°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°
"Nakahanda na po ang sasakyang ninyong kalesa, kamahalan," nakayukong sabi ni Fritz nang makalabas ang Prinsipe sa pintuan ng simbahan, nakasunod sa kanya si Señor Genaro na alertong binabantayan ang paligid niya.
Dahil sa ayaw ng Prinsipe na mahuli sa itinakdang oras ng paglalayag ay agad siya na dumeretso sa kinaroroonan ng kalesa, papasok na sana siya sa loob kaso nabigla silang lahat sa mabilisang pagsugod ng isang hindi kilalang tao. Agad namang remuspunde si Señor Genaro sa sitwasyon at tinutukan niya ng riple ang kahinahinalang tao, pero mabilis siyang pinigilan siya ni Fritz gamit ang espada niya.
"Mawalang galang na kapitan, pero hindi ninyo pwedeng saktan ang Prinsesa," binalaan siya ni Fritz.
"Prinsesa?" kunot na noong tanong ni Señor Genaro kay Fritz.
Agad na inalis ni Prinsesa Celestine ang belong suot at ngumiti.
"Celestine!" ikinagalak ng Prinsipe ang supresa niyang pagdating at mabilis niyang niyakap siya.
Ibinaba ni Señor Genaro ang riple at ibinalik rin ni Fritz ang kanyang espada sa loob ng bayna.
Kahit labag sa kalooban ni Señor Genaro ay yumuko pa rin siya sa harap ng Prinsesa para humingi ng tawad, "Paumanhin, Prinsesa Celestine. Hindi ko po agad kayo nakilala, pero sa susunod ay huwag ninyo na uulitin ang ginawa ninyo baka mangyari ang hindi kanais-nais na pangyayari."
Biglang nakonsensya ang Prinsesa sa ginawa niya, "Nagkakamali ka Señor Genaro, ako dapat ang humingi nang paumanhin kasi hindi ko inisip ang ginawa ko, nais ko lang sana supresahin si Kuya."
'Kamahalan, sabi mo wala kang binabalak na kalokohan…' sa kalayuan ay naramdaman ng Prinsesa ang mapagbantang presensya ni Reika.
"Ehem!" nabigla sila sa hindi inaasahang pagdating sa grupo ni Don Nestor Alexid Juenes, ang Duke ng Carmen, ang kabisera ng Arzula. Kilala rin ang Duke bilang nakakatandang kapatid ng yumaong reyna, at siya rin ang napiling kanang kamay ng Prinsipe.
Kagagaling lang rin sa misa ni Duke Juenes kasama ang asawa niya at dali-dali nilang hinabol ang inaanak para makapag-paalam.
"Nasa labas tayo, mahal na Prinsesa, kitang-kita ng marami ang ginawa ninyo, at sobrang nakakahiya. Sa susunod ay umasta po sana kayo sa tama, kamahalan," puna ng Duke at agad na nilagpasan ang Prinsesa para lapitan ang Prinsipe.
"Pasensya na po, Tiyo," paumanhin ng Prinsesa na hindi naman pinansin.
"Kahit na may titulo ka at magara ang kasuotan mo ay hindi pa rin maitatago ang pagiging karaniwan mo," pahabol na bulong Dukesa at agad sinundan ang asawa.
'Sabi na nga ba 'wag kong gawin 'yon… Baliw ka talaga aking sarili…!' sabi ng Prinsesa sa sarili at nakita niya si Reika na tumatango sa malayo, 'Teka! Nababasa mo ba ang aking isipan!?'
"Magandang umaga, mahal na Prinsipe," nakangiting bati ni Duke Juenes sa pamangkin at yumuko silang mag-asawa sa harap niya.
"Magandang umaga rin po, Ninong at Ninang," nakangiting bati pabalik ng Prinsipe, "Ilang ulit ko rin po sasabihin sa inyo na hindi ninyo na po kailangan yumuko sa harapan ko?"
"Ano ka ba inaanak!? Ikaw ang susunod na Hari at dapat bigyan ka namin ng respeto," iginiit ng Duke.
"Pero, masmalaki po ang respeto ko sa inyo kasi kayo po ang tumayong mga magulang ko nang nawala sina Inay at Itay," at kinuha ng Prinsipe ang kamay ng Duke at Dukesa para magmano.
"Teka, mukhang nagmamadali ka ata? Dire-diretso ka na lang lumabas ng simbahan," malumanay na tanong ng Dukesa.
"Ah! Pasensya na po, mukhang nawala sa isip ko ang magpaalam sa inyo. Hinahabol ko po kasi ang oras ng pag-alis ko," nahihiyang sabi ng Prinsipe.
"Ganoon ba? Mukhang naabala ka pa pala namin inaanak," nagsisising sabi ng Dukesa.
"Hindi ninyo po ako naabala! Makakapaghintay ang bagay na iyon. Ako nga po ang dapat mahiya kasi kinalimutan kong magpaalam sa inyo. Isang kabastusan iyon at saka iiwanan ko na naman po sa inyo ang responsibilidad ko sa kaharian," paliwanag ng Prinsipe.
"Hay.... 'Wag mo ng pansinin ang sinabi ng Ninang mo, at saka huwag mo rin masyadong alalahanin ang kaharian kasi aalagaan namin ito ng mabuti. Ang mahalaga ay ingatan mo ang sarili mo sa digmaan," at tinapik ni Duke Juenes ang balikat ng inaanak.
"Maraming salamat talaga, Ninong at Ninang. Pasensya na po talaga sa abala," muling sabi ng Prinsipe.
"Tigilan mo na nga sabi 'yan, pamilya tayo at natural lang talaga na tayo ang magtutulungan," malakas na sabi ng Duke at saka sila nagtawanan.
"Sige po... Aalis na ako. Mag-iingat rin po kayo rito," nagmano siya sa kanila at iniwanan sila ng mainit na yakap.
"Alagaan ninyo rin po ng mabuti si Celestine," pakiusap niya at saka lumingon sa direksyon ng kapatid.
"Huwag kang mag-alala," panigurado ng Duke.
"Hindi namin siya papabayaan," dagdag ng Dukesa.
Kasi nakangiti sila ay ngumiti na lang din ang Prinsesa.
"Tara na, Celestine. Di ba ihahatid mo ako?" biglang yaya ng Prinsipe.
Nagulat ang Prinsesa pero sinakyan niya na lang din, "Ah... Oo, tara na! Magkita na lang po ulit tayo sa palasyo, Tiyo at Tiya."
Pagkatapos magmano ng Prinsesa ay dali-dali siyang sumunod sa Kuya niya sa loob ng kalesa.
"Yung libre kong almusal unti-unting lumalayo..." mangiyak-ngiyak na sabi ni Riki habang pinapagmasadan ang lumalayong kalesa.
Napabuntong hininga si Fritz at Reika, "Mahiya ka nga."
"Ginagawa akong tanga ng batang iyon," bulong ng Duke sa asawa habang kumakaway sa lumalayong kalesa, "Alam ko ang mga plano niya. Mukhang kailangan na rin natin maghanda."
°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°
Isang malakas na buntong hininga ang inilabas ni Prinsipe Clark dahil sa wakas ay malayo na siya sa mga mata ng mga tao. Nag-aalala siyang tiningnan ng Prinsesa na nakaupo sa tabi niya. Kita ng Prinsesa ang bigat ng responsibilidad na dinadala niya.
"Nakakagulat ka naman, bakit ka ba bigla-biglang sumusugod na parang isang asasin?" kwestyon ng Prinsipe sa kapatid.
"Wala lang... Napag-isipan ko lang na bigyan ka ng atake sa puso bago ka umalis," diretso at nakangiting sagot ng Prinsesa.
Napatitig sa kanya ang Prinsipe pero sa kalaunan ay tumawa rin bigla ang dalawa.
"Minsan talaga iniisip ko kung bakit may baliw akong kapatid," ginulo niya ang buhok ng Prinsesa bago halikan ito sa ulo, "Pero salamat dahil nabigyan tayo ng pagkakataong magkasama. Pasensya talaga kung pagkadating ko ay masinuuna ko pa ang trabaho ko."
"Ikaw ang susunod na Hari, malamang naiintindihan ko kung bakit mas kailangan mong unahin ang mga mamamayan ng Arzula. Kaya galingan mo Kuya…!" at malakas na hinampas ng Prinsesa ang likod niya, "Nandito lang ako para patuloy na suportahan ka!"
"Maraming salamat, Celestine! Gagawin ko ang lahat para sa mga mamamayan natin kagaya nina Itay at Inay! Nangako tayo sa kanila di ba?" masigasig niyang sabi at nakangiting tumango sa kanya ang Prinsesa.
"Oo nga pala, may gusto ka bang pasalubong?" tanong niya.
"Hmmm... Wala naman...." nag-iisip na sagot ng Prinsesa.
"Pagkain...?" muli niyang tanong.
"Baka hindi ka pa nakakarating ay bulok na 'yon..." napangisi ang Prinsesa sa isang ideya na pumasok sa kanyang kokote, "Alak kaya?"
"Gusto mo bang kutusan kita?" nawala ang pagkakalma niya nang marinig iyon.
"Biro lang naman..." paliwanag niya sa kanya, at muli silang natahimik para mag-isip.
"Libro..." biglang tugon ng Prinsesa, "Gusto ko ng libro…"
Nakangiti siyang tumango sa simpleng hiling ng kapatid.
"Ayoko ng nakakarimarim na romansa ha!" striktong bilin ng Prinsesa.
"Tingnan natin…," sabi niya na halatang may kalokohang itinatago.
'Sige! Subukan mo! Kakalimutan kong magkapatid tayo!' banta ng Prinsesa sa kanyang isipan.
"Celestine," nag-aalala siyang tiningnan ng Kuya niya, "Kapag may naging problema sulatan mo ako kaagad at ipadala mo kay *Kiyo para mabilis na makarating sa akin,"
Tahimik na tumango si Prinsesa Celestine.
"Umayos ka… Seryoso ako!"
Tumango lang ulit ang Prinsesa.
"Tapatin mo rin ako kapag may nangyayari sa'yong masama."
Tumango lang ulit siya.
"Hindi mo na naman ako sineseryoso!" naiiritang sabi ng Prinsipe.
"Sineseryoso kita..." tapat na tugon ng Prinsesa, "Ayos lang talaga ang kalagayan ko tuwing maiiwan ako sa kaharian. Inaalagaan ako nina Tito at Tita nang maayos, medyo strikto nga lang sila minsan kasi alam mo naman na may pagkapasaway itong kapatid mo. Gayon din ang iba, maayos naman ang pakikitungo nilang lahat sa akin."
"Sabi mo 'yan... Pero-" agad na pinutol ng Prinsesa ang sasabihin ng kapatid.
"Hindi na ako makapaghintay..." nakatingin sa malayo niyang sabi.
Napadungaw rin ang Prinsipe sa labas ng kalesa, at bumungad sa kanila ang magandang tanawain ng dalampasigan. Mukhang malapit na sila sa may daungan.
"Ilang buwan na lang ay labing-walong taon ka na... Ano kayang itsura mo kapag naging hari ka na? Sino kayang pipiliin mong maging Reyna? Ano kayang itsura ng mga magiging anak mo? Pati na rin ang magiging mga apo mo?" sabi ng Prinsesa sa boses ng isang matandang lola.
'Tumigil ka nga!' komento ng Prinsipe sa kanyang isipan na nahihiya sa pinagagagawa ng kapatid.
Bigla muling natahimik ang dalawang nakasilip sa labas na para bang may dumaang anghel.
"Hindi ako pupunta ng digmaan," bitaw ng Prinsipe, at dahan-dahan napalingon sa kanya ang Prinsesa.
"Ha!?" gulat niyang reaksyon.
"Kasi walang digmaang magaganap..." seryosong sabi ng Kuya niya.
"Anong ibig mong sabihin walang digmaang magaganap!?" taas-kilay na tanong ng Prinsesa.
"Sa totoo lang ilang buwan na walang nagaganap na pag-atake sa magkabilang panig. Umaalis lang ako kasi may isinasagawa kaming mga kasalukuyang pinuno ng isang pagpupulong. Matagal na naming pinaguusapan ang pagtatatag ng isang bagong alyansa na magdadala ng kapayapaan sa buong Komors," paliwanag ng Prinsipe.
"Saglit lang, alam ba ni Tito ang tungkol dito?" tanong ng Prinsesa.
Umiling ang Prinsipe, "Inilihim ko muna ito kay Ninong kasi alam mo namang malalim ang natamong sugat niya mula sa mga nakaraang digmaan, at nakakasigurado ako na hindi siya papayag na mangyari ito."
"Kung buong Komors ang tinutukoy mo… Ibig sabihin kasama rito ang Rubiro...?" nagbalot ng muhi ang ekspresyon ng Prinsesa.
Tahimik na tumango sa kanya ang Prinsipe.
"Kung ganoon ay hindi rin ako pumapayag. Kuya, tandaan mo sila ang pumatay sa mga magulang natin!?" mapait na paalala ng Prinsesa.
"Huwag mong lahatin!" kontra ng kapatid sa kanya.
"Pero..." umiwas ng tingin ang Prinsesa.
"Makinig ka Celestine, kung ipagpapatuloy lang natin pairalin ang galit at pagkamuhi ay walang mangyayaring pagbabago. Magpapatuloy lang ang kaguluhan kaya masmabuti na itigil na lang natin. Pagkatapos ng alyansa ay magiging mapayapa na ang lahat at matitigil na rin ang pinsalang idinudulot nito. Baka rin dahil sa alyansang ito ay maibalik natin ang koneksyon nating mga tao sa labas ng Komors."
Natahimik ang Prinsesa, 'Mukhang tama naman si Kuya... Maganda ang magiging dulot ng alyansa...'
"Pasensya Kuya, kung hindi ko muna inunawa ng mabuti ang sitwasyon," wika ng Prinsesa.
"Ang mahalaga ay nakinig ka, Celestine," sabi ng Prinsipe at biglang tumigil ang kalesa, "Mukhang nandirito na tayo."
Inalalayan ni Señor Genaro ang pagbaba sa kalesa ng dalawang Klariz. Sabay silang sinalubong ng malakas na simoy ng hangin galing sa dagat. Ginulo at pinagsabit-sabit nito ang mahaba at makapal na kulay dagat na buhok ng Prinsesa, samantalang ang kulay langit na buhok ng Kuya niya ay dahan-dahan lang ginagalaw ng hangin.
Sinabayan rin ng maingay na tunog ng hangin ang paghampas ng alon at ingay ng mga tagak.
Nilapitan ng Prinsipe ang isang tainga ng kapatid upang mag-iwan ng isang habilin, "Napagkasunduan namin na sa ika-limampung araw ng tag-sibol lagdaan ang alyansa, at bilang puso ng Komors dito namin napagpasyahan ganapin ang pagdiriwang."
Ikinatuwa at sabik ng Prinsesa ang narinig, at agad na inilarawan ng isipan niya ang maraming masasarap na pagkain.
"Kaso sa ika-apatnapu't pito pa ako makakabalik kasi may kailangan pa akong gawin kaya iiwan ko sa'yo ang pagiintindi sa pagdiriwang na gaganapin," nakangiting pahabol ng Kuya niya.
Nanlaki ang mga mata ng Prinsesa tila hindi siya makapaniwala sa responsibilidad na inilaan para sa kanya.
"Gagalingan ko, Kuya!" niyakap niya nang mahigpit ang kapatid, "Mag-iingat ka."
"Ikaw rin, Celestine, mag-iingat ka."
Binubuo ng limang kaharian ang rehiyon ng Komors; ang Darillo, ang pangalawang pinakamalaking kaharian sa Komors na matatagpuan sa may Hilaga na pinaninirahan ng mga taong may kakayanang magmanipula ng kuryente; ang Magris sa may Silangan na teritoryo ng mga taong may kakayanang magmanipula ng hangin; ang Luntim, na katabi at kahati sa Timog bahagi ng teritoryo ng Magris na kaharian ng mga taong marunong magmanipula ng lupa; sa Kanluran naman matatagpuan ang may pinakamalaking sakop na teritoryo, ang Rubiro na lugar ng mga taong may kakayanang magmanipula ng apoy; at ang panghuli sa lahat, ang nasa gitna at ang pinakamaliit, ang Arzula.
Ito ang kasaysayang alam ng lahat, noong una ay isang maliit na lugar lang ang Komors na binubuo lang ng limang nayon. Napakababa ng tingin sa mga tao noon at nagbago ang lahat dahil sa isang kabayanihang ipinakita ng lahi nila na siyang biniyayaan pabalik ni Inang Fantasia.
Kaso sa paglipas ng panahon ay mukhang hindi nawawala ang kasakiman sa puso ng kahit na sino. Nang dahil sa tikim ng kapangyarihan ay naging hindi mapayapang lugar ang Komors, lahi ng mga tao laban sa sarili nilang mga kapwa. Nauhaw sila sa kapangyarihan, kayamanan, at teritoryo.
Sobrang nadismaya ang iba mga lahi dahil sa ginawa ng mga tao at bumaba muli ang tingin nila sa kanila. Tila pakitang tao lang ang ginawa nilang kabayanihan. Ginamit nila sa kasamaan ang kapangyarihang ipinagkaloob ng Inang Fantasia. Nang dahil doon ay nagsimula ang kaguluhan na inabot ng libo-libong taon na malapit ng matuldukan.
°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°°~°~°~°~°~°