NAKATAYO si Carmina sa harap ng parihabang salamin habang nakatitig sa kaniyang hourgalss figure na kitang-kita sa suot niyang pulang bestida. Hapit na hapit ang damit sa katawan niya kaya makikita ang malulusog niyang hinaharap, maliit na baywang at may kalakihang puwet.
"Sigurado ka na ba dito sa gagawin mo, Carmina? Paano kung malaman 'to ng nanay mo? Nako! Paniguradong jombags ako!" nag-aalalang tanong ng kaniyang Ninang Betla.
Inikot pa nito ang mga mata habang nagpapaypay gamit ang sariling kamay na akala mo, anumang oras ay bigla na lang mahihimatay.
Isang bugaw ang kaniyang ninang sa isang sikat na bahay aliwan sa kanilang lugar, ang Dos Per Dos Nightclub. Pero kahit pa sabihing ganoon ang uri ng trabaho nito, hindi naman magagawa ng matandang bakla ang ibenta ang sariling inaanak, kahit pa na ubod ng ganda ang babae at tiyak na pipilahan ng mayayamang customer sa kanilang club ay hindi nito magagawa ang bagay na iyon.
Sadyang gipit lang talaga si Carmina, kaya siya na mismo ang lumapit dito.
"Ninang Betla, ano ba? Napag-usapan na natin 'to, 'di ba?" sabi niya nang hindi ito nililingon.
Abala siya sa pagsusuklay ng kaniyang mahaba at itim na buhok na aalon-alon pa sa dulo.
Ngayong gabi, papasok siya sa club at magsasayaw sa harap ng maraming lalaki. Iyon ang alam ng Ninang Betla niya, pero ang totoo, balak niyang humanap ng mayamang parokyano na makapagbibigay sa kaniya ng malaking halaga. Alam niyang mayayamang kliyente lamang ang nakapapasok sa Dos Per Dos night club kaya tiwala siyang masusunod ang plano niya.
Kapag nakahanap siya ng lalaki at nagkasundo sila sa presiyo ay nakahanda siyang ibigay rito ang kaniyang sarili.
Isang gabi kapalit ng malaking pera, isang gabi kapalit ng sarili niya.
Isipin pa lang iyon, pakiramdam ni Carmina ay babaliktad na ang kaniyang sikmura. Ngunit wala naman siyang mapagpipilian. Kaya pilit na lang niyang isinasaksak sa sariling isip na minsan lang niya iyon gagawin. Minsan lang at hindi na mauulit pa.
"Carmina, bigyan mo pa kasi ako ng oras."
Napukaw siya mula sa malalim na pag-iisip nang muling magsalita ang kaniyang Ninang Betla.
"Kaya ko naman lumikom ng gano'ng kalaking halaga, pero—"
"Ninang Betla," putol niya sa sinasabi nito.
Lumingon siya at tinitigan itong mabuti bago nagpakawala ng mabining ngiti. Matanda na ang kaniyang Ninang Betla sa edad nitong limampu't anim, may kahabaan din ang buhok nito na kulay ginto, ngunit dahil sa makapal nitong foundation at iba't ibang makukulay na kolorete sa mukha ay bumata ito ng limang taon sa kaniyang paningin.
"Ang laki na ng itinulong mo sa amin, 'no? Halos ikaw na nga ang tumayong tatay ko. Marami na kaming nabibigay ni Nanay na sakit ng ulo sa 'yo. Ayoko naman na pati ito, iasa pa namin sa 'yo, ninang."
Lumambot naman ang ekspresiyon ng matandang bakla. Tila na-tats ito sa kaniyang sinabi kaya sumilay ang matamis na ngiti mula sa mapupula nitong mga labi.
"Carmina naman, pamilya tayo! Sinu-sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo lang din?"
Ngumiti siya sa matanda dahil sa narinig. Tumango siya rito bago lumapit at yumakap nang mahigpit.
Kahit pa tanggapin niya ang inaalok nitong tulong, imposible pa ring makalikom ito ng halos kalahating milyon sa loob lamang ng tatlong araw.
Kaya kailangan na niya gumawa ng sariling paraan. Kung saan-saan na nga siya napadpad at kung sinu-sino na rin ang kaniyang nalapitan, ngunit ni singkong duling ay wala siyang napala sa mga taong hiningian niya ng tulong.
Minsan nga, naiisip na lang niya na hanapin ang amerikanong nakabuntis sa kaniyang ina, ang tatay niyang walang bayag, para humingi ng tulong dito. Ang problema lang ay hindi niya alam kung paano ito hahanapin.
Ayon sa nanay niya, matapos itong buntisin ng hilaw niyang tatay ay hindi na ito nagpakita pa. Ni pangalan o address nito ay hindi nila alam. Kaya imposible ring mahanap pa niya ito.
Siya naman ay hanggang highschool lang ang natuntong at ni walang alam na ibang trabaho maliban sa mga gawaing bahay. Kaya masakit man para sa kaniya, kailangan niyang sikmurain ang maging laman tiyan ng isang lalaki sa loob ng isang gabi para sa kaniyang ina na ngayon ay nakaratay at nag-aagaw buhay sa ospital.
Lumipas ang mahabang oras, napapalunok siyang tinitigan ang sarili sa harap ng salamin. Halos wala nang maitagong balat sa suot niyang damit.
She was wearing a light blue crop top paired with a black high waisted short. Hindi siya sanay magsuot ng mga ganoong klaseng damit kaya naaasiwa siyang pagmasdan ang sarili sa harap ng salamin.
Ipinahubad ng kaniyang Ninang Betla ang kaninang suot na bestida dahil mas daring daw ang dating nito kaysa sa suot niya ngayon. Nag-aalala itong pagkamalan siyang pokpok sa club na pupuntahan kaya binigyan siya ng ibang maisusuot.
Bumuntong-hininga naman siya bago marahang naglagay ng pulang lipstick sa maninipis niyang mga labi. Kanina lang ay nagmamadaling umalis ang kaniyang Ninang Betla at sa pagbalik nito ay may dala-dala nang mga make up.
Shimmer make up kung tawagin, ito ang istilong ginamit ng kaniyang Ninang Betla sa pagmi-make up sa kaniya. Kaya halos hindi na niya makilala ang sarili. Pakiramdam niya ay nagniningning ang kaniyang mukha sa dami ng kumikintab na koloreteng inilagay nito.
Mabuti sana kung sa mukha lang, pero hindi. Maging hanggang sa kaniyang leeg, balikat, at klabikula o butong kulyar ay nilagyan nito ng napakaraming kumikintab na kolorete.
Muling sumilay ang malungkot na ngiti mula sa kaniyang mga labi. Ngayon lang siya nakapagsuot ng mamahaling damit, ngayon lang din siya nakapaglagay ng make up sa kaniyang mukha.
Dalagang-dalaga na ang hitsura niya sa edad na labing walo, ngunit hindi niya magawang matuwa dahil ngayong gabi, mawawala ang isa sa pinakainiingat-ingatan niya, ang kaniyang puri.
Hindi na lang siya isang dalaga kundi magiging ganap nang babae.
Sa huling pagkakataon ay muli siyang humugot ng malalim na hininga bago muling pinasadahan ng tingin ang sariling repleksiyon sa salamin. Nang ma-satisfied sa nakikita ay tinungo na niya ang pinto ng kanilang bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy. Sinalubong pa siya ng malamig na hangin sa labas dahilan upang makaramdaman siya ng bahagyang panlalamig.
Natuon naman ang kaniyang tingin sa kaniyang Ninang Betla na naghihintay sa kaniya.
"Ninang Betla, tayo na," aniya bago ito nilapitan.
Mabilis na tinapon ng matandang bakla ang hinihithit na sigarilyo at ibinuga palayo ang usok na nasa loob ng bibig nito.
"Ang ganda mo, Carmina! Paniguradong pagpipiyestahan mamaya ng mga lalaki ang beauty mo! Basta, ha? Tandaan mo, pagkatapos mong sumayaw, serve-serve ka lang muna ng juice para sa tips! No touch! Okay?" paalala pa nito bago siya hinawakan sa braso upang alalayan lumakad.
Nakasuot kasi siya ng pulang high heels, ito rin ang unang pagkakataon na nakapagsuot siya ng heels at ganoon pa kataas. Noon kasi ay laging tsinelas ang gamit niya, kung hindi naman ay ang sapatos niyang kupas na ang kulay sa sobrang pagkaluma. Kaya naman, hindi siya sanay lumakad nang diretso at kailangan pa ng makakapitan.
Mabilis ang tibok ng kaniyang puso habang binabagtas nila ang makipot na eskinita patungo sa club na pagsasayawan niya. Bahagya siyang nakatungo dahil hindi niya kayang salubungin ang tingin ng mga kalalakihang nasasalubong nila.
"Huwag kang mag-alala, mayayaman ang mga kliyente namin do'n. Paniguradong malaking tip ang makukuha mo!" mariing bulong ng Ninang Betla niya.
Magkasalubong ang mga kilay ng matandang bakla habang nakatingin sa mga lalaking kung tumitig kay Carmina ay punong-puno ng pagnanasa. Halos hubaran na ng mga ito ang kaniyang inaanak sa uri ng tingin ng mga nito.
Si Carmina naman ay mahigpit ang pagkakakapit sa braso ng kaniyang ninang. Gusto na niyang umatras at tumakbo palayo.
Minsan, gusto na lang niyang iwanan ang lahat at magpakalayo-layo sa lugar na iyon, pero sa tuwing naaalala niya ang kaniyang ina ay nawawala ang lakas ng kaniyang loob. Nanghihina siya't parang inuupos na kandila. Hindi niya kayang baliwalain ito sa oras kung kailan kailangan na kailangan siya nito. Ito na lang at ang kaniyang Ninang Betla ang natitira niyang pamilya. Hindi niya makakayang mawala ang mga ito sa kaniya.
Kahit pa kinakain na ng takot ang kaniyang dibdib, pilit niya itong nilalabanan. Pinatatag niya ang sarili at nilunok na lang ang lahat ng kaniyang pag-aalinlangan.