Chereads / Behind Jessica Morales [TAGALOG] / Chapter 4 - KABANATA 3

Chapter 4 - KABANATA 3

"AKALA ko'y hindi mo na kami dadalawin dito, Kaiser. Magtatampo na talaga ako sa iyo," sabi ni Arnold sa pamangkin.

"Pasensya na po, naging abala lang sa trabaho at alam n'yo naman po kung gaano ka-delikado ang trabaho ko---"

"At ayokong madamay kayo." Pagpuputol ni Arnold sa pamangkin. "Tama na iyang dahilan na iyan. Kung oras na namin ay hindi namin iyon mapipigilan." Dagdag pa nito.

Kasalukuyan ngayong nasa bahay ni Arnold ang binata, magkaharap na nag-uusap sa sala habang umiinom ng kape. Magpapaalam daw ito sa kanya na mawawala ng panandalian dahil sa panibagong misyon nito.

Simula kasi ng mamatay ang mga magulang ni Kaiser ay si Arnold na ang kumopkop sa binata. Patuntong pa lamang si Kaiser no'n sa sekondarya ng mangyari ang aksidente at dahil si Arnold ang malapit sa ama ni Kaiser, siya na ang kumuha ng kustodiya ng bata.

Nag-iisang babae lang ang anak ni Arnold kaya naman laking tuwa nito ng dumating sa buhay nila si Kaiser. Naging totoong kuya at anak ito sa kanila, ngunit ng makatapos ito sa kolehiyo ay nagpasya itong magsarili na ng tahanan dahil na rin sa trabahong kinuha nito.

Isang NBI agent si Kaiser at nagta-trabaho rin ito bilang private guard o personal body guard lalo na sa mga bigating tao. Iyon ang dahilan kaya naman minsan na lamang ito magpakita sa kanila dahil natatakot itong baka sila ang balikan ng mga nakakabangga nito.

"Saan ka niyan ngayon?" Tanong niya ng hindi ito sumagot.

"Sa isang probinsya po, kailangan nila ng serbisyo at iyon ang kinuha ko dahil may ilang kaso rin sa lugar na iyon na hindi mabigyan ng sagot hanggang ngayon."

Napatango-tango si Arnold. "Mukhang buo na ang desisyon mo bago ka pa pumunta dito," puna niya sa pamangkin.

Ngumiti lang si Kaiser. Parang isang batang nahuling pumapapak ng ulam sa kusina.

"Tito, masaya po ako sa trabaho ko dahil may natutulungan ako at isa pa, nagagawa ko ring solusyunan ang mga kaso. Iba rin kasi ang pakiramdam ko sa misyon na ito." Seryosong sabi nito.

Napatitig si Arnold sa pamangkin. Wala naman siyang balak na pigilan ito, malaki na si Kaiser. Hindi lang niya maalis sa sistema niya ang mag-alala rito dahil sa trabaho nito. Nakikita niya tuloy ang kapatid sa katauhan ngayon ng pamangkin.

"Ang sa akin lang naman, 'wag kang mahihiyang humingi ng tulong lalo na kung hindi mo na kontrolado ang sitwasyon. Tandaan mo lagi, mahalaga ka sa amin dahil parang anak ka na namin. Hindi ka namin pipigilan sa gusto mo basta mag-ingat ka, hijo." Halata ang pag-aalala nito sa boses.

Hindi manhid si Kaiser para hindi mahalata ang nais iparating ng kanyang tiyuhin. Sa ilang taon na niya sa serbisyo, alam niyang walang ibang hinangad ito kun 'di ang umuwi siya ng ligtas. Naalala pa niyang inalok siya nito ng trabaho sa kumpanyang hawak nito pero tumanggi siya dahil hindi iyon ang gusto niya.

"Huwag po kayong mag-alala, babalik po ako rito ng ligtas. Malay natin, sa pagbalik ko ay kasama ko na ang mapapang-asawa ko." Pilyong sabi ni Kaiser dahilan para ngumiti rin ang tiyuhin niya.

Pero sa pagbanggit niya no'n ay tila may isang imahe ng babae ang namutawi sa isip niya, si Jessica.

"Ay kung gano'n man ang mangyari e'di mabuti. Nasasabik na rin akong magkaroon ng apo." Pagsakay pa nito sa biro niya.

Nagkatawanan silang mag-tiyuhin. Ilang sandali pa ang itinagal ni Kaiser bago nagpaalam na aalis na dahil iyon din ang araw ng biyahe niya.

Habang nasa biyahe si Kaiser ay bigla na lamang niyang naisip si Jessica. Nasaan na kaya ang dalaga? Matapos kasi ng tagpo nila'y bumalik-balik siya sa lugar kung saan niya ito nakita.

Bigo siyang mahanap ito sa loob ng dalawang buwan kaya naman napagpasyahan na muna niyang tumanggap ng pribadong trabaho para manumbalik siya sa wisyo.

Napahinto siya sa pagmamaneho ng mapansin niyang wala na siya sa siyudad nang sulyapan niya ng tingin ang selpon niya ay tama naman ang ruta niya base sa google map. Muli na niyang pinaandar ang kotse at ilang sandali lang ay nakita niya kaagad ang arko; "Bayan ng Nilyedo" nagpatuloy siyang muli.

Habang papasok siya nang papasok sa loob ay pansin niya ang mga sakahan pati na rin ang mga maliliit na bahay. May ilang bahay na yari na sa bato ngunit ang iba ay sa kawayan pa. Tahimik rin sa lugar at may ilang bahay na magkakalayo ang distansya, tipikal na probinsya. Malayo sa siyudad at walang polusyon na hangin.

.

.

.

.

Isang malaki at mataas na gate ang bumungad kay Kaiser, iyon na marahil ang tahanan ni Mayor Cero. Napansin niya ang dalawang lalaki, mga armado ito ng baril at hawig ang katawan ng mga ito sa bouncer na makikita sa bar.

Bumababa siya sa sasakyan saka lumapit sa dalawa na mabilis naman siyang hinarang.

"Boss mali ka yata ng pinaradahan," sabi ng isang lalaki na may mahabang balbas.

"Ito na ba ang bahay ni Mayor Cero?" Tanong niya sa dalawa.

"Oo, ito nga kaya bawal ka rito." Ang isang lalaki naman ang sumagot sa kanya, medyo hindi malaki ang bultuhan ng pangangatawan nito.

"Pakitawagan si Mayor Cero, sabihin mo na nandito si Kaiser Valan." Utos niya.

"Bakit namin gagawin iyon? Anong kailangan mo?" Tanong sa kanya ng may mahabang balbas.

"Personal body guard niya ako, pakibukas nalang ng gate at ako na ang kakausap sa kanya," sambit niya saka tinalikuran ang dalawa para muling sumakay sa kotse.

Natigilan si Kaiser ng pigilan siya ng lalaking may mahabang balbas.

"Huwag mo akong talikuran habang kinakausap ka." Madiin nitong sabi gaya ng may diin din ang pagpigil nito sa balikat niya.

Napailing siya, ayaw niyang magkaroon ng gulo pero iba ang ugali ng dalawang kaharap.

Mabilis na hinawakan ni Kaiser ang kamay ng lalaki na nakapatong sa balikat niya saka niya iyon pinilipit paikot sa likuran nito. Napansin niyang bumunot ng baril ang kasamahan nito kaya naman mabilis siyang nagtago sa likod ng lalaking nasa harapan niya saka niya mabilis na binunot ang baril nito na nasa tagiliran. Paglabas niya ay itinutok niya iyon sa lalaking hawak niya.

Alam ni Kaiser na hindi siya papuputukan nito dahil gagawin niyang pansalag ang kasamahan nito na ngayon ay nakangiwi dahil sa ginawa niya.

"Kung ako sa iyo, tatawag na ako kay Mayor at sasabihing nandito ako," sabi ni Kaiser sa lalaking may hawak ng baril.

Ilang sandali silang nagsukatan ng tingin bago nito unti-unting binaba ang baril saka tumawag sa radyong nasa kabilang tagiliran nito.

"Makakapasok kana," sambit nito.

Binitawan na ni Kaiser ang lalaking hawak niya na mabilis namang lumayo sa kanya. "Kung kanina n'yo pa iyan ginawa, wala sanang nasaktan." Sabay tingin niya sa lalaking hinihilot-hilot ngayon ang brasong nasaktan. "Alam n'yo na ang mangyayari kapag binangga n'yo ako." Huling sabi pa niya bago ihagis ang baril sa sahig saka na pumasok sa kotse.

Mabilis na binuksan ng dalawa ang gate kaya naman pinaandar na niya ang kotse. Nang tingnan niya ang dalawang lalaki ay bakas ang inis sa mukha ng mga ito.

Kaya pala hindi mahuli-huli iyong nagtatangka sa mayor nila dahil sila mismo mabilis bumahag ang buntot bulong niya sa sarili.

Kaagad na napansin ni Kaiser ang malaking bahay na napalilibutan ng mga halaman. Sementado ang gitnang daanan gayon din ang kaliwa at kanang bahagi na nilaan para sa lalabas at papasok na kotse. Sa gitna ang daan palabas habang kaliwa't-kanan naman ang daanan ng kotseng paparada sa loob.

Pagkatapos ng semento ay puro halaman na ang makikita; mga orchids, bulaklak at iba't-iba pa na hindi niya alam kung ano ang pangalan. Basta maganda at puro bulaklak ang mga iyon na mahahalatang alagang-alaga.

Pagkaparada niya ng kotse ay nilibot niyang muli ng tingin ang paligid. Napakasarap sigurong tumira sa ganitong bahay na halos sakupin na ng hardin ang espasyo. Napangiti siya bigla.

"Kaiser hijo, dito!"

Napabaling ang tingin niya sa lalaking may edad na ngunit halata ang kagwapuhan nito noong panahon pa nito. Ito na marahil ang mayor. Naglakad na siya palapit dito.

"Magandang araw po mayor, ako po si Kaiser Valan." Sabay lahad niya ng kamay na siya namang inabot nito para makapag-kamay sila.

"Magalang ka hijo, hindi ako sanay nagmumukha tuloy akong matanda dahil sa iyo." Nakangiting sabi nito sa kanya.

Hindi niya alam kung ngingiti rin ba siya gayong totoo namang may edad na ang kausap niya. Ano ba ang tingin nito sa sarili? Teen ager?

Napailing siya dahil sa naisip. "Nasanay lang ho ako," pagdadahilan na lamang niya.

"Halika sa loob ng makapag-usap tayo," aya nito.

Sumunod na lamang siya. Sa sala sila nito pumunta. Sa solong upuan ito naupo habang siya ay sa may mahabang upuan.

"Alam mo na siguro kung bakit ka narito hindi ba?" Agad na tanong nito sa kanya.

"Opo, Sir. Nakahanda po ako." Matatag niyang sabi dito.

"Gusto kita hijo, palagay ako na magagawa mo ang trabaho mo." Nakangiting sabi nito.

Tipid siyang ngumiti. "Maraming salamat, mayor."

"Bueno, alam mo na rin na dito ka tutuloy. Maraming silid na maari mong okupahan pero may hihingiin sana akong pabor sa iyo." Nakayukong sabi nito. "Gusto ko sanang malapit sa kwarto namin ng magiging asawa ko ang tutuluyan mong silid."

Napakunot siya ng noo dahil sa huling sinabi nito. Magiging asawa? Napansin niya ang ngiti sa labi ng kausap.

"Oo, magpapakasal palang kami." Sambit nito na tila nabasa kung ano ang nasa isip niya.

"Honey! Honey!" Boses ng isang malambing na babae.

Parehas silang napalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon.

"Nandito ako!" Balik-sigaw ni Renato.

Isang konserbatibong babae ang lumantad sa kanila, nakasuot ito ng round-neck na bestida at hanggang sa taas ng tuhod ang tabas. Bagsak ang unat na unat at itim na itim na buhok nito na aakalain mong wig dahil sa sobrang perpekto no'n. Maputi ito at mahinhin ang kilos na magdadalawang isip ka kung gagawan mo ba ito ng masama dahil hindi nalalayo ang itsura nito sa isang anghel na nagkat'wang tao.

"Jessica, halika rito honey ng maipakilala ko sa iyo ang bago nating body guard." Masayang sabi ni Renato na hindi pansin ang pagkagulat at pananahimik ni Kaiser.

Jessica bulong ni Kaiser

Lumapit naman ang dalaga saka naupo sa tapat niya.

"Kaiser, ito ang sinasabi ko sa iyo na soon to be wife ko, si Jessica." Nasa tonong nagyayabang na sabi ni Renato.

Ngumiti ng pilit si Kaiser na hindi mapalis ang tingin sa dalaga. Iniisip niya kasi ang itsura nito kapag hindi ito nakasuot ng bestida, na kapag hindi ito gano'n ka pormal at hindi niya matatanggap na mali siya dahil ang totoo niyan, sigurado siyang ito na nga si Jessica. Sa kutis at hugis pa lamang ng katawan nito ay hinding-hindi niya iyon makakalimutan.

"Magandang araw Jessica." Pormal niyang sabi dito.

Gusto niyang tumingin ito sa kanyang mga mata. Gusto niyang mabasa sa muhka nito na kilala siya nito pero mali siya, hindi iyon ang napansin niya.

"Sa iyo rin. Honey ano nga ulit ang pangalan niya?" Baling nito kay mayor Cero.

"Kaiser Valan." Napatango-tango ang dalaga. "So, ikaw pala ang bago naming body guard. Sana magawa mo ng maayos ang trabaho mo." Baling nito sa kanya.

"Correction, personal body guard." Tumango naman ang dalaga at hindi na muli pang nagsalita.

"Kaiser, gaya ng sinabi ko gusto kong matulog ka malapit sa kwarto namin ni Jessica para kung sakali mang bumalik at makapasok ang nagtatangka sa buhay ko ay maagap mo kaming matutulungan. Hindi lang pati ako ang kailangan mong bantayan, kun 'di pati na rin si Jessica dahil pwede ring sa kanya ibunton ang galit ng kung sino man 'yon dahil siya ang mapapang-asawa ko." Mahabang paliwanag ni Renato sa kanya.

"Naiintindihan ko, Sir."

"Mabuti naman kung gano'n."

"Honey, mukhang mahalaga ang pinag-uusapan ninyo. Gusto ko sanang magpahinga napagod ata ako sa pagdidilig ng halaman," sabi ni Jessica sa pagitan ng usapan nila.

Napailing si Kaiser. Alam niyang umiiwas lang ito. Siguradong-sigurado siya na ito si Jessica. Ang babaeng pumayag na mag-paangkin sa kanya pero bakit nasa ganito itong sitwasyon?

"Sure honey, magpahinga ka na muna dahil may pag-uusapan pa kami ni Kaiser. Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka." Masuyong sabi ni Renato.

Ngumiti muna ang dalaga bago humalik sa pisngi ni Renato saka na naglakad palayo.

Walang nagawa si Kaiser kun 'di ang sundan na lamang ito ng tingin. Iisang bahay lang naman ang tinutuluyan nila kaya marami pa siyang pagkakataon na makausap ang dalaga. Pakonswelo niya sa sarili.

Bumalik lamang ang atensyon niya kay Mayor Cero ng muli itong magsalita tungkol sa trabaho niya.

-----------------------------------------------

Vote | Comment | Share :)

Copyright ©2015 

by J. O. Arandia ❤

•••••••••••••••••

Visit my accounts:

FB page: J. O. Arandia

Dreame: JO_Arandia

Twitter: JO_Arandia

Related Books

Popular novel hashtag