Chereads / Ang mga Baga ay namatay kasabay ng Kalmadong Tubig / Chapter 1 - Ang Kwento ng Langit at Dagat

Ang mga Baga ay namatay kasabay ng Kalmadong Tubig

🇵🇭Drene_author
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 24.9k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Ang Kwento ng Langit at Dagat

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Sa pagsikat ng araw mula sa may guhit-tagpuan ay agad na bumuka ang mga bulaklak sa kaharian para salubingin ang ika-tatlumpu't araw ng tag-sibol. Sinabayan rin ito nang paglipad ng mga humuhuning hibon pati na rin ang kalampag ng kampana ng simbahan, ginigising ang mga natutulog na mamamayan para masimulan ang araw.

"Magandang umaga, Arzula!" pabulong na bati sa hangin ng bagong gising na Prinsesa mula sa may bintana ng kanyang silid na matatagpuan sa pinakamataas na palapag ng palasyo ng pamilya Klariz kung saan kitang-kita niya ang buong kaharian pati na rin ang bughaw na dagat na nakapalibot dito.

Kitang-kita sa kulay dagat niyang mga mata ang pagmamahal niya sa lupang sinilangan.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Nandirito na raw ang kalesang sinasakyan ng mahal na Prinsipe," bulong ng isa sa kanyang katabi.

"Ilang buwan na lang ay kokoronahan na siya bilang bagong Hari ng Arzula," bulong naman ng isa.

"Hindi na ako makapaghintay!" dagdag na komento ng isa.

"Nakahanap na kaya ang Prinsipe ng isang dalagang karapa't-dapat maging Reyna?" tanong naman ng isa.

"Kung hindi pa? Nandirito ang aking pangalawang anak na isang dalagang may magandang pag-uugali at edukasyon, at handang maging bagong Reyna," pagmamalaki ng isa.

"Hmph! Mas bagay na maging Reyna ang bunso ko!" kontra naman ng isa.

"Hay... Agang-aga ay nababalot na ng mga tsimoso't-tsismosa ang sagradong simbahan," buntong-hiningang puna ni Riki Guerrero na isa sa mga kawal ng palasyo.

"Manahimik ka na lang kung ayaw mong maputulan ng dila. Tandaan mo na mga maharlika ang nasa harap mo," saway ni Fritz sa nakakabatang kapatid na isa ring kawal, "Teka, tapos mo na bang suriin ang kaliwang parte ng simbahan?"

"Wala naman akong napansing kakaiba sa may hardin," matino't seryosong sagot ni Riki.

"Mabuti naman... Wala ring mga kahinahinala sa mga pumasok sa loob ng simbahan. Kapag may masamang nangyari sa mahal na Prinsipe ay tayo ang lagot," sabi ni Fritz.

Napangisi si Riki, "Tama ka diyan, Kuya! Masasayang mga pinaghirapan natin."

"Tara na sa harapan ng simbahan~ Ayon sa mga bubuyo-este sa mga paru-paro sa hardin ay nandidiyan na daw ang kalesa ng mahal na Prinsipe," yaya ni Riki sa kapatid.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Lumapit ang isang kabalyero sa Prinsipe na naghihintay sa loob ng kalesa.

"Mawalang galang kamahalan, tapos nang isagawa ng mga kawal ang pagiinspiksyon sa simbahan. Ligtas na po kayong makakapasok sa loob," wika ni Señor Genaro Oro Aranda na kilala bilang isa sa pinakamalakas at personal na kabalyero ng Prinsipe. Siya rin ang panganay na anak ni Dukesa Aranda na isa sa pinakamaipluwensyang tao sa kaharian.

"Bastos!" inis na inis na sabi ng isang matandang pari nang masilayan ang Prinsipe sa may kalayuan ng simbahan.

"Huwag ninyo na lang pansinin, Padre Ambrosio," mahinahong sabi ng kasamang niyang binata na isang tagapaglingkod sa simbahan.

"Sumakay na po tayo sa kalesa kasi kanina pang naghihintay sa atin ang butihing ginoo," inalis ng binata ang sombrero at kinawayan ang kutsero.

"Anong huwag pansinin!? Isang sagradong lugar ang simbahan at para ito sa lahat kaso naging lugar na ito ng mga mababahong maharlika!" malakas at galit na daing ni Padre Ambrosio kaya hindi mapigilan ng mga napapadaan sa kalsada ang mapalingon sa kanya, at parehong napakamot sa ulo ang binata at kutsero.

"Parang awa na ho, padre, huwag kayong gumawa ng skandalo. Mapapaiyak na naman ang Punong Padre kapag nalaman niya ito," paalala ng binata, pero nagsisi siya na nabanggit ang Punong Padre.

"Isa pa iyang mapagpanggap at lintik na 'yan! Hinahayaan niya ang simbahan maging tuta ng mga---!"

Hindi na natapos ang Padre dahil wala nang nagawa ang binata kung hindi itulak ito papasok sa loob ng kalesa, "Ah! Pasensya na po, Padre. Ayos lang po ba kayo?"

"Magingat ka nga, Honesto! Namamaga na nga ang mga tuhod ko, itutulak mo pa ako!"

"Hindi napo mauulit, Padre," at sumakay na rin sa kalesa ang binata.

Nagpatuloy sa paglalakad papasok ng simbahan ang Prinsipe, at hindi niya pinansin ang mga narinig sa malayo. Sa pagdating niya ay natahimik ang mga nagbubulungang maharlika, agad silang humarap sa kanya at yumuko ng may pagrespeto. Ngumiti siya sa harap nilang lahat at tumungo siya sa may isang bakanteng kapiya sa may unahan ng simbahan na nakasadya para sa pamilya nila, at mag-isa siyang naupo roon. Umupo naman si Señor Genaro may katabing kapiya para roon bantayan ang Prinsipe.

Tahimik siyang tumitig sa altar habang naghihintay at ramdam niya sa kanyang likuran na patuloy pa rin siyang binubulungan ng mga papuri at mga ngiti ng mga maharlika. Subali't hindi niya mapigilang malungkot dahil aalis na naman siya ng kaharian na hindi nakakausap ang kapatid.

"Tila wala man lang nakapansin na may kulang," inis na napansin ni Riki habang nakabantay sa may likurang dulo ng simbahan.

"Alam nila, mas pinili lang nila na huwag pansinin," ani ni Fritz.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Naistorbo ang pagninilay-nilay ng Prinsesa sa may tabi ng bintana nang marinig ang isang katok sa pinto ng kanyang silid. Kagaya na kinagawian ay kilala niya na kung sino ang unang taong kakatok sa pinto niya kaya dali-dali siyang tumakbo para salubingin ito.

"Reika!" masayang salubong ng Prinsesa pagkabukas ng pinto.

"Magan-" bago pa man nakapagsalita si Reika ay parang bata siyang hinila ng Prinsesa papasok ng silid at mabilis na tumungo sa may tukador.

"Anong kayang almusal para sa araw na ito? Hay... Gutom na ako Reika, kaya dalian na natin," nakangiting sabi ng Prinsesa habang nakaupo sa harap ng tukador at hinihintay siyang gawin ang trabaho niya. Inihanda na rin ng Prinsesa ang baro't saya at mga alahas na isusuot niya pati na rin ang mga pampagandang gagamitin.

"Mahal na Prinsesa, ulitin natin," nakangiti sabi ni Reika.

"Sus! 'Wag na! Tayong dalawa lang naman dito sa loob ng silid," nakangiting sagot ng Prinsesa.

"Ayaw mo pang ayusin, ako na nga lang bisita mo araw-araw, kamahalan," nakangiti pa ring sabi ni Reika pero may pagbabanta na sa tono.

"Pagbigyan mo na ako, kahit ngayon lang, at para mas maaga tayong makakain ng almusal," pagpupumilit ng Prinsesa kasi tinatamad ito.

"Madaling pagbati lang 'yon, hindi tayo magtatagal ng sobra," mahigpit na pinisil ni Reika ang kaliwang tainga ng Prinsesa at muli silang bumalik sa may pintuan.

"Uulitin natin," nakangiting sinabi ni Reika at saka biglang isinara ng malakas ang pinto.

'A… aray!' mangiyak-ngiyak na hinimas ng Prinsesa ang nananakit na tainga.

Muling kumatok si Reika, at dahan-dahang binuksan ng Prinsesa ang pinto.

"Magandang Umaga, pangalawang alon ng Arzula, Prinsesa Celestine Klariz," nakayukong bati ng sariling tagapagsilbi ng Prinsesa na si Reika Milano.

Marangal na tumayo si Prinsesa Celestine sa harapan ni Reika, "Binabati rin kita ng isang magandang umaga, binibining Reika."

"Maraming salamat, mahal na Prinsesa," magalang na sabi ni Reika, "Narito ako para ihanda kayo ngayong araw na ito."

"Kung gayon ay pinahihintulutan na kitang pumasok sa aking silid, binibining Reika," wika ng Prinsesa at sinunod ito ni Reika.

"Hay! Kailangan ba natin gawin ito araw-araw... Nauumay na ako sa pagmumukha mo," reklamo ni Prinsesa Celestine nang maisara ni Reika ang pinto.

"Kamahalan, magpasalamat ka na lang kasi may nakakaisip pang dumalaw sa'yo," nginitian siya niya at naiwang walang maibanat na mga salita.

"Tara na, kamahalan. Ayusan na kita kasi kanina pa po ikaw hinihintay ng mahal ng Prinsipe," at tumungo si Reika sa may banyo para ihanda ang pagliliguan ng Prinsesa.

Napatigil ang Prinsesa, "Teka! Araw ba ng Linggo ngayon?"

Tahimik na tumango si Reika.

"Wala ng kailangan ipagmadali, Reika. Pakisabi na lang kay Kuya na hindi na muli ako sasabay sa kanya," at dumeretso siya sa banyo habang hinuhubad ang suot damit.

"Tutal wala namang may gusto sa akin doon, sa may tuklong na lang ako magsisimba," dagdag niya bago malakas na lumulob sa may paliguan.

"Masusunod, mahal na Prinsesa," tugon ni Reika na muntik ng mabasa habang naglalagay ng mga pampabango at sabon sa tubig, mabuti na lang at kaagad niyang nagamit ang kakaunting mahika para pigilan yung tilabsik at ibalik ito sa paliguan. Pero ang ikinainis niya ay ang mga tubal na kinalat ng Prinsesa sa sahig.

'Bakit pa kasama 'yang bubwit na 'yan?'

'Ang dugo niyang may bahid ng dumi.'

'Balita ko ay hindi pa siya nabibinyagan.'

'Walang karapatan mabinyagan ang isang kasalanan.'

'Wala siyang karapatan sa titulo.'

'Mabuti pa ang Prinsipe...'

Hindi mapigilan ng Prinsesa malungkot nang muli na namang marinig ang bulong ng nakaraan.

"Pero sigurado ba kayo sa desisyon ninyo, kamahalan?" pahabol na tanong ni Reika habang dinadampot ang tubal niya sa sahig.

"Oo naman, bakit? May problema ba?" napapaisip na tanong ng Prinsesa.

"Ito na po kasi ulit ang huling araw na makakasama ninyo ang Prinsipe bago siya muling maglayag tungo sa Darillo, at tiyak na matatagalan bago siya makakabalik," paalala sa kanya ni Reika.

"Naiintindihan ko naman na si Kuya ang susunod na hari kaya sa pag-uwi niya sa Arzula ay tambak siya sa maraming gawain, at ginagawa ko ang lahat para hindi siya maabala… Pero Reika paunahin mo pa rin si Kuya kasi may balak ako."

"Siguraduhin mo na wala kang kalokohang binabalak, kamahalan," nakangiting sabi ni Reika na may pagbabanta sa tono.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Nawa'y patuloy na pagpalain at gabayan ng Inang Fantasia ang unang alon ng Arzula, Prinsipe Clark Kristian Klariz, sa kanyang pamumuno sa Arzula, na ating lugar na sinilangan," inihayag ng Punong Padre sa lahat ang basbas niya kay Prinsipe Clark na nakaluhod sa may tapat ng gitna ng altar.

Lumapit naman ang Punong Madre para pahiran ng sagradong abo sa noo ang Prinsipe at saka nag-iwan ng kanyang basbas, "Inang Fantasia, patuloy ninyo pong protektahan ang mahal na Prinsipe."

"Maraming salamat, Inang Fantasia! Patuloy ninyong pong biyayaan ang aming kaharian," pagpapahayag ng Prinsipe sa kanyang mataimtim na pasasalamat.

"Kahit saan talagang anggulo ang gwapo ni Kuya. Ang tangkad niya rin sa malayo," bulong na puri ng Prinsesa sa kapatid habang nagtatago sa ilalim ng isang puting belo.

Taas-kilay na lumingon si Riki sa katabi at handa na itong kwestyunin ang narinig, kaso, "Mahal na Prin-"

"Shhhhh!!!" mabilis na tinakpan ni Prinsesa Celestine ang bibig ni Riki para maiwasan ang biglaan atensyon.

"Pasenya na," dahan-dahang bulong ni Riki, "Teka, mag-isa lang po kayo, kamahalan? Magagalit po si Reika kapag mag-isa ka lang lumabas ng palasyo. Alam ninyo naman po na halimaw 'yon kapag galit."

Umiling ang Prinsesa, "Nasa tabi mo siya."

"Halimaw pala ha," nakangiting bati ni Reika kay Riki.

'Inang Fantasia, kuhanin ninyo na po ang kaluluwa ko!' mangiyak-ngiyak niyang hiniling sa itaas.

Ito ang Fantasia, isang mundong malapit na dating magwakas nguni't dahil sa enerhiya na tinatawag na 'mahika' ay muli itong bumangon. Ngayon ay isa na itong mundong punong-puno ng mahika. Lahat ng buhay ay nanggaling dito, kung walang mahika, walang buhay.

May limang lahi ang namumuhay sa mundong ito para protektahan at balansehin ang mahika ng Fantasia, ito ay ang lahi ng mga Tao, mga Salamangkero, mga Diwata, at mga Sirena. Kakaiba ang mga tao dahil wala silang kakayanang manipulahin ang mahika, at tanging baterya lang ito ng mga katawan nila.

Pero noong nasa oras muli ng kadiliman ang Fantasia dahil sa kabayanihang ipinakita ng isang grupo ng mga tao ay biniyayaan sila ng Inang Fantasia ng kakayanang magmanipula ng isa sa limang pangunahing elemento ng mahika, ang apoy, tubig, hangin, lupa, at kuryente, gamit lang ang puso at isipan nila na hindi ginagamitan ng kahit anong ritwal o orasyon. Subali't ang lakas at kakayanan ng isa ay nakabatay pa rin sa mana na tinataglay nila.

Ang Arzula ay isang maliit na isla na nagsisilbing puso ng rehiyon ng Komors, ang teritoryo ng mga Tao, dahil sa matatagpuan ito sa gitna na napapaligiran pa ng apat na malalaking kaharian.

Ang Arzula ay lupang sinilangan ng mga taong may kakayanang magmanipula ng tubig, at natatangi sila sa iba dahil sa kulay bughaw nilang mga mata at mga buhok na nagkakaiba lang sa tingkad.

Anim na taon na rin ang nakalipas nang pumanaw ang mga dating pinuno nito na sina Haring Caymond Keith Klariz at Reyna Maria Allucia Klariz kaya naiwan ang lahat ng responsibilidad sa labintatlong taong gulang nilang panganay na si Prinsipe Clark. Ilang buwan na lang ay dadating na ang pinakahihintay ng lahat ang kaarawan ng Prinsipe kung saan tutungtong na siya tamang gulang, at siya na ang kokoronahang bagong Hari ng Arzula.

"Mukhang hindi na naman dumating ang hampas lupa," katatapos lang ng misa ay agad ng humugot ng bulong ang isa.

"Hayaan mo na, konting panahon na lang ay aalis na yung sabit na 'yon," dagdag ng isa.

"Wala namang naiambag sa kaharian natin 'yon. Tingnan mo ang Prinsipe! Siya na ang gumawa ng lahat," pagkukumpara ng isa.

"Sadyang kahanga-hanga talaga si Prinsipe Clark!" pagbibigay puri ng isa.

"Balita ko, hindi rin pabor ang mga mamamayan ng kaharian ng Darillo sa naging kasunduan ni Prinsipe Emil isang basura. Napilitan lang silang tanggapin dahil sa alyansa natin sa kanila," panibagong dagdag ng isa.

"Iba na lang ang hanapin ni Prinsipe Emil na magiging Reyna ng kaharian nila. Sayang lang kapag siya ang pinili."

'Huhuhuhuhu! Grabe nakakaiyak naman... Hindi pala nila ako nakalimutan... Huwag ninyo na idamay si Emil! Ako na lang pag-usapan nyo!' sa halip na ikalungkot ang mga naririnig ay pinagkatuwaan na lang ito ng Prinsesa.

"Ang daming mga bubuyog-este... santong kabayo-este... Alam ninyo ba gutom na ako!" bulong na parinig ni Riki.

Mahinang napatawa sina Prinsesa Celestine at Reika sa inakto niya.

Sino nga ba ang pangalawang alon ng Arzula? Wala lang siya para sa mga kanila kasi maskumikinang ang panganay na may purong dugo ng Klariz.

Nabuo sa isang pagkakamali. Kahit kitang-kita na namana ng Prinsesa sa Ama ang kulay dagat na mga mata at buhok para sa kanila ay hindi pa rin siya parte ng mga Klariz.

Isang karaniwang babaeng na dating tagapagsilbi sa palasyo ay walang kahiya-hiyang nilinlang ang dating Hari, at nagbunga ito ng isang malaking pagkakamali at kasalanan na muntik na ikasira ng pamilya Klariz. Nang dahil sa awa ay napagbigyan ang babae na isilang ang bata, nguni't pakatapos niyang iluwal ang sanggol ay agad rin siyang binawian ng buhay.

Sa kabila ng lahat ng sakit ay pinatawad ni Reyna Allucia ang asawa at mainit na tinanggap ang inosenteng sanggol. Napagpasyahan muna nila na ilihim sa lahat ang tungkol sa sanggol para maiiwas sa gulo ang mga bata, pero sabi nga nila walang sikreto na hindi nabubunyag. Matapos ang pitong taon ay nalaman rin ng lahat ang tungkol sa batang Prinsesa. Hindi ikinatuwa ng mga maharlika ang pagkabuhay ng bata dahil sa may bahid ng dumi ang dugo nito, subali't naging positibo naman ang naging opinyon ng mga karaniwang mamamayan dahil sa paniniwalang matutulungan ng Prinsesa na pabutihin ang mga buhay nila.

"'Wag kang mag-alala… Kakain tayo ngayon ng masarap," sabik na sinabi ng Prinsesa, at parang bata naman na ikinatuwa ito ni Riki.

"Magpapaalam lang ako kay Kuya," at pinagmamasdan niya ang kapatid sa malayo. Matagal na siyang sanay sa mga pula ng mga maharlika sa paligid niya basta ang alam niya ay hindi siya kinamumuhian ng pamilya niya.

'Inang Fantasia, protektahan ninyo si Kuya sa pupuntahan niyang digmaan...' tahimik na hiling ng Prinsesa.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°