Chereads / Ang mga Baga ay namatay kasabay ng Kalmadong Tubig / Chapter 4 - Kapangyarihan at Titulo II

Chapter 4 - Kapangyarihan at Titulo II

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Dahan-dahang sinuklayan ni Reika ang mahabang buhok ni Prinsesa Celestine bago niya ito tinirintasan at pinalamutihan ng mga ornamenteng hugis sampaguita. Bumagay ito sa napili nilang magiging kasuotan ng Prinsesa, isang kulay puting barong na binalutan ng isang madilim na berdeng alampay na kakulay ng suot niyang saya at isang magandang binurdahang tapis, at para sa pagtatapos ay nilapatan ni Reika ang mukha ng Prinsesa ng simpleng kolorete.

"Tapos ko na po kayong ayusan, kamahalan. May gusto pa po ba kayong baguhin?" nakangiting tanong ni Reika.

Pinagmasdan ni Prinsesa Celestine ang sarili sa harap ng salamin ng tukador. Muli na naman siyang nabighani sa sarili, alam na alam talaga ni Reika kung paano palalabasin ang ganda niya.

"Ako ba 'to?" tanong ng Prinsesa habang nakahawak sa salamin.

"Opo, kamahalan," mahinhing natawa si Reika.

Ngumiti ng malaki ang Prinsesa at saka tumayo sa kinauupuan, "Tara na!"

"Saglit lang po, kamahalan! Huwag ninyo pong kalimutan ang pamaypay at bakya ninyo," paalala ni Reika sa Prinsesa na dirediretso palabas ng pinto.

"Oo nga pala… Hehehe…"

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Hay…! Ang tagal naman ng mahal na Prinsesa at ni binibining Reika… Gutom na ako…" naiinip na reklamo ni Riki habang nakayumukyok sa tabi ng naghihintay na kalesa.

"Palagi na lang pagkain ang nasa isip mo, ginoong Riki," komento ng kutsero habang sinusuklayan ang alagang kabayo.

"Opo, at iyon rin ang nilalaman ng puso ko," pagmamalaki niya.

"Umayos ka nga ng tayo!" suway ni Fritz at sinipa niya ang binti ng kapatid.

"Aray! Oo na…! Tatayo na…! KUYA!" padabog na sabi ni Riki.

"Ang kulit ninyo… Bigla kong naaalala ang dalawa kong anak na lalake sa inyo," malungkot na sabi ng matandang kutsero.

"Hindi ko siya kapatid," seryosong sabi ni Riki, at agad naman siyang kinutusan ni Fritz.

Natawa ang matanda sa ginagawa ng dalawa at tahimik na bumulong, "Sana buhay pa sila…"

Napalingon si Riki at hindi niya sinasadyang marinig ang bagay na iyon, 'Nang dahil sa digmaan… Ang daming nawala…'

"Oh! Mukhang natatapos na ang paghihintay mo ginoong Riki dahil natatanaw ko na sila sa malayo," nakaturong sabi ng kutsero.

Ngumiti si Riki at masayang kumaway sa kanila na parang isang bata. Natuwa ang Prinsesa sa enerhiyang ipinapakita niya at napakaway siya pabalik.

"Magandang umaga, pangalawang alon ng Arzula, Prinsesa Celestine Klariz," nakayukong bati nina Riki, Fritz, at ng matandang kutsero upang magbigay galang sa kamahalan.

"Magandang umaga rin sa inyong lahat," bati pabalik ng Prinsesa.

Inabot nina Riki at Fritz ang kamay nila sa harapan niya para alalayaan siya sa pagsakay sa kalesa.

"Maraming salamat," at mahigpit niya hinawakan ang kamay nila.

Sunod na pumasok si Reika sa loob ng kalesa at tinabihan niya ang Prinsesa. Nang makaupo sila ng maayos ay sinumulan na rin pagalawin ng kutsero ang kalesa patungo sa pampublikong silid-aklatan. Sumakay na rin sina Riki sa kanilang sariling mga kabayo at sinundan ang likuran ng kalesa.

Mula sa may isang bintana sa palasyo ay pinagmasdan ni Duke Juenes ang paglabas ng karuwahe ng Prinsesa.

"Kamusta ang kabilang panig?" tanong ng Duke sa asawa.

Nginitian siya niya, "Marami ang tumugon na dadalo sila sa pagpupulong at halatang umaasa sila sa Prinsesa, pero mukhang madidismaya lang sila."

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

'Aking minamahal na Ama, muli akong babati ng kamusta…'

'Pang ika-apat na pu't isang liham ko na ito sa iyo at alam ko namang binabasa mo itong lahat…'

'Matalino… mapanuri… at marangal…'

'Isa ka sa mga taong tinitingalaan ko…'

'Kaya umaasa ako na gagawin mo ang responsibilidad mo bilang isang Konde at mamamayan ng Arzula…'

'Sobra akong umaasa sa pagpupulong na ito…'

'- Marsela'

Matapos niyang mabasa ang sulat ay kaagad niya itong muling ibinalik sa sobre at itinabi sa ibabaw ng mesa kasama ng mga una pang pinadalang sulat. Napabuntong hininga siya nang malakas. Mukhang napilitan siyang dumalo sa magiging pagpupulong. Hinihiling niya na hindi maging balewala ang pagpunta niya roon. Mahigit siyam na taon na rin ang nakalipas nang muli siyang makadalo ng pagpupulong sa palasyo.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

'Ang ingay…' inis na reklamo ng Prinsesa habang itinatala ang mga impormasyong nahahanap niya gamit ang isang pluma at papel.

'Ang sarap magputol ng dila…' masigasig na naisip ni Reika habang nagbabasa ng librong hawak niya.

'Ramdam ninyo ba 'yon!? Yung masamang titig ng katiwala ng silid aklatan!?' takot na tanong ni Riki gamit ang kanyang isipan habang nakatayo malapit sa may mesa ginagamit ng dalawa.

'Oo! Ramdam na ramdam ko na gusto niya na talaga tayong palayasin kasi ako ang dahilan ng ingay sa tahimik na pampublikong silid-aklatan…' tugon ng Prinsesa gamit ang kanyang isipan.

Pero pinilit nilang tatlo na hindi na lang pansinin ang titig ng katiwala at ang bulungan ng mga maharlika tungkol sa Prinsesa. Itinuon na lang nila ang pansin sa dahilan nang pagpunta nila rito. Nagpapasalamat ang Prinsesa kasi may nakita sila ni Reika na apat na libro na itinatalakay ang kultura at pamumuhay ng iba pang mga lahi. Sobrang luma nang apat na libro kaya maingat nila itong hinahawakan.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Isinara ng Prinsesa ang huling librong hawak niya at saka nag-inat. Lumipas ang ilang oras ay natapos rin sila sa isinasagawang pagsasaliksik at marami silang natutunan tungkol sa mga kapit-bahay nila. Kinuha ni Reika ang libro sa kanya at siya na ang magbabalik nito sa pinagkuhanan nila.

"Salamat Reika," bulong niya, at tumango naman si Reika sa kanya.

Napasilip ang Prinsesa sa orasan ng silid-aklatan, 'Alas dos na pala ng hapon… Mukhang hindi ko napansin…'

Napatigil siya nang malakas na kumalam ang tiyan ni Riki. Bakas sa mukha niya ang pagtitiis ng gutom. Pero mas nagulat ang Prinsesa nang sagutin rin ng tiyan niya ang sigaw ng tiyan ni Riki.

'Hindi pa nga pala kami nakakapag-tanghalian…' biglang naalala ng Prinsesa.

Sa halip na mapahiya ang dalawa sa mga kasama nila ay nakaramdam sila ng takot dahil sa sindak na tingin ng katiwala na naiinis sa ingay ng mga sikmura nila. Kaya sa pagbabalik ni Reika ay kaagad hinila nila ito palabas ng silid-aklatan.

"Kain na tayo, mahal na Prinsesa," paos at hinang-hinang sabi ni Riki nang makalabas sila ng silid-aklatan.

"Tara na kay na Aling Teresita?" yaya ng Prinsesa, at bigla namang naganahan si Riki.

Mabilis na pinagbuksan ni Riki ng payong si Prinsesa Celestine para protektahan ito sa init ng araw. Sabay silang naglakad tungo sa direksyon nina Fritz na naghihintay sa may tapat nila.

"Gusto kong pumasok ng silid-aklatan," narinig ng Prinsesa na hiling ng isang maliit na batang nakasalubong nila malapit sa labas ng silid-aklatan.

"Huwag ka nang maghangad kasi hindi ka naman maharlika," walang pag-asang sinabi ng kasama niya, "Tara na sa palengke kasi kanina pa hinihintay ni Nanay itong mga ititinda niya."

Hindi mapigilan ng Prinsesa palagpasin ang mga narinig at muli niyang natandaan ang araw na iyon.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Pasensya na, Celestine. Hindi pwedeng mangyari ang bagay na ito," malungkot na sinabi ni Prinsipe Clark at itinulak niya palayo sa mesa ang dokumentong ibinigay ng Prinsesa.

"Pero-," bago pa niya naipaglaban ang panig ay pinutol na siya ng Prinsipe.

"Walang masyadong pakinabang ang mga maharlika sa patakarang nais mong ipatupad. Huwag mo sanang kalimutan na sila ang pangunahing taga-suporta ng kaharian," punto ng Prinsipe.

"Hindi naman ata tama iyon…" saad niya.

"Tama ang iyong kapatid, mahal na Prinsesa. Ang mga maharlika ang dahilan kung bakit nananatiling matatag ang Arzula. Sa amin halos nanggagaling ang yaman ng kahariang ito," sabat ni Duke Juenes sa usapan.

Napangisi ang Prinsesa, "Ang makasarili ninyo naman… O natatakot kayong dumating ang panahon na hindi ninyo na sila mauutakan…"

"Celestine!" malakas na napapukpok sa mesa ang Prinsipe dahil sa inakto ng kapatid.

Napayuko sa sahig ang Prinsesa, "Aalis na ako."

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Mahal na Prinsesa, ayos lang po kayo?" tanong ni Reika nang mapatigil siya sa paglalakad.

"Gutom lang siguro," tumatawa niyang sagot, at nakita niya na napalingon rin si Reika doon sa mga bata.

"Hanggang ngayon gusto ko pa rin magkatotoo yung pinapangarap natin na edukasyon para sa lahat," muli niyang sabi bago dumeretso papasok ng kalesa.

Malungkot na ngumiti si Reika, 'Sana mabago ko ang isipan niya para sa'yo, Prinsesa Celestine…'

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Umiiyak ka na naman ba, kamahalan?" tanong ni Reika habang sinisilip ang nagtatagong Prinsesa sa ilalim ng isang lumang balon sa may likuran ng palasyo.

Agad na pinunasan ng Prinsesa ang mga luha niya, "Anong umiiyak? Nagpupunas lang ako ng pawis."

"Tatlong taon na po akong naninilbihan sa inyo, kamahalan, at alam ko ang dahilan ng pagpunta ninyo rito," paalala ni Reika sa kanya.

"Hindi ko pa ba nasabi sa'yo na masarap rin magpahangin dito?" seryosong sabi ng Prinsesa habang pinapaypayan ang sarili gamit ang kamay.

'Ang kulit rin ng batang 'to…!' inis na naisip ni Reika.

"Alikabok at dumi lang ang nandidiyan sa baba, kamahalan," napabuntong hininga si Reika dahil hindi na siya pansinin ng Prinsesa. Wala siyang nagawa kung di bumaba ng balon, 'Hay... Mahirap maglaba...'

"Reika, wala akong magawa…" sabi ng Prinsesa na nakaubob sa kanyang mga tuhod, "Binigo ko 'yung mga taong umaasa sa akin… Natatakot akong humarap sa kanila… Kamumuhian na rin nila ako…"

Hindi alam ni Reika ang sasabihin niya. Napasandal siya sa pader ng balon at pinagmasdan ang malayong liwanag sa tuktok ng balon.

Natahimik silang dalawa.

"Sa tingin ko hindi sila magagalit," pagbabasag ni Reika sa katahimikan, "Kagaya ko nakita nila kung paano ibinigay ng Prinsesa ang lahat maipaglaban lang ang karapatan nila sa edukasyon."

"Sumusuko ka na ba agad?" seryoso niyang tanong sa Prinsesa, "Hindi ako naniniwala kasi matatag ang Prinsesa… Simula pa lang ito ng lahat… Marami pang pwedeng mangyari sa hinaharap… Malay mo mabago mo ang isip nila…"

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Mahal na Prin-"

"Shhh!!!" saway ng Prinsesa kay Honesto na nagulat sa pagdating nila sa karinderya ng kanyang ina kaso huli na ang lahat kasi nalaman na nila ang pagdating niya.

"Magandang hapon, pangalwang alon ng Arzula, Prinsesa Celestine Klariz," nakayukong pagbati ng mga suki sa loob ng karinderya.

"Shhh! Shhhh! Shhhh! Hinaan ninyo ang mga boses ninyo! Ayoko ng masyadong atensyon! Hindi ba sabi ko rin na 'wag ninyo akong tawaging Prinsesa kapag nandirito ako!" sabi ng Prinsesa sa kanila.

"Ano ka ba, kamahalan? Nirerespeto ka namin kaya dapat lang na batiin ka namin," sabi ng isa sa kanila at sumang-ayon naman yung iba.

"Celestine nga sabi!!!" pilit ng Prinsesa.

"Sundin ninyo ang Prinsesa o puputulan ko kayo ng dila!" pananakot ni Riki.

"Isa ka pa," komento ni Reika, at tahimik na tumango si Fritz.

"Ate Celestine!" nagtakbuhan yung mga bata papunta sa Prinsesa para yakapin siya.

"Ang tagal mong hindi pumupunta rito! Akala namin nalimutan mo na kami!" takot na sabi ni Lala at mashinigpitan pa ang yakap sa kanya.

"Pasensya na kung natagalan ang pagbisita ko dito marami akong inaasikaso," palusot ng Prinsesa sa kanila, 'Sa totoo lang naman wala akong ginagawa sa palasyo… Ayaw lang akong palabasin ni Kuya…'

"Makakapagturo ka na ba ulit sa amin Ate Celestine? Masyadong strikto si Padre Ambrosio…" umiiyak na sabi ni Kulit.

"Ahhh…" napakamot siya ng ulo at para makaisip ng sagot, "Di ko pa alam kung matuturuan ko ulit kayo kasi may bagong trabaho na inatas sa akin," sagot niya at totoo na ang bagay na iyon.

"Gusto ninyo ba si Kuya Riki ang magturo sa inyo?" mungkahi niya.

Sabay-sabay na umiling yung mga bata, "Ayaw namin, puro pagkain lang ang alam niya."

"Ayaw ninyo ba noon?" tanong ni Riki, "Si Reika at Pedre Ambrosio kasi ang alam lang manakot."

Gaganti sana si Reika kaso na unahan na siya ni Padre Ambrosio sa pagpingot ng tainga ni Riki.

"Mag-ingat ka, hijo, sa mga sinasabi mo," hudyat ng Padre.

"Padre!" lumapit si Prinsesa Celestine para magmano sa kanya.

"Kamusta ka na, kamahalan?" mahinahong tanong ni Padre Ambrosio.

"Ayos lang naman po ako. Hindi ba sabi ko walang tawagan ng kamahalan kapag nandirito tayo," paalala ng Prinsesa.

"Pasensya, apo," nakangiting sabi ng Padre, at mahigpit siyang niyakap ng Prinsesa.

"Ano bang nangyayaring kaganapan dito? Bakit ang ingay!?" galit na sabi ni Aling Teresita na kakalabas lang galing sa kusina niya.

Nagulat silang lahat ng maglabas siya ng kutsilyo, "Anong ginagawa mo ritong bata ka!? Di ba sabi ko 'wag ka nang pumunta rito!"

Agad na lumapit si Fritz kay Aling Teresita para pigilan siyang manugod.

"Hehehehe… Gutom na kasi ako...," dahilan ng Prinsesa.

"Ang layo-layo ng lugar na ito dito mo pa naisipang dumayo!? Sana sa iba mo na lang piniling kumain! Anong gagawin mo kapag may kumalat na naman tsismis na pumupunta ka sa mga kung ano-anong lugar para mag-inom!? Sinisira mo ang pangalan mo!" nabigla si Aling Teresita nang dumulas bigla sa kamay niya yung kutsilyo. Mabuti na lang sa malayo ito tumalsik pero halos lahat sila atakihin sa puso gawa noon.

"Nay naman! Mag-ingat ka nga!" suway ni Honesto na nakahawak pa rin sa dibdib niya.

"Pasensya na. Tee-hee~" kamot ulong sabi ni Aling Teresita.

"Nay, kakabalik lang ni Ate Celestine, 'wag mo agad siyang palayasin," pakiusap ng bunso anak niya na si Noknok.

Napabuntong hininga si Aling Teresita, at saka lumapit sa Prinsesa para yakapin ito, "Pasensya na, Celestine. Ayoko lang may kumalat ulit na masamang bagay tungkol sa'yo. Mabait kang bata. Ayokong masama palagi ang sinasabi sa'yo ng mga maharlika."

Naistorbo ang pagdra-drama nila dahil sa malakas na pagkalam ng sikmura ng Prinsesa.

"Sabi sa inyo, gutom na ako," natatawa at nahihiyang sabi ng Prinsesa, "Kainan na! Libre ko kayong lahat!"

"Mabuhay ang pagkain!" nangungunang sigaw ni Riki.

Ito ang simple at maliit na karinderya ni Aling Teresita na nasa isang maliit na barangay Aplaya na nasa pagitan ng teritoryo ng Rosario at Santa Ana. Halos buong barangay ay tumatangkilik dito dahil mura at masarap ang mga luto ni Aling Teresita. Tanaw rin sa karinderyang ito ang magandang dalampasigan kaya naging kilalang tambayan rin ito. At ito rin ang lugar na itinuturing na pangalawang tahanan ng Prinsesa.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Lubog na ang araw nang makabalik ang Prinsesa sa palasyo, at hindi niya ikinagulat kung bakit maraming kalesa ang nasa bakuran ng kastilyo.

"Mukhang marami na namang bisita si Dukesa Juenes," puna ni Riki.

"Siguro may ginaganap ulit siya na sasalu-salo," hula ng Prinsesa.

"Luka talaga ang Dukesa! Kung umasta akala mo siya ang Reyna," diretsong panglalait ni Riki.

Gulat na napatitig sina Prinsesa Celestine at Reika sa kanya.

"Ang lakas talaga ng loob mo, Riki. Saludo ako sa'yo!" puri ng Prinsesa habang tinatapik ang balikat nito, "Pero ayokong maputulan ka ng dila."

Natawa si Riki, "Opo, titigil na po ako, kamahalan."

"Mahal na Prinsesa!" tumatakbong tawag ng isang tagapagsilbi papunta sa kanila.

"Halika na!" agad nitong hinablot ang bisig ng Prinsesa, "Pinapatawag po kayo ni Duke Juenes sa silid ng pagpupulong. Kanina pa po nila kayong hinihintay."

"Ah! Teka lang!" pagpipigil ng Prinsesa dahil nasasaktan ito mula sa mahigpit nitong pagkakahawak.

"Hindi mo ba narinig?" tanong ni Reika at biglang tinutukan ni Riki ng espada ang tagapagsilbi.

Napatigil ito sa ginagawa.

"Hindi mo ba narinig ang sinabi ng pangalawang alon ng Arzula na si Prinsesa Celestine Klariz?" muling tanong ni Reika at gumamit ito ng mahika para ikulong ang tagapagsilbi sa isang malaking hugis-bulang tubig, at unti-unti itong nauubusan ng hininga sa loob.

"Tama na, Reika, at ibaba mo na iyan, Riki," utos ni Prinsesa Celestine nang makitang nahihirapan na ang tagapagsilbi.

Mabilis na sinunod ito ng dalawa. Nang makawala ay agad na inubo ng tagapaglingkod ang nalunok na tubig at mabilis na bumawi ng hininga.

"Kaya kong pumunta sa Duke ng hindi ginagamitan ng pwersa," seryoso sabi ng Prinsesa sa tagapagsilbi bago lagpasan ito, "Pero simula ngayong hindi ka na pwedeng umapak sa palasyo."

"Reika at Riki, magpahinga na kayo, gayon din si Fritz. Maraming salamat sa serbisyo ninyong ginawa," nakangiting sabi ng Prinsesa.

"Maraming salamat rin po, kamahalan," nakayukong sabi ng dalawa.

Nang makatalikod at makalayo ang Prinsesa ay tinulungang tumayo nang dalawa yung tagapagsilbi at nilapitan nila ang magkabilang tainga nito.

"Sa susunod kasi piliin mo kung ano yung tama," magkasabay nilang bulong sa kanya.

"Mas magandang piliin yung makapangyarihan… Tingnan na lang natin kung anong mangyayari…" ngumisi siya at dali-daling tumakbo palayo sa dalawa.

"Sandali!" sinubukang siyang habulin ni Reika kaso bigla itong nakaramdam ng hilo.

"Reika!" mabilis siyang sinuportahan ni Riki sa pagtayo.

"Ayos la-"

"Alam kong hindi ka ayos…" nag-aalala siyang tiningnan ni Riki at mabilis niyang pinunasan ang dugong tumutulo sa ilong niya.

"Tsk! Konting tiis na lang malapit na tayong umuwi!"

"Hindi pa tayo pwedeng bumalik kasi hindi ko pa nahahanap ang solusyon," pagpipilit ni Reika.

"Ano ka ba? Iba ang pinunta natin dito?"

Itinulak siya palayo ni Reika at pinilit niyang tumayo mag-isa, "Kaya ko pa!"

Mahigpit na tinikom ni Riki ang mga kamay, "Hindi ko rin kakayanin na mawala ka!"

Natahimik silang dalawa at bigla nilang naalala ang isang mahalagang tao sa buhay nila.

"Oh! Anong nangyari sa inyo?" tanong ni Fritz na kababalik lang galing sa kuwadra. Nanibago siya na matagpuang tahimik yung dalawa.

"Argh! Grabe ang sakit ng paa ko! Nakakapagod maglakad ng malayo!" bugnot na dumating ang isang tao sa palasyo.

Napalingon yung tatlo sa isang pamilyar na boses.

Napangiti ang taong iyon nang makita sila, "Kamusta! Mukhang nagkita ulit tayo mga Lacsamana."

'Konde Simone Lowell Valencia!' hindi maipintang reaksyon nang tatlo.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°