagsosorry niya ulit at inilapit niya ang mukha niya sa tuhod kong may sugat saka ko naramdaman ang malambot na mga labi niya ro'n.

Nanlaki naman nang sobra ang mga mata ko at itinulak siya palayo kaya napaupo na siya sa lupa. Ramdam na ramdam ko ang pag-akyat ng dugo ko sa mukha at siguradong pulang-pula na ako ngayon. "A-anong ginagawa mo?!" Halikan niya ba naman ang tuhod ko!

Tumayo na siya at nagpagpag ng kamay niyang nadumihan saka ngumiti na katulad nang dati at ang gentle n'on. "Huwag ka nang mag-alala dahil mawawala na iyan. Tingnan mo."

Gaya ng sabi niya, tiningnan ko ang sugat ko at unti-unti na ngang nawala 'yon katulad ng sugat ko noon sa labi na hinalikan niya rin. "Waahhh..." namamangha kong sabi at napatingala ulit sa kaniya.

Inalok niya na sa'kin ang kamay niya para tulungan akong tumayo na rin.

Nakatingin lang ako sa kaniya at parang nawala na 'yung cold war namin na dalawa. Doon ay inabot ko na sa kaniya ang kamay ko at marahan niya akong hinila patayo saka biglang niyakap.

Nanlaki na naman tuloy ang mga mata ko at bumilis ang pagtibok ng puso ko na siya lang talaga ang laging nakakatrigger.

"Patawarin mo ako Queen dahil sa malamig na naging pag-akto ko sa iyo nitong mga nakaraang araw." pagsosorry niya habang ako naman, hindi makahinga hindi dahil sa higpit ng pagkayakap niya kundi dahil wala na kaming pagitan sa isa't isa. "Talagang hindi ko lamang nais-"

May narinig kami na malalakas na yabag ng parang sa mga kabayo kaya napahiwalay na siya sa'kin at napatingin sa pinagmumulan n'on. Napatingin na rin ako ro'n at isang karwahe 'yon na hila-hila ng dalawang kabayo na pinapatakbo ng isang lalaking mid 40's na ang edad. Papadaan na 'yon dito sa direksyon namin.

Nakatingin lang kami ro'n pareho ni Gani at nang padaan na rito ay gumilid kami para hindi kami masagasaan.

Tumigil naman 'yon sa tapat namin saka sumilip sa bintana n'on na may nakalaylay na tela ang isang lalaki na sa tingin ko, mas bata sa'kin ng dalawang taon. Ang mestiso niya rin at ang gwapo-gwapo ng features na parang boy next door ang type na sobrang kakikiligan ng mga babae.

Ngumiti siya sa'min at ang charming sobra ng smile niya. "Kailangan n'yo ba ng masasakyan?" alok niya sa'min.

Nagkatinginan naman kami ni Gani.

"Sandali-Queen?!"

Napabaling ulit ako sa kaniya dahil sa pagtawag niya sa pangalan ko. Bigla siyang bumaba ng karwahe na kailangang pang talunin dahil may kataasan saka lumapit kaagad sa'kin.

Muntik pa nga siyang matalapid sa kulay Scarlett niyang traditional robe. "Queen!" tuwang-tuwang tawag niya ulit sa'kin na halatang kilalang-kilala ako.

Nangunot naman ang noo ko at kahit si Gani, nagtataka rin kung bakit niya ako kilala kaya napatingin ito sa'kin.

"Sino ka?" tanong ko naman sa kaniya.

Ipagpapatuloy...