Chereads / Ang mga Baga ay namatay kasabay ng Kalmadong Tubig / Chapter 3 - Kapangyarihan at Titulo I

Chapter 3 - Kapangyarihan at Titulo I

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Grabe talaga ang dedikasyon ng Prinsesa sa pag-aaral," humahangang komento ni Riki habang hawak ang isang tumpok ng mga librong kinuha ng Prinsesa para sa kanyang pangangailangan.

"O baka kaya siya nagsasaliksik kasi wala siyang naintidihan sa'yo, binibining Reika? Hindi ka ata magaling magturo," nakalingong tanong niya kay Reika na nakatayo sa tabi niya.

"Gusto mo ng sapak, ginoo?" nakangiting tanong ni Reika at agad na umiling si Riki.

"Mukhang... kailangan... ko rin... ito...?" kunot noong sabi ng Prinsesa habang binabasa ang titulo ng librong hawak niya.

"Bahala na!" agad niya ibinato ang libro tungo sa direksyon nina Reika para maisama sa koleksyon.

Dahil ipinanganak na maliit ay tumalon si Reika para masalo ang libro sa ere at nakatiaad niya ito ipinatong sa ibabaw ng mga librong hawak ni Riki. Matapos ay muli silang bumalik sa panonood sa Prinsesa na kanina pang umiikot sa silid-aklatan ng palasyo. Napapaisip na lang sila kung para saan ang pagsasaliksik na ginagawa ng kamahalan.

Kukuha pa sana ulit ng libro ang Prinsesa kaso nagtanong muna siya sa sarili kung sapat na ang mga napili niya. Sinilip niya kung gaano na ito karami at kahit malayo ay naramdaman niya ang pagmamakaawa ni Riki. Hindi lang naman yung mga librong kasalukuyang hawak ni Riki ang dadalhin niya sa silid niya na nasa pinakmataas na palapag, kung di pati rin yung lima pang nakahilerang tumpok ng mga libro sa may mesa malapit sa kanila.

'Tama na siguro 'to... Bukas na lang ulit...' sabi niya sa sarili at itinigil na ang paghahanap. Bumababa siya sa hagdang ginamit at nang marating ang huling tatlong baitiang ay tumalon na siya at patakbong pumunta kay na Reika. Nang makalapit siya ay kita niya ang ginhawa sa mukha ni Riki.

"Tara na!" nakangiti niyang sabi at kimuha siya ng isang patas ng mga libro at gayon din si Reika. Ikinatuwa ni Riki ang kanilang boluntaryong pagtulong.

"Bumaba ka ng kaunti," utos ni Reika kay Riki.

"Hmmm...?" walang alinlangan niya ito sinunod at binaluktot niya pababa ang mga tuhod hanggang sa maabot ang tangkad ni Reika.

Inangat ni Reika ang mga librong kinuha niya at ipinatong ito sa ulo ni Riki, "Yung isa mong kamay akin na."

Inilipat ni Riki ang pwersa ng mga librong hawak niya tungo sa iisang kamay at mangiyak-ngiyak na inabot ang kabila. Kinuha ni Reika ang isa pang patas ng mga libro sa mesa at ibinigay sa kanya. Tatlong patas ang naging dala ni Riki, isa sa ulo at isa sa magkabilang kamay, at tig-isang patas naman ang hawak ng Prinsesa at ni Reika.

"Ililibre kita ng pagkain," sabi ng Prinsesa.

"Pangako?" parang bata tanong ni Riki at tumango sa kanya ang Prinsesa.

"Tara na, kamahalan," masigla niyang yaya.

Ngumiti si Prinsesa Celestine at pinangunahan yung dalawa pero bago siya dumeretso ng pintuan ay muli siyang napalingon sa silid-aklatan, at muling bumalik sa kanya ang isang mapait na alaala.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Muling biniyayaan ng Inang Fantasia ang ika-tatlumpu't limaw ng magandang panahon kaya napakagandang magpahinga ngayon sa hardin ng palasyo para itamasa ang sarap ng tag-sibol. Kaya tamang-tama na napagpasyahan ni Dukesa Juenes na mag-tsaa at meryenda ngayon sa ilalim ng puno ng isang narra sa hardin kasama ang mga inimbitahang kaibigan. Wala pang isang araw na nakakaalis ang Prinsipe ay nakapagplano na kaagad ito ng isang kasiyahan sa palasyo.

Totoo na nakasaad sa batas ng Arzula na kapag kailangang umalis ng kaharian ang Hari o ang tagapag-mana ng trono kapag walang nakaupong hari, ay lahat ng awtoridad ay mapupunta sa sunod na tao na may mataas na posisyon. Para sa sitwasyon ng mga kasalukuyang miyembro ng pamilya Klariz, tuwing aalis ang Prinsipe ay sa Prinsesa maiiwan ang pamumuno ng Arzula kaso iba ang nangyari. Dahil sa petisyon ng mga maharlika ay naibigay ang awtoridad kay Duke Juenes, na kapatid ng dating Reyna, at walang nagawa ang Prinsipe kung di sumang-ayon dahil ito ang ikapapayapa ng isipan ng mga mamamayan niya.

"Mukhang nagsusunog ng kilay ang basura para namang may naiintindihan siya!" tuwang-tuwa na panglalait ng isa sa mga bisita ni Dukesa Juenes ng mamataan ang Prinsesa na naglalakad sa may gilid ng hardin.

"Kung hindi ako nagkakamali, ang alam ko ay matagal ng sinukuan ng mga guro niya ang Prinsesa," komento ng isa.

Nagbigay ng isang malungkot na ekspresyon si Dukesa Juenes, "Kung maaari lang huwag natin pag-usapan ang tungkol dito. Naaawa kasi ako para sa pamangkin ko."

"Paumanhin, Doña," agad niyang binawi ang ginawang komento.

"Pero tama talaga ang mga naririnig ninyo," inilabas ng Dukesa ang isang panyo sa pinunasan ang mga namumuong luha, "Mabagal umintindi ang Prinsesa pero napakabuti niyang bata."

"Huwag ka nang magmaang-maangan pa mahal na Dukesa! Hindi mo na kailangang itago ang pagkapasaway ng batang iyan! Naniniwala ako na wala pang isang araw nang makaalis ang Prinsipe ay may kalokohan nang gagawin ang bubwit na 'yan!" bulaslas ng isang markesa.

Patagong napangisi ang Dukesa.

"Tama siya, Dukesa. Natural na siguro sa mga karaniwan na gaya niya ang maging hangal at pilyo," wika naman ng isa.

"Pero kapag kailangan mo ng tulong Dukesa, nandirito lang kami," pagbibigay suporta ng isa.

Napabuntong ang Dukesa, "Pero isa talagang mabait na bata ang Prinsesa..."

"Mukhang wala kaming magagawa sa'yo, Doña... Napakabait masyado ng iyong kaluluwa kaya siguro ikaw ang napili ni Duke Juenes," sumusukong sabi ng isa.

Medyo namula ang mga pisngi ng Dukesa, "Ano ba naman!? Huwag nga kayong ganyan."

"Ilang taon na rin kayong kasal ng Duke at pansin rin namin na hindi uso sa inyong dalawa ang mag-away," puri niya.

"Teka, may napili na bang dalaga ang Prinsipe?" tanong ng isa.

"Hehehehe! Ano ba kayo? Bata pa ang pamangkin ko," tugon ng Dukesa.

"Ano ka ba naman, minamahal na Dukesa!? Sabihin mo na sa amin kung may nalalaman ka?" nakangising tanong ng isa.

"Hay... Bahala kayo diyan," tanging sagot ng Dukesa at saka humigop ng tsaa niya sa hawak na tasa.

"Oo nga pala, nasaan na kaya si Dukesa Aranda? Medyo matagal ang pagdating niya ngayon," lumilingong tanong ng isa.

"Balita nga sa akin ni Doña Ophelia ay isasama niya si Señorita Mahalia," dagdag ng isa.

"Teka!" pumasok ang isang ideya sa isa sa mga bisita, "Huwag mo sabihin sa akin na si Señorita Mahalia ang napili ng Prinsipe!?"

"Eh!?" reaksyon ng lahat maliban kay Dukesa Juenes.

"Iiwan ko sa imahinasyon ninyo ang tungkol diyan," kalmadong komento ng Dukesa.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Gusto ninyong palayasin ko silang lahat, kamahalan?" tanong ni Riki.

Nagulat si Prinsesa Celestine sa tanong ni Riki at muli siyang napalingon sa may hardin. Kanina pa niya naririnig ang halakhakan ng grupo ni Dukesa Juenes at mukhang marami silang pinag-uusapan, pero mas pinili niya hindi ito pansinin. Hindi na rin siya nabibigla tuwing makikita na may salu-salong isinasagawa si Dukesa Juenes sa palasyo na walang pahintulot niya. Kung ang respeto nga ay hindi maibigay, yung simpleng paghingi pa kaya ng permiso magawa?

"Hayaan mo na lang sila, Riki, kapag ginawa mo iyon ay ako pa magmumukhang arogante at maramot kahit na responsibilidad ko ang kaligtasan nila," nakangiting sagot ng Prinsesa.

"Nakakainis! Bakit kasi sobrang haba ng daang nagdudugtong sa silid-aklatan at palasyo!? Ang tagal tuloy natin makarating sa dulo. Tapos nagkataon pang nasa hardin na madadaanan natin itong mga 'to," reklamo ni Riki.

"Kapag nalaman ko lang na ang Prinsesa ang pinagtatawanan nila kakaladkarin ko sila palabas!" banta niya.

"Riki, hugaw kang masyadong maingay," suway ni Reika, "Nakakasiguro ako na aatras ka kasi ayaw mong maputulan ng dila."

"Tama si Reika," pabirong pagsang-ayon ng Prinsesa.

"Bakit? Hindi mo po ako pro-protektahan kapag nangyari iyon, kamahalan," naiiyak na tanong ni Riki.

"Sa pagkakaalam ko trabaho mo iyon," paalala ni Reika.

"Gusto kong protektahan ka rin Riki kaso alam naman natin na wala akong laban sa kanila," tapat na sagot ng Prinsesa.

Hindi ipinahalata ni Riki na naiinis siya sa nakangiting mukha ng Prinsesa pero mabilis itong napansin ni Reika.

"Ayusin mo na lang ang lakad mo, Riki. Kawawa ka kapag biglang nahulog iyang mga libro sa ulo mo," paalala ni Reika.

Tahimik silang nagpatuloy at nang makarating sila sa dulo ay nabigla sila nang makasalubong sa daan si Doña Ophelia Rochelle Aranda, ang isa sa mga pinakamaimpluwensya at makapangyarihang tao sa Arzula. Siya rin ang Dukesa ng Libertad. Nakasunod sa lukuran ni Dukesa Aranda ang isang magandang dalagita, ang pangalawa at bunsong anak nito na si Señorita Mahalia Dalisay Aranda.

Nagkatitigan sila ng Prinsesa at sa bandang huli ang Prinsesa ang nagbigay daan sa mag-ina. Hindi napigilan ng Prinsesa na mapayuko at manginig sa takot sa harap ni Dukesa Aranda. Ramdam na ramdam niya ang galit nito sa kanya.

Kilala ng lahat si Dukesa Aranda bilang matalik na kaibigan ni Reyna Allucia. Alam ng Dukesa kung gaano ito nasaktan nang malaman ang ginawa ng asawa at alam niya rin kung gaano ito kabait para baliwalain ang nangyari, kaya labis-labis ang pagkamuhi nito sa Prinsesa.

"Magandang umaga, pangalawang alon ng Arzula, Prinsesa Celestine Klariz," mahinhing bati ni Señorita Mahalia sa kanya habang nakayuko kaso hindi makakibo ang Prinsesa.

Napangisi ang Señorita at iniwan ang Prinsesa para sundan ang ina.

"Kita ninyo iyon? Hindi man lang pinansin ng basura si Señorita Mahalia!" puna ng isa na nakita ang mga pangyayari sa malayo.

"Oo nga! Nasa sahig ba ang kausap niya!?" dagdag ng isa.

"Bagay talaga sa Señorita na maging Reyna," puri ng isa.

"Ang aga mo naman Dukesa Aranda!" pabirong bati ni Dukesa Juenes nang makalapit ang kaibigan ay agad niya itong binesohan.

"Pasensya na may problema lang akong inasikaso sa Libertad," bigay pumanhin nito.

"Magandan umaga po sa inyong lahat!" nakangiting bati ni Señorita Mahalia.

"Ang galang talaga ng anak mo, Dukesa," pumapalakpak na puri ng isa.

"Halika! Upo ka rito, hija," yaya ng isa.

"Maraming salamat po," sabi niya.

Agad na binuksan ni Dukesa Aranda ang pamaypay na dala at lumapit kay Dukesa Juenes para bumulong, "Mukhang abala yung bubwit."

"Huwag kang mag-alala walang magiging epekto iyan sa atin," panigurado niya sa kaibigan at kumuha siya ng bakanteng tasa para salinan ito ng tsaa.

"Mukhang may nalalaman ka na hindi ko alam..." kinuha ni Dukesa Aranda ang tsaang hinanda ng kaibigan.

"Sasabihin ko lahat sa'yo mamaya..." sabik niyang sabi at saka hinigop ang tsaa niya.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Maraming salamat, Riki at Reika," nakangiting sabi ng Prinsesa nang maipatong nila ang mga librong kailangan sa mesa niya sa silid.

"Walang anuman po, kamahalan," nakayukong sabi ng dalawa.

"Maiiwan muna na-" pinutol ng Prinsesa ang pamamaalam ni Reika.

"Manatili ka muna rito, Reika. Nais ko sanang tulungan mo ako sa gagawin ko," utos ng Prinsesa.

"Masusunod po," tugon ni Reika.

"Sige... Babalik na po sa nakatalagang lugar ko kasi baka nalulungkot na si Fritz. Galingan mo, kamahalan! Huwag kang susuko!" suntok sa ere na sabi Riki.

"Salamat, Riki!"

"Huwag ninyo po kakalimutan yung libre ko, kamahalan," paalala niya bago lumabas ng pinto.

'Kapag usapang pagkain talaga...' natawa ang Prinsesa at nagpapasalamat siya na malapit siya kay Riki. Kung hindi niya sila nakilala nina Reika ay baka hindi niya kayanin.

"Paumanhin, kamahalan, pero base sa mga titulo ng mga napili ninyong libro ay walang kinalaman ang matematika rito, kaya para saan po ang mga ito?" tanong ni Reika sa kanya.

Maslumawak pa ang ngiti ng Prinsesa, "May importante akong sikretong sasabihin sa'yo."

"Basta ba wala po ikaw pinaplanong kalokohan, kamahalan," nakangiting pagbabanta ni Reika, at mabilis na umiling ang Prinsesa.

Huminga ng malalim ang Prinsesa at saka binitawan ang lihim, "Matitigil na ang digmaan at lalagdaan na ang isang alyansang magdudugtong sa limang kaharian ng Komors."

Hindi makapaniwala si Reika sa narinig pero alam niyang hindi makakapagsinungaling ang Prinsesa sa bagay na iyon kaya hindi niya napigilang maluha.

"Salamat Inang Fantasia!" masaya niyang pasasalamat sa itaas at hindi niya napigilang yakapin ang kamahalan, "Ganito pala kasarap sa pakiramdam nang mapanatag!"

Hindi mapigilan ng Prinsesa na matawa kay Reika kasi iyon ang unang beses niya na nakita itong umiyak at mawala ang pagkakalma.

"Tama ka! Masarap nga sa pakiramdam, at gaganapin itong lahat sa ika-limampung araw ng tag-sibol at ako ang inatasan ni Kuya sa paghahanda," nasasabik niyang binalita.

Mabilis na pinahiran ni Reika ang mga luha at bumalik muli sa pormal na sarili, "Mabigat na responsibilidad iyan, kamahalan."

Tumango ang Prinsesa, "Oo at ito rin ang pagkakataong maipakita ko ang kakayanan ko sa lahat."

"Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mapagsilbihan kayo, kamahalan!" pursigidong sabi ni Reika, "Para saan po ba ang mga librong ito?"

"Naisip ko kasi bago ang lahat ay maigi muna natin kilalanin ang mga magiging bisita natin para alam natin kung anong ang mga gusto at ayaw nila," aniya.

"Magandang ideya yung naisip ninyo kamahalan."

"Akin yung kalahati ng mga libro at sa'yo naman iyong isa pang hati," nakaturo niyang sabi.

Ngumisi si Reika, "Pabilisang magbasa?"

Ngumisi siya pabalik, "Sabi nga nila ay darating ang araw na masmahihigitan ng estudyante ang guro."

At doon na nagsimula ang mainit na kompetesyon ng dalawa na inabot ng halos anim na oras.

"Walang kwenta," pareho nilang puna nang matapos basahin ang huling librong hawak nila at magkasabay na binato ito palayo.

"Sumakit lang ang leeg ko!" hinimas ng Prinsesa ang nangalay niyang leeg.

"Mukhang sabay lang tayong natapos," tumayo si Reika para mag-inat.

"Nakakainis naman ang mga librong ito! Puro tungkol lang sa digmaan at mga panglalait nila sa ibang kaharian!"

"Tama ka diyan, kamahalan, halatang may pinapanigan ang mga manunulat,"

"Hay! Mukhang kailangan kong pumunta bukas sa pampublikong silid-aklatan. Sana meron doon..."

"Ayaw mo ba na makinig na lang sa mga kwento ko?" nakangiting tanong ni Reika.

"Manahimik ka, mapagpanggap na nilalang!" at gumawa ng isang krus ng proteksyon ang Prinsesa gamit ang kamay niya.

"Pero totoo naman na isa akong manlalakbay na nang galing sa malayong lugar," sabi ni Reika.

"Anong tingin mo sa akin bata!?"

Tumango si Reika.

"Mas bata kang tingnan! Silipin mo nga iyang tangkad mo," turo ng Prinsesa.

"*Oana unayana xana uhujnt xanaat zana aivi janayana!" wika ni Reika sa salita ng mga salamangkero.

"Ayan ka na naman sa mga walang kabuluhan mong mga salita baka palayasin kita sa palasyo ng wala sa oras."

"Wala ka ng matitirang kaibigan, kamahalan," nakangiting paalala ni Reika.

"Tsk!"

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Hmmm... Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit itinatago ni Prinsipe Clark sa atin ang tungkol sa alyansa?" tanong ni Dukesa Aranda sa mag-asawang Juenes na kasalukuyang kasama niya sa isa sa mga balokonahe ng palasyo.

"Maraming mahal ko sa buhay ang kinuha ng digmaan at may natitira pa rin pait sa puso ko, pero kung titingnan natin sa ibang banda ay malaki ang magiging benepisyo ng mga negosyo natin kapag nangyari na ang alyansa kaya anong saysay ng paglilihim nito," masuring paliwanag ng Dukesa.

Tahimik na pinagmamasdan ni Duke Juenes ang paglubog ng araw sa may guhit-tagpuan, at hinintay rin siya ng asawa para sa isang kasagutan.

"Malamang pinagbibiyan niya yung walang kwenta ng isang pagkakataong ipakita ang galing niya," tugon ng Duke at muli niyang naalala ang nangyari noong nakaraang dalawang taon.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

"Magandang umaga, unang alon ng Arzula, Prinsipe Clark Kristian Klariz," magalang ng bati ng Prinsesa.

Bago pa makapagsalita ang Prinsipe ay inunahan na ito ni Duke Juenes, "Anong ginagawa mo rito?"

"Mawalang galang na kapatid, alam kong kasalukuyang marami kang ginagawa pero nais ko sanang ipasa sa'yo ang mga dokumentong ito," ipinatong ng Prinsesa ang isang malaking selyadong sobre na naglalaman ng mga papeles sa ibabaw ng mesa ng Prinsipe.

"Para saan ito, Celestine?" nakangiting tanong ng Prinsipe at pinangunahan niya na magsalita ang Duke.

"Nais ko sanang magsagawa ng isang patakaran na makakatulong sa mga mamamayan natin," seryoso at kumpyansadong sabi ng Prinsesa.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°

Hanggang ngayon ay hindi malimutan ni Duke Juenes ang potensyal na banta ng Prinsesa sa trono lalo na at maraming suporta ito sa mula sa mga karaniwan, at kung malalaman ito ng lahat ay baka gamitin ng mga kalaban nilang maharlika ang Prinsesa.

"Napigilan na natin ito noon, at kaya rin natin itong pigilan ngayon," ngumisi si Dukesa Aranda.

"Tama ka diyan! At nasimulan ko nang kumilos. Maghanda kayo para bukas," sabi ng Duke.

°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°